Nanatali sa guest room ang babae. Simula nang magkamalay ito ay hindi pa ito nakalabas ng bahay at dinadalhan lang ito ni yaya Gloria ng pagkain sa kuwarto.
Para kay Jabez, hindi mahalaga sa kanya kung nagsasabi ito nang totoo o hindi. Ang gusto lang niya ay makaalis na ito sa hacienda sa lalong madaling panahon.
Nagawa na nga nitong maikuwento ang nangyari at kung bakit ito napadpad doon sa hacienda. Inaasahan niyang bukas ay lilisanin na nito ang kanyang lugar.
"Gusto mong kape?" tanong ni yaya Gloria sa kanya.
"Sige ho, yaya."
"Doon ka na lang sa teresa," utos nito.
"Kayo talaga!" reklamo ni Jabez.
"Dali na! Lakad na!"
"Opo."
Kilalang-kilala siya ng Ginang, magmula ng makilala niya ito ay wala siyang inilihim tungkol sa pagkatao niya. Parang mag-lola na rin ang turingan nilang dalawa.
Samantalang ang biological mother niya ay basta na lang siyang iniluwal sa mundo at itinapon.
Iwinaglit niya sa isipan ang mga magulang niya, maging ang kanyang bisita. Mamasa-masa ang simoy ng hangin. Nangangahulugan iyon na ano mang oras ay bubuhos ang ulan.
Dagdagan pang literal na madilim ang kalawakan. Wala siyang makitang bituin, wala namang sinabing may bagyo. Nagkataon lang talagang rainy season at saka wala rin siyang dapat ikabahala. Lahat ng kanilang alaga ay ligtas sa kanilang kuwadra.
"Kape mo,"putol ni yaya Gloria sa kanya.
"Salamat, yaya Gloria."
"Ang lalim yata ng iniisip mo?"
"Wala, ho."
"Huwag kang mag-alala walang buwan ngayon madilim ng kalangitan, eh."
"Mabuti naman kung ulan talaga iyan, yaya. Kung sakali mang mauwi sa kabilugan ng buwan, iyan na ang dapat nating ikabahala."
"Pagkatapos mong magkape, magpahinga ka na," sabi ni yaya Gloria sa kaniya.
"Opo," simpleng tugon niya at bahagyang ngumiti sa kaniyang yaya.
Tinalikuran na siya ng Ginang, at sinimulan na niyang higupin ang mainit na kape. Labis na ginhawa ang idinulot niyon sa kanya at huminga siya nang malalim.
Damang-dama niya ang malamig ng simoy ng hangin sa kanyang katawan. Hinihiling niya na sana nga ay bumuhos ang malakas na ulan at huwag lumabas ang malaking buwan. Naubos na niya ang kanyang kape at dinala niya sa kusina ang kanyang tasa. Pagkatapos ay tumuloy na sa kanyang kuwarto. Katabi lamang ng kanyang silid ang kinaroroonan ng kanilang bisita.
Malakas na ang dalaga at puwede na itong umuwi. Walang dahilan para tumagal pa ito sa kaniyang hacienda.
Bawal ang estranghero sa kanyang teritoryo lalo pa at babae ito. Siguraduhin niyang makakaalis na ito roon bukas na bukas din.
Ang akala ni Jabez ay ligtas na ang babaeng nasa poder niya dahil inaasahan nilang walang buwan na lalabas nang gabing iyon. Ngunit pagkalipas ng apat na oras na pagbuhos ng ulan ay lumiwanag ang kalangitan at lumabas ang malaking buwan.
Sa hindi sinasadyang pagkakataon ay nagbagong anyo siya at agad naamoy ang sariwang dugo ng isang birhen. Nakapasok siya sa loob ng guest room at nakatunghay sa babaeng mahimbing na natutulog sa ibabaw ng kama. Labis siyang natatakam sa sariwang amoy nito.
Hindi niya namalayan na dahan-dahan na siyang nakalapit rito.
Napabalikwas ng bangon si Aiden, nang makita ang halimaw na nakatunghay sa kanya. Isang talon lang ang layo nito ay puwede na siyang masakmal.
Aiden felt so anxious at nanginginig ang buong katawan sa takot. Tulala siya habang tinitigan ang halimaw.
"Bakit may halimaw sa hacienda?" naisaloob niyang tanong. Napabuntong-hininga si Aiden para palakasin ang kaniyang loob.
Ang mga matutulis na kuko ng halimaw at samahan pa ng malalaking pangil nito ay talagang kikilabutan ka sa takot oras na maka-encounter ka ng ganitong klaseng halimaw.
Pinakalma ni Aiden ang kanyang sarili at huminga siya ng malalim. Nakita niyang nakauwang ng kalahati ang pintuan kung saan siya naroroon. Dahan-dahang iginapang ni Aiden ang katawan.
Nang maramdaman na nang mga paa niya ang sementong naapakan ay bumilang siya ng tatlo bago kumaripas ng takbo pababa sa mahabang hagdanan na palabas ng mansion.
Takbo at walang lingon-lingon ang kaniyang ginawa. Basta ang gusto lang niyang gawin ng mga sandaling iyon ay ang makatakas sa halimaw.
Ngunit hindi pa man siya nakakalayo ay nasa likuran na niya ito. Hinihingal na siya at nalibot na niya ang buong kagubatan. Pero wala man lang nilalang na maari niyang hingian ng tulong. Tumakbo siya nang tumakbo na walang tigil.
Kahit pagod na pagod na siya ay tiniis niya dahil ayaw pa niyang mamatay.
Malayo na sila sa hacienda at nasa gitna na nang kagubatan. Ang liwanag ng buwan ang tumatanglaw sa kanyang dinaraanan. Hindi pa rin maalis-alis ang takot sa dibdib niya dahil nakasunod pa rin ang halimaw sa kanya.
"Panginoon, iligtas n'yo po ako! Ayaw ko pang mamatay..." naidalangin ni Aiden ang kaniyang kalagayan. "Iligtas n'yo po ako sa kamay ng demonyo!" dagdag pa niya.
Nang lingunin niyang muli ang kanyang likuran ay wala na ang halimaw. Kaya nagpakawala siya ng isang malalim na hininga. Nang ibinaling niya ang mga mata sa kanyang daraanan ay laking gulat na lang niya ng bigla na lang itong lumantad sa kanyang harapan.
Napasigaw ng malakas si Aiden at napaatras siya, nanginginig ang mga tuhod niya dahil sinusundan siya ng halimaw.
"A-anong kailangan mo sa akin?" lakas loob niyang tanong at hindi niya alam kung naintindihan ba siya nito.
Dahil sa pagod at sa takot at bumagsak siya sa lupa at pilit pa ring makagapang. Dahil palapit nang palapit ang halimaw sa kaniya.
Umatras siya nang umatras hanggang sa napasandal siya sa isang malaking puno. Nagkasugat-sugat na ang kanyang talampakan at ang kaniyang mga paa.
Napalunok na siya sa takot
dahil sobrang lapit na ang halimaw.
Muli siyang gumapang gamit ang konting lakas na natirira. Pinilit niyang tumayo ngunit hindi na siya makatayo. At namimilipit na sa sobrang sakit ng kaniyang binti.
Ibinuka ng halimaw ang kanyang bunganga at saka buong puwersang dinilaan siya. Kasabay noon ay ang malakas niyang pagsigaw.
"Huwag! Huwagggg!" At unti-unting dumilim ang kapaligiran ni Aiden.
Wala nang matandaan si Aiden kung ano na ang sumunod na pangyayari.