6 - Paper Rose

2490 Words
“Bacca, hoy!” Napapitlag siya nang maramdaman ang pagkalabit ni Flor sa balikat niya. Kanina pa pala siya suklay nang suklay sa buhok niya ngunit tumatagos naman sa salamin ang paningin niya. “Aray! Nakakagulat ka naman, Flor.” Nanulis ang nguso niya at sinamaan ito ng tingin. Ang lakas kaya ng pagkakakalabit nito. “May pinagpapagandahan ka na, ‘no?” “Wala, ha." Nag-iwas siya ng tingin. "Porke at nagsuklay lang.” Tumayo siya at isinampay niya ang tuwalyang ginamit kanina sa likod ng pinto at isa-isang pinulot ang mga gamit na nagkalat sa study table at inilagay sa bag. “Defensive.” Sinuri siya nito mula ulo hanggang paa. Tila may hinahanap ang kaibigan niya na itinatago niya. “Lumabas ka na nga doon at nang makapag-almusal nang sa gano’n ay hindi ka mukhang adik na lutang.” Para nga siyang lutang simula kahapon pa. Kahit sa klase nila. Ewan, hindi niya maintindihan. Bigla na lang kasing pumapasok ang nakangiting mukha ni Senorito Grant sa utak niya. Nakakainis nga. “Kilos na!” “Oo na.” Nakahinga siya ng maluwag nang lumabas ito. Agad-agad niya namang ibinalik ang hairbrush sa lalagyan at pinulot ang bag at lumabas ng quarter. “Becca, ang ganda naman ng tali niyang buhok mo,” puna ni Nanay Rosa sa nakataling laso sa ulo niya. Kulay orange na bulaklakin. Naaasiwa tuloy siya na pati ang ibang katulong ay napapansin ang ayos niya. Baka ano ang isipin ng mga ito. Nasasanay pa naman ang mga ito na tamang ipit lang ang ginagawa niya. “Mas nagmumukha kang cute, Becca.” “Ang ganda nitong si Becca, Nay, kapag tumuntong ito sa tamang gulang," puna ng isa pa sa mga kasambahay. Naglalagay siya ng pagkain sa baunan na iyon ang mga punang naririnig. Talaga nga kayang may hitsura siya? Natapos niya ang ginagawa nang panay ang pagpansin sa kanya ng mga kasamahan. Panay ngiti rin lang ang tugon niya. Tinakpan niya ang baunan at inilagay sa bag. “Siguraduhin mong maayos ang pagkakatakip. Baka matulad noong nakaraan na natapon sa bag mo ang laman.” Tsinek pa ni Nanay Rosa kung maayos ang gamit niya. Para itong tunay na nanay o lola. “Opo, Nay. Salamat po. Alis na po ako, Nay.” Isinukbit niya sa balikat ang canvass bag at kipkip ang libro sa dibdib na nagmano siya sa matanda. “Bye po, mga Ate! Bye, Flor!” Naglalakad siya palabas ng bahay na ang mga mata ay naiiwan sa gawing hardin. Tanging si Miss Margarette lang ang naroroon. Wala ang senorito. Bahagya siyang nakaramdam ng disappointment. Parang bigla na lang siyang napagod, eh, kanina lang, ang sigla-sigla niya. Ayaw niyang aminin pero inaasam niyang mauulit iyong kahapon. “Hay, maglakad ka na nga, Becca.” Para siyang baliw na kinakausap ang sarili habang naglalakad sa gilid ng daan. Muntikan pa siyang mapatili at mapalundag nang bigla na lang siyang makarinig ng malakas na pagbosina mula sa kung saan. Pag-angat niya ng tingin ay ang gwapong mukha ni Senorito Grant ang nakita niya. Bigla ang naging pagkalampag ng dibdib niya. May mga traysikel na tila nag-uunahan sa pagtakbo sa kaloob-looban niya. Ipinagpalagay niya na lang na dahil iyon sa pagkagulat. “O, takot ka pa rin bang lapitan ako?” Napalunok siya ng ilang beses nang matuklasang nasa harapan na niya mismo si Senorito Grant. Nakakasilaw ang ngiti at gwapo ng mukha nito. Pero hindi maitatangging umaapaw din sa tuwa ang puso niya. “Halika na. Hatid kita ulit.” Laging ganoon ang nangyayari. Lagi siyang hatid ni Señorito Grant sa sakayan at nag-aabang naman ito sa kanya kinahapunan. Buti na lang din at umalis si Margarette. Nasa Hongkong ito kasama ang mga kaibigang socialite din na gaya nito. Kung anong ginagawa ay ‘di na niya alam. Ganoon naman ang mga mayayaman, parang nasa kabilang bakod lang ibang bansa. Palibhasa, maraming pera, doon nagsa-shopping. Samantalang si Tito Gener ay nasa Cebu pa rin. Nakakatawa ang mag-anak. Tatatlo na nga lang ang mga ito, bibihira pang magkita. Alis nang alis. Kaya siguro sa palagay niya ay siya ang napagdidiskitahan ni Senorito Grant at okay lang dahil sobrang saya niya naman kapag ito ang kasama. Iba si Grant sa ibang mayayaman. Mabait ito, mababa ang loob at laging nagkukuwento ng kung anu-ano. ‘Bakit ang bait-bait niya sa akin?’ sa tuwina ay tanong niya sa sarili. Kapag nahihirapan siyang sagutin, iniisip niya na lang na sadya lang itong mabait at hindi mataas ang tingin sa sarili. Kahit sa lahat ng kasambahay ay mabuti ang pakikitungo nito. Kabiruan pa nga nito si Flor na parang magkabarkada lang. Pinapalo-palo pa ito ng huli kapag nagkakasarapan sa usapan. “Señorito, hindi po kayo busy?” nagawa niyang itanong habang magkaagapay na silang naglalakad sa kalsada. “Nope.” Umangat ang dalawang balikat nito. “At bakit mo naitanong?” “Kasi…kasi pinag-aaksayahan ninyo ako ng oras.” Nakakatuwa siguro ang tanong niya at napangiti ito. “Sabik kasi ako sa kapatid na babae. That’s why. If ever na may kapatid ako, kasing-cute mo ang gusto ko," paliwanag nito sabay gulo pa sa buhok niya. Okay na rin iyon. Kapatid ang turing nito sa kanya. Sabik din naman siya sa kapatid, lalo na sa kuya. Para rin naman kasi itong kuya kung umasta kaya, napapalagay ang loob niya. Tuloy, nagiging mas ganado siya sa pag-aaral. Malalaki ang mga markang nakukuha niya sa lahat ng subjects. “Ano’ng sekreto natin, Becca, ha at ang tataas ng mga kuha mo. Umiinom ka ba ng Glutaphos?” minsan ay puna ni Mariel sa kanya, ang kaibigan at kaklase niya noong minsang siya lang ang nakapasa sa pasulit. “Umiinom ka ba ng gatas na pang-boost ng memory?” Kung inspired man siyang mag-aral, sa bawat pag-uwi ay sabik din siyang makita si Senorito Grant. Pero kakaiba sa araw na ito. Mas ikinatuwa niya nang makita itong nag-aabang sa kanya habang nakaupo sa harap ng manibela. Kumakaway pa sa kanya nang makita siyang papalabas ng gate ng eskuwelahan. Kaway lang at ngiti pero kumabog na naman ng husto ang puso niya. “Becca, sino ‘yan?” tanong ng pinakamalapit na kaklaseng si Mariel. “Pogi, ‘no? Parang artista. At ikaw ba ang kinakawayan at nginingitian niyan?” halos idikit na ni Mariel ang mukha sa kanya habang nakikiusyuso ang mga mata nito. “Eh,” nahihirapan siyang ipakilala si Grant. Alangan namang sabihing amo niya ito, magtataka ang mga kaibigan ba't sinundo pa siya. “Ang gwapo!” bulalas ng isang grupo ng mga estudyante na kasabayang lumabas ng gate. “Becs, papalapit yata sa atin.” Napatingin na lang siya sa paglapit ni Señorito Grant sa kanila. “Ang pogi talaga,” bulong ni Mariel sa tenga niya na ‘di naitago ang kilig. Halos hilahin na ni Mariel ang uniform niya. Hindi lang naman halatang kinilig nga ito. “Hi kiddos!” bati ni Grant sa kanila. Nakita niya kung paanong napalis ang ngiti ni Mariel na kiddos ang ginamit nitong salita. Napasimangot pero kaagad ding napangiti ulit. Wala namang puwang ang tampururot kay Mariel. Laging laugh trip kapag ito ang kasama. “Bakit po kayo naririto?” awtomatikong napatingin siya sa paligid na para bang naroroon si Miss Margarette. “I have nothing to do kaya sinundo kita.” Sa gilid ng mga mata niya ay nakikita niya ang pag-awang ng bibig ni Mariel. Halatang nagulat ito na ito ang sundo niya pero kaagad ding umayos nang dito naman natuon ang pansin ni Senorito Grant. “So, you are?” tanong nito nang nakangiting binalingan si Mariel. “Mariel po, Kuya,” ang bibang si Mariel na ‘di na nahiyang itago ang pagkakilig. “Mariel, that’s a nice name.” Kumikislap ang mga mata ni Mariel sa papuri. Nagkaka-crush yata kay Senorito Grant. Kahit naman ang ibang mga estudyante ay napapalingon rito. Sa tingin niya, hindi lang si Mariel ang nakapansin dito. Agaw-pansin naman talaga kasi ito. Ewan niya ngunit tila ba gusto niyang itago na lang si Senorito Grant sa paningin ng mga ito. Parang ayaw niyang nakikitang may ibang tumitili o humahanga rito. Maramot pero ganoon ang pakiwari niya. “So, paano, Mariel, hihiramin ko na muna itong si Little Becca.” Little Becca. Parang daga o ‘di naman kaya ay kuting ang dating no’n sa kanya. Mas gusto niya na Becca na lang sana at wala na ang nakakabit na adjective. “Saan ba ang sa inyo, Mariel? Isakay na kita.” “Naku! Sayang!” pitik pa ni Mariel sa mga daliri. “Susunduin ako ng mama ko, eh. Pero next time. Kuya, sasama talaga ako.” Napapangiti na lang si Señorito Grant sa kakengkoyan ni Mariel. “Tayo na,” baling nito sa kanya at kinuha ang libro ang mga librong hawak niya. Namamanghang nakasunod na lang sya rito nang nagsimula na itong humakbang palapit sa kotse. Binuksan nito ang backseat at inilagak doon ang mga gamit niya. “Hey, ano’ng ginagawa mo?” takang tanong nito sa kanya. Akam na siyang papasok sa kotse, napigil nga lang. “Uupo na ho, Senorito.” Hinatak siya nito palayo ng kotse. “You’ll sit beside me, Becca.” Binuksan nito ang pintuan sa front seat at sinenyasan siyang pumanhik. Atubili siyang sumunod. Dati, sa movies niya lang nakikitang pinagbubuksan ng isang lalaki ang isang dalaga. Dalaga. Eh, Little Becca nga ang tawag nito sa kanya. “Wala ho kayong ginagawa, Senorito?” tanong niya rito nang makasampa na rin ito sa kotse. “Wala,” simpleng sagot nito. “Becca, can I ask you something?” “Ano po ‘yon, Señorito?” “Will you stop calling me señorito? Nakaririndi. Kung ayaw mo ng kuya, Grant na lang, okay?” Ang sagwa naman pero bahala na. Laking gulat niya nang dumukwang ito sa gawi niya. Ang lapit-lapit nito sa kanya at kaagad ang pagtahip ng dibdib niya lalo't naaamoy ang mabangong hininga nito at ang cologne na kaaya-aya sa ilong. Parang nakakahalina ang amoy. Hindi nakakasawa. “There,” sinipat-sipat pa ni Señorito Grant ang pagkakaayos ng seatbelt. “Let's go. Parang ang sagwa pero bahala na. Natanong niya ang sarili: nagkakagusto na ba talaga siya kay Senorito Grant? Sa gitna ng pag-iisip ay bigla na lang ginulo ni Senorito Grant ang buhok niya. “Ang seryoso mo.” Naroroon na naman ang matamis na ngiti nito. Killer smile, kung susumahin. Ngiting tila nagtatanggal ng pagod. Ngiting kaysarap titigan buong araw. Bakit ba ganito ang mga naiisip niya? Nakakahiya lang. “Malalim pa yata sa balon ang iniisip mo.” Simple siyang ngumiti sa biro nito. “Wala ho kayong kaibigan, Senorito?” naitanong niya na lang. Wala rin naman siyang maisipang ibang mapag-uusapan. Ang senorito hindi niya talaga mabitiwan. “Meron naman pero nasa school sila,” sagot nito na sa kalsada nakatuon ang pansin. “Naglalakwatsa ho kayo?” maang siyang napalingon sa mukha nito at nakita niya kung paanong umangat ang gilid ng bibig nito hanggang sa naging matunog ang tawa ni Señorito Grant. “September pa ang pasok ko.” “June ang pasukan natin dito sa mga schools, ‘di ba?” “Dito sa Pilipinas, oo.” “Saan ka ba nag-aaral?” “Sa States.“ “Sa US?” “Yup.” Napatangu-tango siya. Ang layo pala. Hindi basta-basta napupuntahan. Gaano nga kaya kayaman ang mga del Blanco? Parang ginagawang kusina ang ibang bansa. “Ang mahal siguro ng pamasahe papunta ro’n.” Natawa si Grant nang malakas sa sinabi niya. Hindi niya alam kung ano ang nakakatawa pero ang sarap lang pakinggan ng tawa nito. Wala yatang hindi kaaya-aya kay Señorito Grant. “Okay lang naman.” “Ibig sabihin, pagdating ng September aalis din kayo?” Hindi pa man ay parang nalulungkot na siya. Ayaw niyang umalis ang mabait na binata. Gusto niyang katabi ito lagi at nakakakuwentuhan ng ganito. Sana kung hindi masama ang humiling na huwag muna itong umalis. “Oo. Or maybe ealier. Kaya bago ako umalis, ipapasyal muna kita. Susulitin natin ang oras.” Ipapasyal. Gustung-gusto niya ‘yon. Nakaka-excite. Nakalimutan nga niya si Margarette. Ang tanging nasa isip niya ay ang makasama Ito. Sabi nito susulitin ang oras kaya, ganoon nga ang gagawin niya. *** Sa isang arcade sa pinakamalapit na mall siya dinala ni Grant. Kung anu-anong ginawa nila. Buti na nga lang at naka-PE attire siya kundi ang sagwang tingnan na nakauniporme siya habang naglalaro. Habang katabi si Grant na nagsu-shoot ng bola isa sa mga laro ng arcade ay panay ang halakhakan nila. Nang magsawa ay ibang laro naman ang sinubok nila. Nagpakuha pa sila ng larawan sa loob lang din ng arcade. Ang saya-saya nila sa mga pictures. “You keep the other one. I’ll keep this.” Parang lumundag ang puso niya sa narinig. Itatago nito ang larawan nilang dalawa. Ang saya lang ng puso niya. Ingat na ingat siyang isiuksok iyon sa notebook. Ayaw niyang magkaroon ng kahit kaunting gusot. Mamaya, pagdating sa bahay, iiipit niya ang picture sa nag-iisang photo frame nila ng tatay niya. “Let’s eat.” Kumain sila sa isang fast food chain. Ito ang nag-order para sa kanya. Kahit ano naman ay kinakain niya. Pareho silang nag-chicken. Spicy kay Senorito Grant, classic naman sa kanya. Nalula siya sa mga pagkain. Bukod kasi sa chicken meal ay may spaghetti at burger pa. “Pwede ko bang dalhin kina Flor kapag hindi natin naubos, Sneorito?” “Mag-order na lang tayo para sa kanila.” Napangiti siya. Ang bait talaga ng amo niya. Ito na yata at si Tito Gener ang pinakamabait na taong nakilala niya sa buong buhay niya, maliban sa tatay niya at kay Aling Mila. Simula ngayon, dadagdag na si Senorito Grant sa mga paborito niyang tao sa mundo. “Ba’t mo binabalatan ang chicken mo?” “Masama daw ang balat ng chicken sa tao. Ma-cholesterol. Napag-aralan namin kanina sa klase.” “Wow ha. Ang galing mo at sinaulo mo talaga ang mga napag-aralan mo.” Kumain silang panay ang mga kwento ni Grant. Kapagkuwa’y kinuha ni Grant ang paper napkin at may kung anong ginawa. Bulaklak ang nilikha ni Grant mula sa tissue. “Wow, ang ganda!” “Napag-aralan din namin noon. Tinuro ng teacher ko noong elementary ako.” Ibinigay nito sa kanya ang paper rose. “A-akin na ‘to?” maang niyang tanong nang sa iniabot na sa bulaklak nakatingin. “Sige na tanggapin mo na bago pa ito maging totoong bulaklak.” “Sana maging daisy nga ito, ‘no?” “Paborito mo ang daisy?” “Opo, paborito raw kasi ng nanay ko.” How she wished na totoong bulaklak nga ito. Hindi man tunay na bulaklak sapat na yon para magbigay ng kiliti sa kanyang batang puso. Baka sa susunod ay totoong bulaklak na nga iaabot ni Grant sa kanya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD