"Sabina!"
Kulang na lang ay talunin ko ang may-ari ng nakakairitang boses na iyon. Gusto ko pang matulog ngunit hindi sapat ang antok ko dahil kaagad akong nagising.
Inis na bumangon ako at tiningnan nang masama ang manager ko. Kung hindi lang talaga s'ya guwapo na lalaking guwapo rin ang hanap ay baka matagal ko na s'yang hinalikan.
"Hoy, babae! Huwag mo nga akong nginungusuan nang ganyan. Hindi kita type!" angil nito sa kanya.
"Hindi rin kita type, 'no!" eksaheradong sagot ko. "Dalawang lalaki lang ang pumasa sa listahan ng mga ideal man ko! Iyong kaibigan kong sikat na Major player na si Markiel at-
Tang-ina! Bakit muntik ko nang pangalanan si Gian? At kailan ko pa naisama sa listahan ng mga type ko ang butiking iyon?
Inis na sumimangot ako at naupo sa gilid ng kama. Hindi ko talaga alam kung ano ang mayroon sa taong ito. Kung bakit parang lahat yata ng bagay at mga tao sa paligid ko ay nagpapaalala ng katangahan ko sa nakaraan.
"Oh, anong nangyari sa 'yo? Bakit nanghahaba na naman ang nguso mo?" tanong ni Kian.
Huminga ako nang malalim at tumingala sa puting kisame.
Dalawang linggo na ang nakararaan buhat nang magkita-kita kami nina Gabriella sa Canada. Ganoon na rin katagal mula nang bumalik ako rito sa France, ang bansang hanggang ngayon ay aminado kong estranghero pa rin sa akin pero itinuturing ko nang ikalawang tahanan.
Tinabig ni Kian ang balikat ko. "Uy, ano ba ang problema mo? Bakit mula nang umuwi ka rito ay lagi na kitang nakikitang tahimik at tulala? May nangyari bang kakaiba sa Canada?"
Wala naman talaga.
Noong sinabi ni Sebastian na nakasabay n'ya sa eroplano si Gian, inaamin kong umasa akong makikita ko s'ya. Ngunit hindi. Ni hindi ko nakita kahit ang anino n'ya.
Heto nga't nakabalik na ako't lahat dito sa France pero ni hindi ko man lang s'ya nakita. Walang Gian na nagpakita sa akin.
Umiling ako. "Wala naman. Naging masaya ang mini-reunion naming magkakaibigan doon. Hindi plinano pero sobrang saya ng nangyari," sabi ko pa.
Hindi naman ang tungkol sa nangyari sa Canada ang dahilan ng pananahimik ko. Dahil katulad ng sinabi ko kay Kian, wala namang kakaibang nangyari roon. Bukod sa nagkasiyahan kaming apat ay nalasing ako nang sobra.
Hindi ko rin naman puwedeng sabihin sa kanyang disappointment din ang nakuha ko dahil umasa ako sa sinabi ni Sebastian.
Baka naman ay ginagagó lang ako ng isang iyon?
Hinilot ko ang sentido nang balikan ang naging lakad ko sa Canada. Maging iyong mga nalaman ko mula sa mga kaibigan.
Si Letticia ang dahilan ng pagiging matamlay ko. Nalaman ko mula sa iba naming kaibigan ang ginawang pagwo-walk out ni Letti sa welcome party ni Gab. At kung hindi ko pa pinilit si Gabriella ay hindi n'ya sasabihin sa akin ang buong kuwento.
Nakokonsensiya ako. Dahil kahit anong dahilan pa ang ibigay ko para depensahan ang naging desisyon ko, tama pa rin si Letti.
Iniwan namin s'yang mag-isa roon. Hindi sapat na naroon sa Pilipinas ang iba pa naming mga kaibigang lalaki dahil may mga bagay na hindi n'ya kayang sabihin sa mga iyon at sa amin lang ni Gab n'ya magagawang sabihin. But, Gab and I both run away.
"Kung makakapagbukas lang sana ako ng portal dito ay ginawa ko na," wala sa sariling sabi ko habang nakatingin sa kawalan. "Para magagawa kong makabalik sa Pilipinas anumang oras ko gustuhin. Agad din akong makakaalis."
"Stop being weird, Sabina," ani Kian at inilagay sa hita ko ang isang card. Isa iyong invitation card.
"La Gala?" Nangunot ang noo ko nang makilala ang isang prestigious event na ginaganap sa capital ng fashion.
Isang beses isang taon lang ginaganap ang La Gala at hindi lahat ay nakakapunta sa event na iyon. Piling-pili lang ang mga iniimbita sa event na iyon at isang karangalan ang makatanggap ng imbitasyon.
"Hindi naman ako artista," komento ko at inilagay ang invitation card sa ibabaw ng kama. "Anong mayroon at pinadalhan na naman nila ako ng invitation?" takang tanong ko.
Pangalawang beses ko nang nakatanggap ng imbitasyon mula sa La Gala. Noong una ay hindi ako nakapunta dahil na-stranded ako ng isang linggo sa Australia. May fashion show akong in-attend-an doon at hindi kami agad nakaalis dahil nagkaroon ng bagyo.
"You should go," Kian stated bago mabilis na umiling. "No, you must go. We're talking about La Gala here! Ang prestisyusong pagtitipon ng may mga malalaking pangalan sa mundo ng fashion at ng showbiz!"
Hindi ko s'ya pinansin at ibinagsak ang katawan sa kama. Muli akong tumitig sa kisame at pinag-aralan ang detalye ng disenyo ng chandelier na nakasabit doon.
"Sa lahat ng mga modelong may malalaking pangalan sa industriya, ikaw lang ang pinadalhan ng imbitasyon ng La Gala!" Kian exclaimed. Pumalakpak pa s'ya. Para s'yang nangangarap ng gising habang nakatitig sa kawalan. "Kailangan mong magpakita para lalo ka pang makilala!"
Umiling ako.
"Alam kong magaling akong modelo at madami na ring mga produktong namarkahang sold out dahil sa akin ngunit hindi ko pa rin alam kung bakit nila ako padadalhan ng invitation card. Isa pa ay may shoot ako sa araw ng event, hindi ba?" dagdag ko at kinuha ang card para tingnan ang detalye.
Tama nga ako. May naka-schedule akong shoot sa Copenhagen sa susunod na linggo, ang mismong date kung kailan gaganapin ang La Gala sa Paris.
"Kailangan mong um-attend," matigas na sabi ni Kian at namaywang pa sa harap ko. "Hindi mo ba alam na ikaw ang inunang bigyan ng invitation card? Noong araw na basta ka na lang pumunta sa Canada, dumating ang invitation na iyan..."
Bumalik ako sa pagkakaupo sa ibabaw ng kama at ikiniling ang ulo. "Bakit hindi ko yata alam ang tungkol doon?"
Kumamot sa ulo si Kian. "Naiwala ko kasi ang tungkol diyan. Bukod sa nabigla ako nang nalaman kong invited ka ulit, bigla ka na lang pumunta ng Canada kaya nataranta ako nang sobra para ayusin ang mga nasa schedule mo. Mabuti at nakita ko ito kaninang madaling araw."
"Dapat ay hindi mo na hinanap," inis na sabi ko.
Isang unan ang kaagad na sumalubong sa akin. Hindi ko iyon naiwasan kaya tumama iyon sa mukha ko.
"Wala kang choice, alam na ito ng agency kaya kailangan mo talagang um-attend."
Ngumiwi ako at tumayo. Dinampot ko ang invitation card at basta na lang inilagay sa isa sa mga drawer ko.
"Ang agency na rin ang naghahanda ng susuotin mo. Siguradong bongga iyon dahil ang kilalang fashion house ang pinili nila para gumawa at magdisenyo ng isusuot mo!" excited na dagdag pa ni Kian.
Ikiniling ko ang ulo ko. "Kilalang fashion house? Are you referring to The Witches' Boutique?"
Mabilis na pumalakpak si Kian. "Tumpak! Nakuha mo, Sabina!"
Napailing na lang ako at itinuro ang banyo. "Maliligo na muna ako. Saka na natin pag-usapan ang tungkol sa La Gala na iyan."
Mabilis na tinakbo ni Kian ang distansya namin at humarang s'ya sa harapan ko.
"Ang La Gala ang pinag-uusapan natin dito, Sabina!" gigil na sabi n'ya.
Kulang na lang ay umikot ang mga mata ko dahil sa kulit ng manager ko. "Wala ba akong schedule ngayon kaya kailangan talaga nating pag-usapan ang tungkol diyan?"
"Well, puno ang araw na ito ng mga schedule mo. Rarampa ka sa La Mader, may photoshoot ka rin mamayang pagkatapos ng lunch, na-invite ka sa isang fashion show ng alas tres ng hapon at may ribbon-cutting event ka sa alas-cinco ng hapon. Ikaw ang napiling mag-cut ng ribbon doon." Huminga nang malalim si Kian. "May dinner event ka ring kailangang daluhan mamayang gabi. So, kung iniisip mong magliwaliw, wala kang oras para roon."
Tinaasan ko s'ya ng kilay. "Hindi ako magliliwaliw. Gusto ko lang maintindihan mo na wala akong oras para isipin ang La Gala. Isa pa, alam na ng agency ang tungkol diyan kaya sigurado akong papupuntahin nila ako riyan, sa ayaw ko man o sa gusto."
Pagkasabi niyon ay tinapik ko s'ya sa balikat at dumiretso na sa banyo.
"Nakakapagod ang daily schedule mo!" sigaw ni Kian mula sa labas pagkasarang-pagkasara ko pa lang sa pinto ng banyo.
Sumandal ako sa pinto at pumikit. "So?"
"Kaya i-grab mo na ang offer para sa 'yo! How about the Philippines?"
Sa halip na sagutin ay naghubad na lang ako ng mga kasuotan at lumusong sa bath tub. Hindi ko na rin pinakinggan pa ang kung ano-anong sinasabi ni Kian sa labas.
Bahala s'ya riyan na manakit ang lalamunan kapipilit sa akin! Basta ako, hinding-hindi ako babalik sa Pilipinas!