Chapter 25

3103 Words
NAPAKURAP-kurap muna ako bago nakasagot. “Manliligaw? S-si Gio?” Halos magdikit na ang mga kilay niya nang lingunin niya ako. “Who else? May iba ka pa bang manliligaw?” “Wala! At hindi naman nanliligaw si Gio.” Isang sarkastikong ngiti ang gumuhit sa mga labi niya. “Yeah, right. Binibisita ka. Dinadalhan ng mga pasalubong pero hindi siya nanliligaw?” Nabura bigla ang ngiti niya at pinalaki ang mga mata. “Nag-iisip ka ba, Gigi? Manhid ka lang ba o tanga?” Natigilan ako sa huling sinabi niya. Hindi ko napigilang masaktan sa terminong ginamit niya. “Matthew, nakakainsulto ka na, ha! Oo, alam kong iba ang pakikitungo ni Gio sa akin pero, hindi naman siya nanliligaw. Mabait lang talaga ‘yong tao.” “And now you’re defending a suitor? Wow, Gigi! Just wow!” Sinalubong ko ang dismayadong tingin niya. Umiling-iling pa siya na parang hindi makapaniwala sa sagot ko. “Hindi ko siya ipinagtatanggol. Sinasabi ko lang ang palagay ko sa tao. Wala siyang ginagawang masama para ipagtanggol pa.” “Baka nalilimutan mong asawa mo ang kaharap mo?” Tumaas nang bahagya ang boses ni Senyorito Matthew. Nagpakahinahon pa rin ako kahit ang totoo ay nangangatal na ako sa umaahong sama ng loob. “’Yon na nga, ‘di ba? Asawa kita pero, ano bang ginawa mo kanina? Wala. Ni hindi ka nga kumibo nang tuksuhin kami ni Gio ng mga trabahador mo.” “Were you expecting me to make a scene? Gigi, ikaw ang may katawan. Alam mo sa sarili mo na hindi ka na dapat magpaligaw. Hindi ka dapat magustuhan ng iba.” Napaawang ang bibig ko. Hindi ko kasi masakyan ang punto niya. Hindi ako makapaniwala na naririnig ko ang mga ganoong katwiran sa kagaya niya. “Matthew, hindi ko kontrolado ang isip ng ibang tao.” “Ibig sabihin okay lang sa’yo na ligawan ka?” Nasa boses niya ang hindi maitagong inis pero, nakakabilib na nakangiti lang siya habang taas-baba ang dibdib sa paghinga. “Siyempre hindi! Hindi dahil alam kong hindi na tama. Pero bakit ba ako ang inaaway mo? Bakit hindi ikaw ang kumausap kay Gio at sabihin sa kaniya na hindi na ako pwedeng ligawan dahil asawa mo na ako?” Natahimik siya. Humugot naman ako ng hangin at ikinalma ang dibdib ko. Nanginginig ang mga kamay ko nang kunin ang baso ng tubig at uminom. Nakita ko sa gilid ng mga mata ko na uminom din siya. Nagulat na lang ako sa tunog ng lumagapak na baso sa breakfast table. Pakiwari ko ay gusto na ring iwasiwas ni Senyorito Matthew ang mga kasangkapan sa harapan namin nang tumayo siya. Hindi pa nga niya napapangalahati ang kinakain. “Gumawa ka ng paraan para tumigil ang isang ‘yon sa pag-aligid sa’yo. H’wag mong dagdagan ang sakit ng ulo ko. H'wag mo ‘kong bigyan ng problema.” At pagkasabi noon ay iniwan na niya ako. Niligpit ko ang pinagkainan namin at naghugas ng pinggan. Nagtagal ako dahil nag-mop na rin ako ng sahig ng kusina. Nang matapos ay umakyat na ako. Hindi ko alam kung tulog na si Senyorito Matthew dahil hindi na siya bumaba pagkatapos akong iwan kanina. Mag-asawa na kami pero sa nangyari kanina, hindi ko alam kung dapat ba akong tumabi sa kaniya. Kaya nagdesisyon na lang akong sa kwarto ko mismo tumuloy. Naglinis ako ng katawan at nagbihis ng pantulog. Mabigat ang dibdib ko nang maupo sa aking kama. Matutulog ba talaga akong mag-isa ngayong gabi? Para akong walang asawang tao. Gusto kong lumipat sa kabilang kwarto pero, baka ayaw nang paistorbo ni Senyorito Matthew. Sasama lang lalo ang loob ko kung sakaling paalisin niya ako. Nahiga ako at nagbuga ng hangin. Ito ang mahirap kapag nag-asawa ka ng taong hindi mo naman lubusang kilala. Hindi mo alam kung paano siya pakikitunguhan. Mabuti sana kung naging magkaibigan man lang kami pero, hindi. Ano bang alam ko tungkol sa kaniya kundi ang pagiging abogado niya at ang pagiging apo ng mga Ylustre? Ni wala akong ideya kung anong klaseng pamilya meron siya sa Maynila. Tumagilid ako ng higa at pumikit. Paano ba ako makakatulog? Hinahanap ko ang mainit na katawan na nakadikit sa katawan ko sa nakaraang mga gabi. Naiinis ako dahil wala akong magawa. Gusto kong makatabi ang asawa ko. Nami-miss ko na siya. Nami-miss ko ang mga brasong nakayakap lagi sa akin. Bumalikwas ako sa kama. Bahala na. Siguro naman ay hindi niya ako itataboy. Lumabas ako ng kwarto at tumayo ako sa tapat ng pinto ni Senyorito Matthew. Akma akong kakatok pero, nagbago ang isip ko. Paano kung magalit siya? Anong sasabihin ko? Humugot ako ng malalim na hininga at tumango. Gagamitin ko sa kaniya ang sarili niyang katwiran. Mag-asawa kami. Kailangan ang mag-asawa ay laging magkatabi sa pagtulog. At hindi ko rin kailangang kumatok sa kwarto namin! Kaya naman walang pagdadalawang-isip kong pinihit ang door knob. Bahagya kong itinulak ang pinto at pagbukas ay naulinigan ko ang isang boses. Kinabahan pa ako pero, nang silipin ko ang loob ay nakita kong nakaupo si Senyorito Matthew sa kama at may kausap sa laptop niya. Hindi ko gaanong maaninag ang mukha ng nagsasalita pero, naririnig ko nang malinaw ang sinasabi nito at ang sagot ng kausap. “We miss you here, Hijo! When will you come home to see your nephew?” “Soon, Madam. I’ll come back home soon. Marami pa lang akong inaasikaso rito lalo na sa property na binili ko. Besides, I’m on indefinite vacation. So why the hurry?” “And why not? Can’t you see? Naunahan ka pa ni Grant. Hindi ka ba naiinggit? Kaya sana pagkatapos mo riyan ay ang pag-aasawa naman ang atupagin mo.” Narinig ko ang marahang tawa ni Senyorito Matthew pagkatapos ng sinabi ng babae. “Madam, ano bang sinasabi mo? Bakit kailangan kong mainggit kay Grant? Magkakaiba kami ng panahon. Kung nauna man siyang magkaasawa at magkaanak, well, good for him. Nagkaroon sa wakas ng direksiyon ang buhay ng bunso mo. Anyway, please, kiss my nephew for me. I already have Skye’s picture on my phone. Ipinadala sa akin kanina ni Grant.” “Sure, Hijo, ihahalik kita nang marami sa pamangkin mo. Pero sana sa susunod ay sa anak mo naman ako hahalik. Gusto ko na ring makita ang magiging apo ko sa’yo.” “Let’s wait and hope for it, Madam. In time. Once I found the right woman, bibigyan din kita ng apo.” Natigilan ako sa sagot ng asawa ko. Right woman? Hindi pa ba ako ang tamang babae na magbibigay ng anak sa kaniya? At sa rami ng beses nang may nangyari sa amin, hindi ba niya naisip na posible kaming makabuo ng sanggol? Hindi rin niya binanggit sa kausap niya ang tungkol sa akin gayong napag-usapan ang tungkol sa pag-aasawa. Ano ba ako sa buhay niya? Tungkol lang sa property at sa bakasyon ang nabanggit niyang meron siya rito sa probinsiya. Parang tinutusok ang dibdib ko sa mga tanong na walang tiyak na kasagutan. Ang tanging malinaw ay kahit sa pamilya niya sa Maynila ay isa ring sikreto ang ginawa niyang pagpapakasal. Naglaho ang kaninang lakas ng loob na meron ako at hindi na tumuloy sa pagpasok. Dahan-dahan kong isinarado ang pinto ni Senyorito Matthew at bumalik sa sarili kong kwarto. “I already asked someone to assist you. Alam n’yo na ang gagawin. Tawagan n’yo na lang ako kung sakaling magkaproblema o kung nailipat n’yo na ang mag-iina.” Iyon ang naabutan kong sinasabi ni Senyorito Matthew sa kausap niya sa cellphone habang pababa ako ng hagdan kinaumagahan. Medyo tinanghali nga ako ng gising dahil pasado alas otso na. Naririnig ko na ang ingay ng mga gumagawa sa likod. “Gising ka na pala?” bungad sa akin ni Senyorito Matthew nang makita akong bumaba. Hindi ko makuhang ngumiti o bumati sa kaniya. “S-sorry kung tinanghali ako.” “May nakita nang bahay ang taong inutusan ko na matitirhan ng pamilya mo. Ipinapaasikaso ko na sa kanila ang paglilipat," imporma niya. Naging malinaw sa akin ang sinasabi niya kanina sa kausap. Tumango ako. “Salamat.” Hinagod niya ng tingin ang suot ko. Nag-iisa lang ang turtle neck ko kaya wala akong pagpipilian kundi ang blouse na cotton at palda. Inilugay ko na lang nang mabuti ang buhok ko upang matakpan ang mga marka sa aking leeg. “Pupuntahan ko na si Ate Rosa.” “May lakad ka ba? O may inaasahan ka ulit na bisita ngayon?” Nagusot ang noo ko sa tono niya. “Ano na naman ‘to, Matthew? Wala akong lakad at lalong wala akong hinihintay na bisita.” Mukhang hindi naman siya apektado ng reaksiyon ko. Nagkibit lang siya ng balikat. “Aalis ako ngayon. I have to meet an old client na taga-rito sa Irosin. Kailangan ko ring pumunta sa hall of justice sa city. Baka mamayang gabi na ako makauwi.” Tumango lang ako pagkatapos ay nilampasan ko na siya. Parang ang bagal ng maghapon na iyon. Ayoko mang aminin dahil masama ang loob ko pero ang totoo ay nami-miss ko si Senyorito Matthew. Mas gusto ko na narito lang siya sa paligid ko. Mas ginaganahan ako na magtrabaho sa bahay. Alas cinco kinse sa cellphone ko nang mag-uwian ang mga trabahador. Bandang alas sais naman nang magpaiwan ako kay Ate Rosa. Tiniyak ko lang sa kaniya na okay lang ako at isa pa, pauwi na naman siguro si Senyorito Matthew. Pag-alis niya ay isinarado ko na ang main door. Ini-lock ko iyon nang mabuti bago binuksan ang music sa cellphone ko. Mas mabuting may napapakinggan ako para hindi ako nakakapag-isip ng kung ano. Alas siete pasado ay nakapagsaing na ako at nakapagluto ng ulam. Saktong kapapatay ko lang ng tugtog sa cellphone ko nang marinig ko ang kumakatok sa pinto. Mabilis pa sa alas kwatro na tumakbo ako sa pinto upang pagbuksan si Senyorito Matthew. Pero nagulat ako dahil si Gio ang nakita kong nakatayo sa terasa. “Good evening, Gigi! Naistorbo ba kita?” “G-Gio? A-anong ginagawa mo rito?” May bahagyang panic sa boses ko. Lumampas ang tingin ko hanggang sa motorsiklo niya. Narinig ko siguro ang tunog noon kung hindi ako masyadong naengganyo sa pakikinig ng music. Mag-aalangang siguro akong magbukas ng pinto kung alam kong siya iyon. “A-ah, kasi…. ” Noon ko lang napansin ang mga bulaklak sa kamay niya nang itaas ang mga iyon. “Aakyat sana ako ng ligaw sa’yo, Gigi. Para sa’yo nga pala.” Natutulalang napatitig ako sa tatlong puting roses na iniaabot niya. Hindi ko maapuhap ang tamang sasabihin kay Gio. “Gigi?” untag niya sa akin nang hindi ako agad nakakibo. “Anong problema? Hindi mo ba nagustuhan?” Tiningnan ko siya at kinakabahang umiling. “G-Gio… sorry talaga pero, kailangan mo nang umalis ngayon din.” “Ganito ba ang ginagawa mo kapag wala ako?” tanong ng isang boses mula sa likuran ni Gio. Namilog ang mga mata ko nang lumutang si Senyorito Matthew at tumayo sa aming gilid. Nasalubong ko ang matiim na tingin niya. “Good evening po, Attorney!” Hindi nito pinansin ang bati ni Gio. Nanatili lang sa akin ang mga mata ni Senyorito Matthew kaya kitang-kita ko kung paano umulap doon ang galit at pagdududa. Mariin akong napalunok sa umahong takot sa dibdib ko. Alam ko sa sarili kong wala akong ginagawa masama pero, kagabi lang kasi namin pinagtalunan ang tungkol kay Gio. “Attorney, pasensiya na po sa abala. Dinadalaw ko lang po ang pinsan n’yo.” “Paalisin mo ang bisita mo at sumunod ka sa akin sa loob,” patuloy na pambabalewala ng abogado kay Gio bago niya ako nilampasan at pumasok sa bahay. “Attorney, pwede ka bang makausap sandali?” habol ni Gio na mukhang hindi apektado sa hindi pamamansin ni Senyorito Matthew. “Gio, please? Umalis ka na lang!” Sinasalakay na ako ng kaba at takot. “Gigi, hindi naman ako nagpunta rito para sa kung ano lang. Aakyat ako ng ligaw sa’yo. Wala akong intensiyong masama.” “Hindi ka pa rin papasok?” mabilasik na ang tono ni Senyorito Matthew nang muling lumabas at hinarap ako. Bago pa ako nakapagsalita ay nagulat na naman ako nang damputin niya sa braso ko at hinila papasok. “Attorney, h’wag mo namang saktan si Gigi!” Natigilan si Senyorito Matthew sa paghila sa akin. Binitiwan niya ako upang harapin si Gio. Sumunod ako upang mamagitan pero, bago pa ako may masabi ay naunahan na ako ng abogado. “Umalis ka na at h’wag kang makialam. Kapag hindi ka pa umalis, kakasuhan kita.” “Bakit, Attorney? Ano bang ginagawa mo? Umaakyat lang naman ako ng ligaw sa pinsan mo.” “Hindi ka talaga aalis?” Mariing umiling si Gio. Nakita ko ang determinasyon sa mukha niya. “Gusto kong makuha ang tiwala mo, Attorney. Mag-usap muna tayo. Lalake sa lalake.” Hindi sumagot si Senyorito Matthew. Subalit nagulantang ako nang itulak niya bigla si Gio dahilan para bumalandra ang huli sa sahig ng terasa. Nabitiwan nito ang dalang bulaklak para sa akin. Nakita iyon ni Senyorito Matthew. Dinampot niya ang mga bulaklak at itinapon kay Gio. Maliksi namang tumayo si Gio na imbes yata na matakot ay tila nahamon pa ang p*gkalalake. Binalot ako ng matinding panic. Hindi ko na malaman kung paano ko siya pahihintuin. “Maging patas ka sana, Attorney,” kalmadong sabi ni Gio na lalong ikinagulat ko. “Wala akong ginagawang masama para tratuhin mo ng ganiyan. Wala ka ring magagawa kung may gusto ako sa pinsan mo.” “Hindi ka talaga titigil?” nagbabantang tanong ng abogado pero, hindi pa rin natinag ang isa. Napasigaw na lang ako nang bigla nitong kwelyuhan si Gio at inangat ang isang kamao. “Tama na, please!” sigaw ko sabay yakap sa braso ni Senyorito Matthew upang pigilan siya. Binalingan ko agad si Gio. “Umalis ka na, Gio! Please, umalis ka na!” mariing wika ko. Ilang sandaling nakatingin lang sa akin si Gio bago ito tumango. “Kung ‘yan ang gusto mo, Gigi…” Tahimik akong nagpasalamat nang binitiwan ni Senyorito Matthew ang kamiseta ni Gio. Tiningnan muna ako ng huli bago ito tumalikod at lumabas ng terasa. Hindi ko napigilang makadama ng awa rito. Ako ang mas nahihiya para sa nangyari. Pinanood ko ang pagsakay ni Gio sa motorsiklo nito. Pero bago pa ito makaalis ay hinila na ako ni Senyorito Matthew papasok ng bahay. Halos isalya niya ako sa sofa bago niya binalikan ang pinto. Halos mawasak iyon sa lakas ng pagkakasarado niya. “Ngayon, ipaliwanag mo kung anong ibig sabihin ng ginawa mo.” Nanlalaki ang mga mata niya nang muli akong harapin. Tingin ko sa kaniya ay isang lobo na handang lumapa anumang oras. “Ayaw mong saktan ko ang manliligaw mo? Iyon ba ang ibig sabihin ng ginawa mo?” galit na tanong niya. “Ayoko siyang masaktan at ayoko ring makasakit ka!” sagot ko sa mas mataas na tono. “Matthew, ano bang kasalanan ni Gio sa’yo? Wala siyang alam sa relasyon natin. Hindi mo ba nakita kung gaano niya kagustong makausap ka? Bakit hindi ka humarap nang maayos kay Gio? Para kang hindi lalake!” “Hah! Really, Gigi? Hindi pa ako lalake nang lagay na ‘yan? Ano pa bang gusto mong gawin ko sa’yo para patunayan ang p*gkalalake ko?” nang-uuyam na tanong niya. “Wala! Wala dahil sa tingin ko, kahit sabihin ko ‘yon sa’yo, hindi mo rin naman gagawin! Ni hindi mo nga maharap nang maayos si Gio! Kung tutuusin, mas lalake pa siya kaysa sa’yo!” Umigting ang mga panga niya at hinaklit ako sa braso. “Anong sinabi mo? Ulitin mo ang sinabi mo?” Hinila ko ang braso ko at itinulak siya. Natitigilang pinagmasdan niya ako. Sunod-sunod ang paghinga ko nang malalim. “Matthew, ayoko ng gulo. Please, lawakan mo naman ang isip mo. Naturingan kang abogado pero, katwiran mo lang ang pinapakinggan mo. Walang kasalanan sa’yo si Gio. Tao siyang humaharap sa atin. Ikaw ang may problema dahil anong ginawa mo? Imbes na kausapin mo siya, idinaan mo sa init ng ulo! Idinaan mo sa dahas at pananakot?” “Why should I talk to him? Hindi ba malinaw naman ang sinabi ko kanina na umalis na siya? Doon pa lang dapat naintindihan na niya na hindi ako makikipag-usap.” Natahimik ako, hindi makapaniwala sa isinagot niya. “At bakit ikaw? Wala ka rin namang ginawa, hindi ba? Kung ayaw mo ng gulo, bakit hindi ikaw mismo ang magsabi sa kaniya kung ano talaga tayo? Ang sabihin mo may gusto ka rin sa Gio na ‘yon kaya hindi mo maipagtapat na may asawa ka na!” “Tumahimik ka!” Hindi ko na naman napigilang sigawan siya. Napahawak pa ako sa dibdib ko dahil pakiramdam ko ay sasabog na iyon sa halo-halong ng emosyon. Dumaloy sa alaala ko ang mga sinabi niya kagabi sa kaniyang kausap. Sobra palang nakakadismaya! Nakakababa ng pagkatao. Pakiramdam ko ay wala akong kwenta. “You don’t tell me to shut up in my own house.” “Bahay ko na rin ito kaya tumahimik ka! Wala akong gusto kay Gio at kung ayaw mong maniwala, wala akong magagawa! Isa pa… paano ko sasabihin na may asawa ako, ha? Paano ko sasabihin kung ‘yong mismong asawa ko hindi ako maipakilala sa ibang tao lalo na sa pamilya niya? Paano ko sasabihin kay Gio na asawa kita kung ikaw mismo, hindi alam kung ano talaga ako sa buhay mo!” Hindi siya kumibo. Napahagulgol ako sa tindi ng sama ng loob. Umagos ang mga luha sa pisngi ko pero, pinilit kong magpatuloy sa aking sinasabi. “Matthew… h-hindi ko ginusto ito," wika ko sa mababang boses. Namaos na rin ako dahil sa kasisigaw kanina pa. "Pinakasalan kita dahil ‘yon ang hiningi mong kabayaran ng lahat ng ginawa mo para sa akin. Pumayag ako dahil wala akong pagpipilian. Pero kahit ganoon ang mga nangyari, nirerespeto kita bilang asawa ko. Kaya sana naman irespeto mo rin ako bilang asawa mo. Hindi ako isang gamit lang na dadamputin mo kapag kailangan, Matthew. Tao ako! Tao ako at asawa mo ako!” Isinigaw ko na ang mga huling kataga sa kagustuhang maiparating iyon sa kaniya. Hindi ko napigilang mapaiyak. At nang hindi pa rin siya sumagot ay patakbo akong umakyat ng hagdan at nagkulong sa kwarto ko. Wala naman akong ibang mapupuntahan. Kaya mag-isa ko na lang iniiyak ang lahat ng sama ng loob at sakit na nararamdaman ko sa sandaling iyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD