SINILIP ni Percival ang kusina kung saan nagluluto ng hapunan nila sa gabing iyon. Sumasabay-sabay ito sa kanta ng paborito nitong night show. Napatingin siya sa suot na wristwatch. Quarter to 7 P.M. pwede siyang tumakas. Wala naman problema, hindi umuulan. Hindi tulad ng kaniyang laging napapaginipan na umuulan ng malakas.
“Insan?”
Takte! Sinenyasan niya si Reedrick na tumahimik ito at malakas ang pandinig ni Perlita.
“Ano ba kasi ang ginagawa mo diyan sa gilid ng dingding?” Tanong nito habang inaayos ang suot na eyeglasses sa mata.
Hinila naman niya ang batok nito at sabay nilang sinilip ang kaniyang Ina na nagluluto. “Kita mo ‘yan si Perlita. ‘Pag ‘yan nakita at nalaman na aalis tayo, mata lang natin ang walang latay.”
“Teka, bakit kasama ako?”
“Si Athena.”
Natigilan naman ang kaniyang pinsan at sandaling nag-isip. “Papagalitan tayo ni Tita. Lalo na at may namatay pa sa Santague Mountain. Hindi ka ba natatakot?”
Ningisihan lang niya ito. “Anong takot ang pinagsasabi mo? Wala ako n’yon sa katawan.”
Hindi ito napakibo. Sabay nilang sinilip ang kaniyang Ina na patuloy na naghahanda ng hapunan. Sumasayaw-sayaw pa ito at halatang masayang-masaya. Naiiling naman siya at umaktong naduduwal.
“Tingnan mo si Perlita, sumasayaw na naman na parang timang.”
“Grabe ka kay Tita.”
“Hayaan mo siya. Ang importante sa`kin si Papa.” Nagkibit siya ng balikat. “Ano, sama ka ba?”
Nag-alinlangan naman ito at sandaling nag-isip. “Hindi ka ba talaga natatakot?”
Isang sapak ang binigay niya rito. “Kailan ba ako nagkaroon ng takot sa katawan?”
“Bakit mo kailangan manapak?”
Tinawanan niya lang ito pero agad niya rin tinakpan ang bibig at sinenyasan si Reedrick na magpalit na sila ng kasuotan bago sila maabutan ni Perlita. Nagdadalawang isip pa rin si Reedrick at sandaling sumulyap sa kaniyang Ina na nakaharap sa kalan at sa niluluto nito pero kalaunan ay tumango.
“Sige.”
“Good!”
Mabilis silang bumalik sa kanilang silid at mabilisan nagpalit ng damit. Sampung minuto lang ay tapos na silang dalawa. Hindi na niya pinakialaman kung ano ang laman ng kaniyang bag, basta lang niya itong sinukbit at eksaktong paglabas ni Percival, nag-aayos ng helmet si Reedrick. May suot pa rin itong glasses sa mata kaya sinapak niya ito at tinanggal ang suot nitong salamin.
“Magbibiseklita tayo tapos may suot kang salamin?”
“Tatanggalin ko ‘yan mamaya! May baon akong lens.” Binawi nito sa kaniya ang salamin nito at binalik sa mata.
Ningisihan lang niya ang pinsan at sinenyasan na itong umalis na sila hangga’t maaga pa.
“Percival! Reedrick, bumaba na kayo at kakain na tayo. Malapit na itong niluluto ko.”
“Takte! Ayan na si Perlita.” Mabilis silang tumakbo papuntang pintuan dalawa magpinsan. 1 storey lang ang bahay nila pero malaki ito.
Deretso nilang tinungo ang garahe kung saan nakaparke ang mamahalin biseklita na binili pa ng kaniyang Ama. Dali-dali nilang hinila ang bike at lumabas ng gate. Ang lakas pa ng kaniyang halakhak nung marinig nila ang malakas na boses ni Perlita.
“Percival!!!”
“Gago ka insan! Patay tayo ni Tita nito.”
“Hayaan mo. Hindi ko naman trip maging Nanay ‘yan. KJ ang isang iyan. Tayo na!”
Naiiling na lang si Reedrick sa kaniyang tinuran at walang magawa kundi ang mapasunod sa kaniyang gusto. Sakay na sila ng kanilang bike at mabilis na nakalayo sa bahay ng Velasco. Nakita pa niya ang kaniyang Ina na galit na galit sa may pintuan at tinatawag sila pero pinagkibit lang ni Percival ito ng balikat. Pupunta sila ng Santague Mountain sa ayaw at sa gusto nito.
DUMATING sila sa tagpuan at napangiti si Percival nang makitang kompleto ang tropa. Ando’n din si Athena at mabilis na kumaway sa kanila pero agad din umirap nang makitang kasama niya si Reedrick. Natigilan lang saglit si Percival nang hindi niya matamaan si Magnus.
Gago talaga ang isang iyon! Masyadong matatakutin ang tuhod.
“Asan si Magnus?”’
“Walang may alam. Hindi tumawag sa`yo?” Si Anton ang nagtanong. Inaayos nito ang flashlight sa helmet nitong suot.
“Wala eh. Gagong isang iyon, ah!” Natawa siya. “Bahag ang buntot ng hayop na iyon!”
“Sinong bahag ang buntot?”
Napalingon sila lahat sa bagong dating. Nakita nila si Magnus na hingal na hingal at mukhang hinahabol ng isangdaan aswang.
“Tumakas lang ako sa bahay.”
Napahalakhak siya at nag-high five silang dalawa. Kaya sila magkaibigan nito, eh. Pareho silang mahilig na tumakas ng bahay. Suwail na anak talaga silang dalawa ni Magnus.
“Ano, kompleto na tayo. ‘Yong mga takot, pwede pa umatras.”
“Sinong takot?” Si Elmer na nakangisi.
“Walang takot-takot sa tropang besikleta!” mabilis naman na sagot ni Zeg.
“Oh siya! Ano pa ang hinihintay natin? Tayo na para masimulan natin ang Santague Chill Vibes sa gabi.” Umarte pa siyang natatakot sa harapan ng mga ito. Iba talaga kapag leader, napapasunod niya ang mga ito sa kaniyang gusto. Wala naman pilitan pero sadyang malakas lang guro ang kaniyang loob kaya nakikisabay ang mga ito sa tapang niya.
“Teka insan, wala na ba mga pulis sa ganitong oras doon?”
“Hindi natin alam pero malalalaman natin ‘yan. May plano ako.”
“Anong plano?” Magkapanabay na tanong ng mga ito.
“Lolokohin natin ang mga pulis sa prank call. May number na ako ni Chief Dela Rosa, ‘yong kausap natin kanina.”
“Tangina!” natawa nang malakas si Gregorio sa kaniya. “Paano mo nakuha ang number niya?”
“Internet!” Napangisi siya. “Ano, batsi na!” Inayos niya ang kaniyang helmet na may waterproof flashlight. Naghahanda sa pagpepedal nila ng isang oras. Mabilis lang iyon kamo! Ang paakyat sa bundok ang mahirap lalo na ‘pag gabi dahil ang totoo, bangin ang nasa gilid. Pero hindi naman masyadong delikado dahil nilagyan niya ng mga trails ang bawat puno. Konting ingat pa rin sa kanila at baka sa ibaba ng bundok pulutin ang mga kasamahan niya.
Sila lang ni Magnus at Reedrick ang nasa Senior High. Itong mga kasamahan nila ay nasa Junior High pa kaya napapasunod ni Percival sa kaniyang gusto. Isa siguro sa dahilan kung bakit sumusunod ang mga ito sa kaniyang gusto ay dahil na rin siguro na matitigas ang mga ulo nito. ilan sa mga kasamahan ng tropang besikleta ay nagrerebelde sa magulang at suwail. May sariling desisyon sa buhay, parang siya.
Ilang sandali pa ay nagsimula na silang magpedal lahat. Wala naman problema, hindi pinagbabawal sa mga otoridad ang katulad nilang magpepedal kahit gabi basta sumunod sila sa curfew na hanggang 10 P.M at dapat sa gilid lang sila ng daan. Huwag silang mang-aagaw ng daan nang may daan.
Naging maingay na sila at nagtatawanan habang nagpepedal. Masaya kasama ang mga tropa niya. Lagi naman ito kaya mas gugustuhin niyang kasama ang mga ito after class hour keysa ang tumambay sa bahay. Minsan naman, trip niya rin mang-hunting ng chicks at jinojowa ang mga ito. At wala pang ni isa ang kayang bumasted sa kaniyang angking kagwapuhan! Marami ang nagsasabi na kamukha niya raw ‘yong hollywood actor na nakalimutan niya ang pangalan.
Pero nung dumating sila sa entrance ng Santague, may mga pulis pa rin doon na nakabantay. Mabuti na lang at hindi sila nakita ng mga ito dahil nagtago sila sa isang tabi kung saan madilim na parte.
Nakangising nilabas niya ang cellphone at sinimulan i-dial ang numero ni Chief Dela Rosa. Kaniya-kaniyang hagikhikan naman ang kaniyang mga kasamahan habang si Reedrick na pinsan niya ay hindi mapakali sa kaniyang likuran.
“Tawagan ko na, mga pre.”
Nag-ring sa kabilang linya. Sabay pa silag tumingin kay Chief at nakita nilang kinuha nito ang cellphone sa bulsa ng suot nitong jacket. Sandali niyang inayos ang kaniyang boses at kunwaring seryuso.
“S-sir! Tulungan mo kami, Sir. Papatayin kami ni Papa!” Tinakpan niya ang mouthpiece ng cellphone at kunwaring hirap na hirap magsalita. Ni-loud speaker niya rin ito para marinig ng lahat.
“Ano?! Sino ba ito? Saan ang bahay niyo ‘toy?”
Agad niyang sinenyasan ang mga kasamahan na huwag tumawa. Naghagikhikan lang ang mga ito at nagsi-high five sa isa’t isa. Habang nag-thumbs up sa kaniya si Magnus. Kuha nila agad ang atensyon ni Chief Dela Rosa. Mabilis talaga bulahin minsan ang mga kapulisan.
Napangisi siya at muling nagsalita. “Dito sa Crisanto Street, Sir! Malapit sa may poste at mangga. S-sir, dalian niyo! Papatayin kami ng Ama nam— huwag ‘Pa! Papa huwag!!!” bigla niyang pinatay ang tawag.
Nagtawanan ang mga kasamahan niya at sabay nilang tiningnan kung anong reaksyon ni Chief Dela Rosa. Napasuntok-suntok siya sa hangin nang makitang umepekto ang kaniyang drama!
Mabilis na tinawag ni Chief Dela Rosa ang mga kasamahan nitong limang Pulis paalis sa lugar na iyon. Kaagad na umalis ang mga ito at napasigaw sila sa tuwa.
“Tangina mo ‘pre! Pinahanga mo kami. Ang galing mong umarte. Pati si Mamang Pulis, napaalis mo.” Natatawang saad ni Klinton.
Tinawanan niya lang ang mga ito at nagyabang. “Ako pa! Hindi ako pinangalanang Percival Pierce, kung wala akong ibubuga. Ano, alis na tayo at baka bumalik agad sila Chief.”
Siya na ang naunang nagpedal papasok sa bukana ng bundok. Hindi naman problema sa liwanag dahil tumulong ang sinag ng buwan sa gabing iyon para bigyan sila ng daan. Nagmukhang araw nga lang dahil sa taglay na sinag ng buwan. Malaking-malaki rin ang buwan ngayon gabi na parang fullmoon pero hindi na ito pinansin ni Percival. Wala siyang lahing aswang para matakot sa buwan.
“Baka may takot pa sa inyo diyan? Tumakbo na pauwi.” Pagbibiro niya sa mga ito. Paakyat na sila sa bundok.
“Baka ang pinsan mong si Reedrick!”
Ningisihan lang niya ang sagot ni Athena. Halata naman na naiinis ito sa presinsya ng kaniyang pinsan pero wala itong magawa dahil gustong-gusto ito Reedrick kahit anong pagtutulak ng gagawin nito. Kumakapit pa rin ang tatangang pinsan niya sa babae.
Kaniya-kaniya silang tawanan habang paakyat sila sa bundok. Kahit matirik, wala silang pakialam. Sanay silang magpedal at walang nakakapagpigil sa kanila. Pero nasa kalagitnaaan pa lang sila ng bundok, biglang nagtago ang buwan sa kalangitan.
Sandali siyang napatigil at napatingin sa itaas. Gano’n din ang mga kasamahan niya. Napatingin siya kay Reedrick. Nakakunot ang noo nito at hindi mapakali sa kaniyang tabi.
“Alam mo insan, we should go back.”
“Nandito na tayo sa Santague.”
“Pero mukhang uulan na.”
Hindi siya napakibo. Hindi malabong uulan nga lalo na at nagtago ng tuluyan ang buwan sa makapal na ulan. Nawala rin ang mga bituin at naging malamig ang simoy ng hangin. Napatingin siya sa mga punong-kahoy at nagsasayawan ang mga ito. Biglang nagreklamo ang mga kasamahan niya.
“Ano, Percival? Natatakot ka na?” untag sa kaniya ni Magnus.
Tinaasan niya lang ng dirty finger ang kaibigan at nagsimulang magpedal paakyat ng bundok. Malapit na ang Santague Tree, pagmarating nila iyon, bababa rin sila agad. Isang kilometro na lang at mararating na nila ang malaking kahoy ng Santague na pinaniniwalaan ng iilan. May nakatira raw elemento sa loob ng kahoy at ilan sa mga kasamahan niyang biker ay takot sa mismong kahoy pero siya hindi. Wala naman siyang nararamdaman takot. Wala siyang nararamdaman kakaiba sa Santague tree. Maliban sa spooky itong tingnan at masyadong malaki ang katawan, wala ng bago.
Alam niyang natatakot na ang ilan sa mga kasamahan niya pero nagkukunwaring maging matapang. Natawa na lang si Percival. Ngayon pa matatakot ang mga ito, eh, ilan beses na silang umakyat sa bundok na ito. Pagkaiba nga lang ay umaga at tirik ang araw silang umaakyat dito.
Ilang sandali pa ay nakita na nila ang Santague Tree sa kalayuan. Kinuha niya ang cellphone at kinunan ito ng larawan. Inisip ni Percival kung bakit may nagpapakamatay at dito sa punong ito may gustong magbigti kung pwede naman sa kwarto o kaya sa likod ng bahay.
Eh, nagsayang pa ng pawis at lakas paakyat sa kahoy. Mga kabataan talaga, oo. Hindi marunong magsaya. Hindi katulad niya.
“s**t!” Lahat sila ay napamura.
Bigla kasing humangin ng sobrang lakas. Para bang may nagtutulak sa kanilang huwan magpatuloy sa unahan.
“Ano ‘yon?” Hintakot na tanong ni Anton.
“Tangina! Uulan yata.” Si Athena.
Hindi nga nagkamali si Athena, dahil nagsimulang pumatak ang ulan. Una, mahina lang iyon hanggang sa sunod-sunod na ang patak niyon na parang galit na galit ang langit kung bakit sila nandoon.
“Balik na tayo!” Si Reedrick.
“Wait, may titingnan lang ako,” saad niya habang may hinihintay. Ang totoo niyan, gusto niyang makita kung totoo ba ‘yong lagi niyang napapaginipan, na nagliliyab ang Santague tree.
“Percival! Mukhang may bagyo!” Sabay-sabay na saad ng mga kasamahan niya.
Lumingon siya sa mga ito. “Mauna muna kayo sandali bumaba. Susunod ako.”
“Gagi! Bakit?” Nagtatakang tanong ni Magnus.
“May titingnan lang ako. Bilis, mauna kayo. Magkita-kita tayo sa bukana ng bundok mga ‘pre!”
“Ano? Gago ka ba. Delikado rito, Percival, lalo na at malakas na ang ulan.”
Ningisihan lang niya si Reedrick at Magnus. Binigyan niya ng tig-iisang dirty finger ang dalawa habang ang mga kasamahan niya ay nag-unahan na sa pagpedal pababa ng bundok.
Ang nanatiling naiwan ay si Reedrick, Magnus at Athena. May bumundol na kaba sa kaniyang puso. Ganitong-ganito ang nakita niya kagabi pero ang pinagkaiba lang ay wala sa kaniya agn Efuanti. Nasa kay Reedrick ito at nawewerduhan siya sa itim na batong iyon.
Ilang sandali pa ay biglang kumulog ng malakas. Napapikit siya sa lakas niyon! Napasigaw naman si Magnus at Athena habang si Reedrick ay natatakot na sa kaniyang tabi. Basang-basa na sila ng ulan pareho.
“Athena, bakit ka pa nandito?” Baling niya sa kasamahang babae.
“Sabay na ako sa inyo, oy.”
Nagkibit siya ng balikat. Muling gumuhit ang mahabang kidlat sa kalangitan at sinabayan ito ng malakas na kulog. Napasigaw sila lahat. Nag-panic ang tatlong kasamahan niya. Samantalang kalmado lang si Percival. May gustong pagmasdan ang kaniyang mata ngayon.
Marahan siyang nagbilang sa isip. Kapag ‘di pa lumitaw ang gusto niyang makita sa bilang na hanggang sampu, aalis na sila roon at babalik.
Dalawa…
Tatlo…
Apat…
Muling gumuhit ang kakaibang kidlat sa kalangitan. Napasinghap si Percival sa nakita! Napamura siya ng malakas. Hindi siya kayang dayain ng kaniyang mata. Hugis ito ng itim na kristal. Natatawang napailing siya. takte! Biglang kinilabutan ang kaniyang katawan.
Nagbilang siya ulit sa isip. Wala siyang pakialam kung malakas ang ulan at masakit ang bawat tama niyon sa kanilang balat. Si Magnus ay nagrereklamo na sa kaniyang tabi pero tahimik lang si Reedrick at si Athena. Mukhang hinihintay ang kaniyang sasabihin, kung aalis na ba sila sa bundok na ‘yon o hindi.
Sampu!
Napasigaw sila lahat nang biglang may tumama na kidlat sa Santague Tree. Biglang nag-apoy ito ng kulay asul! Malakas ang naging pagliyab ng apoy nito na buong kahoy ay nag-liliyab. Mula sa ugat hanggang sa pinakadulo ng mga sanga.
“Tangina?! Alis na tayo, pre!” Nagkumahog si Magnus na hinila ang bike nito patakbo sa ibaba.
Pero si Percival, nanatiling nakatingin sa kahoy. Totoo nga ang kaniyang panaginip o baka nasa panaginip din siya? Hindi, wala siya sa panaginip. Alam ni Percival na nasa reyalidad siya ngayon at totoo ang kaniyang mga nakikita.
“T-totoo ba ang nakikita ng mata ko?” Hintakot naman na tanong ni Athena. Tulad ni Magnus, bumaba na ito sa bike nito at handa na itong tatakbo pababa ng bundok.
“Ito ‘yong lagi kong nakikita sa panaginip ko.”
“Anong sabi mo?” malakas na sigaw ni Reedrick sa kaniya. Nakatingin ito sa kaniya at nasisilaw siya sa flashlight na nagmumula sa helmet nito.
“Ito. Nakikita ko ‘to palagi sa panaginip ko!”
“Gago ka! Alis na tayo. Hindi safe rito mga ‘pre.”
“Mauna kayo. May gusto lang akong patunayan.” Sa sinabi, kaagad niyang iniwan ang bike at mabilis na tinakbo ang puno ng Santague. Wala siyang nararamdaman takot. Curiousity, meron.
Narinig niya ang malakas na sigaw ng mga kasamahan niya. Hinabol siya ni Reedrick at Magnus para pigilan siya sa kaniyang gagawin kagaguhan. Pero masisi ba ng mga ito ang kaniyang tapang? Tulad nga ng kaniyang sinasabi, gwapo lang siya pero hindi siya duwag. Lalo na at ngayon nagkatotoo ‘yong panaginip niya.
Pero hindi siya papasok kung sakaling magkaroon ng lagusan. Wala sa kaniya ang Efuanti. Iniwan niya ito kay Reedrick. Wala siyang balak pumasok sa kabilang mundo tapos ay ano? Nakita niya na ang dulo nito. Kukunan niya lang ito ng pictures at ipopost sa social media. Napangisi siya!
“Percival Pierce!”
“Gago ka! Hindi ka pwedeng lumapit sa Santague! Percival— ahhh!!!”
Napalingon siya bigla. Tangina! “Reedrick?!” Biglang pumihit ang kaniyang paa papalit sa lalaki. Nadulas ang paa ng tanga-tangang pinsan niya.
“Tangina!!!” Mabilis naman dumalo si Magnus.
“Guys!” Naiiyak na sigaw ni Athena sa kalayuan.
Mabuti na lang at nahawakan niya kaagad ang kamay ni Reedrick. Bangin ang nasa gilid at tiyak na kamatayan ang aabutin ng lampa-lampa niyang pinsan.
“Gago ka talaga! Ang luwang-luwang ng daan.”
“Malabo ang mata ko, alam mo ‘yon!” asik naman nito.
“Tangina! Kumapit ka!”
“Kumakapit ako!”
Sabay nilang pinagtulungan ni Magnus si Reedrick na maingat ang katawan nito pero dahil malakas ang ulan, dumudulas ang kamay nila sa kamay nito. Ang lakas ng mura nilang dalawa ni Magnus. Wala ito sa panaginip niya!
“Takte! Kapit ka ‘pre!” malakas na sigaw ni Magnus.
Hinila nila pataas si Reedrick pero mas lalong lumakas ang ulan. Sabay-sabay rin na kumidlat at kumulog. Mas lalong nagwala ang panahon. Nagsasayawan din ang mga kahoy at ang lakas ng ihip ng hangin. Hindi lang iyon, malakas din ang agos ng tubig.
“f**k! Hilain mo, Mag!”
“Ito na nga. Ang kulit mo kasi. Bakit pa kasi tumakbo ka? Ito naman lampa-lampang pinsan mong bulag, may balak yatang mamatay.”
“Gago!” asik ni Reedrick dito.
Nagbilang siya ng tatlong beses at buong pwersa nilang hinila ang pinsan niya. Lumapit na rin si Athena sa kanila at tumulong na hilain pataas si Reedrick pero isang pangyayari ang hindi nila inaasahan apat.
Kasabay ng malakas na pagkidlat sa kalangitan at paghangin ng malakas, biglang nabiyak ang lupang kanilang kinapipwestuhan kung saan pinipilit nilang itaas-paakyat si Reedrick.
Tangina!
Huli na para maisip ni Percival ang nangyari, ang tanging marinig na lamang ay ang malakas na sigaw nila kasabay ang pagkahulog ng katawan nilang apat sa bangin.