NAGPALAKPAKAN kaming lahat nang mahipan na ni Jaypee ang kandila sa birthday cake niya. Tuwang-tuwang yumakap ang kapatid ko kay Tita Donna at pagkatapos ay sa akin.
“Thank you po, Ate sa handa ko at sa cake!”
“Walang anuman, Jaypee! Masaya ka ba?”
“Opo, Ate!”
Nagsimula ang kainan. Iilan lang naman ang bisita nina Tita Donna. Isang buwan pa lang kasi mula nang lumipat sila at kakaunti pa ang mga kakilalang kapitbahay. Nasa loob ng isang village sa bayan ng Irosin ang nakuhang bahay ni Matthew para sa kanila. Sobrang pasasalamat ko sa tulong at suporta na ibinibigay ng asawa ko sa aking pamilya.
“Sa Lunes na pala ang simula ng klase mo, Gigi,” banggit ni Tita Donna habang kumakain kami. Kararating lang ni Ate Candy at sa pagkakaalam ko ay naghahanap ito ng trabaho. Si Jaypee naman ay abala sa mga bisitang kasing-edad niya.
"Opo, Tita. Natutuwa nga ako na makakabalik na ako sa college."
“Maswerte ka sa asawa mo at pinapaaral ka. Kung sa ibang lalake ‘yan, gagawin ka na lang taong-bahay. Tagaluto, tagalaba, tagaplantsa. Hay, naku! Kaya h’wag na h’wag kang gagawa ng ikakagalit ni Attorney para hindi mawala ang swerteng ‘yan sa’yo.”
Hindi na ako nagkomento sa sinabi ng aking madrasta. Simula pa lang, ang mga materyal na bagay lang na naibibigay ni Matthew sa akin ang lagi niyang nakikita. Hindi siya nagsasawa sa kapapayo sa akin na maging masunurin ako sa aking asawa para hindi raw ako nito ipagpalit sa iba.
Ayos lang naman ang mga payo niya. Iyon din ang pinagsisikapan kong gawin kahit may mga nakatago pa rin akong insecurities sa aming relasyon. Kuntento na ako sa kung anong estado ng pagsasama namin. Kuntento na ako sa pagtrato sa akin ni Matthew bilang asawa. Mula nga nang gabing umamin kami kay Ate Rosa, hindi na ulit kami nag-away. Araw-araw ay lagi lang masaya. At walang gabi na hindi niya ako pinaliligaya maliban na lang sa mga pagkakataong hindi talaga pwede.
Si Matthew ang sumundo sa akin sa bahay nina Tita Donna. Binati at ibinigay lang niya ang regalo niya kay Jaypee at nagpaalam na rin kami. Kahit pa halos hilahin na siya ng madrasta ko para kumain man lang ay tumatanggi si Matthew.
“Thank you ulit sa ibinigay mong pambili ng handa at birthday cake ni Jaypee. Masayang-masaya ang kapatid ko," sabi ko habang nasa daan kami pauwi.
“Hindi na sa’kin galing ‘yon, sweetheart, dahil kinuha mo ‘yon mula sa allowance mo.”
Isang tipid na ngiti ang isinagot ko. Hindi ko na iginiit na sa kaniya pa rin galing dahil bigay niya sa akin ang allowance na sinasabi niya. Allowance na sobra-sobra pa sa pangangailangan ko dahil hindi naman ako gumagastos sa bahay. Maging ang mga kakailanganin ko sa school, mga personal na gamit at mga bagong damit ay siya rin ang bumili lahat.
Iniyakap ko ang aking mga braso sa balikat ni Matthew. Isang halik naman ang itinanim niya sa ulo ko.
Papadilim na nang makauwi kami. Maayos na ang lahat sa bahay dahil noong isang araw pa natapos ang mga pagawain at mukhang wala pa ulit plano si Matthew na babaguhin o idadagdag sa bahay. Kung ako ang tatanungin ay tama na ang mga naipagawa niya. Ang importante naman ay komportable kami at tahimik sa aming tinitirhan.
Pagpasok namin ay ibinaba ko sa mesita ang aking bag.
“Magbihis ka na muna. Ipagluluto lang kita ng hapunan.”
“H’wag na,” awat niya at kinuha ang isang kamay ko.
Nagusot ang kilay ko. “Bakit? Hindi ka ba nagugutom? Hindi ka naman kumain kina Tita Donna. ‘Di bale ako, busog ako kaya hindi na ako maghahapunan. Paano ka?”
Kinabig niya ako sa baywang. “I’m okay. Nandiyan ka naman, hindi ba?” aniya at pinagdikit ang aming mga katawan
“Oo nga. Nandito ako para ipaglu-” Hindi ko na natapos ang sasabihin ko nang makuha ko kung ano ang ibig niyang sabihin. Nakikita ko rin kasi iyon sa paraan ng pagtitig niya.
“Parang ang aga naman? May lakad ka ba ulit bukas at nagmamadali kang maka…ano?”
Napatawa siya. “Wala. Sinusulit ko lang dahil hindi kita pwedeng pagurin bukas ng gabi. Remember that it’s your first day of class on Monday.”
Maliit akong ngumiti. Sumeryoso naman si Matthew, pinagmasdan ako. Sinakop niya ng isang palad ang batok ko at saka ako siniil ng mainit na halik.
Hindi na ako nagpapilit pa. Ang totoo ay lagi kong kinasasabikan ang gabi. Madalas kong maitanong sa isip ko kung ganoon ba kapag nakakatikim ang isang babae. Hinahanap-hanap ko kasi lagi ang ginagawa ni Matthew sa akin. Parang laging bago sa akin sa tuwing magtatabi kami.
Linggo. Nasa bahay si Ate Rosa para maglinis at magluto. Kaya ko namang gawin ang lahat ng iyon pero, gusto kasi ni Matthew na ipahinga ko ang buong araw ng Linggo para nasa kondisyon ang isip at katawan ko kinabukasan.
Nagpaalam si Matthew na sasaglit sa bahay ni Victor. Naiwan ako kasama si Ate Rosa. Hindi ako sigurado pero, marahil ay matagal nang gustong magtanong ni Ate Rosa tungkol sa aming mag-asawa. At pagkatapos nga ng isang buwan ay narinig ko rin ang mga inaasahan kong marinig mula sa kaniya.
“Pasensiya ka na, Gigi. Hindi ko lang maintindihan talaga kung bakit pinsan ang pakilala sa’yo ni Attorney sa mga tao gayong kasal naman kayo.”
“Ang totoo, Ate Rosa, noong dinala ako rito ni Matthew, hindi pa po kami kasal. Anak po ako ng dating katiwala sa asyenda na pag-aari ng pamilya ni Matthew. Tinulungan lang talaga niya ako dahil wala akong matitirhan.”
“Kaya pala ‘Senyorito’ ang tawag mo sa kaniya. Akala ko naman, binibiro mo lang ang pinsan mo dahil lagi nang seryoso at masungit sa’yo.”
“Napansin n’yo rin pala ang dating trato niya sa akin?”
“Oo. Pero hindi ko naman inisip na ayaw sa’yo ni Attorney kasi sa tuwing bago siya umalis ay ikaw ang unang bukambibig. Hindi naman maitatangging nagmamalasakit sa’yo si Attorney. Ay naku! Hindi ko na itatanong kung paano kayo nauwi sa kasalan. Mukhang alam ko na kung ano ang nangyari.” Ngumiti ito nang makahulugan.
Hindi na ako sumagot. Parang alam ko na rin naman kung anong iniisip ni Ate Rosa. Siguro ay mayroon lang pagkakaiba sa totoong nangyari.
“Nakakahiya tuloy at tinukso ka pa namin kay Gio. Iyon naman pala ay kasal ka na.”
“Ako nga po ang nahihiya sa inyo lalo na kay Gio. Kasi kung alam naman niya ang totoo, siguradong hindi siya susubok. Halata naman pong matinong tao si Gio.”
Tatlong linggo na siguro ang nakakaraan nang huli kong makausap si Gio. Tinawagan niya ako para humingi ng paumanhin sa ginawa niya. Wala naman siyang kasalanan kung tutuusin pero, tinanggap ko na lang ang sorry niya. Nag-sorry din ako. Pagkatapos ay tinanong ako ni Gio kung pwede pa rin kaming maging magkaibigan. Sa tingin ko ay wala namang masama kaya pumayag ako. Isa pa, tapos na rin naman ang project ng tatay niya sa bahay. Wala na ring dahilan para magkita kaming dalawa.
“Alam mo bang kailan ko lang nalaman na Ylustre pala si Attorney? Naririnig ko lang ang pangalan ng mga Ylustre at alam kong sa kanila ang Hacienda Isabelle sa Sta. Magdalena. Pero hindi ko kilala ang pamilya ng asawa mo. Ikaw ba nakilala mo na sila? Boto ba sila sa’yo para kay Attorney?”
“A-ah… n-nakilala ko naman na po sila…” Pinilit ko ang isang ngiti dahil nakatingin sa akin si Ate Rosa. “Dinala na ako roon minsan ni Matthew bago kami nagpunta rito sa Irosin. Nakilala ko na po ang Lolo ni Matthew at ang tiyahin niya.”
Iyon na lang ang sinabi ko. Hindi ko na sinagot ang huling tanong ni Ate Rosa. Oo, kilala ko ang mga Ylustre at hindi lingid sa kaalaman ko na tutol sa akin ang Lolo ni Matthew. Malamang na ganoon din si Ma’am Samantha.
