Volume I: Yuri
NOVEMBER 13, 3013... 12:30 ng tanghali sa loob ng silid ni Joji ay masusing pinag-aaralan niya at ng kaibigang si Kirito ang HQO (Heroes Quest Online) kit na kanyang binili. Binabasa nila ang manual ng game para 'pag nag-login siya ay alam na niya ang gagawin.
Hawak ni Kirito ang helmet na tinatawag na Beta Gear, isa itong metal helmet na nakakonekta sa HQO CPU. Matapos nilang mabasa ang instructions ay inihanda naman ni Joji ang kanyang sarili para sa paglalaro nito. Unang subok pa lang niya rito dahil katatapos lang ng kanyang 15th birthday. Hindi kasi pinapayagang maglaro nito ang mga 14 pababa ang edad, kaya hinintay niya talaga ang araw na ito. Kaedad din niya si Kirito na bukas naman unang masusubukan ang game na ito dahil bukas pa darating ang delivery ng kanyang HQO Kit.
"Isuot mo na 'tong Head Gear," sabi ni Kirito nang iabot niya sa kaibigang si Joji ang helmet. "Ako na ang pipindot sa transmission button."
"IGN, Tanjoubi," dagdag pa ni Kirito.
Pagkasuot ni Joji ng helmet ay pasimple pa siyang ngumiti ng pilit. "Katakot..." wika niya sa kaibigan at pagkatapos ay sabay silang napatawa.
"Gago! Bawal ang bading do'n," biro naman ni Kirito.
Pagkatapos nilang magbiruan ay siya namang pagseryoso nila. Huminga ng malalim si Joji at seryosong humiga habang suot ang head gear. Inihanda na niya rin ang kanyang sarili para sa pagpasok sa game.
"Pindutin mo na ang transmission button," wika ni Joji sa kaibigan. "Wala namang pasok bukas, kaya kitakits na lang sa Starting Plaza."
Seryoso pang nagtinginan ang dalawa na parang nag-uusap gamit ang isip. Pagkatapos no'n ay pinindot na ni Nigito ang berdeng buton sa HQO CPU...
NAPAKAMOT sa ulo ang magkaibigan dahil walang nangyari sa ginawa nila. Paulit-ulit pang pinindot ni Kirito ang transmission button pero wala pa ring nangyari. Dahil do'n kaya muli nilang binasa ang game manual, chineck din nila ang head gear at CPU pero wala naman silang nakitang deperensya.
"Palpak naman 'tong nabili mo," wika ni Kirito sa kaibigang dismayado sa mga nangyari. Excited pa na naman sila, 'yon pala'y mauuwi lang sa wala.
"Kung kailan larong-laro na 'ko, doon naman nagkaaberya," wika ni Joji na nakasuot pa rin sa ulo ang head gear. "Papa-palitan ko na lang bukas. Pambihira!"
Bahagya namang napaisip si Kirito. "Last try?" tanong niya na sinang-ayunan agad ni Joji.
Pinindot muli ni Kirito ang transmission button, subalit bigla namang nawalan ng kuryente. Walang kaalam-alam ang dalawa na buong Metropolis ang nawalan ng kuryente. Bihirang-bihira itong mangyari dahil napakarami ng stored energy ng siyudad, kaya labis ang pagtataka ng karamihan sa mga nakatira rito.
Ang Metropolis ang kabisera ng mundo sa taong ito. May lawak ito na kasing-laki ng Greenland, na isang isla at bansa sa North America. Matatagpuan ang kabiserang ito sa gitnang bahagi ng Asya at halos lahat ng bansa sa mundo ay konektado ang supply ng kuryente rito. Ibig sabihin, nang mawalan ng kuryente ang Metropolis ay halos buong mundo ang naapektuhan.
Maging ang mga Electric Company ay 'di rin maipaliwanag ang biglaang power shutdown sa kanilang mga planta. Pero ilang minuto lang naman ang itinagal nito at muli na nga ring bumalik ang supply ng kuryente sa Metropolis.
"'Yan! May power na uli. Ano kayang nangyari? Bihirang mawalan ng kuryente ang Metropolis sa pagkakaalam ko..." pagtataka ni Kirito.
"Try na ulit natin," dagdag pa niya ngunit bigla na lang nalaglag sa kama ang head gear na suot ni Joji.
"Transmission completed!" Salita pang nagmula sa game CPU.
"Okay na naman pala," sambit ni Kirito. "Bukas ay ako naman ang maglalaro ng HQO."
Nakangiti pa siya habang papalabas ng silid ni Joji nang biglang makarinig siya ng isang mahinang pagsabog. Agad niya itong tiningnan at laking-gulat niya nang makitang umuusok ang CPU at head gear ng HQO. Unti-unti rin itong nadurog sa 'di malamang dahilan.
"T-teka? A-anong nangyayari?" tanong ni Kirito na 'di maiwasang kabahan sa mga nangyari. Pero pinakalma niya ang kanyang sarili at inisip na may paliwanag at solusyon ang mga nangyari.
"Kayang-kaya 'to ng Nigimoto's Research Company," sabi niya sa sarili. Ito ang kompanyang bumuo ng game. Sila rin ang enhancer at analyst ng HQO. Nasa kanilang pangangalaga rin ang server at sila rin ang umaayos sa system errors ng nasabing game. Kompyansa siyang magagawan ito ng paraan ng NRC subalit...Biglang bumukas ang flat screen TV sa kwarto ni Joji. Lahat ng TV sa Metropolis ay automatic na mabubuhay 'pag may napaka-importanteng balita ang iaanunsyo. Dito na kumabog ang dibdib ni Kirito, sa kung ano ang mahalagang balita o anunsyo ang kanyang mapapanood.
"Sa 'di maipaliwanag na pangyayari, ang lahat ng HQO Consoles sa buong mundo ay nasira. Ayon sa NRC, ginagawa na nila ang paraan hinggil sa nangyari sa kanilang game. Hanggang ngayon ay 'di pa nila matukoy ang dahilan nito at nangako silang ibabalik nila ng ligtas ang mga player na na-trap sa loob ng HQO..." sabi ng babaeng reporter.
"Hinihiling nilang maging kalmado ang lahat. Itinigil na rin nila ang production ng mga game console!" Matapos iyong sabihin ng reporter ay kusa namang namatay ang telebisyong nasa loob ng kwarto ni Joji.
"Magagaling ang mga taga-Nigimoto. Alam kong maiibalik pa nila si Joji," sabi ni Kirito sa sarili at pagkatapos ay bigla niyang nasulyapan ang digital clock sa ibabaw ng mesa ni Joji.
"13:00?" Parang napaisip si Kirito dahil dito. "November 13, 3013 ngayon," dagdag pa niya.
Naging palaisipan sa kanya ang mga numerong ito at sa pagkakaalam niya, binansagan ding 13th month ang November sa Technology Calendar.
WALA namang kaalam-alam ang mga player sa loob ng game tungkol sa mga nangyari sa outside world. Patuloy pa rin sila sa questing at hunting dito. Kahit na nga ilang araw na mula nang ma-reset ang stat, skills at items ng bawat isa ay nagpatuloy pa rin sila. Marami rin namang umalmang veteran gamers pero hinayaan na rin nila ito. Nawala kasi ang logout button sa Virtual Screen ng lahat ng players. Wala tuloy silang magawa, lalo pa't wala namang announcement mula sa mga server ng HQO.
Mabuti na lang dahil sa Virtual World na ito ay hindi sila nakakaramdam ng gutom at antok. May gas formed food particles kasi ang atmosphere rito na makakatulong sa mga player para tumagal dito sa game. Optional naman ang pagtulog nila rito dahil punong-puno nang nutritions at vitamins ang gas dito kaya kahit 'di sila matulog ay hinding-hindi sila mapupuyat. May ilan din namang natutulog pero ito ay depende na sa player.
Ipinagtaka na rin nila ang pagbalik sa starting level ng lahat, pati coins nila ay gano'n din. Ang akala nga ng marami ay resetting process lang ito pero ilang araw na ang lumilipas, kahit isang message ay wala silang na-receive mula sa servers. Hanggang sa mapansin na rin ng mga player ang isa pang pagbabago sa game...
Dati, sa oras na ma-drop sa zero ang HP ng isang player ay naglalaho ang avatar nito at nare-respawn... subalit nang ma-reset ang player's stat ng lahat ay nag-iba na ito. Ang mga killed avatar ay hindi na naglalaho, bagkus ay nanatili itong buo at naaagnas na animo'y bangkay ng totoong tao sa pagdaan ng mga araw. Nagkaroon din ito ng mabahong amoy dahilan para ilibing ng marami ang patay na avatars na kanilang nakikita. Dahil sa mga nangyayaring ito ay mas lalo tuloy dumami ang tanong ng maraming hindi naman masagot-sagot. Pansamantala tuloy na tumigil sa hunting at duelling ang karamihan sa mga player upang makasiguro. Siniguro kasi nilang buo pa rin ang kanilang HP hangga't wala pang announcement ang mga server ng HQO.
LUMIPAS pa ang isang buwan subalit wala pa ring solusyon at sagot sa nangyari sa HQO Game. Maraming pamilya na rin ang nawawalan na ng pag-asang maibabalik pa mula sa game ang mahal nila sa buhay. Samantalang ipinasa-Diyos naman ng iba ang mga na-trap na players dito.
Marami haka-haka at teorya ang naglabasan hinggil sa nangyari sa HQO subalit ang lahat naman ng ito'y pawang mga walang matibay na basehan. Napilitan na rin ang ilang gaming company na ipatigil ang pagrerelease nila ng iba pang VMMORP Games at ipahinto ang paglalaro nito upang makasigurong 'di mangyayari sa kanila ang sinapit ng HQO. Hindi na rin ipinagpatuloy ng NRC ang paggawa ng HQO Kits dahilan para unti-unting malugi ang kompanyang ito.
Tinatayang nasa dalawang milyong player ang na-trap sa HQO at hanggang sa mga oras na 'yon ay wala pa ring kasiguruhang makakabalik sa real world. Pero ang mga player na nasa game ay pinagpatuloy naman ang paglalaro nito. Nananatili pa ring blanko sila sa totoong nangyari hanggang isang araw...Biglang nagdilim ang langit sa X3000HD at isang malakas na boses ang narinig ng lahat matapos iyon.
"Gra Ha Ha Ha!" Ang tawang ito ang bumungad sa lahat.
"Marahil, napansin na ninyo ang mga kakaibang nangyayari sa larong ito! Nais ko lang namang ipaalam sa inyong nagbago na ang game na ito simula nang makapasok ako rito...Gra Ha Ha Ha Ha!"
"Ako ang XRG13, at dahil sa akin kaya marami nang nagbago sa game na ito! Sinira at minanipula ko ang systems ng HQO...Hindi na lamang ito isang simpleng laro na kung saan ay kampante kayong nakikipaglaban! Iba na ito ngayon, dahil sa oras na maging zero ang HP ninyo... ay awtomatikong dito na kayo mamamatay!"
"Sinira ko rin gamit ang annihilator electricity ang lahat ng HQO kit ng mga narito kaya siguradong 'di na kayo maii-transmit patungo sa tunay na mundo. Gusto n'yo ng patunay? Buksan n'yo ang window ng inyong Virtual Screens upang makita n'yo..."
Maraming players ang nagulat nang makitang napakarami ng nagwewelga sa harapan ng NRC Building. Ito ay ang mga pamilya ng mga na-trap na player sa game na HQO. Ang ilan pa nga sa mga player ay namukhaan at nakita ang mga mahal nila sa buhay na umiiyak. May mga kinabahan dahil dito at mayroon ding 'di ito pinaniwalaan, bagkus ay inisip ng mga itong pa-event lang ito rito sa game.
"Gra Ha Ha Ha! Hanggang sa mga oras na ito ay wala pa ring nagagawang solusyo ang mga eksperto sa real world tungkol sa isyung ito. Pero 'wag kayong mag-alala...Wala kayong dapat gawin kun'di ipagpatuloy ang laro. Tandaan n'yo! Hindi na ito isang simpleng laro... laro na ito ng buhay! Ang mahihina ay maiiwan at ang malalakas ay makakaligtas!"
"Gra Ha Ha Ha! Ang dapat n'yo lang gawin ay pataasin ang inyong level...Kung kinakailangang patayin ang kapwa player ay gawin n'yo! Gawin n'yo kung gusto n'yo talagang makalabas ng buhay..."
"Gra Ha Ha Ha!"
"Gra Ha Ha Ha!"
"Gra Ha Ha Ha..." Tuluyan na ngang nawala ang boses na iyon pagkatapos ang sunod-sunod na tawang iyon. Nanumbalik na rin sa normal ang kalangitan pagkatapos no'n.
Nang marinig ng lahat ang boses na iyon ay maraming player ang natakot at nangamba. May ilan din namang idinaan sa biro ang mga narinig nila at mayroon ding 'di ito pinansin. Pero isa lang ang nasa isip ng halos lahat ng players...Ito ay ang ipagpatuloy ang game, pataasin ang level at manatiling buhay sa loob ng virtual world na ito.
Samantala, 'di naman tumigil sa pag-iimbestiga ang mga taga-NRC para hanapan ng solusyon ang problema ng kanilang game. Lumipas pa ang isang buwan at mukhang nagbunga na ang lahat ng ginawa nilang researches. Sa wakas ay natuklasan na rin nila ang dahilan sa pagkasira ng mga ginagamit na HQO kit ng mga player at isa pang mahalaga... ay natuklasan na rin nila ang paraan para makabalik sa real world ang lahat ng nasa loob...
*TO BE CONTINUED*