HALOS MAG-UUMAGA na nang dumating sina Monica at Brian sa Cagayan Valley. Halos kalahating araw din ang itinagal ng kanilang biyahe, dahil sa layo ng kanilang nilakbay. Pagod na pagod si Monica at ang kanyang mga anak, dahil sa haba ng naging biyahe nila. Sa loob na lang ng truck sila humiga na mag-iina, dahil nahihilo din sila sa tagal ng biyahe. Masyado din matagtag ang truck, dahilan ng ilang beses na pagsusuka ng mga anak ni Monica. Kulob din ang loob ng truck, dahil sarado ang pinto nito, kaya napaka init ito sa loob. Kapirasong karton lang ang ginagamit ni Monica na pangpaypay sa kanyang mga anak, upang maginhawaan ang mga ito.
Matapos ang mahabang oras ay nakarating din aila sa kanilang distenasyon. Pagkababa ni Monica sa truck ay para siyang niyayanig. Dahil sa sobrang pagkahilo at pagud niya sa biyahe. Binuhat din niya ang kanyang bunso at buhat naman ni Brian ang pangalawa, dahil tulog na tulog ang mga ito.
Agad naman silang sinalubong ng mga magulang ni Brian at pinatuloy sila sa kanilang bahay. Sa isang maliit na kuwarto sila natulog, dahil yun lang ang bakante. Malawak naman ang Sala nila, ngunit hindi sila pweding maglatag ng higaan doon, dahil lupa lang ang pinakasahig nito. Kaya tuloy nagsiksikan sila na parang sardinas sa maliit na kuwarto. Sa sahig lang din sila naglatag at natulog. Wala din papag ang kuwarto, dahil kawayan lang ang kanilang sahig. Kaya doon na sila sa sahig na kawayan naglatag.
Agad din silang nakatulog dahil sa pagod. Parang pinipiga na rin sa sakit ang ulo ni Monica, dahil sa pagkahilo niya sa mahabang biyahe.
KINABUKASAN ay nagising sina Monica, dahil sa ingay ng mga tao sa labas ng bahay. Hindi rin maintindihan ni Monica ang mga pinag-uusapan ng mga ito dahil nagsasalita sila sa kanilang salita na ilocano.
Biglang napa-isip si Monica, kung paano kaya siya makikipag-usap sa mga tao sa lugar na yun, dahil tagalog lamang ang alam niyang salita. Wala din siyang naiintindihan sa salitang ilocano, dahil wala naman siyang naririnig na nag-iilocano sa maynila.
"Brian, Brian..." pagtawag ni Monica sa asawa. Inalog din niya ang balikat nito, dahil napakasarap parin ng tulog nito, kahit maraming maiingay sa paligid.
"Hmm!"
"Sino yung mga nag-uusap sa labas? Bakit parang nag-aaway sila sa lakas ng mga boses?" tanong ni Monica sa lalaki.
"Nagkukuwentuhan lang mga yan. Matulog kana lang at huwag mong pansinin ang mga yan. Masasanay ka rin sa kanila." tugon ni Brian. Kinamot din nito ang ulo at muling bumalik sa pagtulog.
MULING PUMIKIT si Monica at sinubukan niyang matulog ulit. Antok na antok pa siya, dahil na rin sa pagod niya sa biyahe. Ang kanyang mga anak naman ay napakahimbing parin sa kanilang tulog at naghihilik pa ang mga ito.
Tanghali na lumabas ng kuwarto ang mag-anak. Napakalaking adjustment din sa kanila ang bagong tirahan nila. Gawa lamang kasi sa kawayan ang bahay ng magulang ni Brian at may hagdan pa, paakyat sa itaas ng mga kuwarto. Ang pinaka Sala at kusina naman nila ay sa ibaba at lupa na ang pinaka sahig nito. Malinis naman tingnan ang loob, dahil alaga naman ito sa banli ng tubig sa loob, kaya hindi mabuhangin at wala din alikabok.
"Brian, ano bang plano mo ngayon nandito na kayo ng pamilya mo? Alam mo naman na napakahirap ng buhay natin dito sa Probinsya." agad na bungad ng nanay ni Brian sa kanila. Naka upo ito sa upuang plastic na dala nila galing sa Maynila.
"Maghahanap ako ng mapagkakakitaan ko dito Inang. Sa ngayon ay aayusin muna namin ang pag-Transfer ng mga bata dito." agad na sagot ni Brian. Tinanggal din niya ang takip ng pagkain na nakahain sa lamesa, upang pakainin ang kanyang mag-iina.
"Habang wala kapang trabaho, eh tumulong ka muna sa bukid. Kailangan namin ng magtatanim ng mais." wika ng nanay ni Brian.
"Sige inang, tutulong ako sa inyo, habang wala pa akong trabaho na nahahanap." agad naman na sagot ni Brian. "Mga anak, umupo na kayo dito at ng makakain na tayo. Pupunta tayo mamaya sa paaralan, para makapag-tranfer na kayo kaagad." pag-anyaya ni Brian sa mga anak. Ipinagsandok din niya ang mga ito ng kanin. "Ma, dito kana umupo sa tabi ko. Pasensya na kayo, dahil ganito talaga dito sa Probinsya. Masasanay din kayo dito sa mga darating na mga araw." aniya, saka pina-upo si Monica sa bangkong yari sa slab ng kahoy.
"Pa, baka naman pweding unahin mo ang paggawa ng sarili natin kuwarto. Para naman hindi nakakahiya sa magulang mo na dito tayo nakikipag siksikan sa kanila." pabulong na wika ni Monica. Hindi kasi siya sanay na may kasamang iba sa loob ng bahay at ngayon lang din siya nakita ng mga magulang ni Brian. Hindi rin siya pinapansin ng mga biyanan niya, siguro dahil sa hindi siya kilala ng mga ito. Pati ang mga anak niya ay hindi man lang niya nakitang kinasabikan sila ng mga magulang ni Brian.
"Oo, bukas na bukas din ay mangunguha ako ng mga kawayan sa bukid, para may gamitin ako sa paggawa ng matutuluyan natin dito. Mas magandang naka hiwalay tayo, para hindi kayo pag-initan ni inang, kapag uuwi siyang pagod galing sa bukid." sagot sa kanya ni Brian. "Kumain kana at ng makaligo na tayo. Baka wala ng masakyan mamaya, kapag hapon na tayo lumabas." dagdag pa ni Brian. Madalang na kasi ang tricycle sa hapon sa lugar nila, kaya mahirap pumunta sa bayan kapag hapon na.
AGAD NA NAKAPASOK sa paaralan ang kanilang mga anak, dahil inayos din nila lahat ng kakailanganin ng mga bata sa Maynila bago sila umuwi ng Probinsya. Kaya muling nakapagpatuloy ang mga bata sa pag-aaral. Si Brian naman ay gumawa ng maliit na kuwarto sa bandang gilid ng bahay ng kanyang mga magulang. Nahirapan kasi sila sa kuwartong tinutuluyan nila, dahil maliit lamang ito at tama lang na makahiga silang lahat sa sahig at halos hindi rin sila makagalaw oras na nakahiga na sila dahil sa sìkìp ng kuwarto.
Araw-araw naman na pumupunta sa bukid ang mga magulang ni Brian, upang magtanim ng Mais. Sina Monica at Brian naman ay magkatulong sa paggawa ng kanilang maliit na tirahan. Wala na kasi silang pera, upang magbayad ng ibang tao na gagawa ng kanilang maliit na bahay, kaya sila na lang dalawa ang gumagawa. Halos dalawang lingo din nilang binuo ang kanilang titirhan. Purong kawayan lang ang ginamit nila dito, maliban sa haligi nito na mga kahoy. Mabuti na lang at may naibili pa sila ng yero, kaya mas matibay ito kaysa sa cogon. Kawayan din ang pinaka sahig ng kanilang bahay. Inilatag din nila sa sahig ang mga Linoleum na dala nila galing Maynila, kaya mas malinis itong tingnan. May kutson din silang malaki at kasyang-kasya ito sa loob ng pinaka kuwarto nila. Inilagay lang nila ang mga Dura Box nila sa gitna, upang mag silbing divider sa kuwarto at kusina.
Malaki na rin ang space ng kanilang higaan, dahil malaki na ang kanilang kuwarto. Nakakapag-aral na din mabuti ang kanilang mga anak, dahil maluwang na ang sahig nila. Naging mas madali naman para kay Monica ang kanilang buhay, dahil hindi na niya kasama ang nanay ni Brian sa loob ng bahay.
Kinabukasan ay nagising ang mag-asawa, dahil sa malalakas na pagsigaw ng nanay ni Brian. Kinakalampag din nito ang pinto ng kanilang tirahan at nagsasalita ito sa salitang ilocano.
"Brian! Monica! Magsigising na kayo, puputok na ang sungay ng kalabao sa sugahan, pero natutulog parin kayo dyan! Brian, lumabas ka nga dito." galit na galit na sigaw ng ina ni Brian. Napaka lakas ng boses nito at tila gustong magwala sa galit.
Mabilis naman bumangon si Brian at binuksan ang kanilang pintuan. Nagtatayuan pa ang mga buhok niya, tanda na kababangon pa lang niya mula sa kanyang higaan. Humihikab din siyang humarap sa kanyang ina at kinusot din niya ang kanyang mga mata, upang maging malinaw ang paningin.
"Inang, bakit kaba nambubulahaw dito? Ano ba'ng problema niyo!?" bakas ang inis sa boses ni Brian, dahil sa kanyang ina na walang pakundangan ang bunganga. Naisip din niya na hindi parin nagbabago ang kanyang ina. Mag mula pagkabata noya hanggang makatapos siya ng High School ay ganon na ang kanyang ina. Mukhang mas malala pa nga ngayon, dahil madalas na itong magdabog
"Dumating na ang bayarin sa kuryente. Bakit sobrang laki kaagad ang sinisingil ngayon? Samantalang wala pang dalawang daan ang binabayad ko sa kuryente namin noon wala pa kayo dito. Saan ako ngayon kukuha ng ipambabayad ko sa kuryente?" galit na tanong ng nanay ni Brian. Isinaksak din niya sa dibdib ng anak ang resibo sa bill ng kuryente.
"Inang, malaki talaga ang babayaran natin ngayon. Kasi lagi ninyong ginagamit ang washing machine sa paglalaba. Simula noong dumating kami dito, doon na kayo sa washing machine namin naglalaba at hindi na kayo nagkukusot. Tapos yung Ref. naman, ginagawa ninyong cabinet sa kabubukas ninyo. Tubig lang din ang nakalagay sa loob, pero sinasaksak ninyo. Pati kapitbahay, nakikigamit na din noon hindi pa namin inilipat dito sa kuwarto namin ang mga gamit namin." sagot ni Brian. Noon pa niya sinasaway ang kanyang ina at mga kapatid sa laging paggamit ng mga appliances, dahil alam niyang magastos ito sa kuryente. Pero hindi sila nakinig sa kanya at sinabihan pa siyang maramot. Hanggang ngayon ay ginagamit parin nila ang kanilang washing machine sa paglalaba. Kaya tumaas ng tumaas ang kanilang electric bill.
"Kung hindi ninyo inuwi dito ang mga gamit na yan, siguro hindi ganyan kalaki ang babayaran ko sa kuryente!" giit ng nanay ni Brian.
"Bakit ko naging kasalanan na maiuwi dito ang mga kagamitan na pinundar ko? Kayo ang gumamit ng mga yun, kaya huwag ninyong isisi sa akin ang paglaki ng inyong babayaran sa kuryente. Pinagsabihan ko kayo noon na magastos sa kuryente ang washing machine. Hindi kayo naniwala sa'kin. Tapos ngayon sisisihin ninyo sa mga appliances ko sa pagtaas ng bill ninyo sa kuryente." malakas na sagot ni Brian sa kanyang ina. Hindi na siya nakapag pigil, dahil na rin sa mga pinagsasasabi ng nanay niya. Kilala naman niya ang nanay niya, at magmula pa noon ay mahirap talaga itong kausap.
"Hoy, Brian, dapat kayo ang magbayad ng kuryente, dahil mga gamit naman ninyo ang dahilan kung bakit umabot ng mahigit isang libo ang babayaran ngayong buwan." pasigaw na turan sa kanya ng nanay niya. Nakahawak din ang babae ang kanyang kaliwang kamay sa beywang at ang kanan naman nito ay nakaduro sa mukha ni Brian. Agad din tumalikod ang matandang babae at nagtungo na ng bukid. Napapailing na lang si Brian dahil sa kanyang ina. Hanggang ngayon kasi ay hindi parin ito nagbabago. Muli siyang pumasok sa loob ng bahay at kinausap si Monica.
"Ma, pupunta ako sa bayan ngayon. May naghahanap daw kasi ng kargador sa isang Grocery Store doon. Subukan kong mag apply doon. Baka sakaling matanggap ako. Mahirap kung dito lang ako sa bukid, hindi ko kayang magtrabaho sa ilalim ng init ng araw sa bukid." paalam ni Brian kay Monica. May kakilala kasi siya na nakapagsabi sa kanya kahapon na nangangailangan ng kargador ang isang Grocery Store sa bayan, kaya magbabakasakali siyang makapasok siya ng trabaho doon.
"Mag kape ka muna, bago maligo. Para naman mainitan ang sikmura mo." alok ni Monica sa lalaki. Ipinag timpla din niya ito at pinaupo muna sa isang plastic na upuan. Magkaharap din silang humigop ng kape, habang tahimik na pinagmamasdan ang kanilang mga anak na mahimbing parin na natutulog. Lingo naman kasi, kaya walang pasok ang mga ito. Kaya hinayaan na lamang nilang matulog ang mga ito.
"Naaawa ako sa mga anak natin, Brian. Alam kong nahihirapan na sila sa buhay dito sa Probinsya, dahil hindi sila sanay sa ganitong pamayanan. Napakalayo din ng nilalakad nila patungo sa paaralan nila." wika ni Monica, sabay buntong-hininga. Maging siya ay hindi parin masanay-sanay sa bago nilang buhay. Kung may matutuluyan lamang sila sa Maynila, mas gusgustuhin niyang muling bumalik doon. Mas makaka-diskarte din siya doon, dahil sanay na sanay siya sa buhay lungsod. Marami din siyang pweding pasukan sa Maynila. Kahit mag Saleslady ulit siya doon ay pweding-pwede. Pero sa lugar na kinaroroonan niya ngayon ay wala siyang alam gawin, maliban sa maiwan at maglinis ng bahay, magluto at maglaba. Wala din siyang kaibigan sa lugar na iyon, dahil wala naman may gustong kumausap sa kanya. Siguro ay dahil sa mga purong ilocano ang salita ng mga tao doon at siya naman ay purong tagalog.
"Hayaan mo't masasanay din sila dito. Ikaw din, masasanay ka rin sa buhay dito. Ako nga medyo naninibago parin ngayon. Sampung taon din akong hindi bumalik sa lugar na ito, kaya ngayon ay hinahanap din ng katawan ko ang Maynila. Magtiis lang muna tayong lahat. Pasasaan ba't masasanay tayong lahat at hindi na natin hahanapin ang Maynila." tugon ni Brian sa babae. Aminado din siya sa kanyang sarili na naninibago siya sa bagong buhay nila. Ngunit wala naman siyang magagawa, dahil nasa Cagayan na silang mag-anak.
Matapos nilang magkape at agad na naghanda si Brian, upang makapunta na siya sa bayan. Dinala din niya ang kanyang mga importanteng papeles, para sa kanyang pag-aapply ng bagong trabaho. Gustong-gusto niyang makapagtrabaho sa sinasabi ng kakilala niyang Grocery sa bayan. Dahil pakiramdam niya ay mamamatay siya sa tindi ng init ng sikat ng araw sa bukid. Para siyang iniihaw sa tuwing nasa bukid siya at muntik na rin siyang mahimatay noon, dahil sa matinding init. Kaya napagpasyahan niyang maghanap ng ibang pagkakakitaan sa bayan, upang hindi na siya maarawan sa gitna ng bukid.
"Aalis na ako. Ikaw na ang bahala dito sa bahay. Huwag mong palalabasin ang mga bata, baka maglikot sila sa mga pananim ni Inang at mas lalong magalit yun sa atin." bilin ni Brian kay Monica, bago ito tuluyang umalis ng bahay.
"Sige, mag-iingat ka. Umuwi ka ng maaga, para matapos din natin yung garden natin." saad ni Monica. Humalik din siya sa lalaki, bago ito tuluyang lumabas. Pinagmasdan na lang ni Monica ang likod ng lalaki, habang naglalakad ito patungo sa tabi ng highway. Medyo malayo pa kasi ang lalakarin nito, bago marating ang highway at makasakay ng tricycle patungong bayan.