Chelsea’s POV
NAKAUPO ako sa isang sulok kasama ng mga kabanda ko. Hinihintay pa namin ang pagsalang sa stage.
Isa akong singer sa isang banda. Tumutugtog kami sa hindi kasikatang bar sa Maynila. Nabuo ang banda namin noong first year high school pa lamang kami.
Kaya nabuo ang banda dahil sa hilig namin sa musika lalo na kung rock.
Dahil puro pangalan ng bayani ang mga kaibigan ko, pinangalanan namin itong KKK band.
Bente anyos na kaming apat na magkakaibigan at nanatiling solid ang grupo namin. Ginawa na naming trabaho ang pagbabanda dahil kahit paano kumikita naman kami.
Sa umaga tindera ako ng isda at gulay sa palengke at sa gabi naman kumakanta sa banda.
Noon pa man hilig ko na ang pagkanta. Sa katunayan, palagi akong sumasali sa mga singing contest sa lugar namin. Dahil rock music ang lagi kong kinakanta hindi ako pinapalad na manalo. Puro nga consolation prize lang ang nakukuha ko pero para sa akin ayos na rin iyon, atleast may pera akong naiuuwi para sa mga kapatid ko.
"Chelsea, tayo na ang susunod, nakatulala ka na naman diyan. Aba, gabing-gabi nagde-daydream ka pa," birong sabi ni Diego Silang ang drummer sa grupo namin. Big fan ng tatay nito ang bayaning si Diego Silang. Kung kaya pinangalanan niya ang anak na Diego Silang.
"Gago, daydream ka diyan! Sipain ko esopagus mo, eh!" singhal ko sa kaibigan. Nagtawanan sila sa sinabi ko.
"Huwag sa esopagus, Chels, sa ano na lang niya!" hagalpak na tawa naman ni Emilio Jacinto. Siya naman ang lola niya ay big fan sa bayaning ito kaya ipinangalan sa apo niya.
"Eh, bakit doon pa? Sa hotdog na lang niya mas maganda!" sabay tawa ni Apolinario Mabini III. Siya naman ay wala naman talagang balak ang mga magulang na pangalanan sa bayani ang anak nila, nagkataon lang na Mabini talaga ang last name nila. Ang name niya ay isinunod lang sa lolo nito. Dahil siya ay panganay na lalaki sa pamilya.
Wala naman nakakatawa sa mga pinagsasabi nitong mga itlog na 'to. Sila kaya pag-umpugin ko.
"Grabe kayo inapi niyo na ang katawang lupa ko," singhal ni Diego.
"Tama na nga ‘yan. Kung pagsasapakin ko kaya mga ano niyo para maganda? Oh, ano?" hamon ko sa kanila. Ganito kami kabalahura magsalita sa isa't-isa. Pero sanay na kami.
"Hali na kayo tayo na ang sasalang," sabi ko sa kanila. Tumayo ako at pumunta sa maliit na stage na pagkakantahan namin.
Natapos ang nakakapagod naming performance. Alas-dose na pala ng gabi. Umuwi na kami sa kanya-kanya naming mga bahay.
Maaga pa ako magigising mamaya. Tanging pagtratrabaho na lang ang inaatupag ko ngayon. Imbes na mag-aral dahil sa kahirapan nahinto ako sa pag-aaral. Naka-graduate naman ako ng high school ngunit hindi ko na naipagpatuloy sa kolehiyo dahil na rin sa kawalan ng pera. Namatay kasi si Tatay bago ako maka-graduate ng high school. Nagkasakit rin ang Nanay ko dahil sa katratrabaho nito upang matustusan ang pangangailangan namin.
Naiwan sa aking pangangalaga ko ang dalawang nakababatang kapatid na babae. Sila ay sina Lyka, katorse anyos at Lorna, dose anyos.
Bilang panganay ako na ang tumayong magulang nila magmula ng maulila kami sa mga magulang. Sa katunayan, ampon lang ako ng nakagisnan kong mga magulang. Ayon kay Nanay napulot niya ako sa harapan ng simbahan. Pauwi na sana siya noon nang makarinig ng pag-iyak ng sanggol.
Dahil sa kulay ng mga mata at buhok ko, anak raw ako ng kano, ayon sa mga kapitbahay namin. Ang kulay ng mga mata ko ay asul at ang buhok ko naman ay brown. Ganoon pa man, minahal ko sila na parang tunay kong mga kadugo. Kahit anong mangyari sila ang pipiliin ko kung sakaling kunin ako ng tunay kong mga magulang.
Nagkaroon ako ng sama ng loob sa sarili kong pamilya. Paano nila naatim na itapon na lang ako kung mabuti silang mga magulang. Sino ba naman mabuting ina iiwan na lang ang bagong silang na sanggol. Wala siyang puso.
*****
PANSAMANTALA, ako muna ang maghahatid sa kapatid na bunso ng kaibigan kong si Ana. Nagkaroon ng sakit ang yaya nito kung kaya pinakiusapan na ako muna ang maghahatid kay Lilly. Extra kita rin naman ito kung kaya hindi na ako tumanggi.
Pansamantala, hindi muna ako nagtinda sa palengke. Mas malaki kasi ang bigay ng kaibigan ko kaysa sa kinukuhanan ko ng panindang isda mula sa palengke.
Sa isang exclusive school nag-aaral si Lilly. May kaya naman kasi ang pamilya ng kaibigan ko, kaya hindi malayong dito mag-aral ang bata. Kahit may kaya sa buhay si Ana sa publikong paaralan siya nag-aral. Doon ko siya nakilala at naging kaibigan. Hanggang ngayon magkaibigan pa rin kami. Naging malapit na rin sa akin ang kapatid nito at ang mga magulang niya. Tinuring nila akong isang kapamilya.
"Ate Chels, samahan mo ako sa loob, ha?" hiling ni Lilly sa akin. Para tingnan siya, niyuko ko ang aking ulo. Si Lilly ay nasa prep pa lang, kung kaya kailangan ihatid sa eskwelahan ang bata.
"Sige, baby, pero magpapaalam muna ako kay kuya guard baka hindi ako papasukin, okay?" ani ko tsaka ko hinaplos ang buhok nitong mahaba. Tumango naman siya.
Papasok na kami nang may dumating na babae at may kasamang bata. Sa tingin ko, parang naiinis ang bata mula sa pagkakahawak sa kanya ng kasama nito. Matangkad ang babae at may magandang pangangatawan, nakasuot ng mataas na takong at mukhang mamahalin ang damit na suot nito. May bitbit itong handbag sa kanang kamay at sa kabila naman hawa nito ang bata.
Ang batang kasama niya ay maganda at may mahabang buhok. Hindi pa nga maayos ang pagkakasuklay sa buhok ng bata.
"Hey, you little brat, behave yourself. I'm not your yaya to put up with your fussy side!" hinawakan nito ang pulsuhan ng bata. Napangiwi ito sa ginawa ng babae at puwersahang hinila papasok sa loob. Gusto ko sanang pagsabihan ang babae ngunit nagdalawang-isip ako. Baka sabihan akong pakialamera.
Grabe namang Nanay ‘yon, kaya niyang saktan ang sariling anak? Bakit kaya may ganitong klaseng mga Nanay. Masuwerte nga siya at may maganda siyang anak. Iniwan na lang nito ang bata sa loob malapit sa gate at umalis agad.
Ang sama naman ng babae ‘yon. Naawa ako sa itsura ng bata.
Nang masiguro kong nakalayo na ang Nanay nito nilapitan namin siya ni Lilly. Mukha ng iiyak ang bata kaya mas lalo akong naawa sa kanya.
"Hi, baby," nakangiting bati ko sa kanya.
Napatingin siya sa akin. Kita ko ang luha niya sa mga mata. Namumula rin ang kanyang pisngi. May kung anong pinong kirot ang naramdaman ko sa puso ng makita ang hitsura niya. Lumuhod ako upang magpantay kami. Pinunasan ko ang kanyang pisngi gamit ang aking daliri.
"Huwag ka ng umiyak, baby; gusto mo bang samahan ka namin ni Lilly?"
Nakangusong tumango ang bata. Napangiti naman ako. Hinawakan ko ang kanyang kamay at kinuha ang de hila niyang bag.
"Saan ang room mo, baby?" malambing na tanong ko sa kanya. Napalingon ako kay Lilly ng kalabitin niya ako.
"Ate Chels, ito na ang room ko." Turan ng alaga ko. Napatingin rin ang cute na bata sa room ni Lilly.
"This is also my room." Wika ng batang cute.
"Oh, really?" sagot ko naman. Napa-english pa ako, mukha kasing inglisera ang bata. Kagaya ko may asul rin siyang kulay ng mga mata.
"Yes, po, ate," napangiti ako dahil mukhang magalang naman ang bata kahit may kaya sa buhay. Buti hindi namana nito ang ugali mula sa ina.
Inilahad ni Lilly ang palad nito sa batang cute. Pala-kaibigan itong si Lilly parang si Anna ang ate nito. Kaya nga kahit anong hilingin ng kaibigan, hindi niya tinatanggihan dahil napaka buti nito sa akin. Minsan binibigyan pa kami ng mga damit at pagkain.
"My name is Chelsea Salvatore." Pakilala ng bata sa sarili nito.
"Nice to meet you, Chelsea. I am Chelsea Jardin. Pareho tayo ng name. And this is Lilly Santos." Pakilala ko naman sa sarili at sa kasama kong bata. Ngumiti naman ang bata sa amin tsaka nakipag-shake hands pa sa aminng dalawa ni Lilly.
"Ah, wait lang, baby Chelsea, susuklayin ko lang ang hair mo, ha?" napansin ko kasing magulo ang kanyang buhok. Mukhang hindi pa sinuklay ng Nanay nitong bruha.
Kinuha ko ang suklay na nakasukbit sa bulsa ng pantalon ko. Napangiti ako nang masuklay ko ang kanyang mahaba at mabangong buhok.
"Thank you,ate Chels," saad nito. Nakangiti na siya. Hinaplos ko ang kanyang buhok. Hindi ko alam kung bakit napakagaan ng loob ko sa kanya. Nang makita ko siyang umiiyak kanina parang binibiyak ang puso ko. Gusto kong saktan ang Nanay ng bata dahil sa paraan ng pagtrato nito sa anak. Ang gaan ng loob ko sa batang ito. Kahit ngayon ko pa lang siya nakita.
"Go inside, I'll be waiting for you," wika ko sa ingles. Medyo inglisera din kasi si Lilly kaya napapalabas ko ang tinatago kong ingles sa utak ko.
"Opo, ate Chels," sabay na saad ng dalawa. Bago pumasok sa loob ang dalawa hinagkan ko muna ang kanilang mga pisngi.
"Doon lang si ate, ha?" turo ko sa labas. Tumango naman ang dalawa.