Nang dumating si Matthew ay nagpaalam na rin si Ate Rosa. Nasa sala ako noon at busy sa laptop na binili niya para magamit ko sa pag-aaral.
“What are you doing?” tanong ni Matthew nang tabihan niya ako pagkatapos ihatid si Ate Rosa sa labas.
“Heto. Nagre-research lang tungkol sa ilang major subjects sa course ko. Kinakabahan kasi ako. Paano kung hindi ko kayanin ang subjects?”
“Kaya mo ‘yan. I believe in you. And you can always ask for my help.”
Ngumiti ako at yumakap kay Matthew. Mula noong una ko siyang makita pagkatapos ng mahigit pitong taon, hindi man lang nagbago ang paraan ng pagtibok ng puso ko. Hindi ko naman kailangang suriin pa sa aking sarili ang katotohanan na mahal ko siya. Sa kabila ng mga pinagdaanan namin, wala akong pinagsisisihan. Na parang kahit danasin ko ulit ang mga lungkot at sakit, hindi pa rin magbabago ang nararamdaman ko para sa kaniya.
Inihatid ako ni Matthew sa unang araw ng pagbabalik ko sa school. Alumpihit ako sa pagbaba kahit naiparada na niya ang sasakyan. Parang ayaw ko siyang iwan. OA na kung OA pero, mami-miss ko ang asawa ko. Maghapon pa naman ang schedule ng klase ko.
“Anong problema? May nalimutan ka ba?” takang tanong niya nang mapansing imbes na bumaba na ako ay tinitigan ko pa siya.
“Ano palang… gagawin mo maghapon?”
Ngumiti si Matthew. “Hindi ba sinabi ko na sa’yo na pag-aaralan ko ‘yong isang kaso na hinahawakan ko? Nagiging makakalimutin ka yata?” Umarko ang mga kilay niya.
Nagbuntung-hininga ako. Hindi ko rin maintindihan ang sarili ko. Para bang nag-aalala ako sa isang bagay na hindi ko alam kung ano.
“Hindi ako aalis ng bahay. I’ll be alone the whole day. Just focus on your study. Tawagan mo ako sa bakanteng oras mo. Susunduin din kita mamayang alas kwatro ng hapon.”
“Okay.”
Tumango si Matthew. Nag-alis na ako ng safety belt. Pero bago ako bumaba ay isa munang halik ang ipinabaon sa akin ng asawa ko.
Gano’n nga ang ginawa ko. Sa unang bakanteng oras ko pa lang ay tinawagan ko na agad si Matthew. Hindi ko na inisip kung nakakaabala ako sa ginagawa niya. Miss ko na ang boses niya. Kaya halos tumalon ang puso ko nang sagutin niya ang aking tawag.
“How is it going? May mga terror professors ka ba?”
“Parang wala pa naman. Mababait ang mga professors sa subjects namin kanina. So far, maganda ang simula. Magaan pa. May mga bago na rin akong kakilala.”
“Boys?”
Nagusot ang noo ko pero, nanatili ang ngiti sa aking labi. Kapag gano’n ang tono ni Matthew, pakiramdam ko, pinagdadamot niya ako sa iba.
“Siyempre meron din. Pero mababait naman sila.”
“Be sure to inform them that you’re already married.”
Marahan akong natawa. “Oo, alam nila. Hindi nga sila makapaniwala.”
“Good," maiksing sagot niya bago ko nadinig ang kaniyang pagbuntung-hininga. "I miss you here. Wala akong nakikitang pabalik-balik sa living room at paikot-ikot sa kitchen.”
Ramdam ko ang pagkislap ng mga mata ko habang nakikinig sa kaniya. “Miss na rin kita. Okay lang ba na... agahan mo mamaya ang pagsundo sa akin? Para paglabas ko, ikaw agad ang makita ko.”
Nahimigan ko ang ngiti niya. “Sure. Anything for my wife.”
Lumunok ako nang mariin. Ang lakas-lakas ng kabog ng puso ko nang muling magbukas ng bibig. “I… I love you…” Kinagat ko ang ibabang labi ko pagkatapos kong sambitin ang mga kataga. At saka ko lang na-realize na ang panget pala ng paraan ko ng pagsasabi.
Sa cellphone pa talaga? Pwede naman habang kaharap ko siya.
Pero gustuhin ko mang bawiin ay huli na. Hinintay ko na lang na sumagot si Matthew.
Doble na ang kaba ko dahil sa embarrassment at takot. Hindi naman ako umaasa na marinig sa kaniya ang gusto kong marinig pero sana ay maniwala siya.
Ilang sandali pa ang lumipas bago ko narinig ang pagbuga niya ng hangin.
“All right. I’ll see you later.”