Kinabukasan matapos kong manggaling sa bahay ay naging abala ulit ako sa pangalawang araw ng klase. Palabas pa lang kami sa hallway ng ilan sa mga kaklase ko nang isang matinis na boses ang bumungad sa amin mula sa kabilang dulo ng hallway. Nasa third floor kami at ang lakas ng boses nito ay tumawid mula sa kabilang dulo hanggang sa amin. Lahat ng mga estudyante ay napalingon. “Girl!” kumakaway na bati ni Nathalia kahit nasa kabilang dulo pa siya ng hallway. Panay naman ang lingon sa kaniya ng mga estudyante at usapan nang makita siya. Kung saan-saang department na lang siya napapadpad. “Uy, Nathalia! Nakita ko ‘yong picture mo noong nakaraan! Bagong brand ambassador ka ng Amore?” dinig kong tanong ng isang nadaanan niya. Ang Amore ay isa sa mga pinakasikat ngayon na luxury brand.