"Ate, bili na po kayo ng gulay at isda, sariwa po 'yan at mura lang po." ani ni Althea sa mga nagdadaan sa tabi ng kaniyang pwesto sa gilid lamang ng kalsada.
Sikat na sikat ang araw, maalinsangan ang buong paligid at tagaktak na ang pawis ni Althea. Ngunit hindi pa rin maitatago nito ang angking kagandahan ng dalaga. Ang kagandahang kinababaliwan ng mga kalalakihan na nakikilala niya sa araw-araw niyang pagtitinda. Pero hindi sila makaporma kay Althea dahil laging nandiyan si Dominic.
"Althea, sabi ko naman sa iyo hindi mo kailangang maghirap sa pagtitinda ng mga 'yan kung sasagutin mo ako. Bibigyan kita ng magandang buhay tanggapin mo lang ako. Ako ang itinadhana sa iyo kaya bigyan mo naman ako ng pagkakataon na patunayan ko ang sarili ko sayo." ani sa kanya ni Dominic, ang isa sa masugid niyang manliligaw. Si Dominic ay nakilala nila nuon, at simula nuon ay palagi na siyang nakabantay kila Althea. Naging masugid itong manliligaw ng dalaga kahit paulit-ulit itong binabasted ng dalaga.
Hindi naman suplada si Althea, mabait nga ito at pala-kaibigan, hindi lang talaga niya mahal si Dominic. May dalawa siyang tapat na kaibigan na sina Olive at Amy. Katulad niya ay kasama niyang nagtitinda ng mga ito ng gulay at isda sa gilid ng kalsada. Hindi nila kayang magbayad ng pwesto sa palengke. Kaya kapag walang mga pulis na nakakalat sa paligid ay nagtitinda sila ng mga kaibigan niya sa lugar na ito. Kung saan marami ang dumadaang mga tao at mga sasakyan.
"Hoy Dominic! Tigilan mo nga si Althea sa kalandian mo!" nakabusangot na ani ni Olive sa kanya, kaya napapakamot na lamang ito ng kaniyang ulo.
"Nakikialam ka na naman." ani ni Dominic. Inirapan lamang siya ni Olive at ipinagpatuloy na ang pagtitinda.
May sakit ang ama ni Althea kaya hindi pa ito nakakabalik ng trabaho.
Construction worker ang ama niya, at dahil sa isang aksidente na ang ama niya ang may pagkakamali ay nahulog ito mula sa ikalawang palapag. Ang pagkakahulog na ikinaparalisado ng kalahati ng katawan nito. Kaya ngayon ay tanging si Althea at ang kaniyang ina ang naghahanap-buhay upang matustusan nila ang pang araw-araw nilang mga gastusin. Idagdag pa ang mga kapatid niya na nag-aaral pa lamang ng high school na si Tina at Anthony.
"Buti ka pa bestie malapit ka ng makaubos ng paninda mo. Iba talaga ang nagagawa ng may magandang feslak noh!" maarteng ani sa kanya ni Amy na ikinatawa naman ni Olive.
"Aysus! Nainggit ka na naman!" pang-iinis ni Olive at nginusuan lamang siya ni Amy. Ganito sila palagi, laging nag-aasaran pero madalas ay nagtutulungan. Kapag naubos na ni Althea ang mga paninda niya ay kinukuha niya ang ibang paninda ng mga kaibigan niya. Siya ang nagbebenta ng mga ito, at dahil nga marami siyang manliligaw ay madaling nauubos ang mga panindang ibinebenta niya.
Althea's POV
"Kapag nakaubos na tayo ng paninda ay pumunta tayo ng bayan. Bumili tayo ng manok para naman makakain ulit tayo ng masarap na adobo. Sawang-sawa na ako sa kakaulam ng gulay at isda, bukas may buntot na ako at tatawagin na akong dyesebel." ani ni Olive na ikinatawa namin ng malakas.
Ganito kami palagi. Palaging masaya sa tuwing maaga kaming nakakaubos ng paninda. Uuwi kami at ibibigay sa mga magulang namin ang mga kinita namin. Pero ngayon ay pupunta kami ng bayan upang bumili ng manok para naman makatikim ulit ang pamilya namin ng karne.
"Iuwi muna natin itong mga gamit natin bago tayo pumunta ng bayan para hindi na natin bitbitin pa. Malayong-layo din ang lalakarin natin at mahihirapan tayo kung bitbit pa natin ang mga ito." ani ni Amy.
Pumayag naman kami ni Olive dahil tama naman siya. Habang naglalakad kami ay may napansin sila na nagtitinda sa bangketa sa kabilang kalsada na mga pang ipit ng buhok at mga ribbon.
"Mga bruha, tignan n'yo 'yung tinda sa kabilang kalsada. Tara tignan natin siguradong babagay sa atin ang mga pang-ipit ng buhok na 'yon!" tuwang-tuwa na ani ni Olive kaya hinila niya agad ako at bigla kaming tumawid ng kalsada ng hindi kami tumingin sa paligid. Isang malakas na busina ang gumulat sa amin kaya napasalampak ako sa gitna ng kalsada habang si Olive naman ay mabilis na bumalik sa gilid ng kalsada. Sa sobrang takot ko, naitakip ko ang dalawang kamay ko sa ulo ko habang nakasalampak ako sa sahig at nakayukyok ang mukha ko sa aking mga tuhod. Ito na siguro ang katapusan ko kaya paalam mga mahal ko sa buhay.
"What the hell! Are you dumb?" galit na asik ng isang lalake ngunit hindi ko pa rin itinataas ang aking ulo dahil umiiyak na ako. Sobrang takot ang nararamdaman ko sa mga oras na ito dahil inakala kong katapusan na ng buhay ko.
"I am talking to you, stupid woman!" galit na sigaw sa akin ngunit hindi pa rin ako kumikilos.
"Bestie tara na, galit na galit na si kuya pogi." ani ni Olive habang itinatayo niya ako.
Natatakot akong tignan ang lalaki, baka kasi saktan niya ako dahil sa katangahan ko. Hindi pa rin ako nag-aangat ng ulo at naglakad lamang ako pabalik sa gilid ng kalsada habang inaalalayan na ako ni Olive at Amy.
"Next time sisiguraduhin kong masasagasaan na kita! Bwisit!" sigaw niyang muli.
Humingi ng sorry ang mga kaibigan ko ngunit hindi pa rin nila mapakalma ang lalaki kaya nag angat ako ng aking ulo at sinigawan ko talaga siya ng bonggang-bongga.
"Ang yabang-yabang mo bwisit ka! Akala mo sa iyo ang kalsada, akala mo pag-aari mo ang Pilipinas sa inaasta mo! Ang sama ng ugali mo! Sana madapa ka una ang nguso mo at mabasag ang lahat ng ngipin mo! Sana sumadsad 'yang ilong mo sa magaspang na kalsada at matapyas para makarma ka! Ang pangit-pangit mo!" sigaw ko dito at nagtatakbo na ako palayo sa kanila habang hindi pa rin ako tumitigil sa pag-iyak.
Hindi ko alam kung saan ako kumuha ng tapang, ngunit nasabi ko lang naman 'yon dahil ang sama-sama ng ugali niya.
"Bestie hintayin mo kami!" sigaw ni Olive kaya nagdahan-dahan na ako sa pagtakbo. Nilingon ko sila at nakita ko pa rin ang lalaki na nakatayo sa gitna ng kalsada na nakatingin sa akin, habang maraming lalaki ang tila nakabantay sa kaniya ang nagsimula ng lumakad dahil may sinabi sa kanila ang lalaking pangit ang ugali.
Tumakbo akong muli ng makita kong papabilis na ang lakad nila at pumasok ako sa isang eskinita na kasunod ko lamang ang mga kaibigan ko. Pagkatapos ay nagtago ako sa loob ng isang tindahan kasunod pa rin ang mga kaibigan ko.
"Bakit ba tayo nagtatago dito ha?" nagtatakang ani ni Amy.
"Kasi sa tingin ko mapapatay ako ng lalaking sinigawan ko, ang dami pa niyang kasamang mga tauhan na sa tingin ko ay hahabulin tayo. Baka ipapatay na lang niya ako dahil sa ginawa ko kanina." ani ko at maging ang mga kaibigan ko ay nakaramdam din ng takot kaya nanatili kami sa sulok hanggang sa inabot na yata kami ng apat na oras sa pagtatago.
Hindi nagtagal ay lumabas na din kami at sumakay na kami ng tricycle pauwi sa lugar namin, medyo malayo-layo pa din kasi ang lugar namin kaya sumakay na kami dahil gagabihin kami kapag naglakad kami at saka natatakot din ako duon sa lalaking 'yon.
Hindi na rin namin nagawang pumunta ng bayan upang bumili ng karne, umuwi na kang kami at hindi nagpunta pa sa kung saan.
"Thea, bakit ngayon ka lang anak? Matumal ba ang pagbebenta kaya hinapon na kayo ng mga kaibigan ninyo ha?" ani ni mama.
"Pasensya na po mama, medyo may nangyari lang po kanina kaya hindi po agad kami nakauwi. Naubos naman po ang lahat ng paninda kaya may pamuhunan po ulit para bukas." ani ko. Hindi ko na naikwento pa ang lahat dahil ayokong mag-alala pa si mama at papa. Ang mahalaga naman ay nakauwi ako ng maayos.
"Ate, nasaan 'yung pangako mong tsinelas ko? ani ni Tina.
"Bukas na lang ha, promise ni ate, bukas hindi ko na kalilimutan." ani ko na ikinangiti naman ng aking kapatid at tumango lamang sa akin.
Nagtungo ako ng kusina upang magluto ng aming pang hapunan, nagsaing muna ako at pagkatapos ay nilinisan ko ang isda at ipipirito ko na lamang ito. Napaupo ako sa silya na nakatapat sa lamesa at naalala ko ang lalaking galit na galit kanina sa akin na kulang na lang ay patayin ako. Hindi ko maalala ang hitsura niya, hindi ko nga naaninag ang mukha niya dahil sa nanlalabo kong mga mata kanina dahil sa sobrang pag-iyak pero hinding-hindi ko makakalimutan ang boses niya. Ang magandang boses niya na galit na galit sa akin.
"Thea nandito si Olive." ani ni mama kaya nagmamadali akong nagpunta sa salas at napangiti ako ng may iniabot ito sa akin na kakanin.
"Luto ni nanay kanina, ipinabibigay sa inyo dahil paborito mo 'yan." ani niya kaya naman tuwang-tuwa ako na tinanggap ang ibinigay niya.
Pinag-usapan muli namin ni Olive ang tungkol sa nangyari kanina, hindi ko pa rin makalimutan ang boses ng lalaking 'yon. Napahawak tuloy ako sa kwintas ko na may pendant na kulay puti na may nakaukit na mukha ni Mama Mary. Bigay ito ni papa sa akin nuong kaarawan ko bago siya maaksidente, ang sabi niya ay pinabendisyunan niya ito at dinasalan upang lagi akong ililigtas nito sa kapahamakan at sa nangyari kanina at batid kong iniligtas ako ni Mama Mary kaya hindi ako nasagasaan.
"Mukhang maswerte nga talaga sa iyo ang kwintas na ineregalo sa iyo ng papa mo. Iingatan mo 'yan ha para lagi kang nagagabayan ni Mama Mary." ani ng aking kaibigan.
"Basta huwag mo na lang sasabihin kay mama kasi baka mag-alala lang sila tapos hindi na nila ako payagang magtinda kasama ninyo. Alam mo naman si mama, matatakutin talaga 'yan." ani ko naman, kaya nangako siya na hindi niya ipagsasabi kahit kanino ang nangyari kanina sa amin. Pero sino nga kaya ang lalaking 'yon, hindi ko kasi nakita ang mukha niya kanina dahil hilam sa luha ang mga mata ko kaya medyo nanlabo ang paningin ko pero ang boses niya, napakaganda ng boses niya.