FAMILY‼️

2117 Words
PAUNAWA: ANG KUWENTONG ITO AY PAWANG MGA KATHANG ISIP LAMANG NG MAY AKDA. ANO MAN PAGKAKATULAD SA TUNAY NA BUHAY NG MGA PANGALAN NA GINAMIT, LUGAR O PANGYAYARI AY NAGKATAON PO LAMANG AT HINDI SINASADYA NG MAY AKDA. MANILA PHILIPPINES... KASALUKUYANG inaayos ni Monica ang kanyang mga paninda ng dumating ang kanyang asawa. Nagulat pa siya, dahil napakaaga nitong dumating sa kanilang bahay. Madalas kasi ay gabi na ito dumarating. "Brian, bakit ang aga mo yata ngayon? May problema ba o baka naman may sakit ka?" nag-aalalang tanong ni Monica. Agad din niyang sinalat ang leeg at noo ng asawa, dahil sa pag-aalala niya na baka may sakit ito. "Wala akong sakit. Natanggal ako sa trabaho, kaya ako umuwi ng maaga. Malas talaga! Kung kailan na mag-expired na ang lisensya ko, saka naman ako nawalan ng trabaho!" wika ni Brian, kay Monica. Pabagsak pa niyang ibinaba ang dala nitong bag sa kanilang upuan na plastic. "Ano, natanggal ka sa trabaho mo!? Naku, paano na tayo ngayon? Nag-aaral pa naman ang mga bata at malapit na naman ang bayaran ng upa nitong tinitirhan natin. Napakasungit pa naman ng may-ari. Siguradong magbubunganga na naman si Mrs. Tan, nito kapag hindi tayo naka pag-abot sa kanya ng renta natin. May babayaran pa si Jayson sa School at may tubig at kuryente pa tayong babayaran. Paano ba 'to? Hindi naman pweding kunin natin lahat sa tindahan ang ibabayad natin sa lahat, dahil mauubos ang puhunan natin at mas lalo tayong kawawa." tugon ni Monica. Halos maiyak na rin siya, dahil sa mga iniisip na bayarin. Bigla din sumakit ang ulo ni Monica, dahil sa pagkakatanggal sa trabaho ni Brian. Wala din siyang trabaho, maliban sa kanyang maliit na tindahan na pinagkukunan niya ng kanilang pang-ulam araw-araw. Pati ang pang baon ng kanyang tatlong mga anak ay sa tindahan nanggagaling. "Magpapahinga lang ako sandali, lalabas din ako mamaya para maghanap ng bagong trabaho." paalam ni Brian, bago pumasok sa kanilang maliit na kuwarto. Plano niyang magpahinga muna, upang magkaroon siya ng lakas upang maglakad at maghanap ng bagong mapapasukan. Maliit lang ang bahay na inuupahan nila sa isang lugar sa Maynila. May isang kuwarto, cr, maliit na kusina at maliit na sala na ginawang tindahan ni Monica. Mala squater na rin ang kanilang lugar, dahil maliliit lang ang mga bahay dito. Karamihan din sa mga bahay ay yari lamang sa light materials at yung iba naman ay mga pinagtagpi-tagpi lang na lumang yero ang gunawa nilang bahay. Sanay si Monica sa ganitong uri ng buhay, dahil dito sa lugar na ito siya ipinanganak at lumaki. Kaya hindi na bago sa kanya ang ganitong uri ng pamumuhay. Ang asawa naman niyang si Brian ay taga Probinsya. Galing ito sa Probinsya ng Cagayan Valley. Nagkakilala lang sila noon sa isang Shopping Mall na dating pinagtrabahuan ni Monica. Isa siyang Saleslady noon, samantalang si Brian naman ay Security Guard sa Mall. Dito nagsimula ang kanilang pagkakaibigan at nauwi sa pag-iibigan. Biglang nagdalang-tao si Monica noon, kaya siya tumigil sa pagtatrabaho. Si Brian lang ang nagpatuloy sa pagtatrabaho, upang may maipangtustos siya kay Monica at sa ipinagbubuntis nito. Simula din nun ay nagsama na sila sa iisang bubong, bilang mag-asawa. Wala naman naging problema si Monica kay Brian, dahil mabait ito at mahal na mahal siya ng lalaki. Napaka sipag din ni Brian at talagang nakikita ni Monica ang pagsisikap ni Brian, para mabigyan sila ng maayos na buhay. Hanggang sa lumipas ang ilang taon na pagsasama nilang dalawa. Nagkaroon na rin sila ng tatlong mga anak. Isang lalaki at dalawang babae. Halos sunod-sunod na taon na nanganak si Monica, kaya lalong nahirapan sila sa pag-budget ng maliit na kinikita ni Brian. Mabuti na lang at mabenta ang kanyang mga paninda sa kanyang tindahan, kaya nakakatulog ito ng malaki, upang maitawid nila ang kanilang pang araw-araw na buhay. Ngunit paano na ang buhay nila ngayon, dahil nawalan na ng trabaho si Brian. Paano pa nila maitatawid ang kanilang pang araw-araw ma buhay? Matamlay habang kumakain sina Monica at Brian ng kanilang hapunan. Iniisip pa rin nila kung paano na ang kanilang magiging buhay ngayon, dahil nawalan na ng trabaho si Brian. "Mama, bakit hindi ka po kumakain?" nagtatakang tanong ni Jayson kay Monica. Nagtataka ang panganay na anak nila dahil halos hindi ginagalaw ni Monica ang laman ng kanyang plato. Nakatingin lang ang babae sa mga anak niyang dalawang babae habang sarap na sarap ang mga ito sa pagkain. Kahit paksiw na isda lamang ang kanilang ulam ay magagana parin silang kumain at hindi nagrereklamo. "W-Wala anak. B-Busog pa ako, kaya hindi ako kumakain. Nagkape kasi ako kanina, habang nagluluto ako." sagot ni Monica sa kanyang anak. Totoo naman kasi na nagkape siya kanina, habang nagluluto. Isa kasi ang kape na nakakapag pa-relax sa kanyang katawan, lalo na kapag may mga pinu-problema siya. "Kumain kana, huwag mo munang isipin yun. Makakahanap din ako ng bagong trabaho. May awa ang dios, hindi niya tayo pababayaan. " pabulong naman na wika ni Brian sa kanya, kaya napangiti siya sa asawa. Umusal din siya ng panalangin sa maykapal, na sana ay magkatotoo ang sinabi ni Brian. Tumango lang si Monica, ngunit hindi parin siya kumbinsido sa tinuran sa kanya ng lalaki. Kahit anong gawin niya ay hindi talaga siya mapanatag, dahil sa pag-aalala para sa kanilang mga anak. Lalo ang pag-aaral ng mga ito, paano pa niya papapasukin ang mga bata, kung wala na silang pera na pambayad sa paaralan. Kinagabihan ay hindi na naman makatulog si Monica, dahil iniisip parin niya ang pagkawala ng trabaho ni Brian. Hindi rin siya sigurado kung makakahanap ba ito kaagad ng ibang trabaho ngayon. Expired na rin ang Security License ni Brian, kaya napaka imposible na makuha pa siya sa ibang Agency. Wala pa naman silang pera, para maka pag-apply ito ng bago. Napaka laking halaga na naman ang kakailanganin nito, upang ma-renew ang kanyang License. Hindi rin nila napaghandaan ito noon, dahil sa dami nilang gastusin. KINABUKASAN ay maaga na namang lumabas si Brian, upang maghanap ng bagong trabaho. Si Monica naman ay muling naiwan sa kanilang tahanan, upang magkaroon ng benta ang kanyang tindahan. Pumasok na rin sa paaralan ang kanyang mga anak, kaya mag-isa na naman siya na naiwan sa kanilang maliit na tahanan. "Tao po! Pabili ng sabon panlaba." Napa-unat ang likod ni Monica, dahil sa gulat niya sa tumawag. May bibili na naman pala ng kanyang paninda, kaya tumayo siya upang ibigay ang sabon na binibili ng babaeng nasa may pinto ng kanilang maliit na bahay. "Ano po'ng sabon ang bibilhin nila?" tanong ni Monica sa babae. "Isang Tide powder po at isang zonrox na rin." sagot ng babae, sabay abot sa perang ibabad nito. Agad naman na ibinigay ni Monica ang binibili ng babae at kinuha din nito ang bayad ng babae. Napabuntong hininga pa si Monica, dahil muli na naman niyang na alala ang pagkatanggal ng trabaho ni Brian. Siya talaga ang na e-stress sa nangyaring pagkakatanggal ng lalaki. Alam ni Monica kung gaano kahirap ang buhay sa Maynila. Dahil dito na siya namulat at nagkaroon ng sariling pamilya. MATULING LUMIPAS ang isang lingo. Wala parin nahahanap na trabaho si Brian, dahil wala naman bakante sa mga napuntahan niyang mga Pabrika, Warehouse, pati mga Contruction site ay sinubukan na rin niya, pero wala talagang bakante. Tuwing gabi ay umuuwing laglag ang balikat ni Brian, dahil wala parin siyang nahahanap na bagong trabaho. Malaki-laki na rin ang nagagastos niya, dahil sa araw-araw niyang paghahanap ng trabaho. Ang mamahal kasi ng pamasahe, kaya doon lang napupunta ang mga perang dala niya. Nagbabaon na rin siya ng tubig at pagkain niya, upang makatipid-tipid din siya kahit papaano. "Brian, malapit na ang bayaran sa upa ng bahay. Wala pa tayong pambayad, dahil inuna kong bayaran ang School ng mga bata. Mauubos na rin ang laman ng tindahan natin. Paano na tayo nito, saan tayo kukuha ng ikabubuhay natin sa susunod na mga araw?" malungkot na tanong ni Monica sa lalaki. Hindi na rin niya mapigilan ang pagbagsak ng kanyang luha, dahil sa malaking problemang kinakaharap nila. "Yan din ang iniisip ko ngayon. Ang hirap kasi dito sa Maynila, kasi lahat na lang binibili, pati bahay may upa. Umuwi na lang kaya tayo sa Cagayan Valley? Buti pa doon, dahil maraming pweding makuhanan ng gulay sa paligid. Makakalebre tayo sa ulam at hindi na rin tayo mag-uupa ng bahay, dahil malaki naman ang bahay ng mga magulang ko doon sa amin. Gagawa na lang ako ng maliit na kuwarto sa tabi ng bahay nina Inang at Tatang, pagdating natin doon, para may matirhan tayo." tugon ni Brian. Niyakap din niya si Monica, dahil tuluyan na talaga itong naiyak. Pinakalma muna ni Brian si Monica at binigyan din ng tubig na maiinom. Agad din na ininom ni Monica ang tubig na bigay sa kanya ni Brian at pinunasan din niya ang kanyang luha, bago muling bumaling kay Brian. "Paano ang pag-aaral ng mga anak natin? nasa kalagitnaan pa naman sila ng School year." nag-aalalang tanong ni Monica. Nanghinayang din siya sa kalahating taon na nag-aaral na ang kanilang mga anak. "P'wede naman silang mag-transfer doon, para doon na sila magpatuloy sa kanilang pag-aaral." sagot ni Brian. "Ipapalipat na lang natin sila sa amin, para hindi naman sayang ang kalahating taon. Kahit hindi na sila makasali sa Honor Roll, basta malipat lang sila doon." dagdag pa niya kay Monica. "Paano ang mga gamit natin dito? Sayang naman ang mga ito kung iiwanan natin dito. Ang layo pa naman ng Probinsya niyo. Paano natin madadala ang lahat ng ito?" muling tanong ni Monica. Nanghinayang kasi siya sa kanilang mga gamit doon. "Makikiusap ako sa pinsan kong Driver ng Truck na nagdi-deliver ng mga bigas at gulay dito sa Maynila. Sana pumayag siya na sa Truck niya tayo makikisakay, pauwi sa Cagayan Valley. Para mahakot din natin lahat ang mga gamit natin dito. Sayang naman ang lahat ng ito, mga bago pa ang mga gamit natin at halos wala pa ngang sira. Magagamit ulit natin ang mga ito sa Probinsya. Malaking bagay din ang mga ito, dahil hindi na tayo magpupundar ulit doon ng bagong gamit." wika ni Brian. Wala na rin nagawa si Monica, dahil wala naman silang ibang mapupuntahan sa Maynila. Hindi rin sila p'wede sa bahay ng mga magulang niya, dahil siksikan na ang mga nakatira doon. Naka pisan kasi doon ang kanyang kuya at ang pamilya nito. May dalawang anak ang kuya niya at may dalawa pang kapatid si Monica na mga dalaga pa. Napaka liit din ng bahay ng kanyang mga magulang, kaya wala silang lugar sa loob ng bahay. Kaya ang tanging sulosyon na lang sa problema nila ay ang umuwi ng probinsya. May malapad din na lupain ang magulang ni Brian sa Cagayan Valley, kaya pwede silang magpatayo ng sarili nilang bahay doon. P'wede pa silang magtanim ng mga gulay sa bakuran, upang may maulam silang sariwang gulay. KINABUKASAN ay nagising sina Monica at Brian, dahil nangangalampag na ang may-ari ng paupahan sa kanilang pinto. Alas singko pa lang ng umaga ay nambubulahaw na ang matanda sa mga taong nangungupahan sa mga kuwarto na pag-aari nito. Iniisa-isa niyang pangalampag sa mga pintuan ng mga paupahan, upang maningil ng upa. Nasanay na rin sila sa ugali ng kanilang Landlady, dahil simula pa lang ay ganito na ito mangulekta ng bayad sa upa. Pupungas-pungas pa si Monica na lumabas ng kanilang maliit na bahay, upang ibigay ang huling upa nila sa bahay. "Mrs. Tan, heto na po ang huling bayad namin sa upa ng bahay. Magpapaalam na rin po kami sa inyo, dahil aalis na po kami dito. Napag pasyahan kasi namin ni Brian na umuwi na lang sa Probinsya nila, para hindi na kami mangupahan pa ng bahay doon. Natanggal kasi siya sa trabaho, kaya hindi na kami pweding magtagal dito sa Maynila." wika ni Monica sa matanda. "Kung aalis na kayo, hindi na rin ninyo pweding balikan itong bahay. Dahil ipapaupa ko rin ito kaagad sa iba. Kaya walang sisihan, Monica. Desisyon niyo ang umalis sa bahay ko, kaya huwag na huwag kayong babalik dito at magmamakaawa sa akin na bigyan ko ulit kayo ng matitirhan niyo." naka pamaywang na sagot ni Mrs. Tan, kay Monica. Tila ang dating din ng salita nito ay muling babalik si Monica at magmamakaawa sa kanya, upang bigyan ng matitirhan. "Huwag po kayong mag-alala Mrs. Tan, dahil hindi po mangyayari ang sinasabi niyo. Buo na po ang pasya namin na bumalik sa Probinsya at doon na manirahan. " sagot ni Monica. "Sige po Mrs. Tan, mag-aayos pa ako ng mga gamit namin. Salamat nga po pala sa pagpapatira sa amin dito." paalam ni Monica at muling pumasok sa loob ng bahay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD