FUKASHI VILLAGE, ito ang pangalan ng unang village na napuntahan ni Nigito. Isa itong lugar na may mga kabahayan, mga tindahan, at mayroon ding mga inn. Lahat ng istruktura rito'y yari sa bato't semento. Napangiti pa siya nang makakita siya ng mga player dito. Iba't iba ang style at uri ng mga ito, mayroon ding grupuhan, dalawahan at solo.
Sa gitnang bahagi ng village ay may isang maluwang at tuwid na daan. Sa tabi nito ay makikita ang mga magkakatabing bahay, tindahan at mga inn. Nasa tatlong palapag din ang pinakamataas na inn niyang nakita rito. Habang siya'y naglalakad at nagmamasid sa paligid ay isang player ang pumukaw sa kanyang atensyon. Isa itong babaeng player, may suot itong baluting tulad sa isang knight. Kakulay ng chestnut ang hanggang baywang nitong buhok at may taglay rin itong kaakit-akit at magandang mukha. May isang espada rin ang nakasuksok sa tagiliran nito at isa itong rapier sword.
"A-asuna S-shitomi..." bulong ni Nigito habang nakatingin sa babaeng nasa tapat ng bilihan ng espada. Lumitaw kasi sa vision niya ang IGN nito at nalaman niya ring level 5 na ito. Naglakas-loob siyang lapitan ito subalit isang grupo ng puting knights ang lumapit at sumaludo sa babae.
"Naku, may guild pala siya," nasabi na lang ni Nigito at hindi na niya itinuloy ang kanyang balak. Nais pa naman sana niyang makipagkaibigan dito.
Buong araw na naglibot si Nigito sa village. Nakipagkilala siya sa iba't ibang player at umasang makakahanap siya ng kaibigan subalit kahit isa ay walang tumanggap sa kanya. Level 2 pa lang kasi siya at karamihan sa mga player na nakikita niya ay apat na level pataas ang agwat sa kanya. Papalubog na rin ang araw kaya naisipan niyang pumunta sa isang item shop upang bumili. Isang balbas-saradong NPC naman ang sumalubong sa kanya nang siya'y pumasok dito. Hindi na niya rin naiwasang mamangha dahil iba't ibang items ang nakita niyang nakapatas sa bawat mesa ng shop. Dahil kakaunti pa lang ang coins na mayroon siya ay sa cheap items section siya pumunta. Bumili siya ng tatlong Healing Salves na alam niyang kailangang-kailangan niya dahil may mga lugar dito sa game na walang mga Healing Fountain. Pagkatapos no'n ay bumili naman siya ng Quelling Blade (+24 Damage and +20 Attack speed), isa itong maliit na palakol. Usable item ito na 'di magagamit bilang sandata, bagkus ay napapataas naman nito ang stat ng isang player depende sa gamit. Nang mailagay niya ito sa kanyang item slot ay nakangiti niyang hinugot ang kanyang espada at pagkatapos ay iwinasiwas niya ito sa hangin. Naramdaman niya agad ang pagbilis ng kanyang wasiwas dahil sa nabili niyang item.
"Astigin!" sabi pa niya pagkatapos no'n.
ISANG gubat ang sunod niyang pinuntahan kinaumagahan. Habang naglalakad siya ay biglang isang AI ang nakasalubong niya nang 'di inaasahan. May kalakihan ito. May apat din itong paa. Kalahating taong may kalakihan ang katawan at kalahating kabayo ito. May hawak pa itong malaking palakol sa kanang kamay at nanlilisik ang tingin nito kay Nigito.
"Shet! Level 5 Centaur..." sabi ni Nigito at seryosong tiningnan ang AI. "Hindi ko pa yata kakayanin ang isang ito."
Medyo may kabog sa dibdib ni Nigito nang mga oras na iyon. Pakiramdam kasi niya ay may matinding galit sa kanya ang Centaur dahil sa tingin nito. Naisip na lang niyang takasan ito subalit biglang umatungal ng malakas ang AI...
"Rarrr!" Pagkatapos nito ay mabilis at malakas na inihampas ng Centaur ang palakol niya sa lupa. Mula sa kinatatayuan nito ay unti-unting bumitak ang lupa papunta sa kinatatayuan ni Nigito. Umangat ang mga lupang nasa palibot ng bitak at tinamaan nito ang target.
Fissure, ito ang skill na ginamit ng Centaur dahilan para 'di maigalaw ni Nigito ang kanyang katawan.
"Shet! Stun ako..." wika ni Nigito at nakita niyang mabilis na tumatakbo palapit sa kanya ang Centaur. Napapikit na lang siya nang tinamaan siya ng magkasunod na hit mula sa AI. Wala siyang naramdamang sakit subalit parang lumabo ng ilang segundo ang vision niya dahil doon. Nagkamarka rin ng dalawang kulay pulang guhit ang kanyang dibdib at bumaba agad sa 35% ang kanyang HP. Mabuti na lang at nawala na ng bisa ang stun kaya mabilis siyang nakatalon paatras. Mabagal din Attack Speed ng Centaur kaya naiwasan niya ang ikatlo nitong hit nang mawala ang stun at mabilis na nagtago sa likod ng isang puno.
"Delikado ako rito... ang laki ng damage ng kalaban," bulong ni Nigito sa sarili. Pagkatapos ay mabilis niyang ginamit ang isa niyang Healing Salve subalit natunton ng Centaur ang kanyang pinagtataguan at muli siya nitong ginamitan ng Fissure. Nawalan ng bisa ang healing niya at na-stun pa siya kung saa'y papalapit na rin sa kanya ang kalaban.
"Patay..." nasabi na lang ni Nigito sa sarili nang mga sandaling iyon. Kitang-kita niya rin ang ang nalalapit na paghit sa kanya ng Centaur.
Nanlabo ang paningin ni Nigito nang tamaan siya ng talim ng palakol ng Centaur at 5% na lang ang natira sa kanyang HP. Alam niyang sure kill na siya rito pero ang 'di niya alam... ito na pala ang kanyang magiging katapusan.
ISANG malakas na pagsabog ang naganap nang isang puting liwanag ang tumama sa Centaur. Napamulat si Nigito at laking-gulat niya nang makitang na-stun ang kalaban.
"Umalis ka na d'yan!" sigaw at utos kay Nigito ng isang babae nang mawala ang stun nito.
Mabilis na tumakbo palayo mula sa Centaur si Nigito at agad pumunta sa ligtas na lugar. Nagheal din agad siya at pagkatapos ay hinanap niya ang babaeng nagligtas sa kanya.
"Siya 'yon!" sambit ni Nigito nang makita niya ang isang babaeng white knight. Napangiti agad siya nang malamang si Asuna Shitomi ito, ang babaeng player na nakita niya sa Fukashi Village. Hindi na siya nagdalawang-isip at agad siyang pumunta palapit dito, subalit...
"D'yan ka lang! Makakagulo ka lang sa laban!" seryosong sinabi naman ni Asuna dahilan para 'di na tumuloy si Nigito sa paglapit sa kanya. Dahan-dahan niya ring hinugot mula sa kanyang tagiliran ang kanyang espada at pomorma sa anyong makikipaglaban.
"Rarrr!" Nagwala naman ang Centaur na nasa harapan niya at gumamit agad ito ng Fissure subalit madali lang itong naiwasan ni Asuna nang tumalon ito ng mataas. Pagkalapag nito sa lupa ay agad itong tumalon papunta sa Centaur at mabilis na inatake ang katawan nito gamit ang kanyang espada. May kabilisan ang atakeng iyon ni Asuna at sa likuran pa ito ng kalaban lumitaw kasunod ng pagbulwak ng pulang likido mula sa mahabang hiwang nilikha ng kanyang espada sa tiyan nito.
Nabawasan ng halos kalahati ang HP ng Centaur dahil sa ginawang paghit ni Asuna dahilan para magwala ito. Mabilis na humarap ang AI sa babaeng knight at buong-lakas na inatake ito gamit ang sandata niyang palakol.
Isang malakas at matinis na tunog ang dumagundong sa gitna ng gubat nang salagin ni Asuna ang talim ng palakol gamit ang kanyang espada. Pagkatapos no'n ay buong-lakas niya itong itinulak dahilan para tumalsik palayo at bumaon sa lupa ang sandata ng kalaban.
Wala ng sinayang na pagkakataon si Asuna, sunod-sunod niyang inatake ang Centaur gamit ang kanyang espada hanggang sa maubos ang HP nito. Nagliwanag ang katawan ng AI at nabasag na animo'y salamin nang matapos ang laban.
"Isang walang utak na player ang isang ito," bulong ni Asuna nang makitang papalapit na sa kanya ang naka-itim na swordman. Abot-tainga pa ang ngiti nito kaya medyo naasar din siya dahil dito.
"Maraming salamat!" nakangiting sinabi ni Nigito sa white knight na nagligtas sa kanya subalit laking-gulat niya nang biglang itinutok nito ang hawak na espada sa kanyang leeg.
"T-teka... M-may m-mali ba akong sinabi?" kabadong tanong ni Nigito. Napalunok pa siya ng laway nang mapatingin sa mga mata ni Asuna dahil seryosong-seryoso talaga ito.
"Gusto mo na ba talagang mamatay? Sabihin mo lang at ako na ang gagawa," pagalit namang sinabi ni Asuna.
"S-s'yempre hindi. G-gusto ko pang mabuhay ng matagal..." kabado namang sagot ni Nigito at medyo nagtaka pa sa itinanong ni Asuna.
Bumuntong-hininga si Asuna matapos iyon at pagkatapos ay kalmadong inilagay sa lalagyan ang kanyang espada. "Gano'n naman pala, kaya sa susunod... 'yong mga kaya mo lang na AI ang iyong labanan..." Pagkasabi niya nito ay kanya nang tinalikuran si Nigito.
"Tandaan mo! Mahalagang buhay ka sa larong ito..." dagdag pa ni Asuna at pagkatapos no'n ay bigla na lang siyang tumakbo palayo.
Gusto pa sanang magpaliwanag ni Nigito subalit 'di na niya naituloy dahil sa huling sinabi ni Asuna sa kanya. "Ano'ng ibig niyang sabihin?" tanong niya sa sarili at pagkatapos no'n ay bumukas ang kanyang VS. May nakuha rin kasi siyang Coin at EXP mula sa natalong Centaur.
MARCH 6, 3014. Isang buwan ang lumipas, patuloy pa rin si Nigito sa paglalaro sa loob ng game. Mag-isa lang siya. Tanging siya lang ang nagpapakahirap upang talunin ang mga AI na nakakalaban niya. Naging maingat na rin siya sa kanyang kakalabaning monster, gaya ng sinabi sa kanya ni Asuna noon.
Sa nagdaang isang buwan ay tumaas na rin ang level ni Nigito, Level 7 na siya. May mga item na rin ang nadagdag sa kanya gaya ng Phase Boots (+50% Speed and +20 Attack Damage) at Mask of Lifestealer (30% HP Steal). May mga item din siyang bini-build para mapataas ang kanyang stat at mayroon na rin siyang Character Skill, ang Dagger. Isa itong skill na nagbibigay ng dagger sa gumagamit at kung sino ang tamaan nito ay mababawasan ng ilang porsiyento ang moving speed. May kaunting damage din na matatamo ang target at kaunting MP lang ang kailangan nito.
Sa f*******n Island naglagi si Nigito, isa itong maliit na isla sa silangang bahagi ng Hajori Island kung saan siya nanggaling. Tanging pagpapalakas at pagpapataas lang ng level ang kanyang inatupag dito, ito'y paghahanda na rin niya para sa paghahanap kay Joji.
May isang maliit na Teleporting and Healing Plaza rito kaya 'di namomroblema si Nigito sa Healing. Mayroon ding isang Secret Shop dito, ito ay ang mga bilihan ng items na nasa kagubatan. Palatandaan nito ay ang karatulang "SS" at madalas na isa lang itong maliit na kubo.
"AI!" sambit ni Nigito nang isang Level 7 Bull Pig ang sumalubong sa kanya habang naglalakad. May kalakihan ang AI at itsurang baboy itong may sungay ng isang toro. Mabilis namang hinugot ni Nigito ang kanyang espada at tinitigan ang kalaban.
"Fight!" Pagkasabi niya noon ay isang mabilis na atake ang kanyang ginawa. Sa isang kisapmata'y nalampasan niya ang kalaban. Kasunod din no'n ay ang pag-ukit ng letrang ekis sa mukha ng AI. Bumaba ang HP nito pero kaunti lang. "May kunat, ah," sabi pa niya. Pagkatapos naman no'n ay bigla siyang binalingan ng Bull Pig at mabilis nitong inihampas ang isang paa sa lupa.
"Skill..." wika ni Nigito at biglang nabitak ang lupang kanyang kinatatayuan. Na-stun din siya dahil dito. Earthshock, ito ang skill na ginamit ng AI na may 300 HP Damage at may ilang segundong stun effect.
"Brurrr!" Umusok ang ilong ng AI at sinuag ang na-stun na si Nigito. May kalakasan iyon dahilan para tumalsik si Nigito palayo subalit kataka-takang napakababa ng HP na nabawas dito.
"Mabuti na lang at may Vanguard ako," sabi ni Nigito sa sarili habang pinapagpagan ang narumihang damit. Bago kasi niya labanan ang AI ay ini-activate niya ang isang Usable Item, ang Vanguard (+5 Armour, +10 STR and +4 HP Regen per second). Isa itong rare item at mabubuo lang ito 'pag pinagsama ang ilang item. Nang makarecover si Nigito sa stun ay mabilis niyang inatake ang kalaban. Naputol ang sungay nito nang muli niya itong nilampasan ng napakabilis. Umatungal dahil do'n ang Bull Pig kaya galit na galit nitong sinugod si Nigito pero madali lang itong nakaiwas nang tumalon ito ng mataas.
"Tapos ka na!" nakangiting sinabi ni Nigito nang makita niya ang malapad na likod ng AI. Patusok niyang hinawakan ang kanyang espada at buong-lakas niya itong ibinaon sa likod ng kalaban para ito'y tapusin subalit bago pa man tumama ang talim ng kanyang espada dito ay tatlong mga palaso ang tumama sa katawan nito.
Bumaon sa lupa ang talim ng espada ni Nigito dahil bigla na lang nabasag ang katawan ng Bull Pig. Muntik pa siyang mapasubsob sa lupa kaya 'di niya maiwasang mainis sa mga nangyari.
"Langya naman! Sinong nagnakaw ng kill ko?" inis na sinabi ni Nigito. Nilakasan niya rin ang kanyang boses para marinig ng sinumang player sa paligid. Maingat din niyang inobserbahan ang paligid at biglang isang makapal na damuhan ang gumalaw. Nakarinig din siya ng kaluskos mula roon kaya mabilis niya itong pinuntahan.
"Lumabas ka r'yan!" Itinutok pa ni Nigito ang kanyang espada roon subalit isang 'di inaasahang player ang lumabas mula roon...
*TO BE CONTINUED*