Marahang gumalaw ang katawan ni LV sa kanyang pagkakahiga at ilang mga sandali pa ay bumangon na siya sa inuukopa niyang kama. Walang imik na humakbang siya patungo ng kusina at kumuha ng baso doon na nakahanda na rin kasama ng binayaran niya sa gagawin niyang pagtira sa lugar na iyon. Namumungay pa rin ang kanyang mga matang halatang antok na antok na habang kumukuha ng malamig na tubig sa water dispenser. Maingay niya iyong nilagok at pagkatapos na ubusin ay marahan niya na iyong inilapag sa lababo. Malalim ang kanyang buntong-hininga na wala sa sariling inayos ng kanyang kaliwang kamay ang magulo niyang hibla ng buhok nang dahil sa kanyang paghiga. Busog pa siya, kumain siya sa eroplano kanina habang lulan noon. Ilang beses niyang sinipat ang cellphone na tinanggalan niya ng simcard, hindi pa siya nakakabili ng simcard sa bansang iyon. Wala sa sarili niyang nag-connect siya sa ready na free wifi ng building na iyon. Sunod-sunod na tumunog iyon bilang pagpasok ng mga notification sa kanyang social media account sa app na nakabukas sa kanyang cellphone at ni minsan ay hindi niya ini-log out. Bagay na hindi niya na inabala pang silipin at tingnan dahil hindi niya man tingnan ay alam niya na kung bakit at ang rason ng bumabaha sa kanyang mga notification ngayon doon. Iyon ay nang dahil sa scandal na alam niyang kalat na kalat na sa social media account. Naisip niya agad na paano pa kaya kay Chanel na may malaking bilang ng mga fans at followers sa social media account niya?
Hindi niya lubos maisip ang mararamdaman sa mga sandaling iyon ng dalagang ito. Sigurado siya ng isangdaang porsyento na magkakaroon iyon ng matinding dulot sa pagkatao niya.
“Siguradong magkaka-trauma siya sa mga sasabihin ng iba sa kanya dahil babae siya,” halos pabulong niyang wika sa kanyang sarili na sinundan niya nang malalim na muling buntong-hininga. Ilang sandali pa ay marahan na siyang humakbang palabas ng kusina, lumiko siya sa bandang kaliwa kung saan ay naroon ang pintuan patungo sa balcony ng unit. Marahang binuksan niya ang glass door doon, nagpalinga-linga muna siya bago tuluyang lumabas. Saglit na sinulyapan niya ang katabing balcony ng kanyang unit, umaasang makikita ang babae nasa tabi ngunit wala siyang nakita doon kahit na ang malabong anino ni Chanel. “Maybe she is resting now at this moment or maybe...she remained sobbing now...”
Lumapit pa siya sa may railings ng balcony, inihawak niya na ang dalawang kamay doon at bahagya siyang tumingala sa maaliwalas na langit na sa mga sandaling iyon ay nandilim na. Isang kulimlim na nakikita niya ngayon sa mga mata at ngiti ng babaeng labis na minamahal. Kulimlim na nais niyang mabura sa magandang mukha nito at palitan na ng sinag ng araw.
“Sana sa lugar na ito ay maging mabilis ang paggaling ng kanyang pusong nasugatan, ng damdamin niyang nabasag ng mapaglarong kapalaran. Sana ang lugar na ito ay maging lugar kung saan muli kong makikita ang kanyang naglahong mga ngiti, at muli kong marinig ang tunog ng mga halakhak niyang masaya. Sana sa lugar na ito ay matagpuan niya ang kapayapaan ng kanyang puso na hindi niya makita sa lugar na kanyang iniwan. At sana ang lugar na ito ay ang lugar kung saan muli kaming magsisimulang bumangon na dalawa sa kahihiyan na aming tinamo sa maling desisyon na aming ginawa.” hiling pa ni LV sa haplos ng hangin na bahagya pang tumingin sa ibaba ng kanyang unit kung saan ay naroon ang asul na pool na may mangilan-ngilang naglalangoy, alam niya sa sarili niya na mas higit siyang nasasaktan ng mga sandaling iyon. Dangan lang at ayaw niyang maging pariwara ang buhay ni Chanel sa lalaking iyon, ayaw niyang itali ng aktres ang kanyang sarili sa lalaking hindi na siya mahal, at lalong hindi kaya ni LV na makita ang babaeng mas lalo pang nasasaktan sa piling ng lalaking tinanggal na ang pagpapahalaga at pagmamahal sa kanya ng oras na iyon. “Sana ay mas maging matatag pa siya dahil simula sa araw na ito ay hindi ko na siya iiwan pa. Palagi lang akong nasa likod niya at handang maging anino niya kahit sa habangbuhay.”
Sa muli niyang pagtingala sa langit ay hindi niya maiwasang muling alalahanin ang pagtingin niyang unti-unting umuusbong para kay Chanel. At kahit na nagkabalikan sila ng kanyang kasintahan noon ay hindi niya na magawa pang ibalik ang dating pagmamahal dito sa halip ay lihim na nabaling na iyon kay Chanel na lalo pang naging abala sa kanyang tumatayog pang karera. Mula sa malayo ay palagi niya itong nakikita, minsan pa ay nasa tabi na niya ito ngunit hindi siya nito magawang pansinin nang dahil sa abala ito lagi sa kanyang cellphone.
“Oh, long time no see Vans!” ngiti nito sa kanya isang araw na tinapik pa ang kanyang isang balikat nang marahan, kakagaling lang ni LV ng araw na iyon sa isa nilang photoshoot at saglit na dumaan siya sa studio. Nagbabakasali na makikita niya ito sandali. “Kumusta?”
Awtomatikong malawak na ngumiti siya sa dalaga nang tuluyang mag-angat na ito ng tingin sa kanya mula sa kanyang hawak na cellphone. Lalo pang lumawak iyon nang ngumiti ito sa kanya nang matamis, mga ngiting matagal-tagal niya na ‘ring hindi nasisilayan sa personal.
“Ayos lang naman, kakagaling ko lang sa photoshoot namin.” tugon ni LV na tinatambol na ang tunog ng kanyang puso na nasa loob ng kanyang dibdib. “Ikaw ba?” muli niyang ngiti.
“Ito, kakatapos lang din ng taping ko at may dinaanan lang ako saglit dito sa studio.” anitong naburo pa sa kanyang mukha ang kulay asul na mga mata ng aktres sa kanya.
“Palabas ka na?” tanong ni LV na inayos ang sakbat sa balikat ng kanyang backpack.
“Oo, ikaw?” tango ni Chanel na ibinaling muli ang mata sa cellphone na hawak niya.
“Lalabas na rin, ilang araw kaming walang matinong tulog.” tugon niya kay Chanel pagkatapos ay inilinga ang mga mata sa mga kasamahan niya upang magpaalam na.
Kaagad naman siyang tinanguan ng mga kasamahan na may makahulugang mga ngiti.
“Oo nga raw, saan ba ang setting niyo?” tanong ni Chanel na nagsimula nang mabagal na humakbang, sinabayan na siya ni LV. “Nakakamiss na nga rin na sumama sa photoshoots.”
“Beach. Next week ay may schedule ulit kami at kasali ka yata, tinanggihan mo ba?” sabay pa ni LV sa kanyang munting mga hakbang sa hallway ng studio, naging normal na ang tanawing iyon sa loob ne estasyon at hindi na iyon binibigyan ng malisya ng makakakita.
“Oo,” tugon ni Chanel na may itinipa sa kanyang cellphone na hawak, maliit pa itong nangingiti doon. Nais na sana ni LV makisilip sa binabasa nitong text. “May taping ako.”
Kaagad na nakaramdam ng panghihinayang dito si LV dahil ang photoshoot na iyon ay by partner para sa nalalapit na summer edition, at since isa siya sa in demand na model ng agency ay sigurado siyang sa kanya ipapareha ang sikat na artistang si Chanel kung sasama lang siya kagaya ng mga nakaraang photoshoots nila. Ang buong akala niya ay sasama na ito ngayon na matagal ng abala ngunit mayroon pa pala itong gagawin sa mga araw na iyon.
“Maybe next time, Vans.” lingon ni Chanel sa kanya nang mapansin nitong natahimik siya, “Patapos na rin ang taping namin next month, mas makakaluwag na ako sa aking oras.”
“Ah, sige, ayos lang.” marahan niyang haplos sa kanyang batok na pilit ang mga ngiti, “Iba na talaga kapag sikat na sikat ka na, kakaunti na lang ang panahon sa mga ganitong bagay.”
Pagak iyong ikinatawa ni Chanel na bahagyang tumango-tango pa sa kanya bilang pagsang-ayon sa mga sinabi ni LV. Nais niya sanang sabihin sa dalaga na sumali na siya doon ngunit wala naman siyang karapatan na utusan ito. At lalong hindi niya dapat na obligahin pa ito.
“Oo nga, hindi bale next next month ay magpapabakante na muna ako para magpahinga.”
“Talaga?” hindi makapaniwalang tanong ni Vans, palabas na silang dalawa sa parking lot ng estasyong iyon, hindi na maitago ang saya sa tinig ni Vans nang sabihin na iyon ni Chanel.
“Oo at saka—” hindi na nagawa pa ni Chanel na ituloy ang kanyang sasabihin sa kasama nang ora-oradang pumarada sa harapan nila ang isang kulay puting Bugatti, pangyayaring mabilis na ikinakunot na ng noo ni LV. At halos mapanganga pa siya nang lumabas mula doon ang isang bulto ng isang lalaking businessman na pamilyar sa kanya, minsan niya na itong nakita. Malawak ang ngiti noon na kagaya ng ngiti ni Chanel dito. “Giordano?” tanong ni Chanel dito na bahagyang natatawa at nae-excite ang tinig na makita ang lalaki na iyon.
“Hi, Hon!” malawak ang ngiting taas nito ng kanyang isang kamay sabay hubad ng sunglass na suot, hindi pa rin napapawi ang mga ngiti na sumulyap pa kay LV na natitigilan pa rin.
Walang anu-ano ay walang pakundangan na itinapon ni Chanel ang sarili sa lalaking iyon. Bagay na tuluyang nagpahulog pa ng magkabilang panga ni LV. Hindi niya inaasahan ang bagay na iyon na mangyayari sa araw na iyon. At alam niya na may namamagitan na sa kanila kahit pa hindi iyon isatinig ng masayang-masaya na si Chanel nanamumula pa dito. Katotohanan na patuloy na pumipiga sa kanyang puso na umaasa nang kaunti sa aktres.
“Hon!” irit ni Chanel na mabilis na humalik sa labi ng lalaking iyon sa harapan mismo ni LV, “I thought bukas ka pa pupunta dito sa mainland? Bakit napaaga yata ngayong buwan?”
“Na-miss na kita eh,” anitong hinapit na siya sa beywang palapit sa kanyang katawan.
Matamang sinundan ni LV ang kamay ng lalaking iyon suot ang kanyang hilaw na mga ngiti ng mga sandaling iyon. Hindi niya alam na mayroon na palang kasintahan ngayon si Chanel despite of her busy schedules. At hindi niya gusto ang pakiramdam habang tinitingnan niya pa ang parehong kislap ng kanilang mga mata. Naiinggit siya, nagagalit at nasasaktan siya. Wala man siyang karapatan na maramdaman iyon, pero iyon ang tunay at totoo na sigaw ngayon ng kanyang pusong animo ay nabagsakan ng malaking martilyo. Nababasag pa ito na naging dahilan upang maging estatwa siya sa harapan ng magkasintahan na sa mga sandaling iyon ay mayroon ng sariling mundo. Naisin man niyang tumalikod na sa kanila ay hindi niya pa rin iyon magawa na para bang ang kanyang mga paa ay nakapako na doon.
“Really?” tanong ni Chanel na bahagya pang isinandal ang katawan sa bulto ni Giordano na nakatayo pa rin doon, “Mabuti naman at ikaw na ang pumunta I thought ako na naman eh.” pagak iyong ikinahalakhak ni Giordano, “Siya nga pala Hon, si Vans co-model ko sa agency ko.” agad na lingon na ni Chanel kay LV na kaagad naman hinawakan ni Giordano ang isang palad, bagay na nagdulot pa nang labis na sakit sa pakiramdam ni LV. “Vans, meet Giordano Matthew Andrade, ang first boyfriend ko. Siya iyong owner ng famous na AVIAB Resort.”
Napipilitang lumapit sa banda nila si LV na nakakaramdam ng mga sandali iyon ng selos. Hindi niya maintindihan ang sarili kung bakit nasasaktan sa kamay nilang magkahawak. Kahit pilit niyang ipinapasok sa kanyang isipan na wala naman siyang karapatan doon, wala siyang katiting na karapatan na makaramdam ng selos at galit sa relasyon nila sa ngayon. Ilang ulit din pumasok sa kanyang isipan ang sinabi nitong first boyfriend niya ito, nais niya sanang sabihin sa dalaga na ganunpaman ay siya naman ang first nakakita ng katawan niya. Mabuti na lamang at napigilan niya ang kanyang sarili, malamang ay aani iyon ng gulo dito.
“Oh, nice to meet you.” lahad ni LV ng kamay kay Giordano na mataman lang tiningnan ng lalaking sinasabi ni Chanel na kanyang kasintahan, ilang minuto pa ang halos na lumipas.
“Hon, nakikipag-shake hand siya.” lingon na dito ni Chanel na halatang ayaw iyong gawin, at hindi iyon maintindihan ni LV ng mga sandaling iyon. “Sorry Vans, medyo alcohol—”
“Nice to meet you too,” malamig pa sa yelong tugon ni Giordano at mabilis ‘ding bumitaw ng hawak sa kanyang kamay, halos wala pang isang segundo iyon na nakadikit sa kanyang palad. Hindi niya alam kung nandidiri ito o hindi lamang ito sanay na makipag-shake hands. “Hon? Let’s go?” lingon na nito na malawak na ikinangiti ni Chanel at marahang ikinatango.
“Bye, Vans, see you around!” lingon nito sa kanya na kaagad na umikot sa passenger seat.
Hinintay ni LV na umalis ang sasakyan nito bago siya marahas na napabuga na ng hininga. Hindi niya maunawaan kung saan nanggagaling ang galit na nasa dibdib niya ngayon pa lang. Sa tingin naman niya ay okay si Giordano, nakikita niya namang mahal nito si Chanel. And hindi niya maintindihan ay kung bakit nakakaramdam siya nito sa mga oras na iyon. Gayong mayroon din siyang kasintahan na naghihintay sa kanyang mga tawag gabi-gabi.
“She looks happy now at iyon ang importante.” bulong niya sa kanyang sarili at umikot na upang lumulan na rin sa kanyang sasakyan na nasa hindi kalayuan ng kinatatayuan niya.
Magmula ng araw na iyon ay dumistansiya na si LV sa kanya, at kahit pa ng mga sumunod na buwan ay nakasama na ito sa mga photoshoots nila ay nanatiling nakadistansiya siya. Ayaw niyang magkaroon ng isyu at ayaw niyang lalo pang ma-attached pa sa aktres ngayon. Sinarili niya na lamang ang kanyang nararamdaman, ibinaling niya sa kasintahan niya ang kanyang oras. Bagay na kahit siya ang kanyang kasama ay si Chanel pa rin ang nasa isipan. At habang tumatagal ay doon niya napapagtanto na lumalalim pa ang kanyang lihim na pagtingin sa aktres. Hindi man niya iyon diligan ay patuloy pa rin itong umuusbong doon. Kagaya ng isang damo, kagaya ng lutos flower na kahit patayin ay tumutubo pa rin ito.
“Ayos ka lang ba?” tanong ni Addie sa kanya habang nasa movie theater sila, pinapanood ang bagong labas na pelikula ni Chanel. Fan ng dalaga ang kanyang kasintahan mula noon. Hindi na iyon ipinagtaka pa ni LV, na ang halos kalahati ng mga fans ni Chanel ay mga babae.
“Oo, nababanyo lang ako.” tugon niya na maliit na nginitian na ang kasama niya.
“Magbanyo ka na, huwag mong pigilan at baka magkasakit ka naman nang dahil diyan.”
Tumango si LV at tumayo na, nakayuko siyang humakbang pababa at palabas ng sinehan. Sa halip na magtungo siya ng banyo ay tumayo lang siya sa gilid at humugot nang malalim na mga buntong-hininga. Kissing scene na iyon ng palabas ni Chanel, at hindi niya matagalan. Magmula ng matikman niya ang malambot nitong labi ay hindi na siya sanay na makita ang dalaga na makipaghalikan sa iba, kahit pa sabihin na trabaho lamang ang bagay na iyon. Kung siya ang kasintahan nito, malamang ay binawalan na niya ito ng kissing scene nila. At kahit alam niyang pag-aawayan nila iyon, ipipilit niya pa rin na ayaw niya ng bagay na iyon.
“Alam mo kung kailan ang fan meeting ni Chanel?” tanong ng kanyang kasintahan, tapos na ang pinapanood nila at palabas na sila doon. Naka-angkla ang isang kamay nito sa kanyang isang braso, “Gusto kong magpakuha ulit ng picture sa kanya at saka sa autograph na rin.”
Nilingon niya ang nobya, hindi na mabilang kung ilang beses nang nakita ni Addie si Chanel. At hindi na rin niya mabilang ang pictures nila at mga autograph na nakolekta na rin nito.
“Busy siya, nakita mong may movie malamang magkakaroon sila ng mga mall tours.” tugon niya ditong bahagyang naiirita, “Hindi ka pa ba nagsasawa sa mukha ni Chanel? Puno na ng mga mukha niya ang loob ng kwarto mo. Creep ka na naman, Addie.” tawa niya pa ditong inakbayan na ang kasintahan na panay irap na naman sa kanya, “Sasabihan ko na siya.” talunang sambit ni LV sa matalim na paninitig ng kanyang nobya, sa gawi niyang iyon ay nakikinita na niya dito ang mga mata ni Chanel noon na nakatitig sa kanya, “Tigilan mo na akong tingnan ng ganyan, nakakatakot iyang mga mata mo at labis na nakakailang na rin.”
Nasabi niya iyon dahil ang mga mata ng kasintahan ay kakulay ng mata ni Chanel na asul. Bagama’t kulay itim ang buhok ni Addie, may lahi rin itong banyaga na gaya nila ni Chanel.