PRESENT DAY
"HULI na po ito sir," anang boy kay Fritz na ang tinutukoy ay malaking kahon na ang laman ay mga sapatos.
"Sige," aniyang tinanguan lang ito saka na nagdayal sa hawak niyang telepono. Habang pinakikinggan ang pagtunog ng linya, napangiti siya nang mapagmasdan ang two-storey house na ipinatayo niya kung saan overlooking ang Taal Lake. Dalawang linggo narin ang nakalipas mula nang matapos iyon at dahil abala sa trabaho ay hindi niya masyadong naasikaso ang paglilipat.
Sa edad na twenty five, siya ang kasalukuyan at pinakabatang Vice President ng malaking construction company na pinapasukan. Isang taon narin ang nakalipas mula nang tanggapin niya ang posisyong iyon. Nanggaling siya sa isang kilalang kompanya rin sa Maynila. At dahil nga sa mabilis siyang nakagawa ng pangalan sa larangang kanyang pinili ay hindi iilang kompanya narin ang nag-alok sa kanya ng malaking sahod kapalit ang kanyang serbisyo.
Matagal na niyang pangarap ang makabili ng lote sa Tagaytay. At iyon ang isa sa napakaraming dahilan ng pagsisikap niya. Kaya nang ialok sa kanya ang posisyon ng nag-resign na VP ay walang pagdadalawang isip niya iyong tinanggap. Pakunswelo narin dahil hindi time consuming ang pag-uwi at pag-pasok sa trabaho dahil nasa Tagaytay City mismo ang nilipatang trabaho. Hindi iyon malayo sa bahay niya ngayon.
At least when the time comes, wala akong ipinangako sa'yong hindi ko ginawa. Kahit sinasabi nilang maling mabuhay sa nakaraan, I say different. Kasi doon ako naging masaya, at doon ako humuhugot ng pag-asang makakasama rin kita, someday.
Nang walang sumagot sa kabilang linya ay minabuti niyang putulin nalang iyon. Tinatawagan niya ang pmangkin ni Manang Ruping. Ang matandang kasama niya sa bahay. Saka pagkatapos nilapitan ang driver ng closed van na siyang naghatid ng mga gamit niya doon sa Tagaytay.
"Salamat, sa uulitin ho Mang Kanor," aniya sabay abot ng bills rito.
Nakangiting tumango ang may edad ng lalaki. "Oo naman, aba eh napakaganda pala nitong bahay mo. Ibig sabihin ba niyan mag-aasawa kana?" sa huli nitong sinabi ay napalapad ang kanyang ngiti.
Pag-aari ni Mang Kanor ang van na ginamit nito sa paghahakot ng mga gamit niya mula sa inupahan niyang apartment sa Maynila. Bukod doon ay may sarili rin itong taxi. Naging pasahero siya ng matanda noon, nakapalagayan niya ito ng loob. At dahil nga wala pa siyang sariling kotse noon at madalas siyang umuwi ng late dahil sa pag-o-overtime, minabuti niyang kontratahin ang matanda. Doon na nagsimula ang pagiging malapit nila sa isa't-isa.
"Darating ho tayo diyan Mang Kanor," natatawa niyang sagot. Paano ba niya sasabihing ang babaeng gusto niyang makasama at itira sa bahay na iyon ay pitong taon ng kasal at posibleng may anak na rin ngayon?
SEVEN DAYS LATER
"TAMA na please nasasaktan ako," pagmamakaawa ni Julia sa asawang si Jason na mahigpit ang pagkakasabunot sa mahaba niyang buhok.
"Malandi ka, ni hindi mo ako binigyan ng kahihiyan. Bakit? Dahil ba baog ako? Dahil hindi kita mabigyan ng anak?" sa halip ay iyon ang isinagot nito saka siya kinaladkad papasok ng kabahayan at paakyat sa kanilang silid.
Nahimasmasan ng kaunti ang anit niya nang ibinalya siya ni Jason papasok ng kwarto. Pero malakas siyang napasigaw nang tumama sa tagiliran ng tokador ang kanyang noo. Napahawak siya doon saka nakapa ang tumutulong dugo mula sa sugat.
"W-Wala akong ginagawang masama, kinausap lang niya ako!" dahil sa galit ay malakas niyang sigaw habang iniinda ang sugat sa noo.
"Aba't de-pu-- kang babae ka, mangangatwiran ka pa!" nang humakbang si Jason ay mabilis siyang naalarma kaya agad siyang kumilos at sinipa ang pagitan ng mga hita ng asawa. Natumba ito at sunod-sunod ang ginawang pagmumura habang namimilipit sa sakit.
Unti-unti na siyang nakakaramdam ng pagkahilo. Pero dahil alam niyang hindi birong gulpi ang aabutin niya kapag hinayaan niyang makalapit sa kanya ang asawa ay tumayo siya saka dinampot ang bag niyang bumalandra kanina sa sahig. Ngunit hindi pa man siya nakakahakbang ay naramdaman na niya ang kamay ni Jason na humawak sa binti niya. Napasigaw siya sa takot kaya nanginginig niyang magkakasunod na inihampas rito ang hawak na bag. Nang makawala ay walang pagdadalawang isip siyang nagtatakbo palabas ng silid.
Iyon ang unang pagkakataong lumaban siya kay Jason at malaki ang posibilidad na mapahamak siya or worst mapatay ng asawa kapag hinayaan niya itong makalapit muli sa kanya. Sa labas ng gate ay mabilis siyang nakapara ng taxi.
"Hija anong nangyari sa iyo?" ang nag-aalalang tanong ng driver nang makita ang ayos niya sabay abot sa kanya ng panyo.
Nahihilo niyang isinandal ang ulo sa headrest ng upuan. "Dalhin po ninyo ako sa ospital please?" iyon lang at naramdaman na niya ang mabilis sa pagtakbo ng sasakyan bago siya tuluyang nawalan ng malay.
EMERGENCY room ng isang pribadong ospital ang nagisingan ni Julia. Ilang sandali mula sa kurtinang nagsisilbing partisyon niyon ay sumilip ang isang nurse. "Hi, gising na pala kayo" anitong lumapit sa kanya ng nakangiti.
"Nasaan iyong nagdala sa akin dito?" tanong niya saka napapikit nang maramdaman ang bahagyang pagkirot ng kanyang sugat.
"Lumabas lang ho sandali para kumain, ay heto na pala siya" nang mapuna ang nakasilip na lalaking may edad na. "excuse me po."
"Kumusta ang pakiramdam mo hija?" mabait nitong tanong sa kanya. "tawagin mo nalang akong Mang Kanor, ikaw anong pangalan mo?" magkasunod nitong tanong.
Tinitigan niya ang mukha ng matanda."J-Julia po" maikli niyang sagot.
Ngumiti ang matanda. "Napakagandang pangalan, ang sabi ng doctor pwede ka ng lumabas, saan kita pwedeng ihatid?"
Mabilis na nag-init ang mga mata niya sa tanong na iyon. "H-Hindi ko po alam" aniyang tuluyan na ngang napaluha.
"Wala kang matutuluyan, ganoon ba ang ibig mong sabihin?" mababa ang tinig na tanong ni Mang Kanor.
Tumango siya saka nagpahid ng mga luha. Pagkatapos ay minabuting ikuwento na sa matanda ang lahat ng nangyari. Mataman itong nakinig sa kanya at sa pagkakatitig niya sa mukha nito ay nabanaag niya ang matinding pagkahabag sa mga mata ng matanda.
"Gusto ko ho sanang magpatulong sa inyo sa paghahanap ng matutuluyan. Malayo dito sa Maynila, malayo sa asawa ko" aniyang hindi napigilan ang takot sa tinig.
Ngumiti ng makahulugan si Mang Kanor. "Walang problema, pero yaman rin lang na inilahad mo sa akin ang lahat ng nangyari, sa tingin ko mas mainam kung ilalapit mo sa mga pulis ang tungkol dito" suhestiyon ng matanda.
"Mayaman po ang asawa ko Mang Kanor, kaya niyang paikutin ang batas," aniya. Matagal na talaga niyang plano na ilapit sa mga pulis ang tungkol sa p*******t sa kanya ni Jason. Pero nanaig sa kanya ang nararamdamang pagmamahal para sa asawa. Parang hindi niya kayang makita itong nagdurusa sa loob ng bilangguan. Bukod parin sa totoong napakayaman nito at afford magbayad ng isang mahusay na abogado. At hindi niya kaya iyon.
Tumango ang matanda. "Siya sige, tutulungan kita. At kung iyon ang sa tingin mong makabubuti para sa'yo walang problema. Magpahinga kana ulit, mamaya aalis na tayo, may kakausapin lang akong tao," pagkasabi niyon ay iniwan na siyang muli ng matanda.