"Nakita namin iyong photo shoot mo kanina," simula ni JC. "That was hot, Sabina!"
Ininom ko muna ang strawberry juice bago binalingan ang kaibigan. "Huwag mong sabihin dahil sa napanood n'yong pagpo-pose ko kanina ay type mo na ako, Josiah Calian?"
Kaagad na nasamid si Markiel na tahimik na umiinom ng kape. Hindi ko nga maintindihan ang isang ito, nagkakape ng ganitong oras. Hindi s'ya puwede sa alak kaya sa halip na sa bar ay dito talaga kami dumiretso pero kape naman ang pinili n'yang order-in. Ang alam ko ay bawal din iyon sa mga katulad n'yang athlete.
Nasa isa kaming cafe' na malapit sa studio na pinag-shoot-ingan ko. Nagpaalam na rin si Kian dahil kailangan pa n'yang bumalik sa agency para i-update ang management na successful ang photoshoot. Isa pa ay masyadong hectic ang schedule ko sa mga susunod na araw at noong nakaraan pa talaga s’ya naloloka dahil hirap s’yang pagkasyahin ang lahat ng projects sa schedule ko.
May sapi rin kasi ang isang iyon, mayaman na naman pero hindi man lang nagrereklamo sa management na tambak na kami ng projects. Kuha pa rin nang kuha samantalang kung tutuusin ay puwede s’yang tumanggi at magreklamo. At ang tinatanggap n’ya pa talaga ay iyong mga malalaking proyekto. Hindi ko na rin muna s’ya binibigyan ng sakit ng ulo dahil ang mga pinipili naman n’ya ay iyong mga proyektong magbe-benefit din ako kaya hinahayaan ko na lang din s’ya pagdating sa bagay na iyon. May mga project naman na kung saan ay kinukuha n’ya talaga ang opinyon ko, iyon ‘yong mga proyektong hindi s’ya sigurado kung gusto kong gawin.
Mabuti na rin lang at wala akong ibang schedule ngayon, ang photoshoot ng alak na iyon ang huling schedule ko sa araw na ito.
Umismid si JC. "Huwag ka ngang magbiro, Sabina. Hindi pa ako nasisiraan ng bait para taluhin ang isa sa mga kaibigan ko."
Umarte pa talaga s’ya na parang naduduwal. Pasalamat talaga s’ya at guwapo s’ya kung hindi ay baka kanina pa dumugo ang kanyang nguso.
Iniabot ko kay Markiel ang kahon ng tissue.
"Saan pala kayo tumutuloy ngayon?" Itinuro ko si Markiel. "Siguradong hindi alam ng team mo na nakarating ka rito at ito namang si JC ay hindi na ako magtataka kung sa kalye na natutulog. Hindi na ako magugulat kapag nabalitaan kong nasa north pole na ito at isa na sa mga reindeer ni Santa Claus.”
Natatawang kinurot ni Markiel ang pisngi ko. "Magkasama kami sa hotel. And don't worry, ipinaalam ko sa team ko na pupunta ako rito. Hindi na rin naman nila ako pinigilan."
Nangunot ang noo ko. "Why? Hindi ba maganda ang naging laro mo sa Belgium kaya sinipa ka na sa team mo? O baka may mas magaling na sa ‘yo kaya hinayaan ka na nilang magliwaliw ngayon?” Eksaheradong pinalaki ko ang mga mata. “Don’t tell me na kaya ka na lang nasa team n’yo ay dahil guwapo ka? For marketing strategy?”
Humalakhak si JC. "You're still crazy, Sabina. He was given months of vacation."
Naging makatotohanan na ang pamimilog ng mga mata ko. Nakanganga yata ako nang tingnan ko si Markiel. "Wait, months of vacation? Why? Sandali, are you suffering from any injury, Markiel Antonio?"
Ngumiti si Markiel. "Hindi mo kailangang magulat. Lahat naman ng athlete ay nakararanas ng mga injury. Normal na sa amin ang magkaroon niyon and I’m not an exception.”
Ibinaba ko ang hawak na baso ng strawberry juice at seryosong tinitigan ang lalaki. "What kind of injury." Pinasadahan ko ang kabuuan n’ya, sinusubukan kung magagawa ko bang makita ang injury na mayroon s’ya.
Hindi sumagot si Markiel. Hinalo lang n'ya nang hinalo ang kape. Ngayon ay alam ko na kung bakit nang makita ko s'ya kanina ay malakas ang pakiramdam ko na may may dinadala s'ya. Lagi naman s’yang tahimik at sanay na kami sa ganoong uri ng kanyang personalidad ngunit alam din namin kung kailan kakaiba ang katahimikan ng mga kaibigan naming hindi naman ganoon kadadaldal katulad na lang ng isang ito.
"Slap tear." Si JC ang sumagot pagkatapos ay sinulyapan si Markiel. "Suwerte pa rin s'ya dahil hindi n'ya kailangang dumaan sa operasyon pero dahil baka lumala ang kaliwa n'yang balikat, kailangan n'ya munang magpahinga. Kaya isinama ko na s’ya para naman ay makapag-relax s’ya bago man lang s’ya umuwi sa Pilipinas for his therapy.”
Pamilyar ako sa iba't-ibang uri ng injury na puwedeng maranasan ng isang baseball player lalo na ng isang pitcher. Dahil na nga in kay Markiel. Hindi kami masyadong fan ng baseball ngunit sinigurado naming may magagawa kami para suportahan ang lalaki.
Kaming tatlo nina Gabriella at Letti, ginawa naming pamilyar ang mga sarili namin sa mga bagay na pinagkakaabalahan ng mga kaibigan naming lalaki para kung sakaling kailanganin nila ng tulong namin ay may magagawa kami para sa kanila lalo na at karamihan sa kanila ay kakaiba ang mga trip na pagkaabalahan.
Superior Labrum, Anterior to Posterior tears, iyon ang ibig sabihin ng injury'ng binanggit ni JC. Maaaring naapektuhan ang cartilage ni Markiel sa kanyang balikat na may injury.
"Huwag kang mag-alala, Sab. Hindi naman malala ang injury ko. May ibinigay sa akin ang team na kailangan kong gawin para gumaling. Nilimitahan nga lang nila ang training ko and I need to see the team's doctor once a week for months. May therapy rin ako at bago pa kami pumunta rito ay ilang espesyalista na ang tumingin sa balikat ko at iisa ang kanilang mga sinabi— mas mabuting na-diagnose nang maaga kaya hindi rin kailangang operahan. I just need a proper rest.”
Ngumiwi ako. "Ilang buwan lang ba talaga? At to be specific, ilang buwan daw ba?”
Nagkibit ng mga balikat si Markiel. "It can take up to half a year. I also need to attend all of my physical therapy para mag-improve ang kalagayan ko."
I heard a but, pinili ko na nga lang na huwag nang magtanong pa dahil mukhang hindi pa s’ya komportableng pag-usapan ang tungkol sa kanyang injury. Naiintindihan ko naman iyon dahil first time n’yang maranasan ito at buhay na n’ya ang baseball. Siguradong kahit hindi s’ya magsalita at kahit hindi n’ya ipakita, apektado s’ya sa nangyaring ito sa kanya.
Tumango ako. "So, pagkagaling n'yo rito sa France, uuwi ka ba muna sa Pilipinas?"
"Yeah. Pinayagan din naman ako ng team. Magandang opportunity na rin ito para naman makapagbakasyon ako. Ito rin ang magiging kauna-unahang bakasyon ko since we graduated in college kaya pabor na rin sa akin ang sitwasyon kahit papaano." Markiel grinned.
Napapailing na pinagmasdan ko na lang ang dalawang lalaki. "Ang isa sa inyo ay babalik sa Pilipinas at ang isa naman ay hindi tiyak ang pupuntahan, how ironic!"
"Hey! Wala namang masama roon," ani JC. "It's part of growing up."
Nginisihan ko ang kaibigan. "Stop the nonsense, Josiah... Matagal ka nang tumigil sa paglaki."
Muntik nang masamid si JC. "You should watch what you say, Sabina. Iba na ang itinatakbo ng isip ko."
Sumandal ako sa upuan at tumingala. "Gab called me yesterday. Mukhang malaki ang tampo ni Letticia. Sigurado akong masama rin ang loob sa akin ng babaeng iyon."
JC drank his drink. "You can't blame her, though. Letti was left alone. Puro mga lalaki kami and may mga bagay na hindi n'ya magawang sabihin sa amin. Isa pa, kahit nakatikim sa amin ng suntok si Macky, wala namang magagawa iyon.”
"Kaya umuwi ka naman kahit sandali sa Pilipinas," wika naman ni Markiel. "Wala naman sigurong masama kung magbabakasyon ka roon kahit sandal lang."
My eyes roamed around the coffee shop. Dumadami na ang dahilan para umuwi ako pero mas nagiging determinado naman akong manatili na lang dito sa France.
"Wala ka ba talagang balak umuwi o kahit magbakasyon lang doon?" tanong ni Markiel.
Tumingin ako sa lalaki. Guwapo pa rin s'ya at hindi na ako nagtataka kung bakit naging crush ko s'ya noong college kami. Nasa mukha n’ya ang lahat ng dahilan kung bakit halos ipagsigawan ko na noon sa buong eskwelahan na ako ang kanyang magiging future girlfriend.
Bahagya akong napaismid nang maalala kung gaano ako ka-taklesa noong college. Muli ko na namang naramdaman ang pangungulilang dala ng mga alaala mula sa nakaraan. Iyon din ang parehong nararamdaman ko sa tuwing tinitingnan ko ang larawan namin ng mga kaibigan ko.
Miss na miss ko na sila at sa totoo lang ay gusto ko na silang yakapin ngunit nadadaig ng rason ko ang pangungulilang narraamdaman ko para sa mga taong gustong-gusto ko nang makita.
Umiling ako. "I told you guys, masaya na ako rito." Hinawakan ko ang inumin at sumimsim doon.
kabaliktaran nga lang iyon ng totoo kong nararamdaman. I'm eager to see someone.
Ipinatong ni JC ang mga kamay sa ibabaw ng lamesa. "But, I think kailangan mong umuwi para sa kasal ni Macky."
Kaagad kong naibuga ang iniinom na juice. Mabilis namang kumilos ang dalawa at inabutan ako ng tissue. Pinunasan na rin nila ang ilang patak ng juice sa lamesa na naibuga ko.
"What? Sinong ikakasal?" hindi makapaniwalang tanong ko. Kulang na lang ay panlakihan ko ng mga mata si JC. “What the hell did you say?!”
Kumamot sa ulo si JC. "Si Mackisig, engage na s'ya sa anak ng business partner ng tatay n'ya and ikakasal na sila next season. Dalawang buwan na lang bago magpalit ang season. Kaya kailangan mo talagang umuwi dahil siguradong magtatampo ang isang iyon kapag hindi ka nakapunta. Alam mo namang dapat ay kompleto tayo para sa araw na iyon."
Aware ako na nagkaroon ng relasyon sina Macky at Letticia. Nalaman ko ring naghiwalay ang dalawa pero hindi ko alam kung ano ang eksaktong dahilan. Hindi rin naman alam ni Gabriella kaya hindi n'ya masabi sa akin. At kung tatanungin ko naman nang direkta si Letti, dapat ay sa personal iyon at bago iyon ay kailangan ko munang humingi ng tawad sa kanya dahil sa biglaan kong pag-alis.
Malakas nga lang din ang kutob ko na may kinalaman ang kanilang paghihiwalay sa pagiging Chinese ni Mackisig. Sa kabila ng Pinoy na Pinoy n'yang pangalan ay hindi pa rin maitatago na puro s’yang Chinese at hindi pa nakatulong na s’ya ang first born.
Alam ko naman ang kakaibang tradisyon na mayroon ang mga Chinese ngunit ni kahit misan ay hindi sumagi sa isip ko na hanggang nagyon ay uso pa rin ang ganoon at nangyayari nga sa pamilya nina Macky. Ilang taon din n’yang minahal nang palihim si Letticia at nang maging sila nga ay nauwi naman iyon sa hiwalayan.
That’s insane!
Bigla kong naramdaman ang pangangati ng aking mga kamay. Parang gusto kong suntukin si Mackisig. Nakita ko kung paano n’ya hinintay si Letticia at hindi ko man nakita ang naging takbo ng kanilang relasyon, nasisiguro ko namang hindi naging toxic iyon. At hindi ako makapaniwalang maghihiwalay sila nang ganoon na lang! Pumayag talaga si Macky na maging ganoon ang kahinatnan ng kanilang relasyon? That’s ridiculous!
"Siraulo ka ba, JC?" inis na tanong ko. "Gusto mo talagang pumunta ako roon? Sa oras ma um-attend ako sa kasal ni Macky ay baka magdala ako ng kanyon at pasabugin ko ang lahat ng mga tao roon. O baka nga ako pa mismo ang magtakas kay Mackisig!”
Natatawang hinila ni Markiel ang braso ko. "Kumalma ka, Sabina. Wala na tayong magagawa kung iyon ang naging desisyon nilang dalawa. Maayos naman silang maghiwalay kaya hayaan na natin sila."
Lumabi ako. Parang gusto ko tuloy umuwi. Gusto ko lang tadyakan si Macky pagkatapos ay babalik na ako ulit dito sa France.
"Huwag na muna nating isipin ang mga problema natin." Tumayo na si Markiel. "Sabina, dalhin mo kami sa pinakamagandang bar dito."
Awtomatik na tumaas ang kilay ko. "Bakit? Akala ko ba ay bawal ka sa alak?" Pinanlisikan ko pa s'ya ng mga mata.
Nagkibit ng mga balikat si Markiel. "Nasa bakasyon ako, hindi ba? Isa pa ay minsan lang naman ito kaya hindi naman masama. Na-miss ko ring uminom."
Napapalatak na lang ako. Na-miss daw uminom! Akala mo anman ay umiinom talaga! Nang tingnan ko si JC ay nakangisi lang ang loko, wala sa itsura n’ya na pipigilan n’ya ang trip ni Markiel. Hindi ko tuloy mahulaan kung ano ang tumatakbo sa isip n'ya.
"Bakit ganyan na naman ang itsura mo, Josiah?" napapantastikuhang tanong ko kay JC. "May binabalak ka na namang masama, ano? Huwag mong sabihing may plano kang mambabae?!”
Sa mga kaibigan naming lalaki, Josiah Calian Stefano is the most dangerous one. Kung gugustuhin n’ya, siya ang magiging pinakatahimik na nilalang sa balat ng kalupaan ngunit mas delikado iyon dahil kakaiba na ang mga naiisip n’ya sa tuwing pipiliin n’yang manahimik. Ganoon s’ya kamisteryoso.
Well, lahat naman ng mga itlog na iyon ay may iba't-ibang toyo. Si JC nga lang iyong tipong hindi ko talaga masasakyan ang toyo.
"Wala naman, napapaisip lang ako kung anong dahilan at ayaw mong umuwi sa Pilipinas," ani JC, hindi pa rin nawawala ang nakalolokong ngisi sa mga labi.
Namaywang ako. "Kailan ka pa naging tsismoso?"
Narinig ko ang pagtawa ni Markiel. "Ako, may ideya ako." Itinaas pa n’ya talaga ang isang kamay na parang sasagot lang sa recitation.
Kaagad na tumuon ang mga mata ko kay Markiel. "Huh?"
Itinuro lang ni Markiel ang labas. "Aalis na ba tayo rito o sa labas ko na lang kayo hihintayin?"
"Sandali lang," sagot ko at hinarap si JC. "Wala ka bang planong sumama sa amin?" tanong ko.
Itinuro ako ni JC. "Sasama lang ako kapag nagpalit ka na ng damit."
Tiningnan ko ang suot na damit. "What's wrong with my clothes?"
Umiling si JC. "Wala naman pero mahirap na. Ayoko rin namang mapaaway, baka madagdagan pa ang injury ni Markiel kapag may siraulong humarot sa 'yo."
Naiiling na tumayo ako. "Ewan ko sa inyo. Mabuti pa ay samahan n'yo na rin ako sa condo ko. Magpapalit lang ako."
Mabilis na tumayo si JC. "Tara! Let's party!"
Napatawa kami ni Markiel sa inasal ng kaibigan. Kaagad nga lang akong natigilan nang biglang may bumundol na kaba sa dibdib ko. May kung anong takot akong naramdaman, para bang may nangyayari o may mangyayaring hindi maganda na hindi ko maintindihan. Kaagad ding bumigat ang dibdib ko kaya hindi ko maiwasang hindi humawak sa dibdib.
Ngunit kung gaano kabilis na dumating sa akin ang pakiramdam na iyon ay ganoon din iyon kabilis na nawala. Napahugot na lang ako ng malalim na buntong-hininga para tuluyang makalma ang sarili.
"Hey, Sab, may problema ba?" nag-aalalang tanong ni Markiel. Nangungunot ang kanyang noo kaya napatingin na rin sa akin si JC.
“Masama ba ang pakiramdam mo? Gusto mo bang ihatid ka na lang namin sa condo mo para makapagpahinga ka na muna?” segunda ni JC, nasa boses ang pag-aalala.
Umiling ako at pilit na ngumiti. "Wala. Medyo kinabahan lang ako pero wala lang 'to. Okay lang ako. Tara na!"
“Are you sure? Baka naman ay may naging injury ka rin, sabihin mo lang—
Hindi na naituloy ni JC ang sasabihin dahil kaagad ko na s’yang sinapak. “Siraulo! Tayo na nga at nang masulit natin ang araw na ito!” Hinila ko na silang dalawa at kinalimutan ang kabang naramdaman.
Wala lang ‘yon! Kinabahan lang ako siguro pero wala naman sigurong ibig sabihin ang pakiramdam na iyon! Tama, tama!