Kabanata Una
Isang makulimlim at malungkot na araw, kasabay ng pagbuhos ng ulan ay ang pag-agos din ng mga luha ni Victoria. Dalawang araw pa lamang ang lumipas mula nang ilibing ang kanyang ama pero sobrang nagbago lalo ang lahat sa buhay niya mula nang i-anunsyo ng abogado ng kanyang ama na tanging siya lamang ang magmamana sa lahat ng ari-arian ng pamilya Argoza. Mula sa kumpanya, lupain, bahay, share ng stocks, pera at kung anu-ano pa. Kahit piso ay walang ipinama ang kanyang yumaong ama sa kanyang mga Tito at Tita na siyang kapatid nito. Nang dahil dito ay nagkakagulo na ang kanilang buong angkan. Pilit siyang pinapapirma ng mga kamag-anak sa mga papeles na wala naman siyang kaalam-alam. Sinasamantala ng mga ito na nagluluksa siya at halos wala siya sa sarili. Sobrang magulo ang isip niya. Pero kahit ano pang pilit nila sa kanya, wala ni isa siyang pinaniwalaan sa mga ito. Kahit mga pinsan niya na sobrang malalapit sa kanya.
Nakakatanggap din siya ng pagbabanta sa kanyang buhay. Ni hindi na nga niya magawang matulog nang mahimbing sa gabi dahil sa sakit na dulot ng pangungulila sa ama, idagdag pa ang kaguluhan at problemang dala ng kanyang mga namana. Alam naman niyang may dahilan ang ama kung bakit hindi ito nag-iwan ng kahit magkano sa iba. Igagalang niya iyon. Hindi siya magpapa-uto at magpapatakot sa mga kamag-anak. Ipaglalaban niya ang kanyang karapatan. Po-protektahan niya ang mga pinaghirapan ng kanyang ama. Hindi niya sasayangin ang mga ito. She may be young, but she’s not dumb and she will not let anyone fool her.
Umiiyak siya ngayon sa harap ng puntod ng ama, umuulan pero hindi niya iyon alintana. Hindi pa rin niya tanggap ang biglaang pagkawala nito. Malakas pa ito, pero bigla na lamang inatake sa puso sa hindi malamang dahilan. Nakakabigla, nakakapanghina. Nakakapanghinayang na hindi na nito makikita ang mga susunod na araw, buwan at taon ng buhay niya. Palagi na siya ngayong kulang. Her life will never be the same as before. Hindi kailan man niya naisip ni sa hinagap na ganito kaaga mawawala ang ama. Pangarap niyang makita pa siya nitong lumakad sa altar at maihatid sa lalaking mapapangasawa niya. Pangarap niyang mabigyan ito ng mga apo na papawi sa pagod niya sa buong araw. Pero huli na, hindi na mangyayari pa ang mga ito.
"Miss Victoria, kailangan na po nating umuwi. Baka magkasakit na po kayo," sabi ng isa sa dalawang bodyguards na kasama niya ngayon sa sementeryo.
"Limang minuto pa, Janno," paghingi niya pa ng palugit dito. Gusto pa niyang magpaalam. Ayaw pa niyang mawalay dito. Pero alam naman niyang kailangan na niyang umalis. Kailangan na niyang magpatuloy sa buhay.
"Okay po, Ma'am," sagot nito at muling bumalik sa pwesto. Nagpaalam na siya sa ama habang inaayos ang mga bulaklak na dala niya para rito. Matapos no’n ay nagtungo na siya sa kotse. Basang basa siya at ramdam na ramdam niya ang lamig na bumabalot sa katawan niya hanggang sa kanyang puso. Hindi lamang dahil sa ulan kundi dahil sa lungkot at pangungulila sa ama. Mag-isa na lamang siya ngayon, ulila, walang ibang kakampi kundi ang kanyang sarili. Napunta nga sa kanya ang lahat ng pamana, pero ang pinakagusto at kailangan niya ay wala naman sa kanya, ang kanyang ama.
Binabaybay nila ang daan pauwi nang bigla na lamang umalingawngaw ang putok ng b***l. Tumalsik ang dugo sa kanyang mukha at nakita niyang wala nang buhay ang isa sa mga kasama niyang bodyguards na nasa harap. Halos takasan siya ng ulirat sa nakita.
"Janno, si Precious!" sigaw niya. Nakaramdam ako ng pagkataranta. Agad namang iniliko ni Janno ang kotse. Malakas ang ulan at halos hindi mo makikita ang daan, ngunit naaaninag nila na may dalawang kotse ang sumusunod sa kanila na siyang may sala malamang sa pagbaril kay Precious. Iyak nang iyak si Victoria. May patay sa kotse niya at may sumusunod sa kanila. Nasa panganib ang buhay niya.
"Yumuko kayo, Ma'am. Paki-suot din po ang seatbelt," bilin ni Janno. Agad naman niyang sinunod ito. Iyak pa din siya nang iyak. Ipinagdarasal niya na sana ay isa na lamang itong masamang bangungot. Na sana ay magising na lamang siya para hindi ganito. Sana hindi na lang totoo ang lahat. Sana din ay buhay pa ang kanyang ama. Pagliko nila sa kanto ay muling may nagpaputok ng b***l. Lalong lumakas ang iyak niya. Nanglalamig na ang kamay niya, ramdam din niyang nagpapawis na ang mga palad sa sobrang nerbyos na nararamdaman.
"Daddy, kung oras ko na, salubungin mo na lang ako sa kabilang buhay," sigaw niya habang nakakapit sa seatbelt. Pinikit pa niya ang mga mata at nagdasal. Ipinasa-Diyos na lamang niya ang kanyang kapalaran.
"Hindi ko kayo hahayaang mamatay, Ma'am. Pangako ‘yan," seryosong sabi ni Janno sa kanya. Diniinan nito ang tapak sa gas. Mabilis nilang narating ang bahay. Pagkapasok na pagkapasok nila sa gate ay agad na pinagbabaril ng mga nasa kotse ang dalawang guard na nakaposte doon.
"Ma'am, takbo!" sigaw ni Janno. Agad naman siyang lumabas sa kotse at tumakbo sa loob ng bahay. Ilang beses siyang nadapa habang tumatakbo. Nanginginig siya sa takot.
"Manang! Tumawag ka ng pulis! Magtago kayo!" sigaw niya. Agad siyang umakyat sa taas at kumuha ng maleta at backpack. Nag-impake siya ng mga damit at ng mga importanteng gamit niya. Kahit malakas ang ulan ay dinig niya ang mga putok ng b***l mula sa baba. Nilabas niya ang cellphone at tinawagan ang abogado ng kanyang ama.
"Hello, Victoria," bungad nito. Pinilit niyang pakalmahin ang sarili. Huminga siya nang malalim bago sumagot.
"Kung may mangyaring masama po sa’kin, huwag po ninyong hahayaang mapunta sa kahit sinong Argoza ang mana ko," mabilis niyang bilin dito. Ibinaba niya agad ang tawag at in-off ang cellphone. Nagtago siya sa secret place sa kwarto niya. Iyak siya nang iyak habang yakap ang mga gamit niya hanggang sa nawalan na lamang siya ng malay.
Hindi alam ni Victoria kung ilang oras na ang lumipas. Nagising siyang tahimik na ang buong bahay. Nakakatakot at nakakabingi ang katahimikang bumabalot sa paligid. Kahit nakakaramdam ng takot ay lumabas siya mula sa secret underground ng kwarto niya na nababalutan ng makapal na floormat. Binitbit niya ang mga gamit at dahan-dahang lumabas ng kwarto. Ang g**o ng buong bahay. Sumilip siya sa labas ngunit nakita niya si Janno na nakahandusay sa sala. Agad niya itong nilapitan habang sinisilip ang buong paligid. Nakita naman niyang wala na ang mga lalaking humahabol kanina sa kanila.
"Janno?" pabulong na tawag nito. Dahan-dahang nagmulat ng mata ang kanyang bodyguard.
"Ma'am Victoria, kailangan na po ninyong tumakas. Hindi sila titigil. Babalik sila at hahanapin kayo. Iligtas po ninyo ang sarili ninyo," nanghihinang sabi nito. May tama ito sa dibdib at ang daming dugo na ang nawala sa kanya.
"Paano ka? Paano kayo dito?" tanong niya.
"Mas importante po ang buhay niyo," sagot nito at pilit siya nitong tinutulak ngunit wala na itong sapat na lakas.
Umiiyak siyang naglakad palabas sa emergency exit ng bahay nila sa likod. Umaambon pa din pero hindi niya iyon alintana. Hindi niya alam kung saan siya pupunta. Binalot niya ng balabal ang ulo at mukha niya para kahit paano ay maitago ang kanyang mukha. Pumara siya ng taxi at nagpahatid sa pinakamalapit na terminal ng bus. Wala siyang ideya kung saan ang destinasyon ng mga nababasa niya sa signboard ng mga bus pero sumakay siya kung saan pinakamaluwag at may pinaka-kaunting pasahero. Wala siyang kaplano-plano.
Tulala siya sa buong byahe. Tila hindi pa din siya makapaniwala sa mga nangyayari. Hindi pa ba sapat na nawalan na siya ng ama? Bakit kailangan pang may magtangka sa buhay niya? Dahil lang sa mana? Dahil lang sa pera pagtatangkaan ng kung sino man ang buhay niya? At ngayon hindi naman niya alam kung saan ba siya pupunta. Saan naman siya magtatago? Wala siyang ibang kaibigan o kakilala na pwedeng matakbuhan. Wala man lang siyang malapitan. Basta ang alam niya, kailangan niyang mailayo at mailigtas ang kanyang sarili.
Gabi na nang marating ng bus ang huling destinasyon nito. Wala siyang nagawa kundi bumaba na rin sa huling terminal. Hindi niya nga alam kung saan ito. Naglakad siya papalayo sa terminal na iyon. Nakakaramdam na rin siya ng gutom dahil buong maghapon siyang walang kinain habang nasa biyahe. Pagod na rin ang katawang lupa niya. Pagod sa lahat ng nangyari nito lang sa buhay niya. Ayaw na niyang umiyak. Wala naman siyang mapapala kung magmumukmok at iiyak sa isang tabi. Gusto niyang maging matapang at malakas.
Nang mapansin niyang parang tatlong beses na niyang nadaanan ang bahay na nasa harapan, naglakas loob na siyang magtanong. Masakit na kasi ang kamay niya sa paglalakad.
"Excuse me? Pwede pong magtanong?" tanong niya sa isang babaeng nakasalubong niya. Pero iniwasan siya nito na para bang hindi siya nito nakita o narinig. Napabuntung-hininga siya. Naglakad pa siyang muli sa gitna ng dilim. May iilan-ilan na ilaw na nanggagaling sa mga bahay na nadadaanan niya ngunit hindi sapat iyon para maaninag niya ang daan na nilalakaran. Ilang beses din siyang napatid sa mga batong naapakan.
"Manong, excuse me. Saan po ako makakahanap ng bahay na matutuluyan?" tanong niya sa lalaking nakaupo sa may tindahan. Matanda na ito at mukhang taga-rito ito kaya malamang matutulungan siya nito.
"Aba, hija? Gabi na. Baka wala ka nang makausap dine," sagot nito.
"Wala po bang malapit na hotel dito?" tanong niya.
"Hotel? Ano iyon, hija? Pasensya ka na, isa lamang akong hamak na magsasaka. Hindi ko maintindihan ang iba mong salita," sagot ulit nito.
"Naku, pasensya na po. Kahit bahay po na nagpapa-upa? ‘Yong nagpapatuloy na may bayad po na renta? May alam po ba kayong gano'n dito?" paliwanag niyang muli sa kausap. Matagal na nag-isip ang lalaki bago sumagot. Nakaramdam na siya ng kaba. Iniisip niyang baka sa kalsada o lupa lang siya matulog ngayong gabi kung hindi siya makahanap ng matutuluyan.
"Ah, kailangan mo ng bahay? Mayroon kila Aling Diding. Diretso ka lamang, kapag may nakita kang bahay na maraming tanim na bulaklak, iyon ang bahay nila Aling Diding," sagot nito. Nabuhayan siya ng loob sa narinig.
"Maraming salamat po," tuwang tuwang sabi niya sa lalaki.
Masakit man ang katawan, pinilit niyang maglakad muli para mahanap ang sinabi ng matanda na paupahan. Nais niya nang magpahinga. Panigurado na mahimbing ang magiging tulog niya dahil ilang gabi na siyang walang halos tulog kakaisip. Pagod din ang katawan niya, pati buong pagkatao niya, pagod na pagod. Ngayong nasa malayo na siya mula sa mga problema, gusto na lamang niyang matulog ng mga ilang araw. Itutulog niya ang lahat ng sakit.
Dalawang araw ang lumipas matapos niyang makahanap ng maliit na bahay na tutuluyan. Pinipilit niyang makapag-adjust, pero hirap siya. Mainit, malamok, at nakakabingi ang katahimikan sa gabi. Lalo siyang napapa-isip sa mga pangyayari sa buhay niya sa tuwing sumasapit ang matahimik na gabi. Pakiramdam nga niya ay mawawala siya sa katinuan. Hirap din siya sa pagkain. Bumibili lamang siya sa tindahan. Malayong malayo ang buhay niya ngayon sa kanyang buhay na kinagisnan noon. Pero hindi siya magrereklamo. Mas gusto niyang magtiis na lamang kaysa maging malamig na bangkay sa kamay ng mga gustong pumatay sa kanya ngayon. Hindi bale nang pag-piyestahan ng mga lamok ang balat niya ngayon. Kaysa naman pagpiyestahan siya ng mga uod sa ilalim ng lupa kung hindi siya umalis noon sa bahay nila.
Isang umaga ay nagtungo siya sa palengke sa Bayan upang mamili ng mga makakain niya. Sobrang layo nito. Pawis na pawis siya dahil halos kalahating oras siyang naglakad mula sa bahay na tinutuluyan niya para lang makasakay sa tricycle na maghahatid sa kanya papunta roon. Nais din sana niyang maghanap ng paborito niyang dessert. Ang ice cream. Nasa panganib ang buhay niya, pero gusto niyang kumain ng ice cream.
"May ibang flavor po kayo nito?" tanong niya sa tindera.
"Naku, iyan nalang ang natira, hija. Sa isang linggo pa maghahatid ng mga supplies. Balik ka sa lunes," sagot nito. Binili na lamang niya ang kesong ice cream at nagtungo na sa mga gulay at karne. Ngunit habang naglalakad siya at hindi niya nakita ang lalaking paparating. Nabunggo niya ito at nabitawan niya ang hawak na ice cream.
"Oh my!" impit niyang sigaw. Bahagya siyang nawalan ng balanse at muntik na siyang bumagsak ngunit agad naman siyang nahawakan sa braso ng lalaki.
"Ayos ka lang ba, Binibini? Paumanhin, hindi ako nag-iingat sa daan," seryosong sabi ng lalaki sa kanya. Ang lalim ng tagalog. ‘Yon agad ang naisip niya nang marinig niya itong magsalita.
"Ayos lang. Pasensya na din," sagot naman niya habang nagpupunas sa damit gamit ang kanyang panyo. Napansin niyang nasa harap pa din niya ang lalaki habang abala siya sa paglinis ng damit niya. Tiningala niya ito para sana tanungin. Ngunit nagulat siya sa tila ekspresyon ng mukha nito. Nakatulala ito sa kanya. Titig na titig.
"May kailangan ka pa po ba?" tanong niya rito. Tila nagising naman ito mula sa pagkatulala at bumalik sa katinuan.
"Ha? Ah. Wala naman. Ano nga palang pangalan mo?" tanong nito. Natawa naman siya dito at tinignan ito nang may pagtataka.
"Bakit? Hindi naman na natin ulit makikita ang isa't isa, huwag mo nang alamin ang pangalan ko, Sir," tanggi niya.
"Sir? Mukhang magkasing-edad lang naman tayo. Kung ayaw mong ipaalam, ako nalang ang magsasabi. Ako si Marcus. Madalas ako dito, kaya malamang magkikita at magkikita pa rin ulit tayo," nakangiting sabi nito sa kanya. Ngumiti na lang din siya rito.
"Marcus! Tara na! Na-i-karga na namin 'yong mga dala natin," sigaw ng isang lalaki mula sa hindi kalayuan. Tinignan muna siya nito nang matagal na tila may nais pa itong sabihin ngunit hindi naman na ito nagsalita pa.
"Alis na ako. Ingat ka sa pag-uwi," paalam pa nito sa kanya. Tumango na lang naman siya dito. Nagpatuloy siya sa pagbili ng makakain niya na good for ilang days dahil sawa na siya sa de latang nabibili niya sa tindahan. Pakiramdam din niya ay magkakasakit siya sa mga kung anu-anong kinakain niya na maalat. Hindi nga siya mapapatay ng mga humahabol sa kanya, pero mamamatay naman siya sa sakit sa bato.
Ilang araw siyang walang ginagawa kundi matulog, kumain at magpahangin saglit sa labas. Nagdadalawang isip siya kung mamamasukan ba siya sa maliit na canteen. Dahil bukod sa naiinip siya, kailangan din niya ng extra income kung sakaling magtagal siya sa pagtatago sa probinsyang ito.
Iniisip niyang hindi siya pwedeng habang buhay na nagmumukmok sa loob ng bahay. Kailangan niyang gumawa ng sarili niyang kapalaran sa pansamantalang buhay na pinili niya. Lumipas ang isang linggo at kinailangan niya muling pumunta sa bayan para bumili ng pagkain at ng mga kailangan niya sa bahay tulad ng sabon, shampoo at iba pa. Sinubukan din niyang magwithdraw sa ATM dahil paubos na ang hawak niyang pera.
Kakalabas niya lang galing sa grocery nang matanaw niya ang lalaking nagngangalang Marcus na nakilala niya noong nakaraan na malayo pa lang ay nakatingin at nakangiti na kaagad sa kanya. Mabilis siyang lumakad at umiwas dito. Ngunit nagulat siya nang biglang nasa harap na pala niya ito.
"Nagmamadali ka?" tanong nito.
"Ay, ikaw pala? Oo eh. Medyo nagmamadali," simpleng sagot niya.
"Madami ka yatang dala, tutulungan na kita. Saan ka ba nakatira? Ihahatid ka na naming," prisinta nito. Natawa na naman siya sa sinabi ng lalaki. Halata ito masyado.
"Noong una, pangalan ko. Ngayon naman bahay ko ang gusto mong malaman. Kung pangalan ko nga, hindi ko sinabi eh," nakatawang tanggi nito. Natawa din ang lalaki sa sinabi niya. Hindi siya kakagat sa patibong nito.
"Oo nga eh. Medyo mailap. Hindi bale, mas ayos nga na ganyan. Kahit paano ay alam kong wala akong magiging karibal," nakangising sabi nito sa kanya.
"Karibal? Hindi ka naman magkakaroon ng karibal dahil may asawa na ako. Oh siya, ingat na lang ha? Mauna na ako," paalam na nito sa lalaki. Iniwan niyang nakatulala ito sa kanya. Tila hindi ito makapaniwala sa mga binitiwan niyang salita. Humahagikgik siyang naglalakad palayo. Napapailing pa siya sa naisip niyang kalokohan. Kailangan niyang umiwas sa lalaking ‘yon. Kung ano man ang habol nito sa kanya, wala siyang panahon para rito. Hindi siya pwedeng basta-bastang magtiwala sa kahit na sino. Ang sinumang lalapit sa kanya, ay ituturing niyang mapanganib o kalaban na kailangang iwasan. Mabuti nang maging maingat kaysa magsisi siya sa bandang huli.