PROLOGUE
NAKATINGIN lang ako sa dingding ng bahay. Ni hindi ko nga alam kung ilang oras na akong nakatulala eh. Mahigpit akong nakahawak sa litrato naming dalawa. Sa litratong itona kinunan pa noon ay ang saya namin. May malapad na ngiti ang mga mukha naming dalawa. Pero dahil sa isang pagkakamaling tinakbuhan ko ay nawala sa isang iglap ang taong mahal ko. Pumatak ang luha sa aking mga mata. Hindi na ako nag-abala pang punasan iyon. Useless lang rin naman dahil patuloy pa rin naman silang pumapatak pababa sa aking pisngi. Ganito ba talaga kapag nagmamahal at naiiwan? Pucha, ang sakit.
Ilang beses ko na ring kinumbinsi ang sarili kong tumigil na sa kakaiyak. May karapatan ba akong umiyak kung ako ang dahilan kung bakit siya umalis?
Kung bakit niya ako iniwan?
Kung mas maaga ko lang sinabi sa kanya noon ang nangyari ay hindi na sana mauuwi sa ganito. Naisalba ko pa sana ang relasyon naming dalawa. Gusto kong magwala pero kahit na anong gawin ko ay alam kong hindi ko na maibabalik ang tapos na. Nangyari na ang kinatatakutan ko.
“Bumalik ka na mahal,” hindi ko mapigilang isambit. Kasabay ng pagsambit ko ng mga katagang iyon ay ang mabilis na pagpatak ng mga luha ko. Dire-diretso ang pagpatak ng mga iyon.
Ang mahinang paghikbi ko ay nauwi sa malakas na hagulgol. Tinakpan ko ang mukha ko gamit ang aking mga kamay.
“Miss… na miss na kita…” hindi ko na mapigilang humagulgol pa lalo. Napahawak ako sa dibdib dahil sa sakit na nararamdaman. Hindi ko aakalaing darating ako sa punto na ganito. Napasabunot ako sa sariling buhok. P*t*ng*na, ang sakit!
Nakarinig ako ng katok sa pintuan. Mabilis kong ibinulsa ang litratong hawak ko at agad na nagtungo sa pintuan.
Nagbalik ba siya? Dahil sa naisip ay mas binilisan ko pa ang mga galaw ko at hindi na nagdalawang isip pang mag-ayos at agad na binuksan ang pinto.
Laking dismaya ko noong makita ko ang isa sa mga katrabaho ko sa hospital. Nakasuot pa siya ng uniform namin sa hospital. Pinilit ko ang maging pormal kahit na hindi maayos ang itsura ko.
“Pre, anong nangyari sayo?” bungad ni Jerome. Imbes na sumagot ay niluwagan ko lang ang pinto bago ayain siyang pumasok.
“Pasok ka. Pasensya na magulo,” sabi ko. Nagtungo kaming dalawa sa sala. Umupo siya habang ako ay nakatayo pa rin.
“Anong gusto mong inumin? Juice o tubig?” sabi ko para mabasag ang katahimikan. Nakita kong umiling si Jerome.
“Pre, tapatin mo nga ako. Iniwan ka ba niya?”
Napatigil ako at ilang minutong hindi nakasalita. Masyado bang halata? Malamang, mukha kang taong kalye o mas higit pa sa taong kalye Tonyo.
Napabuntong-hininga ako. Hindi ko na napigilan at naikwento ko sakanya ang nangyari. Lahat lahat wala akong inilihim.
“Pinagtagpo lang kami pero hindi kami itinadhana,” sabi ko. Laking pasalamat ko at hindi ako nautal at humagulgol.
“Hahayaan mo na lang bang manatili kayong ganon? Dude naman ang weak mo,” sabi niya. Nakasandal siya sa upuan. Wala bang duty ang taong to?
“Oo, wala na rin naman akong magagawa. Iniwan niya na ako eh,” napakamot ako sa batok. Kung iyon ang desisyon niya ay bakit ko pa pipigilan?
“Gago kung mahal mo ipaglaban mo,” binatukan ako ni Jerome. Nanlaki ang mata ko dahil sa sinabi niya.
Tama si Jerome. Kung mahal ko ipaglalaban ko. Pero paano ko gagawin kung wala na siya?
“May medical mission nga pala tayo sa isang malayong baryo ng San Martin. Sam aka, baka doon mo makilala ang taong gagamot diyan sa puso mong sugatan,” aniya.
Tama. Kailangan ko nga siguro ang bagay na ito.