Week 3 How to Write the Beginning: SIMULAN

2935 Words
I always struggle with how to write the first chapter, especially fantasy since I am new in this genre. The lesson for this week helped me decide on how will I write the beginning. I believed that the “Misunderstanding type of emotional relationship” is the best way to introduce my main characters since from my story outline the male lead is after the life of the female lead. So here’s the draft of my first chapter! I have to warn you that the word count is too much for a single chapter and the “Misunderstanding type of emotional relationship” is not really explored yet in this but in the succeeding chapter. Let me know your thoughts on the comment section. Thank you! Chapter 1 SA DULONG BAHAGI ng kagubatan kung saan nagsisimula ang malalaking rock formation na tumatanaw sa dagat ay nakatayo ang tatlong palapag na malaking bahay. Gawa ito sa matitibay na itim na kahoy at makakapal na salamin. Halos napapaligiran ng matataas at matatandang puno ang bahay na parang sadyang nagtatago. Ang harapang bahagi naman nito na tumatanaw sa malayong dagat ay humahalo ang kulay sa mga tipak ng bato at dahil sa kaitiman kaya hindi ito madaling makita ng mga nagdadaang sasakyang pandagat. Sa lokasyon ng bahay na nasa bahagi ng kabundukan na hindi madaling pasukin ng tao ay imposibleng magambala iyon ng kahit ano o sino.   Ang nakabukas na mga panel ng pinto sa ikalawang palapag ay inihahampas ng malakas na hangin. Mula doon ay lumabas ang lalakeng siyang may-ari ng bahay. Ang kulay dugong robang suot nito na halos umabot sa mga paa ay kumikintab sa liwanag ng buwan at dinadala ng hangin, tila hinuhubad sa matipunong katawan nito. Pinuno ni Sebastian ng hangin ang dibdib at ang marahas na pagbuntong-hininga ay mistulang naging ungol ng isang hayop. Ang malamig na hanging dagat ay wala man lang epekto sa katawan niya gayong bukod sa roba ay pantalong maong lang ang suot niya. Wala siyang pang-itaas o sapin sa mga paa. Inilatag niya ang mga kamay sa barandilya ng terasa habang tinatanaw ang kakahuyan sa kaliwang bahagi.   Mahigit kumulang limang kilometro mula sa bahay niya ay ang pinakamalapit na pamayanan na nasa paanan ng kabundukan. Sa tinatayuan niya ay tuldok lamang ang lokasyon ng tirahan ng mga ito at sa dilim ng gabi ay walang kahit anong indikasyon kung saang eksaktong lugar nakatayo ang pamayanan maski usok man lang. Ngunit alam ni Sebastian ang kasaysayan ng lugar, ang kultura, tradisyon, kaugalian at maging ang dayalektong ginagamit ng mga pamayanan na naninirahan sa kabundukan at dalampasigan. Sa maraming taon ay nagawa niyang alamin lahat ng iyon habang nililimitahan ang pakikipag-ugnayan sa mga ito.   Hinubad ni Sebastian ang roba at initsa kung saan. Lumundag siya mula sa ikalawang palapag at bumaba sa lupa nang nakalapat ang mga kamay at mga paa. Naghanda siya sa pagtakbo, animo mangangarera na naghihintay ng putok bilang hudyat. Pero ang hudyat niya ay ang pagniig ng mga talampakan sa malamig na lupa. Iyon ang lamig na kaya niyang maramdaman. Ang pakiramdam na nagpapa-alala kung sino siya at patunay na walang balak magpaabot ang sagradong lupa ng kung anumang init sa mga nilalang na katulad niya.  Matapos ang pagkiskis ng mga paa sa lupa ay sinimulan ni Seb ang pagtakbo papasok sa kagubatan. Hindi niya kailangan ang liwanag ng buwan na sumisingit papasok sa kakahuyan dahil malinaw siyang nakakakita sa gitna ng dilim ng kapaligiran. Mas mabilis ang ginagawa niyang pagtakbo kaysa normal. Minsan ay naglalambitin sa mga sanga ng puno o balag pero madalas ay inililiban ang katawan sa mga punong nakahambalang. Ang mga hayop, insekto at mga ibon ay bahagya lang na gumagawa ng ingay tanda na nabulabog sa pagdaan niya. Masyado nang nasanay ang mga ito sa presensya niya sa kagubatan sa napakatagal na panahon… Nang matapos ang kakahuyang tinakbuhan ay hinayaan ni Sebastian ang sariling mahulog sa mababaw na bangin at idinipa ang mga kamay. Nang lumusot ang mga katawan niya sa mga puno ay naglambitin muli at lumundag pababa. Mas pinabilis ang ginawang pagtakbo kaysa kanina. Ibinubuhos ang galit sa mabibigat na yabag at marahas na paghawi sa mga d**o o sangang nakaharang sa tinatakbuhan. Mahigit dalawandaang taon. Sa tagal ng panahon ng buhay niya ay napakaraming beses nang naipon at lumipas ang mga emosyong naramdaman niya. Pero iba ang desperayon na nararamdaman niya sa panibagong siglong ito. Naniniwala siyang totoo ang ipinapahiwatig na mga panaginip niya na kung hindi niya mahahanap ang tao na may taglay ng mga pananda ay mawawala na ang tyansang matapos ang imortalidad niya at ng mga kasamahan. Ang mga pananda ay nagmula sa mga kaluluwa na dumadaan sa sagradong lupa. Bihira lang ang mga kaluluwang naglalakbay sa pusod ng kagubatan, karamihan ay naliligaw o iba ang tinatahak na landas. Sa ilandaang taon niyang nabubuhay ay tatlong pananda na ang nalaman niya na dapat na taglayin ng tamang taong makakatulong sa misyon niya pero hindi niya mahanap ang taong iyon. Isa pa sa mga banta kung bakit hindi siya magtagumpay ay dahil sa mga kapwa imortal na may kaparehong misyon na hanapin ang susi, hindi para mabuksan ang sagradong lupa at maglaho sila, kundi para siguraduhing mapanatiling sarado ang daan at mamuhay ng walang hanggan. Isang tahimik na laban na malapit ng sumabog at kailangan niyang paghandaan. Huminto siya sa pagtakbo nang sapitin ang gilid ng malalim na bangin na pusod ng gubat, ang pinaniniwalaan ng tribu nila na daan patungo sa sagradong lupa. Kadiliman ang makikita sa ibaba nito na napapaligiran ng mas makapal na kagubatan pero kung titingin sa unahan ay ang malawak na dagat ang makikita. Ang lugar na kinatatayuan niya ang pinakamataas na lokasyon sa bahaging iyon samantalang ang ibaba ng bangin ang pinakamalalim. Walang nakakarating na tao doon dahil imposible ding madaanan ng mga ordinaryong tao ang kasukalan papunta sa lugar na iyon. Ang mga tribu namang nakakaalam sa bangin ay sadyang iniiwasan ang lugar. Ang banging iyon ang pinagpatihulugan ng mga natirang sinaunang miyembro ng tribu nila habang sinusumpa siya at ang ilang natira sa lahi nila. Ang lugar na hindi niya mapupuntahan hanggang hindi niya nahahanap ang susi na magwawakas ng imortalidad niya. Naramdaman ni Seb ang kakaibang lamig sa paligid niya. “Kahit ikaw ang dahilan ng lahat ng ito ay ikaw pa rin ng tinutukoy ng propesiya na magliligtas sa amin at magdadala sa amin sa sagradong lupa.” Hindi niya nilingon ang nagsalita at hindi rin sinagot ang sinabi nito. Sa bawat pagkakataon na magpapakita ang kapwa imortal na si Emir ay hindi nito nakakalimutang sabihin iyon. Paulit-ulit ang mga sinasabi nito, palatandaan na matagal nang nawala ang alaala ng mga karanasan nito bilang tao at isa na lamang ligaw na imortal na gumagala sa kagubatan. Nadagdagan ang lamig sa paligid niya. Hinarap niya ang ilang tribung imortal na tumangging mamuhay kasama ang mga tao at nagtago na lang sa kagubatan. Walang kahit anong palatandaan na kabilang siya sa mga ito. Ang suot niyang pantalong maong na ilang dekada na ay malayo sa tradisyunal na kasuutan ng mga ito. Ang katangiang pisikal niya ay malayong-malayo sa karaniwang katangian ng mga miyembro ng tribu nila na isa sa mga dahilan kung bakit siya itinuring na hindi kabilang sa mga ito. Ang pagkakatulad lang nila ay ang malamig na dugo na dumadaloy sa kanila at hindi makakaramdam ng init ng paligid lalo na ng lupa. Walang mababasa sa ekspresyon ng mga mukha ng mga ito, walang tumatakbo sa isip, walang nararamdaman, inalis na iyon sa kanila ng ilandaang taon. Ang natira na lang sa mga ito ay ang paulit-ulit na paalala na kailangan niyang pagbayaran ang ginawa niya, ang mabuksan ang sagradong lupa sa harapan nila. Dinaanan niya ng paningin ang mga ka-tribung nasa harapan niya. Dumipa at nagpatihulog sa bangin. Mula sa mga ka-tribung nakatunghay sa kanya na pinapanuod ang pagbulusok niya pababa ay iniangat ni Sebastian ang paningin sa madilim na kalangitan. Habang lumalalim ang bangin ay lalong lumalamig ang hanging nasasalubong ng bumubulusok niyang katawan, iba sa sinasabi ng mga babaylan na kakaibang init ang sasalubong sa katawan nila  tanda na tinatanggap ng sagradong lupa ang kaluluwa nila. Ipinikit ni Sebastian ang mga mata, umaasang sa ilang ulit niyang pagtatangka ay hindi na siya magigising pa at tuluyang tatanggapin ng sagradong lupa ang katawan niya.   HINDI ALAM NI JADA ang kung ano ang nagpagising sa kanya. It was one of those times again when she will spend the rest of the dawn awake. Hindi na bago kay Jada iyon dahil bago pa man siya umalis sa kanila ay nangyayari na sa kanya iyon. Ngayong nasa ibang lugar siya ay idadahilan na lang niya sa sarili na siguro ay namamahay pa siya. Marahan siyang bumangon mula sa kama, iniiwasang gumawa ng ingay kahit pa mukhang malalim ang tulog ng mga kasama niyang volunteer na babae.  Lumapit siya sa bintana at nanungaw, iniisip kung lalabas siya ng bahay o hihintayin na lang sumikat ang araw. Mataas ang lokasyon ng bahay na tinutuluyan nila at mula sa kinauupuan ni Jada ay natatanaw niya sa labas ang sementadong kalsada pagkatapos ng pababang bakuran. At mula naman sa mataas na kalsada ay ang guho ng malalaking tipak ng bato na pumapagitan sa dagat. Ang lokasyon ng lumang bahay ay nasa pagitan ng kabundukan at malawak na dagat. Kahapon lang siya nakarating sa lugar na iyon pero sa nararamdaman niyang kapayapaan simula nang dumating siya doon ay parang matagal na siyang pamilyar sa lugar. Malaki ang pasasalamat niya kay Dra. Florence sa imbitasyon nitong sumama siya sa outreach program na gagawin ng grupo nito. Nakilala niya ang doktora noong isang araw, ang mismong araw ng pagtakas niya sa pamilya. Nasa biyahe siya noon sa bus na papunta sa pier sa Batangas nang magkagulo ang mga pasahero, isang ginang ang inabutan ng panganganak sa bus. Sumaklolo siya dahil may kaunting alam siya sa emergency response na katulad niyon bukod pa sa nakikitang kalagayan ng ginang na mukhang hindi na makakaabot manganak sa ospital. Kinakabahan man ay pinilit niyang alalahanin ang naituro sa kanya at laking pasasalamat niya na maayos na lumabas ang bata. Pagkatapos iabot sa ina nito ang anak ay saka siya nakaramdam ng hilo. Nang magising na lang siya ay saka niya nalaman na tuluyan siyang nawalan ng malay. Sigurado siyang ang dahilan ay sa nerbyos sa nangyari. Sa ospital na pinagdalhan sa kanya at sa bagong anak niya nakilala si Dra. Florence. Nagtataka na kinailangan pa siyang lapitan ng doktora. Ang alam niya ay nurse lang ang mag-aasikaso sa kanya dahil hindi naman grabe ang nangyari sa kanya, nawalan lang siya ng malay. Sa ibang hospital ay kahit naka-confine na ang pasyente ay minsan lang din magpakita ang mga doktor. Naguguluhan man sa interes na pinakita ng ginang at natatakot mang magtiwala si Jada ay hindi niya mapigilan dahil likas na magiliw ang doktora. Nang malaman nito ang sitwasyon niya ay inimbitahan siya nitong sumama sa gagawing outreach program ng organisasyon nito sa isa sa mga kabundukan sa Mindanao.  Nagpaunlak naman siya lalo na at wala rin siyang ideya kung saan magtatago mula sa pamilya… Saka na niya iisipin kung saan naman pupunta pagkatapos nito. Ie-enjoy niya muna ang bagong karanasan at sa tahimik na lugar na iyon. At sa paniniwalang ligtas nga ang lugar ay nagpasiya siyang maglakad sa labas. Madilim pa man sa mga oras na iyon ay sigurado siyang may mga taong gising na din kaya hindi siya natatakot. Ang mga mangingisda ay ganoong oras din maglayag. Mula sa pantulog ay nagpalit si Jada ng damit at sinuot sa mga paa ang sandals.  Pagkatapos tingalain ang wall clock na nagsasabing mag-aa-alas dos pa lang ng umaga at napangiti ay lumabas na siya at kinandado ang pinto. Sanay siyang maglakad sa madaling araw, ang kaibahan lang ngayon ay hindi siya mag-aalala na mahuli siya ng mga inutusan ng kanyang pamilya na magbantay sa kanya. Jada inhaled the cold morning breeze while arms wide open, savoring the calmness of the night and the new found freedom. Nagsimula siyang maglakad sa pababang slope ng bakuran at sinapit ang sementadong kalsada. Ayon sa caretaker ng bahay nang dumating sila kanina, ang kanang direksyon ang papunta sa palengke at bukana ng bayan samantalang ang kaliwa ay papunta sa viaduct, tulay na alternate route papunta sa katabing lalawigan, mas kakaunti lang din ang  mga bahay na nasa gilid niyon. Iyon ang tinahak ni Jada.  Naglakad siya sa gitna mismo ng kalsada habang pinagsasawa ang paningin sa tahimik na dagat. Hindi siya nag-aalalang may dumaang sasakyan dahil kahit kaninang tanghali ay madalang ang mga biyaherong dumadaan sa alternate route. Kung may dapat siyang ipag-alala ay iyon ang mga ligaw na hayop na maaari niyang makasalubong. She just hoped she won’t see any. Jada just wanted to walk and enjoy the calmness of midnight, last thing she wants is to run to save her life from wild animals.   PINILI NI SEB na baybayin ang gilid ng sementadong kalsada pabalik. Bibihira lamang ang dumadaan doon lalo na sa madaling araw.  Bago sumapit sa viaduct na nag-uugnay sa kabilang lalawigan ay muli siyang babalik sa malalim na kagubatan paakyat sa kabundukan para tuntunin ang pabalik sa bahay niya. Pero nagbago ang isip niya at sa halip na lumayo sa kalsada ay bumaba siya roon. Hindi niya gusto ang pakiramdam ng semento sa mga talampakan niya. Isa iyon sa mga ebidensya na nagbabago ang panahon, ginawa ng tao para sa kumbinyeteng transportasyon ng mga ito kahit pa masakripisyo ang isang bahagi ng kalikasan. Dati ay mahilig siyang tumigil sa bahaging iyon dahil magandang pagmasdan ang paghalik ng munting mga alon sa dambuhalang mga bato.  Pero ngayon ay may sementadong kalsada na nahumaharang sa mga ito. Babalik na sana si Seb sa itaas nang matigilan siya. Binaling ang paningin sa anino na nasa kabilang dulo ng kalsada. Napakunot-noo siya. Nalingunan ni Seb ang babaeng nakatayo halos limampung metro mula sa kanya. Sa distansya nilang iyon at dilim ng paligid ay hindi siya nito makikita ngunit malinaw niya itong nakikita. Ang ipinagtaka niya lang ay bakit hindi niya agad ito naramdaman pagkatalon niya mula sa burol. Nang umihip ang hangin mula rito sa direksyon niya ay lalong gusto niyang magtaka kung paano niya naramdaman ang init na iyon. Hindi na lalong maalis ang pagkakunot ng noo niya. Sa maraming beses niyang pagtakbo at pagtigil sa kalsadang iyon ay bibihira lang siyang makakita ng mga dumadaang biyahero. But never a woman standing there at two in the morning. Wala itong kamalay-malay sa presensya niya. She was just there, hands inside the front pocket of her sweater. Her body is gently swaying with the wind while watching the sea. Sa matalas na pandinig niya ay umaabot sa kanya ang pagha-hum nito ng isang kanta. The woman looked serene and contented. Mga bagay na mahirap makita sa mga tao sa siglong ito. Hindi mahila ni Seb ang paningin sa babae. Gusto niyang isipin na ang kapayapaan ng lugar na iyon at ng dagat na tinatanaw nito ay nagmumula mismo sa babae. Na para bang hinehele nito ang paligid sa kantang hindi niya mahuli ang pamagat. Muling nangunot ang noo niya nang makitang kumilos ang babae at naglakad papunta sa direksyon niya. Sa layo nila ay hindi siya nito agad makikita pero kung hindi siya kikilos ay matatanaw siya nito. At hindi niya kailangang hulaan ang magiging reaksyon nito kung makikita siya nito sa gitna ng kalsadang iyon, walang pang-itaas at walang sapin ang maduduming mga paa. Sigurado siyang ang pantalon niya ay dinikitan din ng putik mula sa dinaanan niya at nabasa na din sa mga hamog ng mga halaman. Siguradong pagtatakahan siya ng babae kung hindi man matatakot ito. Kung ang kabilang direksyon naman ng kalsada ang tutunguhin niya at magkunwaring nag-ja-jogging ay magtataka ito dahil walang ibang pagmumulan kundi ang pinanggalingan nito. Maliban na lang kung maisip nito na tumalon siya mula sa matarik na lupa sa itaas na siyang totoo. Or he can go climb from where he jumped off and disappear from the woods. But he both doesn’t like that. Gusto niyang makaharap ang babae at kumpirmahin ang hinalang nabubuo, walang pakialam kung anuman ang maging reaksyon nito. Humakbang si Sebastian palapit sa babae at hinayaang mahantad dito. Mula sa liwanag ng buwan at sa lapit ng distansya nila ay sigurado si Seb na makikita siya nito at masyadong malaking anino ang ginagawa ng taas niya. Ilang segundo na ang lumipas at hindi tumama ang paningin ng babae sa kanya, lumalagpas ang paningin nito sa direksyon niya. Nakumpirma ni Seb ang hinala, hindi siya nakikita ng babae sa gabi, ang unang pananda sa sinasabi ng propesiya. Muling humakbang si Seb palapit sa dalaga, sobrang lapit na halos isang dangkal na lang ang layo ng mga katawan nila at muling naramdaman ni Seb ang init na hindi pamilyar sa kanya, ang pangalawang pananda. Pakiramdam niya ay tumalas nang sampung beses ang pakiramdam niya dahil sa antisipasyon. Dahan-dahan itong tumingala na kung yuyuko siya nang kaunti ay maglalapat ang mga labi nila. Pinigilang isipin ni Seb ang pagdating ng hindi maintindihang kabog ng dibdib niya sa pagkakalapit na iyon. Sinundan niya ang tinitingala ng babae, ang agila na siyang mata ng gubat na palipad na umiikot sa itaas nila, ang pangatlo at pinakamahalagang pananda… Hindi alam ni Sebastian kung anong milagro ang nangyari at nasa harap niya mismo ngayon ang taong itinuturo ng propesiya, ang taong may taglay ng lahat ng pananda. Isa lang ang alam niya, kailangan niyang madala ang babae sa sagradong lupa sa kahit anong paraan…
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD