Kuwento Sa Likod Ng Singsing

3476 Words
By: Mikejuha Email: getmybox@hotmail.com Fb: getmybox@y*******m / getmybox@hotmail.com -------------------------------- “Grabe igan... nagdrama talaga ang lola mo!” sambit ni Ricky. “Pero I’m proud of you igan. Kasi, pang-best dramatic actor din ang dialogue mo! At panalo pa!!! Imagine, pasimple mo siyang minura?” dugtong pa niya sabay halakhak. “N-natatakot ako Ricky. Baka mas matindi pa ang gagawin niya sa akin, eh.” “Huwag kang mag-alala, nandito ako igan. Ipaglalaban kita. Kung kailangang magrally o magstrike kaming lahat ng mga crew ay gagawin namin. Abay buwesit na buwesit na rin ang mga kasamahan natin sa ugali ng amo nating babae. May kaso rito ng dating kasamahan, nag-absent ng tatloong araw dahil nagkasakit ang inay, aba pagbalik ay sinisante! Mayroon ding empleyado na nagkasakit at nanghingi ng leave, abay imbes na payagan binigyan pa ng maraming trabaho dahil nagdadrama lang daw. May isan gempleyadong nag-apply ng loan dahil may sakit ang anak, abay hindi pinagbigyan samantalang ang tagal nang trabahante noon. At kadalasan, delayed ang suweldo namin, igan. Kaya, okay lang kung magrally kami. Maraming issue itong restaurant na ito! “E di masesante kayong lahat kung mag strike kayo?” “Bakit? Hindi mo ba alam na sesesantehin din naman ang marami sa amin kapag natapos na ang 6 months na mga kontrata ng marami rito? Hindi takot ang mga iyan,igan; gigil na gigil silang makaganti sa amo nating babae.” “Hindi natin kaya si Sophia, Ricky. Baka lalo lamang mapahamak tayo. O baka... idadamay pa niya si Marlon.” “Hindi niya magagawang pumatay igan. Kasi, kapag ginawa niya iyan, sigurado, siya ang pagbintangan dahil alam ng lahat ang ugali niya! At kapag may nangyaring masama sa iyo, o kay sir Marlon, alam na.” “Sana nga Ricky. Sana ay hindi siya gagawa nang masama.” “Hindi ‘yan. Trust me. Hanggang pananakot lang iyan.” Maya-maya lang ay bumalik si Marlon kasama si Sophia na umiiyak pa rin. Ewan kung ano ang pinag-usapan nila at kung anong explanation ang ginawa ni Marlon upang ma-redeem ang pride ni Sophia. “Tara... sa office ko,” ang utos ni Marlon sa amin habang si Sophia naman ay dumiretso sa kanyang mesa na hindi kami pinansin, nakasimangot ang mukha habang nag-aayos ng kanyang bag na tila aalis. Sumunod kami ni Ricky kay Marlon. Nang nasa office na niya kami, “Sir... maniwala po kayo, si Jassim po talaga ang gumawa noong budget.” “Alam ko Ricky,” ang sagot ni Marlon. At baling sa akin “...at salamat sa iyo, Yak!” Napatingin naman si Ricky sa akin sa narinig niyang pagtawag sa akin ni Marlon na “Yak”. Iyon bang tingin na nabigla, may pagka suspisyoso ang dating, ang kilay ay nagkasalubong na tila ang isip ay nagtatanong ng, “Yak??? Ano iyon??? Bakitttttt???” Ngunit hindi ko siya pinansin. Alam ko, nadulas lang si Marlon sa kanyang pagtawag sa akin ng “Yak”. “...hindi ko akalaing kayang-kaya mong gawin ang budget, much less, matapos nang ganoon kabilis. Daig mo pa ang aming mga accounts staff sa paggawa niyan! Bilib ako sa iyo!” “Walang anuman po, Sir Marlon,” nagkataon lang siguro na nagbunga ang aking pagsisikap at matinding pag-aaral sa proseso ng paggawa noon.” “Kasi, maraming pasikot-sikot iyon at kapag hindi mo nasundan ang trail ng data, maliligaw ka, magtatanong kung saan kinuha, anong formula ang ginamit, paano nabuo ang figure. Ang husay mo pala talaga...” “H-hindi naman po sir.” “Ay mahusay po talaga iyan, Sir. Summa c*m laude po iyan sa daratng na graduation. Palaging nangunguna ang pangalan niya sa listahan ng mga honor students sa bulletin board ng unibersidad” “Ganoon ba? Ang tali-talino mo pala, Yak! I’m proud of you!” Muling lumingon sa akin si Ricky nang marinig muli ang tawag sa akin na “Yak”. Lalo pang naintriga ang kanyang tingin. Muli ay hindi ko siya pinansin. Kunyari ay wala akong alam. “H-hindi naman po... nasa tamang pag-aaral lang iyan.” “O sya... masyado kang humble,” at baling kay Ricky, “Ricky, iwan mo muna kami ha? May pag-uusapan lang kami.” Tumalima naman si Ricky. “Yes Sir...” tinumbok ang pintuan at bago pa man lumabas, binitiwan sa akin ang isang tingin na may bahid pakamalisyoso. Lihim ko siyang dinilaan. Noong kami na lang dalawa ni Marlon. “Kumusta ka na Yak?” ang sambit niya. At talagang pinanindigan na ang pagtawag sa akin ng “Yak”. “O-ok naman po, sir...” “Yak” ang pagsingit niya. “...Yak.” Tinitigan niya ako. “Sana... ikaw talaga ang bunso ko. Siguro, ang swerte-swerte ko. Mabait, masipag, matalino, at guwapo...” Tahimik. Mistula akong nabilaukan. Hindi naman kasi totoong kapatid ko si James, eh. “Kung ako nga si Yak na kapatid mo... saan tayo nakatira? Taga-saan ba tayo?” At doon na ako kinabahan. Hindi ko naman din kasi alam ang kanilang lugar. At dahil sa ayaw kong magduda siyang nagsinungaling ako, sinagot ko siya ng, “S-sa Minadanao. O-oo, sa Mindanao nga!” Mabuti na lang, naalala ko ang nasabi ni James sa akin na sa Mindanao raw ang pamilya niya. “Saan sa Mindanao?” “Eh, a-ano...” ang nasambit ko. Hindi ko kasi talaga alam. “A-ano pala ang sinabi ni Ma’am Sophia sa iyo?” ang paglihis ko sa usapan. Ano ba naman kasi ang isasagot ko. Ni mga probinsya nga sa Mindanao, hindi ko kabisado. “Huwag mong ibahin ang topic Yak, please...” ang sambit niya, bakas sa kanyang boses ang pagmamakaawa. Para naman akong buinuhusan ng malamig na tubig. Napatingin na lang ako sa kanyang nagmamakaawang mukha. “Sabik na sabik na akong makilala ang mga taong nagmamahal sa akin, Yak. Ang tunay kong pamilya kung saan ako na-belong. Hindi ka ba naaawa sa akin?” “Eh...” ang nasambit ko. Syempre, awang-awa ako sa kanya. Ngunit ano ba ang maitutulong ko? Kagaya niyan, wala akong alam tungkol sa pamilya niya. Kaya nanatili na lang akong nakatitig sa kanya. “P-paano kung hindi ikaw ang kapatid ko?” ang dugtong kong pagdiscourage sa kanyang tanungin pa ako tungkol sa pamilya niya. “Wala akong pakialam. Basta aangkinin ko ang pagiging kuya mo. Habang hindi mo nakikita ang tunay mong kuya, mananatiling ako iyon. Ganyan ako kadesperado. Ganyan ako kasabik sa mga taong nagmamahal sa akin.” Tahimik. “Ngayon... Wala ka man lang bang sasabihin tungkol sa mga magulang natin? Kung saan talaga tayo nakatira, kung ano ang trabaho ko, kung ilan lahat tayong magkakapatid...?” Kaya sa sobrang pagkaawa ko sa kanya, nabuo sa aking isip na mag-imbento na lang ng kuwento. “T-tayong dalawa lang ang magkapatid... S-sa D-davao City tayo nanirahan, malayo sa syudad. Ang nanay at tatay natin ay parehong nagtatrabaho sa bukid. Nakatapos ka ng kursong Business Management. T-tama, Business Management” napahinto ako. Naalala ko kasing iyon din ang kursong sinabi niya sa akin. “Talaga? Kaya pala madali kong natutunan ang ibinigay na posisyon sa akin ni Sophia. S-siguro matalino ako no? May honors ba ako noong gumraduate? Kagaya mo?” “Ah, e... oo” ang sagot ko. Blangko talaga ang isip ko. Basta kung ano ang biglang pumasok sa aking isip, iyon na. “Anong trabaho ko?” “Guwardiya.” Ang mabilis kong sagot. Guwardiya naman talaga si James eh. Iyon ang pinakamadaling tanong na naibigay niya. Bigla rin siyang nahinto. “Guwardiya? May honors ako, Business Admnistration...? Bakit guwardiya?” “K-kasi... wala ka pang experience kung kaya hindi ka natanggap sa trabaho. Atsaka, gusto mo atang mag-guwardiya muna eh,” ang pag-aalibi ko na lang. Tama nga naman. Matalino kamo siya, may honors sa paggraduate, subalit guwardiya ang naging trabaho. “Hindi nga ikaw ang kuya ko, ano ka ba!” ang pagbawi ko rin, pagbakasakaling hindi na niya ako kukulitin sa katatanong. “Hindi... Guwardiya nga siguro ako. Kasi, kapag dumadaan na ako sa gate at nakikita ang guwardiya ng restaurant natin, parang may naramdaman akong familiarity sa kanyang trabaho, sa kanyang suot, sa dala-dala niyang baril.” Tahimik uli. Hindi ko na kasi alam kung ano pa ang idudugtong. At namangha rin ako sa sinabi niyang familiarity sa paggu-guwardiya. Naalala ko tuloy ang sinabi sa akin ni Ricky na sobrang lapit daw niya sa mga trabahante nila, pero lalo na sa guwardiya. Kapag may oras daw siya, nakikipagbiruan, nakikipagbangkaan sa guwardiya, at hindi naaasiwang pumasok sa loob ng guard house, tinitingnan ang mga logbook at minsan pa nga ay tinuturuan ang guwardiya kung paano gumawa ng roving report. “Kailan ka uuwi sa atin tol... G-gusto kong sumama sa iyo.” “Patay!” sigaw ko sa aking sarili, nakikinita ang eksenang dadalhin ko siya sa bahay; ang reaksyon ng aking mga magulang, ang tanong ng mga tao. At ang tatay ko pa. Seryosong tao na animoy hindi mo puwedeng mabiro. Syempre, napakalaking issue niyan sa kanila kapag nangyari. At lalo na kapag ipinakilala ko pang kapatid. Sino bang hindi magtatanong? Sino ba ang hindi magugulat? “Ah... bahala na!” Sa isip ko lang. “End of semester ako umuuwi Yak...” ang sagot ko. “Hindi ba puwedeng bukas yak? O kahit next week? Gusto ko lang makita kung ano na ang nangyari sa pamilya natin? ‘Di ba sabi mo, na stroke ang ating inay? Ano na kaya ang nangyari sa kanya?” Hindi ko alam kung matawa o maawa sa kanya sa kanyang sinabi. Talagang pinanindigan na niyang magkapatid kami. “Eh... ok na siya! N-napagaling na raw.” “Ah, mabuti naman. Kailan tayo uuwi?” M-magagalit si Sophia eh... huwag muna siguro.” “Kung ipaalam natin sa kanya ay magagallit iyon. Maghanap ako ng alibi, Yak. Sasabihin kong bisitahin ko lang ang isang branch namin sa isang probinsiya. O, ‘di ba?” “Eh... marami pa akong gagawing project eh. Graduating pa naman ako. Tapos makapag-absent ako niyan sa trabaho ko rito. Hahanapin ako ni Sophia.” “Ako ang bahala.” “Ikaw ang bahala, ako naman ang kawawa.” “Ikaw naman o... ako nga ang bahala, eh.” “Eh... ‘di, b-bahala ka,” ang naisagot ko na lang. Iyon ang napag-usapan namin. Noong tatayo na sana ako upang lumabas ng opisina niya, tumayo rin siya at lumapit sa akin. At laking gulat ko na lang noong bigla niya akong niyakap. “S-salamat Yak...” Hindi ko lubos maisalarawan ang aknig nadarama. Para akong maiihi sa kilig. Naaamoy ko pa ang kanyang pabango, nasalat ko pa sa aking mga kamay ang pantsadong-plantsdo niyang puting long sleeved shirt. Nakiyakap na rin ako. Ninamnam ko ang sarap ng kanyang pagyakap. “Basta isama mo ako sa atin Yak ha?” bulong niya. “O-opo Yak...” “Anong pinag-usapan ninyo ni Sir Marlon igan?” ang tanong ni Ricky nang natapos na ang trabaho namin sa restaurant at nagsabay kaming umuwi. “Gusto niya raw sumama sa amin...” ang casual kong sagot “Talaga??? Ayiiiiii! Isama mo na dali. Para makita niya ang inyong mga magulang!” Sa pagkarinig ko na naman sa sinabi ni Ricky, bigla na naman akong nalungkot. Para bang pabigat nang pabigat ang aking kalooban sa mga pagsisinungaling ko. Kung si Pinocchio ay humahaba ang ilong kapag nagsisinungaling, ako naman, patindi nang patindi ang bigat nito sa aking kalooban. Syempre, hindi totoong magkapatid kami ni James. Pakiramdam ko ay gusto ko na talagang sabihin kay Ricky ang lahat. Parang hindi ko na kaya ang bigat ng aking saloobin. Hindi na lang ako kumibo. Hindi na rin ako sumagot. Pakiramdam ko ay matinding awa sa sarili ang aking naramdaman. Iyon bang feeling na nagtatanong sa sarili kung bakit ko nagawa ang pagsisinungaling; kung bakit ako nagpakahirap para kay James; kung may katuturan ba ang lahat na ginawa ko para sa kanya; kung karapat-dapat bang gawin ko ang mga kasinungalingang iyon para lamang sa aking naramdaman sa kanya. Sobrang naturete ang aking isip. Pakiwari ko ay may sasabog sa aking kalooban. Binitiwan ko ang isang malalim na buntong-hininga. “Woi... ang lalim noon ah!” ang sambit ni Ricky noong napansin niya aking buntong-hininga. Tiningnan ko si Ricky sa mata, naghanap ng kasagutan ang aking isip kung nararapat bang ibunyag ko na sa kanya ang katotohanan. “Bakit? May nasabi ba akong masama? Galit ka ba sa akin?” ang tanong naman niya noong nagtama ang aming mga tingin. “P-pwede bang maupo muna tayo?” “S-sige. Sige...” Naghanap kami ng lugar na mauupuan. Napunta kami sa di kalayuang children’s park at sa lilim ng isang puno ay may sementong bangko na medyo tago. Nang nakaupo na kami, may napansin si Ricky. “OMG! Sino ang nagbigay ng gold bracelet na iyan sa iyo? Ang ganda!” Napangiti ako. “S-si sir Marlon.” Nanlaki ang kanyang mga mata. “Wowww! Talaga! Patingin nga!” Tinanggal ko sa aking kamay ang bracelet. Iniabot ko ito sa kanya. Tiningnan niya itong maigi. “May pangalan pa!” at tiningnan ang gilid “Wow! May nakalagay na heart atsaka may pangalang niya!” Napatingin din ako bigla sa sinabi niyang heart at pangalan ni Marlon. Hindi ko kasi napansin iyon sa sobrang liit ng pagkaukit. At nakumpirma kong mayroon nga itong pangalan niya na halos hindi mapapansin kung hindi titingnang maigi. Iniabot ni Ricky sa akin ang bracelet. Tiningnan niya ako sabay tanong, “Igan... kapatid mo ba talaga siya? At bakit ‘Yak’ ang tawag niya sa iyo? Ano ang ibig sabihin noon?” At sa tanong na iyon ni Ricky hindi ko na napigilan ang aking sarili. Yumuko ako, pilit na itinago ang mga luhang kusa na lang pumatak sa aking mga mata. Napahinto si Ricky. Nabigla rin sa hindi inaasahang pag-iyak ko. “H-hindi... Nagsinungaling ako” at tuluyan na akong humagulgol. Naramdaman ko na lang na niyakap ako ni Ricky at hinaplos-haplos ang aking likod. “Ok lang iyan. Ok lang iyan igan...” ang nasambit na lang niya. Tahimik. “P-pwede bang malaman ang kuwento mo? Ang kuwento ninyo ni sir Marlon?” Ang pagbasag niya sa katahimikan. “14 years old lang ako noong nagkakila kami ni James, security guard siya sa isang bodega ng mga kopra sa burol, malapit sa bahay namin. Na-attract ako sa kanya noon at noong nagkataong kami lang dalawa ang naligo sa ilog sa paanan lang ng burol, doon, may nangyari sa amin. Siya ang unang kong karanasan. Sa kanya ko naranasan ang pag-ibig. Siya ang nagturo sa akin ng lahat. Noong unaay hindi ko masabi-sabi sa kanya na mahal ko siya. Ngunit noong paalis na siya pauwi sa probinsiya niya, nagawa kong isulat ang aking naramdaman sa isang tissue paper at isiniksik ko iyon sa kanyang bulsa bago siya pumasok sa bus. Iyon na kasi ang huling pagtatagpo namin kasi... hindi na raw siya babalik. Noong nakaalis na ang bus, naglakad na rin akong palayo sa terminal. Ngunit hindi pa ako lubusang nakalayo, narinig ko ang tawag niya. Pinahinto pala niya ang bus noong nabasa niya ang aking isinulat na ‘I love you’. Niyakap niya ako, sinabi niyang mahal din niya ako at nangako siyang babalik para sa akin. Ngunit hindi na siya bumalik. Naghintay ako ng text niya sa cp ng aking kaibigan ngunit wala rin.” At humagulgol na ako. “Noong nakita ko si sir Marlon sa restaurant ninyo, kahawig na kahawig niya si James. Nunit hindi na niya ako natandaan. Kung kaya nagsinungaling ako, at inangking kuya ko si James.” “S-sorry igan. Hindi ko alam.” “Ako ang dapat mag sorry kasi... nagsinungaling ako. Mali ang aking ginawa.” At bakit kapatid ang pagpapakilala mo sa kanya?” “Mahirap naman kasi kung ang sasabihin ko ay magkasintahan kami, ‘di ba? Siguradong pagtatawanan lang ako, lalo na ni Sophia.” “Sabagay, may punto ka. Naintindihan kita. At hindi ka dapat mag-sorry.” “Salamat, Ricky. Ang problema ko lang ngayon ay kung dapat ko bang ituloy ang paghabol sa kanya. Ang dami ko na kasing kasalanan, Ricky. Nagsisinungaling ako, at parang walang patutunguhan ang aking ginagawa…” “Nononono! Ituloy mo, igan. Ituloy natin. Alam mo, may iku-kwento din ako. Noong 14 lang din ako, palagi akong binu-bully sa klase, tinutukso, kinukutya. Pakiwari ko ay hindi ako na-belong sa mundo. Pati ang tatay ko ay galit sa akin. Hindi niya ako gusto. Bakla eh. Bakla ang kilos ko, bakla ang pananalita ko, bakla ang pag-iisip ko, kabaklaan ang gusto ko. Oo, may mga kaibigan ako pero kapwa ko rin bakla o di kaya, mga babae. Kung kaya ako ay binu-bully ng mga lalaki at minsan, ng ibang babae riin. Pakiramdm ko ay napakaliit kong tao. Ngunit pilit akong lumaban at bumangon. Wala akong choice eh. Alangan namang magpakalalaki ako sa aking kilos at pananalita kung hindi ko ito kaya. At syempre, ang pinakamasakit sa lahat, ay ang umibig. Umibig ako sa isang ka-klase, si Mark. Guwapo, prince charming, matangkad, athletic, tinitilian ng mga kababaihan kapag naglalaro ng basketball sa court. Noong nalaman niya na may gusto ako sa kanya, niligawan niya ako. Sabi niya, mahal na mahal daw niya ako at gagawin niya ang lahat lumigaya lamang ako. Sweet, grabe ang kilig ko noon. Pakiwari ko ay natalbugan ko ang pinakamagandang mga babae sa campus. Lalo na noong dinala pa talaga niya ako sa isang party ng fraternity niya at sa harap ng mga ka-brod niya, inannounce niya na magsyota kami. Ang matindi hinalikan pa niya ako sa bibig, sa harap ng mga tao! Nakakabingi ang palakpakan habang feeling ko ay nasa langit ako at pinaligiran ng mga anghel. Ngunit ang hindi ko pala alam, pakana lang pala niya iyon dahil bahagi ito ng challenge at requirement na ibinigay sa kanya upang matanggap siya sa sinalihang fraternity. At pagkatapos ng aming halikan sa harap pa mismo ng mga ka-brod niya, sinabihan niy ako na tapos na kami, na isang pagkukunwari lang ang lahat, isang pagsubok lamang ito ng fraternity sa kanya. Ang sakit-sakit. Sobra… Simula noon, hindi na ako naniniwalang may lalaki pa talagang papatol sa akin. Hanggang dumating sa buhay ko si Ariel. Sabi niya ay mahal na mahal daw niya ako at gagawin niya ang lahat para sa akin. Narinig ko na ang linyang iyon kay Mark. Kaya kahit may naramdamn na rin ako sa kanya, pinilit ko ang sariling kamuhian siya. Ngunit mapilit si Ariel. At dahil doon, inaway ko siya, pinagalitan, pinahiya sa harap ng maraming tao. Siguro, ang lahat ng klaseng mura sa mundo na alam ko ay nasambit ko na sa kanya. Simula noon, hindi na siya nagpakita pa sa akin. Ngunit doon ako nagsisi noong biglang nalaman kong pumanaw na pala ito. May cancer pala si Ariel at lihim niya itong ininda. At noong dumalaw ako sa kanyang lamay, iniabot ng kanyang ina ang isang sulat. Nanghingi siya ng patawad sa akin dahil sa pagiging makulit niya sa panliligaw sa akin. Ngunit iyon daw ay dahil mahal na mahal niya ako. Tapos, kasama ng sulat ay ang isang singsing na kapag napatawad ko na raw siya, ay isusuot ko. At heto iyon...” at ipinakita naman ni Ricky sa akin ang kanyang singsing. At baling sa akin, “Matindi ang aking panghihinayang at pagsisisi. Naawa ako sa kalagayan niya, na sana, sa huling mga araw niya man lang ay napaligaya ko siya. Nanghinayang akong hindi ko man lang naipadamang mahal ko na rin siya. At nagalit ako sa aking sarili, kung bakit hindi ako nakinig sa kanya, kung bakit naging makasarili ako...” Pakiramdam ko ay tuluyang nabaling ang aking lungkot sa lungkot na nadarama ni Ricky. Akala ko kasi, puro masasayang karanasan ang naranasan niya sa kanyang buhay dahil sa kanyang pagkapalatawa at pagka-palabiro. Iyon pala ay sa likod ng kanyang ngiti at tawa ay may masakit na kuwento ng pag-ibig. Tiningnan niya ako. Umiiyak siya. “Kaya ikaw... huwag kang bumitiw. Huwag mong hayaang isang araw ay mawala rin siya sa iyo at may dala-dalang matinding pagsisisi ka sa iyong puso. Maswerte ka dahil kahit nawala siya, heto bumalik siya. Kaya angkinin mo ang pagkakataon. Huwag mong hayaang isang araw, ang tanging maiiwan sa iyo ay ang bracelet na lang na ito.” Hinawakan niya ang aking bracelet. “Angkinin mo ang bracelet niya; angkinin mo rin siya... Tingnan mo ako; singsing na lang ang nasa akin. Wala na siya. At hindi ko man lang naipadama sa kanya ang aking pagmamahal.” “P-paano? S-sabihin ko ba ka sir Marlon na m-mag-boyfriend kami? Hindi kaya siya ma-shock na ang syota pala niya dati ay isang l-lalaki pala? Hindi kaya siy magalit sa akin dahil sa pagsisinungaling ko?” (Itutuloy)
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD