THIRD PERSON'S POINT OF VIEW
"SUBALIT, Kamahalan..." nais ni Gracielle na sabihing nagkakamali lamang ang lalake sa sinabi nitong ekstra siya sa tinatawag nilang shooting, ngunit hindi niya magawa-gawa dahil brutal ang pagkakahatak sa kaniya ng lalakeng iyon at hindi siya binibigyan ng tyansang makapagsalita.
"Hays!" Reklamo nito habang patuloy siyang hinahatak, "Paano ka ba napunta sa dressing room ni Dave? Sa pagkakaalam ko, lahat ng ekstra ay nasa room E3," tanong nito.
Nahihilo na siya dahil sa dinaanan nilang pasikot-sikot, nakailang sikot na sila subalit tila hindi pa nila nararating ang kanilang paroroonan. "Ngunit nagkakamali po kayo—"
"Anong nagkakamali?" May halong pagkainis sa boses ng lalake subalit hindi ito tumigil sa paglalakad, "Nakita kita sa loob ng dressing room ni Dave, ako pa nga ang nagdala sa 'yo palabas, hindi ba?" Napakamot ito sa ulo, "Nagkukunwari ka bang may amnesia? Teka nga!" Sa pagkakataong iyon ay huminto ito sa paglalakad kaya nahinto rin siya, "Sinisilipan mo ba si Dave?! Sinisilipan mo ba ang kapatid ko?!" Nakapameywang nitong tanong.
Nabigla siya sa katanungang iyon. Kaagad siyang umiling, "Naku! Malabong mangyari iyon!" Tapat siyang sumagot. Ang isang maharlikang katulad niya ay nararapat lang na maging marangal, dapat ay walang bahid ng kasamaan sa kanilang pag-iisip. At ang paninilip sa mga kalalakihan ay isang masamang gawain.
"Then tell me what you were doing out there?"
"H-Ha?" Handa naman siyang sumagot nang tapat sa anumang itatanong ng lalakeng ito, ngunit hindi niya kilala ang mga salitang ginamit ng lalake.
"Hindi mo ba ako naintindihan?" Dahan-dahan itong yumuko upang magpantay ang taas nilang dalawa. Masyadong matangkad ang lalake kung ikukumpara sa kaniya. "I said, what you were doing out there?!" Galit itong sumigaw.
Bahagyang pumikit ang mga mata niya dahil sa takot at sa kaunting wisik ng laway no'ng lalake. Parang isang tigre ang kaniyang kaharap, at siya nama'y pain. Ngayon niya lamang naramdaman ang ganitong klase ng takot mula sa ibang tao. Ang kaniyang Ama lang ang tanging kinatatakutan niya noon, subalit, mukhang magiging marami na ang kaniyang katatakutan ngayon.
"K-Kamahalan—" hindi niya naituloy ang sasabihin dahil may kung sino na naman ang pumasok sa eksena.
"My gosh, nandito ka lang pala Matt. Nasaan na ba si Dave? Naiinip na si Direk," isang babae ang lumapit sa kanila. Ang suot nito ay kumikinang na damtan, subalit malayong-malayo ito sa kasuotan niya. Higit na mas maganda ang kasuotan niya.
Matt? Ito nga marahil ang pangalan ng lalake.
"Nag-aayos na, siguro ay natagalan siya dahil sa babaeng ito," mahigpit na hinawakan no'ng lalake ang kaniyang braso.
Kumunot naman ang noo ng babae habang sinusuri nito ang kasuotan niya, "Sino siya?" Tanong nito.
"Aba'y ewan, sino ba kasi ang kumuha sa ekstrang babaeng ito?" Naiinis na pinakawalan no'ng lalakeng nagngangalang Matt ang braso niya.
"Oh," eleganteng napatakip ng bibig ang babae, "She's just an extra?" Tila hindi ito makapaniwala sa narinig, "Eh bakit mas bongga ang suot niya kaysa sa suot ko?" Taas kilay nitong itinanong.
"Ano?" Pwersahan siyang inikot ni Matt upang makita nang buo ang kaniyang suot Sinuri rin nito ang kaniyang kasuotan, "Saan galing ang kasuotan mo?" Tanong nito.
"S-Sa..." hindi niya alam kung ano ang isasagot niya. Kailangan ay maging matalino siya dahil hindi niya maaaring banggitin sa kahit na sinong mortal ang tungkol sa Krajuta. "B-Bigay ito ng aking nakakatandang kapatid." sa palagay niya'y iyon na ang pinakamagandang sagot, ngunit iyon pa pala ang magsasanhi ng kuryosidad sa dalawang mortal na ito.
"Did you just say, sa nakakatanda mo?" Natawa ang babae, "Are you out of your mind? Paano makakapasok ang nakakatanda mong kapatid rito sa shooting?" Muli siya nitong sinuri mula sa paa hanggang ulo, "Spy ka ba?" Ibinaling nito ang tingin kay Matt, "Spy ba ang babaeng ito?!"
"Hindi ko alam, Faij. Hindi ko kilala ang babaeng iyan," Sagot ni Matt.
Nanatiling nakatikom ang bibig niya subalit sa kaloob-looban niya'y natatakot na siya. Hindi man niya maintindihan ang ilan sa mga salita ng dalawang mortal na ito, alam naman niyang pinag-iinitan siya nito. Natatakot siya sa maaari nilang gawin sa kaniya... at baka hindi siya makapagpigil na gamitin ang kapangyarihan niya.
"She's an actress, Matt. Or, maaaring isa siyang model." Nagkrus ang dalawang braso nito, "I'm pretty much sure na mas mataas ang sahod niya sa tunay niyang trabaho kaysa sa pag-e-extra." Matapos na sabihin ito ay tiningnan siya nito nang masama.
"Paano ka naman nakasisigurado riyan?" Tanong ni Matt.
Inikot ng babaeng nagngangalang Faij ang kaniyang mga mata na may mahahabang pilik-mata, "You've been with a lot of actors ngunit hindi kapani-paniwala na hindi ka marunong kumilatis." Lumapit ito sa kaniya, sinunggaban ang braso niya at ito'y itinaas hanggang balikat, "Just look at this porcelain skin. Maniniwala ka bang since birth and up until now ay ganito ang kaniyang kutis? No! Sigurado akong mahal ang ipinambayad niya para rito."
Nabigla naman siya doon, kahit na may salita siyang hindi naintindihan, naintindihan naman niya ang ibig sabihin ni Faij. Lumaki ang kaniyang mga mata kasabay ng pagkakalaglag ng kaniyang panga at kaagad na umiling, "Hindi po, ganiyan na talaga ang aking kutis magmula pa noon." Wika niya saka malumanay na binawi ang kaniyang braso.
"Magrarason ka pa? Halata namang alagang mayaman ka!" Hindi na ni Faij napigilan ang sarili. Tila nakaramdam ito ng matinding pagkainggit sa mga oras na iyon. "Now tell me, bakit nagpapanggap kang extra sa shooting namin?"
"H-Hindi ko po alam..." yumuko na lamang siya upang mabawasan ang galit ng dalawang ito sa kaniya, "Patawad."
"Anong hindi mo ala—" naputol ang sasabihin ni Faij nang bigla na lamang siyang awatin ng kung sino.
"Tama na 'yan," nabigla silang lahat nang makitang si Dave ang umawat, "Kailangan niyong mag-ingat, h'wag padalos-dalos sa attitude niyo. Tandaan niyong pinasok niyo ang mundo ng mga artista," binaling nito ang kaniyang titig kay Faij, "Lalo ka na, Faij. H'wag mong kalilimutan na sikat ka. Baka magising ka na lang isang araw, wala na ang mga pinagpaguran mo."
"Pero, Dave! Ang babaeng ito ay hindi tunay na extra!" pagtanggol ni Faij sa sarili habang nakaturo sa kaniya.
Saglit na tiningnan ni Dave ang babaeng nagpakulo sa dugo niya kanina, ito'y walang iba kundi siya, ang ika-siyam na prinsesa.
"Edi gawin nating tunay," ngumiti ito at pagkatapos ay hinawakan ang kamay niya, "Ako na ang bahalang magpapasok sa kaniya. Let's go."
Iyon ang unang pagkakataon na may humawak sa birheng palad ng ika-siyam na Prinsesa. Nakakabigla.
---