"BESSY!" si Fritz nang makalapit kay Bessy na noon ay nakaupo sa may lobby, sa labas mismo ng emergency room ng ospital kung saan isinugod si Julia at ang asawa nitong si Jason.
"F-Fritz!" anitong yumakap sa kanya, umiiyak. Si Bessy ang naunang kinontak nang mga nakasaksi sa aksidente.
"S-Si J-Julia?" ang takot ay hindi nagawang itago ng binata.
Suminghot si Bessy saka inilayo ang sarili sa kanya. "Tinitingnan pa siya ng doctor, Fritz natatakot ako. Sa nakita kong itsura ng kotse, oh god!" saka muling napahagulhol ang dalaga.
Nanghihina ang mga tuhod niyang iginiya paupo si Bessy. Saka ito niyakap ng mahigpit. Ngayon palang natatakot na siya para kay Julia at para sa sarili niya. Anong mangyayari sa kanya sakaling mawala ito? Naramdaman niya ang matinding sakit sa kanyang dibdib. Hindi niya iyon kinayang tiisin kaya siya napahagulhol ng iyak.
Mayamaya pa ay naramdaman niya ang kamay ni Bessy sa kanyang balikat. "Gusto ko lang malaman mong nakipagkita si Julia sa asawa niya para humingi ng legal separation" luhaan niyang nilinga ang katabi.
"W-What?"
Muling umagos ang mga luha ni Bessy. "Alam mo bang mahal na mahal ka ni Julia? Na nagawa niyang patawarin ang asawa niya dahil sa pagmamahal niya sa'yo? Ikaw ang gusto niyang makasama habang buhay. Kaya siya nagpunta dito sa Maynila, para kausapin si Jason, ang hindi ko lang alam ay kung paano humantong sa ganito ang lahat" napahagulhol si Bessy sa huling sinabi.
Hindi siya nakapagsalita kaya muling nagsalita ang kaibigan. "Sinasabi niya sa akin na sa loob ng pitong taon naiintindihan niya kung bakit naging masama ang pagtrato sa kanya ni Jason. Kasi hindi ka nawala sa puso niya, malaking bahagi ng puso niya ang nanatiling nagmamahal sa'yo. Iyon ang dahilan kung bakit hindi niya magawang mahalin ng buo ang asawa niya. Sinasabi ko ito dahil gusto kong malaman mong hindi lang ikaw ang nagmahal sa kanya. Ang totoo hindi naman sa kinukwenta ko pero mas malaki ang nawala sa kanya nung nagpakasal siya sa lalaking iyon."
Sa narinig ay impit siyang napahagulhol. At papaano niyang nagawang sabihin kay Julia na siya lang ang totoong nagmahal dito? Gusto niyang magalit sa sarili niya pero mas pinili niya ang matuwa. At least pareho silang, hindi nga lang sila magkasama pero nanatiling magkatali ang mga puso nila.
Magkasabay silang napatayo ni Bessy nang lumabas ang dalawang doctor sa ER. "I'm sorry, ginawa na namin ang lahat pero parehong walang nakaligtas sa kanilang dalawa" ang isa sa dalawang doctor.
Noon malakas na humagulhol ng iyak si Bessy, siya naman ay napaupong muli saka umiiyak na isinubsob ang mukha sa sariling mga palad. Siguro nga hindi pa natin panahon. Pero ipinapangako kong mananatiling sa'yo lang nagmamahal itong puso ko. Hindi ako mapapagod na maghintay, para sa'yo. Ang nagdadalamhating sabi ng kabilang bahagi ng isipan niya.
"Doc! Doctor!" napa-angat siya ng tingin kasabay ang mabilis na sikdo ng kaba sa kanyang dibdib nang marinig ang malakas na boses na iyon mula sa ER. Walang salitang muling pumasok sa loob ng silid ang dalawang doctor kaya kusa siyang napasunod pero mabilis siyang naharang ng isang attendant.
Hindi siya tuminag sa kinatatayuan kaya dinig na dinig niya ang malakas na pagsigaw ng doctor ng clear. Parang minamartilyo sa matinding kaba ang dibdib niya. Si Bessy ay umagapay narin sa kinatatayuan niya saka nanginginig ang kamay na kumapit sa kanyang braso. Hindi nagtagal at lumabas muli ang dalawang doctor.
"Iyong babae, she's alive. Although nangyayari talaga ang ganito, itinuturing parin naming miracle ang katulad ng nangyari kay Mrs. Henry.Tumigil lang sandali sa pagtibok ang puso niya and now she's fine. Kailangan lang natin siyang idaan sa ilang laboratory test to make sure na talagang maayos ang lagay niya. Malaking bagay na naka-seatbelt siya nang mangyari ang aksidente" paliwanag ng doctor pagkatapos.
Nakangiti silang nagyakap ni Bessy. Habang sa isip niya, marahil ito na nga ang second life na hinihingi niya. At sa pagkakataong ito, hindi na niya hahayaang may mauna pang iba sa kanya kay Julia.
IYON ang ikalawang araw mula nang mailipat nila si Julia sa isang regular private room. Stable naman ang lagay ng dalaga at lumabas na normal ang lahat ng laboratory test nito. Ang tanging hinihintay nalang nila ay ang magising ito mula sa mahimbing na pagkakatulog.
"Hi sir, good morning!" bati sa kanya ng private nurse na siyang tumitingin kay Julia.
"Good morning!" nakangiti niyang sagot saka pinalitan ng dalang fresh roses ang mga bulaklak sa plorera. Umuwi siya ng Tagaytay kaninang madaling araw para kumuha ng ilang panibagong damit at personal na gamit. Hindi na kasi nakabalik si Manang Ruping dahil abala na ito sa pag-aalaga sa sarili nitong apo.
"Sige kumain kana muna" pagtataboy niya sa nurse na agad din namang sumunod.
"Good morning Lia" bati niya sa dalagang mahimbing parin ang pagkakatulog. Niyuko niya ito saka hinalikan sa noo. Pagkatapos ay hinila niya ang silya sa gilid ng kama nito saka naupo.
Pinagmasdan niya ang napakagandang mukha ni Julia saka ginagap ang kamay nito at masuyong hinaplos-haplos. Hindi parin siya makapaniwalang bumalik ito, at kahit pa sabihing nangyayari talaga ang ganoon, doctor na mismo ang nagsabing milagro ang lahat. At naniniwala siyang bukod sa kaibigan iyon ng Diyos ay dahil pinili narin ni Julia ang bumalik para sa kanila. Para sa pag-ibig nito sa kanya.
Nag-init ang mga mata niya at sa kalaunan ay hinayaan narin niyang umagos ang kanyang mga luha. Nang araw na iyon narin mismo nang mangyari ang aksidente, mula sa isang tawag ay nagpasya ang ama na Jason na i-crimate na ang bangkay ng anak. Sa isang araw ang dating nito sa Pilipinas para asikasuhin ang ilang mahahalagang bagay tungkol sa mga negosyong naiwan ng anak nito. Iyon ay dahil narin sa sinabi niyang wala paring malay si Julia.
"Nandito ako, hindi ako magsasawang maghintay sa'yo, kahit gaano pa katagal" aniyang hinalikan ang kamay ni Julia saka isinubosob ang mukha doon. At dala narin ng pagod hindi na niya namalayang nahimbing siya sa ganoong ayos.
RAMDAM ni Julia ang matinding pamimigat ng talukap ng kanyang mga mata pero sa kabila niyon ay nagpilit siyang dumilat. Nasa isang magandang silid siya. Pinilit niyang alalahanin ang lahat ng nangyari saka napahikbi. Noon niya hinagod ng tingin ang paligid. Napangiti siya nang makitang nakadukmo sa tabi niya si Fritz habang hawak ng mahigpit ang isa niyang kamay.
"F-Fritz?" saka niya pinisil ang kamay nitong nakahawak sa kanya.
Pupungas-pungas ang mga matang nag-angat ito ng ulo. "L-Lia? Oh thank God gising kana! Sandali lang!" anito saka tumayo. Hindi nagtagal at pumasok na doon ang isang doctor kasunod ang dalawang nurse. Lumabas ang mga ito makalipas ang ilang sandaling pakikipag-usap kay Fritz.
"Ang sabi ni Doc, after two weeks pwede kanang lumabas. Now tell me, saan mo gustong iuwi kita?" ang masayang tinig ng binata. Humaplos ng husto sa kanyang puso.
Ngumiti siya. "Umuwi na tayo? Sa Tagaytay?"
Mahigpit siyang niyakap ni Fritz sa sinabi niyang iyon. "I love you so much Lia. Alam ko after what happened masyado pang maaga. Pero masyado ng maraming taon ang naisakripisyo sa'tin dahil sa pagpapatumpik-tumpik ko."
Sa narinig ay mabilis na nag-init ang kanyang mga mata. "F-Fritz, I'm sorry kung pinaghintay kita ng matagal. I love you too, mula noon hanggang ngayon ikaw lang ang minahal at minamahal ko" pagsasabi niya ng totoo.
Buong pagmamahal na tinuyo ni Fritz ang kanyang mga luha. "Wala pa akong singsing ngayon but I wanna ask you already, will you marry me?"
Noon siya napahagulhol ng iyak. "Of course I will marry you, I love you!"
Mahigpit siyang niyakap ng binata saka hinalikan.
ONE MONTH LATER
MABILIS ang naging takbo ng mga araw. Isang linggo matapos niyang makalabas ng ospital ay kinausap siya ng ama ni Jason tungkol sa naiwang ari-arian ng anak nito. Ipinaubaya na niya sa matandang Amerikano ang lahat maging sa abogado ni Jason. Tinanggihan niya ang iginigiit ng mga ito na pagsasalin ng lahat sa pangalan niya.
Masaya naman kasi siya sa simpleng buhay at ang totoo mas gugustuhin niyang maging isang simpleng may-bahay nalang lalo na at si Fritz ang kanyang aalagaan. Kaya sa kalaunan ay nauwi ang kalahati ng pag-aari ni Jason sa charity. Ang kalahati naman ay sa ama nito.
Abala na sila sa nalalapit nilang kasal dalawang buwan simula ngayon. Siya at si Fritz ang personal na nag-aasikaso ng lahat. Pero karamihan ay idea niya, mula sa pinakamaliit hanggang sa pinakamalaking detalye. At gustong-gusto niya iyon, na-e-enjoy niya ng husto.
"Alam mo curious ako, anong ginagawa ng lamesang de-tiklop na iyan dito sa kwarto mo?" kunot-noo niyang tanong isang araw na tinutulungan niya sa paghahanda para sa pagpasok nito sa trabaho ang nobyo.
Mula sa pag-aayos niya ng necktie nito ay mahigpit siyang hinapit ng binata saka hinalikan. Mabilis siyang nadala ng halik na iyon kaya naman bahagya iyong nagtagal. "Gusto mong malaman kung bakit?"
Tumango siya saka sinundan ng tingin ang binata nang makita mula sa drawer ng working table nito ay inilabas ang isang kahon na kasinlaki ng kahon ng sapatos. "Natatandaan mo ba ito?"
Nanlaki ang mga mata niya saka napalapit sa binata. "Itinago mo talaga? Nung grade five pa ito ah?" hindi makapaniwala niyang sabi habang pinaglipat-lipat ang tingin sa binata at sa hawak niyang dalawang piraso ng pulang kartolina.
Tumango-tango ng nakangiti ang binata. "Mga bata palang tayo talagang meant to be na tayo. At ang totoo, naging tulay lang ang Valentines Day na iyon para makita kita. Kasi noon ako unang na-in love sa'yo. Nung nagpakasal ka kay Jason nawala ka sa paningin ko, sa tabi ko pero alam kong naiwan sa akin ang bahagi ng puso mo at ganoon ka rin. Sabihin mong mali ako?" sinundan ni Fritz ng isang mahinang tawa ang sinabi saka itinaas ang kamay niyang may suot na diamond engagement ring. Ibinigay iyon sa kanya ng binata kinabukasan matapos ang proposal nito sa kanya sa ospital.
Umiling siya. "Tama ka, nga" sagot niya. "eh itong mesa?"
Nagkibit-balikat si Fritz. "Silipin mo sa ilalim para makita mo" anito.
Sumunod siya saka nangingilid ang luha nang mabasa ang sarili niyang pangalang nakasulat doon. "Kelan pa?"
"College days, sinabi ko sa sarili kong liligawan kita. Kailangan kong amining naging unfair ako kay Cristine. Totoong sinubukan kong ibaling sa kanya ang nararamdaman ko para sa'yo. Pero ang sabi nga sa kanta ni Dan Fogelberg, longer than there've been stars up in the heavens I've been in love with you" pagkasabi niyon ay masuyo siyang kinabig palapit rito saka hinaplos ang kanyang mukha. "I love you" anitong inilapit ng husto ang mukha sa kanya.
Noon niya nakangiti ikinawit ang dalawang kamay sa batok ng binata. "I love you too, so much" aniyang hinalikan ang binata pagkatapos.
"Ayoko ng pumasok, dito nalang ako maghapon" makahulugan at pilyo siyang kinindatan ni Fritz nang pakawalan nito ang mga labi niya.
Nag-init ng husto ang kanyang mukha. "F-Fritz!" napasinghap siya nang simulang halikan ng binata ang leeg niya.
"Tsk, sige na. Ikaw naman kasi ayaw mong magtabi nalang tayo dito sa kwarto ko di sana kapag nasa trabaho lang ako kita namimiss" ang binatang iginiya siya sa may paanan ng kama.
Hindi siya nakapagsalita at sa halip ay matamang pinakatitigan ang mukha ng binata. "Gusto ko ng maraming anak Fritz. Tatlong lalake tapos dalawang babae" aniyang sinimulang kalasin ang necktie ng binata na kanina lang ay inayos niya.
Nakita niya ang biglaang pag-aalab ng tila maliliit na apoy sa mga mata ni Fritz. "Just keep talking like that" anas nitong sinimulang halikan ang kanyang punong-tainga.
Mabilis siyang nilamon ng init na unti-unting binubuhay ng binata sa katauhan niya at siya rin naman dito kaya nagsalita ulit siya. "Love me please, right here. Right now" pagkasabi noon ay siya na ang unang humalik sa binata.
"I love you, I will always do" ang sumunod na pagbuka ng kanyang bibig para sana sagutin ang sinabing iyon ng binata ay nabitin nang anggkinin ni Fritz ang kanyang mga labi.
"Naalala mo iyong tinanong mo sa akin noon sa sementeryo kung ano ang kaya kong gawin para sa love? Alam mo meron na akong final answer dun para sa'yo" nang ilayo niya ang mukha sa nobyo ay nakita niya ang pagngiwi ni Fritz dahil sa naputol nilang halikan.
Umangat ang makakapal na kilay ng binata saka sinimulang kalasin ang butones ng suot niyang blouse. Malakas siyang napasinghap nang maramdaman niya ang mainit na palad ng nobyong dinama ang kaliwa niyang dibdib. "Yeah?" anitong niyuko ang kanyang leeg saka nanunuksong hinalikan.
"Pipilitin kong mabuhay ng maraming ulit hanggang sa dumating iyong pagkakataon at panahong pwede na kitang makasama" sa sinabi niyang iyon ay mabilis na nag-init ang kanyang mga mata.
Matagal siyang tinitigan ni Fritz bago muling hinalikan. "We are timeless, I love you" anito.
"I love you more" saka niya kinabig ang batok ng nobyo para sa mas mainit na halik.
Alam niyang iyon na ang simula ng masasayang araw niya sa piling ni Fritz. Ang simula ng kanilang forever. At hindi niya pinagsisisihang hindi niya ito binura sa kanyang puso. Dahil noon pa man alam na ng puso niyang sa dakong huli, magkasama parin silang tatanda. At iyon ang pinakamasarap na regalong pwedeng makuha ng kahit sinong nagmamahal ng totoo. Ang tumanda kasama ang taong minamahal mo ng totoo. Dahil sa kabila ng lahat ng pagsubok, ng lahat ng balakid. True love is indeed timeless.
*****WAKAS*****