Mula noon, madalas na kaming magkita sa MRT station ni Akari, tapos ay sabay kaming papasok, since that is the only time na p’wede niya akong makasama at makausap.
Then, one Friday, nang pauwi na ako, nakita ko siya at the same bench at the same station.
Pinanood ko siya sa malayo.
Titingin-tingin siya sa paligid, mukhang may hinahanap. Naghintay ako ng 10 minutes, tinignan kung may lalapit sa kaniya. Nang wala pa ring dumarating ay naglakad na ako papasok sa estasyon at nagkunwaring `di siya nakikita.
“Vic!” narinig kong tumawag siya sa akin.
“Ah, Akari, ikaw pala, saan ka papunta?”
“Ano... n-nabasa ko kasi sa site ng Tita mo... may midnight market daw kayo?”
“Ah, oo, may nahihiram kaming puwesto sa Pasig palengke every 3rd Friday of the month. Gusto mong pumunta?”
Tumango si Akari. “K-kung... okay lang... Gusto ko sanang mamili ng blouse... para sa mommy ko!”
“Sure, halika, sama ka sa `kin pauwi.”
Kahit maaga-aga pa ay naipit pa rin kami sa traffic. Alas-siete na kami nakarating sa palengke ng Pasig. Alas Otso pa naman ang bukas ng midnight market, pero maaga lagi kaming dumating para lang makakuha ng matinong parking para sa owner type jeep na inaarkila namin kina kuya Jun.
Nandoon na nga si Mang Jun sa multi level parking lot pagdating namin, nakataas ang suot niyang beige t-shirt at nakalabas ang malaki niyang tiyan.
“Kuya Jun, nasaan po si Tita?” tanong ko sa paglapit namin.
“Naghahanap ng kargador para ipasok `tong mga paninda,” sagot ni kuya Jun na nakaupo sa stainless na bumper ng kaniyang owner. “May kasama ka ata?”
“Opo, kaklase ko, si Akari. Akari, kapit-bahay namin, si kuya Jun.”
“Hello po, sir, Jiro Akari po.” Nag-abot siya ng kamay kay kuya Jun na mukhang nagulat.
“Hello, din,” sabi niya. “Mukhang magalang itong kaibigan mo’ng Hapon, ha?”
Namula naman agad si Akari.
“O, Bicoy, nandito ka na pala!” tawag sa akin ni Tita. May kasunod siyang binatilyo na naka-topless. “Buti maaga ka ngayon?”
“Alas-siete na nga ako nakarating, eh,” sagot ko. ”Siya nga pala, Tita, kaklase ko, si Akari, gusto po niya sanang makita ang paninda natin.”
“Ah, ganoon ba?” nginitian ni Tita si Akari.
“Opo Tita, Jiro Akari po, good evening po.” Inabot niya ang kamay ni Tita para nagmano rito. Nahiya naman ako! Huling mano ko ata kay Tita, eh, noong gradeschool pa ako, tuwing Pasko!
“Aba, kaawaan ka ng Diyos!” sabi sa kaniya ni Tita Lucy. “Ang bait naman pala nitong kaibigan mo.”
“Opo, Tita, mabait talaga `yan,” pumunta ako sa likod ng owner. “Tulong na po ako sa pagbubuhat.” Kinuha ko ang isang malaking plastic ng mga panindang panahi at pinasan ito sa balikat ko.
“T-tutulong na rin po ako...” sabi naman ni Akari.
“Naku, huwag ka nang mag-abala, hayaan mo na lang sila, bisita ka pa naman ni Bicoy!”
“Oo nga, at sa bigat nito, baka `di mo kayanin!” dagdag ko.
“K-kahit kaonti lang po, nakakahiya naman na wala akong dala...” pilit niya.
“O, sige, paki bitbit na lang itong lalagyan ng mga hanger,” sabi ni Tita, sabay abot sa kanya ng isang bayong. “Sumunod ka lang sa amin.
Mainit at masikip ang loob ng tiangge. Pagdating ng alas-otso, nakaayos na ang maliit naming stall, at dumagsa na rin ang mga tao.
“Ayan ba ang napili mo para sa mommy mo?” tanong ni Tita kay Akari. “Mukhang sexy pa ang mommy mo ha, hindi pa siksik na tulad ko?” Natawa kaming tatlo sa sinabi niya. Limang blouse ang pinili niya, binigyan pa siya ni Tita ng discount.
“Opo, Tita at mahilig po sa lace si mommy, sigurado magugustuhn niya `to,” sabi ni Akari. “Salamat po, mauuna na po ako.”
“Bakit hindi muna kayo lumibot, at baka may makita ka pang ibang magugustuhan mo d’yan sa paligid,” payo ni Tita sa kaniya. Tumingin sa akin si Akari.
“Tama, lika, libot muna tayo bago ka umuwi,” sabi ko sa kaniya. “Maraming kakaibang binebenta rito. Basta ingatan mo lang ang bulsa mo at marami ring mandurukot sa tabi-tabi.”
Agad napahawak si Akari sa bag niya. Natawa naman kaming magtiyahin.
“Okay lang bang iwan mo si Tita sa stall?” tanong sa akin ni Akari nang makalayo na kami. “Baka mahirapan siya sa pagtinda?”
“Naku, sanay na `yun, mula ba naman pagkabata ko, hanggang ngayon, nagtitinda na siya rito,” sabi ko. “Buti nga at walang okasyon, pagdating n’yan ng -ber months, dagsaan na mga mamimili, sobrang sikip, ayan, kailangan at least dalawa kaming nagbabantay, dahil marami d’yan ang nakikitingin na mga mandurukot at magnanakaw.”
“Hanggang anong oras naman kayo rito?” tanong pa ni Akari.
“Hanggang bukas ng alas-otso ng umaga,” sagot ko. “Kaya nga hanggang alas tres lang ang kinukuha kong subject `pag Fridays at hindi naman ako kumukuha ng classes pag Saturdays.”
Pero mukhang alam na ni Akari iyon. Kaya nga inabangan niya ako sa MRT kanina, eh.
Naglibot pa kami sa night market. Nakabili siya ng polo shirt at belt. Maya-maya ay nagpaalam muli siya para umuwi. Bumalik kami sa stall namin upang kunin ang iniwan niyang bag sa ilalim ng mesa.
“Tita, aalis na raw po si Akari,” paalam ko.
“Ah, siya nga ba? Sige, mag-iingat ka sa biyahe, Bicoy, ikaw naman, umuwi ka nga muna sa atin at dalin mo `yung dalawang plastic ng blouse dun sa patahian sa may tabi ng lababo, at darating daw mamaya `yung isang suki ko.”
“Ho? Bakit naman biglaan?” tanong ko.
“`Yun nga, eh, hindi ko naman masabihan si Jun, at nakauwi na, bukas pa tayo susunduin noon.”
“Sige po, Tita.”
“Mag tricycle ka na, ha?”
“Okay po.”
“S-sama na ko, tulungan kita!” prisinta naman ni Akari.
“Naku, nakakahiya naman sa `yo, baka hanapin ka ng mga magulang mo!”
“Okay lang po, Tita,” pilit pa niya, “Wala po sa bahay ang parents ko, so okay lang po ako ma-late.”
“Anong ‘okay’ doon?!” sabay naming tanong ni Tita.
“Wala kang kasama sa bahay? Teka muna, nakakain ka na ba bago tayo nagkita?” tanong ko sa kaniya.
“Eh, ikaw?” tanong niya pabalik.
“Oo, bago umalis!”
“Nakakain naman ako...” at narinig namin ni Tita ang tiyan niyang nagreklamo.
“Ay nako, Bicoy! Iuwi mo nga `yan at pakainin! May Tinola pa sa ref!” sabi ni Tita. “Alas-onse pa naman ang dating ng kausap ko, bumalik na lang kayo bago mag alas-onse.”
Hinarap ko si Akari at hinatak s’ya paalis.
“`Alika na, uwi na tayo at baka himatayin ka nanaman sa gutom!”
Nakasakay na kami ng tricycle nang maisip ko na si Akari ang unang kaibigan ko from college na naipakilala ko kay Tita. Siya rin ang unang college friend na dadalhin ko sa bahay.
“Haay...” napa hinga ako nang malalaim.
“S-sorry...” bulong niya sa tabi ko.
“Ah, wala `to... bigla naman kasi `yung order na `yun... pati tuloy ikaw naabala namin.”
“Gusto ko naman talagang tumulong.”
“Pero, ba’t naman `di mo sinabing hindi ka pa kumakain?” tanong ko sa kaniya. “Biro mo, alas-nueve pasado na, `di ka pa nag d-dinner? Kaya ka pala hinihimatay, eh!”
“B-baka kasi hindi kita makita kung umalis ako para kumain...” tahimik niyang sinabi.
Naalala ko ang itsura niya habang naghihintay sa MRT bench kanina.
Since three ang labas ko, kumain muna ako nang mabigat bago ako umalis, kaya nang nakita ko siya ng alas-kuwatro pasado ay busog na ako. Nang dumating naman kami ng alas-siete ay busy na kami sa pagbubuhat at pag-aayos sa stall kaya hindi na rin kami nakakain. Ang balak ko nga, eh, pag-alis niya saka ako bibili ng makakain namin ni Tita.
“D’yan na lang po sa tabi, para,” sabi ko sa tricycle driver.
Bumaba kami sa tapat ng aming lumang 2-storey na bahay na panahon pa ni kopong-kopong itinayo. Gawa ito sa kahoy na awa ng Diyos, ay hindi pa nauubos ng mga anay. Capis ang mga bintana nito na natatakpan ng itim na grills na may mga halamang nakasabit.
“Lika, tuloy ka,” aya ko kay Akari.
Binuksan ko ang pinto gamit ang aking susi at sinara `uli ito pagkapasok namin, locking the deadbolt. Dati na kasing may pinasok na bahay dito sa lugar namin at tinali ang mga tao sa loob. Nalimas ang mga gamit nila, pati mga damit, tinangay.
Ang first floor namin ay ang patahian at bodega ng mga tela, sa taas naman ay ang sala, kusina at kainan, pati na rin ang dalawang tulugan. Chineck ko muna ang dalawang bundle ng mga damit bago kami umakyat sa kusina. Inilabas ko ang tinola para iinit.
“Upo ka muna, make yourself at home.”
“S-salamat.”
Mukhang ninenerbyos siya.
“So, saan naman nagpunta ang parents mo?” tanong ko sa kaniya.
“N-nagpunta silang Davao,” mahina niyang sagot.
“Iniwan ka?” I meant it as a joke, pero mukhang nahiya siya lalo at hindi na sumagot.
“Hindi pa ko nakakapuntang Davao,” iniba ko ang usapan. “Ang pinaka malayo kong napuntahan, Cavite, taga roon kasi ang nanay ko.”
“G-gusto mong pumunta minsan?” tanong niya sa akin
“Tayo lang dalawa?” natawa ako.
“H-Hindi... s’yempre kasama si Tita!”
Natawa muli ako sa seryoso niyang sagot. “Ikaw ang guide namin?”
“P-p’wede...?” hindi ko alam kung tanong iyon na nagtataka, o tanong na nagpapaalam kung p’wede akong sumama sa kaniya.
“Eto, mainit na ang tinola, kumain na muna tayo.” Inabutan ko na lang siya ng pagkain.