THIRD PERSON'S POINT OF VIEW
NAPUNO ng singhap ang pagpupulong, maging ang Hari ay nabigla rin sa narinig nito. Lahat ng titig ng mga prinsesa ay napunta kay Gracielle. Nabuo naman ang kamao niya dahil doon. Pagalit siyang tumayo at hinarap ang babaeng nagngangalang Amanda.
"Subalit ako ang ika-walong prinsesa!" naiinis niyang bigkas. Inaagawan ba siya ng posisyon nitong si Amanda? Hindi maaari.
"Patawad Kamahalan, subalit ako ay mas matanda sa iyo ng labing isang sikat ng araw, at ako ay anak ng mahal na Hari sa aking ina na si Reyna Mahiba. Reyna ng Kanlungang Paroon." Natawa ito nang mapakla matapos na sabihin ito at muli itong humarap sa Hari, "Natatandaan mo pa ba siya, mahal na Hari?" Tanong nito sa sarkastikong tanong.
Hindi makaimik ang Hari sa tanong ni Amanda. Sa oras na iyon ay saktong dumating sa pagpupulong ang dalawa nitong asawa, sina Reyna Bitana at Reyna Ali.
Ang lahat ay kaagad na yumuko, "Kamahalan," pagbigay galang nilang lahat sa dalawang makapangyarihang reyna.
Matapos na yumuko ay muli na naman siyang nagsalita, "Ano ito, Ama?" Tanong niya sa Hari, "Siya ba'y talagang iyong anak? Siya ba ang ika-walo?" Halos maluha na siya sa katanungang ito. Sa buong buhay niya, napamahal na siya sa numerong walo dahil siya ang ika-walong prinsesa. Subalit hindi niya inaasahan ang puntong ito.
Matapang at arogante ang Hari, hindi niya sinagot ang katanungan ng anak bagkus ay inimbitahan pa nito si Amanda na sumali sa kakaibang pagsubok na magaganap sa araw na ito. "Maupo ka, Prinsesa Amanda," pag-iimbita ng Hari sa kararating lang na si Amanda.
Gulat, iyan ang naramdaman ng mga prinsesa dahil sa ibinigkas ng kanilang Ama. Tinawag siyang Prinsesa Amanda? Ibig sabihin ay tunay ngang anak siya ng Hari! Maging ang mga reyna ay nabigla rin, sa isipan nila'y gumulo ang isang katanungan. "Sino ang babaeng ito?" Nais nilang magtanong sa mahal na Hari subalit alam nilang naghahabol ito sa oras. Bilang na lamang ang oras, ang mga prinsesa ay ipapadala na sa mundo ng mga tao. Kaya minainam nilang itikom na lamang ang mga bibig.
Pilyong ngumiti si Amanda sa kaniya matapos na umupo sa tabi niya, "Paano ba iyan? Ikaw ang ika-siyam na Prinsesa." Pang-iinis na bulong nito.
Babanat pa sana siya sa pang-iinis ni Amanda subalit nagsimula na ang Hari sa pananalita nito. Umupo na lamang siya at pinigilan ang sarili na mainis.
"Ipinagtipon-tipon ko kayo sa araw na ito dahil ako ay nakatanggap ng magandang balita mula sa pinagkakatiwalaan kong Monghe," saglit na lumingon ang mahal na Hari sa Monghe na nakatayo sa gilid, "Ngayon ang itinakdang araw upang simulan ko na ang paghahanap ng bagong magmumuno sa Krajuta. Upang malaman kung sino ang karapat-dapat sa siyam na Prinsesa, kayo ay ipapadala ko sa mundo ng mga tao at doon ay mahahanap niyo ang pagsubok na para sa inyo. Ang bulsa ng suot niyong damtan ay nilagyan ko ng mga salapi, ito ang inyong magiging panimula sa pamumuhay kasama ang mga mortal na tao."
Nanlalaki ang kaniyang mga mata habang nakikinig sa Ama, sigurado na ba ito sa desisyon nito?
"Mawalang galang na po, Ama." Tumayo siya at yumuko. Nagtaka ang kaniyang mga kapatid dahil sa kaniyang ginawa, maging ang ina nitong si Reyna Ali ay nagtaka rin. "Maaari bang tanggalin ang sarili ko sa pagsubok na ito?" Tanong niya. Ang katanungang iyon ay siyang bumuo sa mga singhap ng mga nakakatanda niyang kapatid.
"Hmm," ngumiti ang Hari, "Ano naman ang iyong dahilan, mahal na Prinsesa?" Tanong nito.
"A-Ako'y..." halos hindi siya makatingin nang deretsuhan sa mga mata ng kaniyang Ama, "Naniniwala akong ako'y bata pa para rito."
Natawa lamang ang Hari, "Subalit ikaw ay dalawang libo tatlong daan at tatlumpu't tatlong taong gulang na, aking anak."
Pasikretong sinindot ni Hera ang likod ng kapatid, "Umupo ka h'wag nang magsalita," bulong nito subalit tila wala siyang narinig.
"Ama," tuluyan na nga siyang lumuhod sa harap ng Hari, "Pakiusap h'wag niyo akong ipadala sa mundo ng mga tao. Wala akong kaalaman tungkol sa mundong iyon at alam ko po na ako'y hindi karapat-dapat para sa trono. Kaya kung maaari ay h'wag niyo na po akong isalang sa pagsubok." Pakiusap niya sa Hari habang nanatiling nakaluhod.
"Hindi maaari, Prinsesa Gracielle." Nawala ang liwanag at ngiti sa labi ng Hari. Napalitan ito ng seryoso at nakakatakot na pagmumukha, "Lahat kayo, mga anak ko, ay ipapadala ko sa mundo ng mga tao upang harapin ang isang pagsubok. Handa man o hindi, kayo ay ipapadala ko."
Natahimik siya dahil sa ibinigkas ng Ama. Marahan siyang tumayo makalipas ang ilang segundo, "Kung ganoon," siya ay tumango, "Masusunod po, mahal na Hari." Yumuko muna siya bago bumalik sa kaniyang silya.
Ayaw niyang mapunta sa mundo ng mga tao dahil hindi niya alam kung paano mamuhay roon, wala siyang kaalam-alam sa mundong iyon. Hindi kagaya ng mga ate niyang dalubhasa na. Pinag-aralan na nila ito, nagsiyasat sila nang maayos at kinilala nang mabuti ang mundong iyon. Subalit, ni minsan ay hindi siya naglaan ng oras upang aralin ito. Maging ang salitang "salapi" ay hindi niya kilala.
Ayaw niya, subalit ito'y salita na ng mahal na Hari. Wala na siyang magagawa upang mabago iyon.
"Sa bilang ng lima, kayo'y magsisimula nang maglaho," wika ng Hari, "Inuutusan ko kayong ipikit ang inyong mga mata at pagkatandaan na kahit anumang mangyari, h'wag na h'wag niyong gagamitin ang inyong kapangyarihan." Utos nito na siyang sinunod ng bawat isa.
Sa bilang ng lima ay nabuo ang liwanag sa katawan ng mga prinsesa. Ito'y napakaliwanag, kasing liwanag ng sikat ng araw. Sampung segundo ang itinagal ng liwanag na iyon. Sa pagkalma ng nakakasilaw na ligaw ay siya ring paglaho ng mga Prinsesa. Sila'y matagumpay na napadpad sa mundo ng mga tao.
---
"Nasaan ako?" Tanong ni Gracielle nang magising siya sa isang silid na puno ng mga nakabitin na damit. Nilibot niya ng tinging ang paligid at siya'y nabigla nang makita ang sariling repleksyon sa napakalaki at makinis na salamin. Ang bawat sulok ng salamin ay may nakakasilaw na pabilog na liwanag. Ano ang mga iyon?
Dahil sa pagkamangha ay nilapitan niya ito at kinapa, "Whoa, anong mahika ang ginamit nila upang mabuo ang bagay na ito?" Tanong niya sa kaniyang isipan. "Ay oo nga pala," tinitigan niya ang sarili sa salamin at ngumuso, "Walang mahika sa mundo ng mga tao," wika niya.
"Hoy!" Biglang bumukas nang malakas ang pinto at pumasok ang isang makisig na lalake, dahilan upang mabigla siya, "Anong ginagawa mo rito? Ako ang nag-rent sa dressing room na ito!" Galit na lumapit sa kaniya ang lalake. Hinawakan siya nito sa braso, "Sino ka?!" Tanong nito sa nanlilisik na mga mata.
Nanlalaki ang mga mata niya dahil sa takot at kaba habang nakatitig sa lumiliyab na mga mata ng galit na lalakeng ito, bakit ba ito nagagalit? Hindi naman niya kasalanan na doon dito siya dinala ng kaniyang Ama. Hindi kaya, isa ring Prinsipe ang lalakeng ito kaya ganito na lamang siya kung umasta?
"Sumagot ka?!" Mas lalo pa nitong hinigpitan ang pagkakahawak sa braso niya.
"A-Ako si Prinses—" nauutal na sagot niya subalit naputol ito nang may biglang pumasok sa loob ng silid at nakisawsaw sa eksena.
"Dave! Bilisan mo na ang pag-aayos. Magsisimula na raw ang shooting!" Utos ng lalakeng kakapasok lang. Ito ay kaagad na nagtungo sa salaminan at may kung anong kinuha, "Your leading lady is there," wika nito saka tumingin sa direksyon nila mula sa salamin. No'ng makita siya nito sa repleksyon ng salamin, ito ay nabigla at kaagad na lumingon sa kanila, "Bakit ka pa nandito?!" Galit nitong tanong.
"Kilala mo ang babaeng ito?" Tanong ng lalakeng may hawak sa kanya.
"Hindi, pero alam kong isa siya sa mga extra. Just look at her outfit," wika nito sabay turo sa pulang damtan na suot ng prinsesa, "Ano pa ang ginagawa mo?" Siya ay tinaasan ng kilay, "Pumunta ka na sa shooting!"
Kaagad naman siyang pinakawalan no'ng lalakeng nagngangalang Dave. Dahil sa takot ay dali-dali siyang yumuko sa kanila, "Masusunod po, Kamahalan!" Pabulyaw niyang tugon sa dalawa.
Nagkatinginan ang dalawang lalake dahil sa kaniyang ginawa. Nagulat ang mga ito at naguluhan. Sa huli ay pinagtawanan siya ng dalawa.
"Ang dami mong hanash sa buhay mo, mamaya mo na ipakita 'yang pag-arte mo sa shooting," wika no'ng pangalawang lalake saka naglakad patungo sa kinatatayuan niya, "Halika na, papunta na rin ako sa shooting, sumabay ka na sa akin."
---