Umalis ako ng bahay para maghanap ng trabaho. Business administration ang aking kurso. Siguro naman ay may tatanggap sa akin. Nag-apply ako sa isang company na ang kanilang mga products ay mga motor parts. Medyo malaki rin naman ang salary, nasa opisina na ako at magkasama kami sa iisang opisina ng boss ko.
Kahit saan siya magpunta ay bitbit niya ako, kung may out of town siya kailangan kasama niya ako. Pumayag ako dahil gusto kong maibaling ang atensyon ko sa iba, para hindi na ako naka-focus kay Nick. Para kahit paano mahati ang oras at isip ko. Pag-uwi ko sa bahay, wala pa rin si Nick kaya nanuod na lang ako ng TV sa sala hanggang sa nakatulog ako. Umaga na akong nagising pero nasa sofa pa rin ako. Sumilip ako sa labas at wala pa rin ang sasakyan ni Nick. Umakyat ako sa kuwarto ko para mag-shower. First day ko sa trabaho kaya dapat hindi ako ma-late. Pagkatapos kong maligo ay nagbihis agad ako at naglalagay ako ng kaunting make-up sa aking pisngi. Pagbaba ko sa sala, si Nick ang aking nakikita. Nagulat siya sa akin dahil nakasuot ako ng pang-opisina.
“Nicole, saan ka pupunta? Bakit ganyan ang suot mo? At naglalagay ka pa ng make-up?” tanong niya sa akin.
“Nick, first day ko ngayon sa work. I’m sorry kung hindi ako nagsasabi sa ‘yo palagi ka kasing wala sa bahay kaya bored na ako. Saka hindi na ako nagluto ng breakfast hindi ka naman kumakain dito sa bahay ‘di ba? May ulam naman diyan sa fridge, initin mo na lang kung nagugutom ka,” seryosong sagot ko sa kanya at nakita ko ang pag-iba ng kanyang mukha, nakasimangot na siya at hindi niya alam kung ano pa ang kanyang susunod na sasabihin.
“N-Nicole… Wait! Magtatrabaho ka? Bakit mo gagawin ‘yan? Paano ako, Nicole? Sino na ang mag-aalaga sa akin? Ayaw mo na ba akong samahan sa mga gig ko? Kailangan kita, Nicole,” saad ni Nick sa akin.
“I’m sorry, Nick, pero gusto ko lang naman gamitin ang pinag-aralan ko. Sige na, aalis na ako, ha. Bye.” Tumakbo na ako palabas ng bahay pero hinabol pa rin ako ni Nick.
“Nicole! Nicole, wait!” Hinabol ako ni Nick at tinanong niya kung saan ako magtatrabaho. Pagkatapos ay umalis na rin agad ako dahil ayaw kong ma-late. Pagdating ko sa opisina, medyo natambakan ako ng mga files, pero nag-enjoy naman ako kasi kahit paano ay nakalimutan ko si Nick.
“Nicole, next week may out of town ako. Mag-prepare ka ng mga gamit mo, dahil isasama kita,” sabi ng boss ko.
“Okay po, sir. Ilang araw ba tayo, sir?” tanong ko sa kanya.
“Tawagin mo na lang ako sa pangalan ko, Nicole. Magkaedad lang naman tayo,” sabi ng boss ko.
“Jake na lang para hindi ako maiilang,” saad niya sa akin.
“Sir, hindi po. Sir na lang. Nahihiya ako. Boss kita tapos ganyan ang itawag ko sa ‘yo,” seryosong sabi ko sa kanya.
“Nicole, magkaedad lang tayo. Huwag mo akong i-po,” singhal niyang sabi.
“Sir, sige. Okay, pero sir pa rin ang itatawag ko sa ‘yo,” sabi ko.
“Okay, Nicole. Kung ano ang gusto mo. Bahala ka na,” nakangiti niyang sinabi sa akin.
“Okay, sir. Salamat,” tugon ko naman sa kanya.
Gabi na ako umuwi sa bahay dahil kung maaga naman akong umuwi, I’m sure wala na naman si Nick. Kung wala sa group niya sa sayaw ay paniguradong kasama niya si Katrina sa condo. Kaya hindi na ako umuwi nang maaga, nag-overtime na lang ako at tinapos ko ang nakatambak na mga files. Pag-uwi ko sa bahay ay medyo gabi na at naabutan ko si Nick na nakaupo sa sofa. Nagtataka ako dahil hindi pa ito natutulog at nakasimangot ang mukha niya at ang sama niyang makatingin sa akin.
“Nick, bakit hindi ka pa natutulog? Gabi na, matulog ka na. Akala ko hindi ka uuwi nang maaga kaya nag-overtime ako. Nag-dinner ka na ba?” tanong ko sa kanya.
“Wala pa akong kinain. Akala ko magluluto ka ng dinner kaya hindi na ako kumain sa labas,” sagot niya sa akin habang hawak-hawak nito ang remote at palipat-lipat ng channel sa telebisyon.
“Nick, kung okay lang sa ‘yo, magluluto ako. Madali lang naman eh,” sabi ko sa kanya dahil nakita ko sa itsura niya na nagagalit na siya sa akin.
“Nawalan na ako ng gana, Nicole. Matutulog na lang ako!” singhal ni Nick sa akin.
“Nick, galit ka ba? Bakit pinagtaasan mo ako ng boses? First time mo akong sinisigawan, Nick!”
“Nicole, bakit kailangan mo pang magtrabaho? Bakit hindi ka na lang mag-stay dito sa bahay? Kung kailangan mo ng pera meron tayong pera. Hawak mo ang ATM ko ‘di ba? Hindi natin basta-basta mauubos ‘yan!” galit na singhal ni Nick sa akin. Hindi ko namalayan na tumulo na pala ang aking mga luha kaya nagmadali akong tumalikod sa kanya. Pero nagagalit siya dahil tinalikuran ko siya na hindi pa siya tapos magsalita.
“Nick, hindi naman puwedeng palamunin mo ako habambuhay. Darating ang araw na iiwanan mo na ako dahil mag-asawa na kayo ni Katrina! Paano na ako, Nick? Pagod na akong magmukmok. Gusto kung lumabas, gusto kong gamitin ang pinag-aralan ko, masama ba ‘yon ha, Nick?” seryosong tanong ko sa kanya. Nagagalit na rin ako kasi pinagtaasan niya na ako ng boses. First time ko kasing narinig sa kanya na sininghalan niya ako.
“Kung ganoon, nagsasawa ka na sa akin, Nicole? Ang lungkot-lungkot ko, wala akong makausap pag-uwi ko dahil wala ka pa sa bahay. Kapag umuuwi ako, nasanay na ako pagdating ko nandito ka. Aabutan mo ako ng tubig, ima-massage mo mga paa ko at ang masakit nasanay na ako na magkasama tayo lagi eh. Nasanay na ako na nasa tabi lang kita, Nicole. Tapos bigla mong babaguhin ang nakasanayan natin?”
“Nick, kailangan ko rin kumita. Ayaw kong umasa sa ‘yo dahil alam kong pagdating nang araw ay iiwan mo rin ako, dahil hindi naman puwede na kahit meron ka ng asawa ay nasa tabi mo pa rin ako ‘di ba? Ikaw naman ang tatanungin ko, Nick, paano na ako kapag ang lahat nang nakasanayan ko ay biglang mawala, biglang maglaho? Paano ako? Paano ako kung magkakaroon ka na ng pamilya? Mag-isa na lang ako pagdating ng araw, Nick! Hindi ko pa nga nararanasan magkaroon ng boyfriend dahil nasa tabi mo lang ako lagi eh,” sabi ko sa kay Nick at bigla siyang sumimangot nang marinig niya ang sinabi kong hindi pa ako nagkakaroon ng nobyo.
“Wait, Nicole. So, lumabas din ang totoo na gusto mong magtrabaho dahil gusto mong magkaroon ng boyfriend? Kailan mo pa naisip na magkaroon ng nobyo ha, Nicole?” galit na tanong ni Nick sa akin. Hindi ko na rin mapigilan na hindi maiyak dahil nasasaktan ako at hindi ko maintindihan kung bakit.
“Nick, ang sinabi ko lang naman hindi ko pa nararanasan na magkaroon ng boyfriend! Hindi ko sinabi na kaya ako nagtatrabaho dahil gusto kong maghanap ng nobyo.”
“Nicole, huwag ka nang magtrabaho. Hawak mo ang ATM ko, meron tayong maraming pera. Mula ngayon, nasa tabi lang kita. Bawal ka nang lumabas nang hindi mo ako kasama! Naintindihan mo ba ako, Nicole?” seryosong sabi ni Nick sa akin. Parang mauubusan na ako ng hangin sa mga sinasabi niya at hindi ko alam kung bakit ganoon ang kanyang reaction.