8

4634 Words
By Michael Juha getmybox@h*********m fb: Michael Juha Full blog: h***:://michaelsshadesofblue.blogspot.com ------------------------------------ Hindi ko alam kung paano siya sagutin sa tanong niyang iyon; kung mahal ko ba si Prime. May isang bahagi ng aking isip na nag-udyok na aminin ito ngunit ayoko ring masaktan siya. "Ano ka ba burj! Ayoko nang ganyang tanong ah! Syempre ikaw ang mahal ko! Kung hindi kita mahal, hihiwalayan na kita at si Prime na ang pipiliin ko..." an gpagdadabog kong sagot sabay tagilid nang patalikod sa kanya. Nagtatampo baga. Hinila niya ako upang tumagilid muli paharap sa kanya. "Ito naman o, nagtatampo agad..." Tumagilid muli ako paharap sa kanya, ang mukha ko ay nakasimangot. "H-hindi naman ako magagalit burj eh. Atsaka, pakiramdam ko, mahal ka niya. At hindi lang mahal; mahal na mahal... At ikaw, alam ko may pagmamahal ka rin sa kanya. Huwag mong itago ito; kilala kita." "Burj naman eh. Mahal na mahal kita. Gusto mo na ba akong ipamigay?" "H-hindi naman. Mahal na mahal din ata kita. Kung alam mo lang... G-gusto ko lang malaman mo na mahal na mahal kita. At gagawin ko kahit ano para lang lumigaya ka." Tahimik. Hindi ko kasi maintindihan ang pabalik-balik niyang sinabing gusto niyang malaman ko na mahal na mahal niya ako. "Nagseselos ba siya? Naiinsecure ba siya na aagawin ako ni Prime sa kanya?" sa isip ko lang. "S-sana, magpalit na lang kami ni Prime ng puso..." Nagulat naman ako sa sinabi niya. "Bakit?" ang sagot ko, inisip na baka isa iyon sa mga pick up lines niya. "Kasi... pakiwari ko ay puso niya ang mahal ng puso mo. Samanatalang ang puso ko ay parang p-panakip-butas na lang." At doon na ako nainis. "Arrgggghhhhh!" ang sigaw ko sabay gulo sa aking buhok, nagtatadyak ang mga paa, pahiwatig na naalibadbaran na ako sa usapang iyon. Sino ba ang hindi mainis kapag sinabihan ka ng boyfriend mo na panakip-butas lang siya? Kaya tumalikod na lang ako sabay sabing, "Hindi kaya... Baka ako pa ang panakip-butas. Di ba naghiwalay kayo ng girlfriend mo?" Hinila niya uli ako upang humarap sa kanya. Ngunit hindi ako humarap. Ayoko nang magsalita pa. Natakot akong baka kung saan-saan humantong ang aming usapan. Ngunit hinila pa rin niya ako at sinuyo. "Sorry na... hindi na ako magsasalita. Promise. Halika na, hug na lang sa burj mo..." At wala na akong nagawa kundi ang tumagilid. Niyakap niya ako at hinalik-halikan ang aking pisngi, ang aking ulo, at ang aking bibig. Ganyan naman palagi si Marco. Kapag alam niyang galit ako, siya na ang hihinto sa pagsasalita at yayakapin na lang niya ako. Ayaw niyang matapos ang araw o makatulog kaming may sama ng loob. Ang gusto niya ay maresolba ang conflict bago kami maghiwalay o bago kami matutulog. "Malay natin hindi na tayo magising kinabukasan o baka hindi na tayo magkita pang muli. Hindi natin hawak ang panahaon at hindi natin hawak ang tadhana. Kung kaya, bago tayo matulog o magpaalam sa isa't-isa, dapat ay wala tayong sama ng loob" ang palagi niyang sinasabi kapag nag-aaway kami. E ako, mataray, hindi nagpapadaig kung kaya kapag ganoong nakikita niyang may galit pa rin ako o naiirita pa, siya na ang magpakumbaba, mag sorry atsaka yayakapin ako. Ewan, sobrang bait talaga ni Marco. Anyway, naging close kaming tatlo. Simula noong hinatid naming si Prime, parang three-some na kaming maituturing. Palagi na naming isinasama si Prime sa aming lakad kapag bakante ito at may common kaming vacant time sa school. At ang pinakagusto ko kapag nagsama kaming tatlo, ay ang sumakay sa motorsiklo ni Marco. Iyong nakaangkas ako sa likod niya at sa likod ko naman ay si Prime; pinapagitnaan nila ako. Nakayakap ako kay Marco habang nakayakap naman sa akin si Prime. Gustong-gusto ko kasi ang porma naming. Parang sa postura naming iyon, nandyan lang silang dalawa sa buhay ko, dikit na dikit ang aming mga katawan. Ang pagyakap ko kay Marco ay parang simbolismo na ayaw kong mawala siya dahil siya ang giya ng buhay ko. At ang pagyakap ni Prime sa akin ay ang pagpapahiwatig niya na nasa likuran ko lang siya, handa akong protektahan at hindi iiwan. At ang motor ay ang buhay namin; na habang naglalakbay ito ay tinatahak ang landas ng aming kapalaran; kung mabangga man o maaksidente, kaming tatlo ang masasaktan; kung hindi man namin mabalanse ang mga sarili namin habang nakasakay dito, ay maaring matumba kami, mapahamak, masira ang buhay... At ewan ko kung iyon din ba ang gusto ni Marco na postura naming tatlo. Isang beses, nasa campus kami noon at naka-angkas na ako at pati si Prime sa motor niya upang umalis na. Ngunit imbes na paandarin na ang motor, tinawag ba naman niya at pinakisuyuan ang isang kakilalang nandoon malapit sa amin, "Pare, puwede bang kunan mo kami ng litrato? Kaming tatlo ha?" at iniabot niya ang kanyang cp sa kakilala niya. Nilitratuhan niya kami. Nakatatlong kuha din siya. Noong ibinalik na sa kanya ang cp, "Salamat pare ha?" sambit niya at tiningnan ang tatlong kuha. "Burj... tingnan mo nga kung alin d'yan ang magandang shot?" Tiningnan ko, sumilip din si Prime. "Iyan tol, iyang pangalawa!" sambit niy Prime. At iyon din talaga ang gusto ko. Nakahawak sa manibela si Marco, nakangiting nakatingin sa camera, habang ako naman ay nakayakap sa kanya at nakangiti rin sa kamera samantalang si Prime naman na yakap-yakap ako, nakangiti rin. Isang kuha na naglalarawan ng kasayahan sa pagitan ng tatlong tao... na kung huhukayin mo ang malalim pa nitong kahulugan ay nagpahiwating ng pagmamahal, ng isang lenguwahe sa puso na kaming tatlo lamang ang nakakaalam. "O iyan na bang pangalawa? Waahhh! Pareho tayo ng gusto! Iyan din ang gusto ko eh! Ang ganda kasi ng pagkakuha! At ang gagaling pa ng ating mga ngiti diyan!" sambit din ni Marco. At iyon... ginawa naming background sa aming mga cp ang kuha na iyon. At nag-printout pa talaga si Marco na tig-iisa kami. At dahil ang litratong iyon ay may malalim na kahulugan at sentimental value para sa akin, ipinalaminate ko ito at isinabit sa dingding ng aking kuwarto. Pinalagyan ko rin ng dedication sa kanilang dalawa ang mismong harap ng litrato. Tuwang-tuwa naman ako. Imagine, isang litrato na kasama ko ang dalawang lalaking mahalaga sa buhay ko, na parang nagpahiwatig din na ang buhay naming tatlo ay magkasanib, magkasudlong. Naging masaya rin kaming tatlo. Siguro ay magaling lang kaming mag-adjust. Pareho kasi silang mababait. At si Marco naman, hindi na niya binabanggit pa ang tungkol kay Prime. Ewan kung kinimkim lang niya kung may selos man siyang naramdaman. Parang isang ordinaryong magbarkada lang kami. May biruan, may tawanan, may harutan, mayroon ding serious moment. Ang galing kasing magdala ni Marco. At si Prime ay ganoon din. Para ngang magkapatid lang sila na well-adjusted sa mga ugali. Dagdagan pa na pareho silang makinis, mapuputi, matatangkad, at guwapo. Minsan nga parang ako pa ang nagseselos sa kanilang dalawa kapag ganyang halimbawa, nauna silang dalawa sa aming tagpuan at maabutan ko na lang silang nagtatawanan at naghaharutan na parang ganyan na sila ka-close at kakilala ang bawat isa. Isang beses, sinadya ko talagang hindi magpahalata nasa malapitan na pala nila ako. Nakatalikod silang dalawa at noong nasa malapit na ako, nagtago ako sa isang malagong palumpong. Narinig ko ang kanilang pag-uusap, "Alam mo pare... mahal na mahal ko iyang si Ian. Hindi ko nga akalain na ma-inlove ako sa kapwa lalaki eh. Paano, may ugali ang best friend mo na makulit, mataray na ewan... hindi ko maintindihan. Pero sobrang sweet naman. At cute pa, di ba? May something na parang ayaw mo sa kanya ngunit hindi mo puweding hindi hahanap-hanapin. Ewan, di ko maintindihan!" sabi ni Marco sabay tawa. Napangiti naman ako. "Oo nga. Mataray iyan." Sagot naman ni Prime. "Makulit. Pero iyan ang nagpapatino sa akin pare... Kung hindi dahil d'yan, siguro, pakawala na ako ngayon. O baka hindi na nag-aral, addict ba, o kaya ay nasa loob na ng bilangguan kung hindi man sa loob ng ataul." Sabay tawa. "Noong mga panahon na pakiramdam ko ay walang nagmamahal sa akin, nand'yan siya palagi, nagpaalala sa akin na sa kabila ng mga problema, sa mga dagok sa buhay, sa mga pagsubok, masarap pa ring mabuhay sa mundo. Kung kaya mahal ko ang nag-iisang best friend ko na iyan. Hindi ko ipagpalit iyan kahit kanino." Syempre, touched ako sa sinabi ni Prime. Tahimik. Nanatili lang ako sa aking pinagtataguan. Parang ayaw ko na tuloy lumantad. "Kaya nga mahal na mahal ko iyang best friend mo pare. Iyan ang bagay na lalong nagpabilib sa akin sa kanya." Sagot din ni Marco. Napahinto siya. Maya-maya, nilingon ni Marco si Prime. "M-mahal mo rin ba siya pare...?" ang deretsahang tanong ni Marco. "A-ako???" ang gulat na sagot ni Prime, nanlaki pa ang mga mata. "H-hindi ah! Best friend ko lang siya, pare." "I mean... don't get me wrong pare. Hindi ako galit o nagseselos or something. Gusto ko lang malaman kung may naramdaman ka sa kanya. Usapang lalaki lang pare. Iyong totoo." "K-kaibigan ko siya pare kaya mahal ko iyon. Best friend!" "Ang ibig kong sabihin, romantic na pagmamahal, hindi iyong pag best friend lang." Napangiti ng hilaw si Prime. Parang naiinis. "Pare... ibang tanong na lang, puwede?" "No pare, I want to know the truth. Believe me, walang malice at masamang intensiyon ang pagtatanong ko. Kaibigan kita at napamahal ka na rin sa akin, alam mo iyon... Ayokong sa gitna ng ating pagtatawanan ay may mga bagay pala akong hindi alam. Di ba, masakit sa side ko ang ganoon; ang malaman ko na may something pala ngunit itinatago mo sa akin. Honest lang tayo, walang sikreto. Hindi ako possessive na tao at hindi rin makitid ang utak ko upang hindi maintindihan ang mga bagay-bagay. Tell me pare... ok lang sa akin. Mahal mo ba si Ian? Seryoso ako pare... Usapang lalaki sa lalaki." At wala nang nagawa si Prime kundi ang tumango. At doon niyakap ni Marco si Prime sabay sabing, "Isa kang kaibigan pare. I admire you. Proud ako na nakilala at naging kaibigan kita dahil honest ka." "P-pero pare... maniwala ka, hanggang doon lang kami ni Ian, kaibigan." ang pangangatwiran ni Prime. Parang may takot siyang magagalit na si Marco sa kanya. "Naniwala ako sa iyo pare... Walang pagbabago ang pakikipagkaibigan ko sa iyo. Sama-sama pa rin tayo at mas lalo pa akong bumilib sa katapangan mong magsalita." Napangiti ng hilaw si Prime."P-pare... huwag mong sabihin kay Ian ha? Atin-atin lang. Hindi niya alam iyan." Ngumiti lang siya. "Copy pare... Makakaasa ka." at sabay na nagsagian ng kanilang mga kamao. Iyon bang parang greeting ng mga astig na lalaki. At tunay nga namang pinanindigan ni Marco ang pagiging gentleman niya kay Prime. At si Prime din ay tunay na naging matapat na kaibigan ni Marco. Parang wala na akong mahihiling pa. Perpekto na ang lahat para sa akin. Close silang dalawa, kaming tatlo... Ngunit sadyang masalimoot lang talaga ang buhay. Sinusubok nito ang tatag ng pagkakaibigan, ang samahan, lalo na ang pag-ibig... Isang Sabado, pumunta na naman si Marco sa kanyang probinsiya, pinatawag daw siya sa kanyang mama. Naniwala naman ako. Mama kaya niya ang nagpatawag. Ibig sabihin, may mahalagang dahilan. Kaya ok lang. Pumayag ako. At muli, naiwan kami ni Prime. "Bakit mo pala ako hinalikan sa bibig noong kumanta tayo sa restobar?" ang tanong k okay Prime noong kami na lang ang nagkaroon ng panahong magsama. Matagal ko na kasi itong gusting itanong sa kanya upang kung maaari ay iwasan niya ang mga ganoon kasi nga, syempre, kahit gaano kabait noong tao, siguradong nasasaktan din iyon. "Wala... gusto ko lang ipakita kay Marco na kung ako na best friend mo lang ay kaya kong panindigang halikan ka sa harap ng mga tao, dapat ay mas kaya niyang gawin ito dahil siya ang mahal mo." Natameme naman ako sa sagot niyang iyon. Touched ako sa sinabi niya ngunit nagdulot ito ng katanungan sa aking isip kung bakit nga din gusto ni Marco na itago at i-deny ang aming relasyon sa mga tao. Ngunit sinarili ko na lang iyon. "May dahilan siya, sigurado" sa isip ko lang. Dahil wala naman si Marco, niyaya ako ni Prime na mamasyal sa plaza kinahapunan. Sa may sea wall kami nagpunta. Iyon iyong lugar sa gilid ng restobar kung saan ko unang narinig ang kantang "Exhange of hearts" na kinanta ni Marco. Iyon din ang lugar kung saan una kaming nagkausap ng masinsinan pagkatapos niya akong kaibiganin sa kanilang restobar. Kagaya noong nag-usap kamin gdalawa ni Marco doon, matiwasay rin ang dagat, kabaligtaran noong nag-isa lang akong nakaupo doon at nag-iiyak. Presko at malamig ang simoy ng hangin at mamula-mula ang kulay ng langit kung saan, sa ibabaw lang ng guhit ng abot-tanaw ay makikita ang unti-unting palubog na araw. Naalala ko pa ang pangyayaring iyon, dama ko pa ang magkahalong sakit sa aking puso sa nangyari at sa kabilang banda, ang saya na dinamayan ako ng isang bagong kaibigan, si Marco. Pinatugtog ko sa aking cp ang kantang "Exchange of Hearts". Naka-speaker upang marinig din ni Prime. "A-alam mo, noong nasaktan pa ako sa iyo, dito ako naglalagi..." ang malungkot kong sabi kay Prime. Tiningnan niya ako. Hinawakan niya ang aking kamay. Alam ko, nasaktan din siya sa pagpaalala ko sa pangyayaring iyon. "...at dito ko nakilala si Marco. Siya ang dumamay sa akin. Narinig ko ang kanta niyang ito, 'Exchange of Hearts'. At ito ang nagsilbe kong inspirasyon." Ang nasambit ko. Nalungkot kasi akong hindi naming kasama si Marco kaya si Marco ang topic ko. Hindi ko rin alam kung bakit ganoon na lang ang lungkot ko sa pag-alis niyang iyon. Nasasabik ako sa kanya na para bang iyon na ang huli kong pagkakaita kay Marco; na hindi na siya babalik. Hindi umimik si Prime. Yumuko. Ewan kung ano ang laman ng kanyang isip. "...alam mo, sa panahong iyon, ipinalangin ko talagang sana ay maranasan mo rin ang sakit na naranasan ng aking puso, kagaya nang sinabi sa kantang iyan; na kung magpalit lang sana ang ating puso, maramdaman mo kung gaano kasakit ang aking naramdaman, o iyong mabaligtad ang pangyayari at ikaw ang mabigo at ako naman ang sumaya. At tila dininig ang aking panalangin." Naramdaman kong hinigpitan ni Prime ang paghawak ng aking kamay. Tiningnan ko siya. Nilingon din niya ako at binitiwan ang isang pilit na ngiti, na parang may gustong sabihin ngunit pinigilan lang niya ang kanyang sarili. Nakita kong nagingilid ang kanyang mga luha. "Ngunit nakalimutan ko na iyon." Ang pagbawi ko rin. "At nagpasalamat na lang ako na dahil sa nangyari, dahil sa ginawa mo sa akin, nakilala ko si Marco..." Tahimik. "N-namiss ko siya..." bulong ko. At doon na tumulo ang aking mga luha. Hindi ko talaga alam kung bakit ako nalungkot ng sobra sa pag-alis niyang iyon. Naramdaman kong pinisil niya muli ang aking kamay na patuloy niyang hinawakan. "M-may alam ka ba kung bakit si Marco umalis?" ang tanong ko kay Prime. "W-wala... wala." ang sagot niya. "E-ewan kung bakit ako nalungkot nang ganito sa pagalis ni Marco..." "M-mahal mo kasi siya kung kaya ka nalungkot. Pero hayaan mo, babalik din naman siya eh. HUwag ka nang malungkot tol..." Sagot ni Prime. "Hindi ko lang kasi mapigilan ang aking sarili." Araw ng Lunes, simula ang pasok. Hindi pa rin bumalik si Marco. Nag-alala na ako. Si Prime man ay nag-alala na rin. "Na-delay lang siguro iyon. B-baka may aberiya lang" ang sabi ng tita ni Marco na may-ari ng restobar. "H-hindi rin po kasi siya sumagot sa mga texts at tawag ko" ang sagot ko pa. "Basta huwag kang mag-alala, Ian. Kapag may problema man iyon, ako ang unang makakaalam. At wala namang siyang sinabing problema. Kaya huwag mag-alala ha? Hayaan mo, kapag may alam ako, sasabihin ko kaagad sa iyo." Dugtong pa ng tita niya. Kaya hinintay na lang namin si Marco. Martes na noong dumating si Marco. Doon na kami nagkita sa school. "A-anong nangyari sa iyo?" ang tanong ko kaagad. "M-may p-roblema lang sa aking pamilya kung kaya hayan, delayed ako. Sorry tol..." "Bakit hindi mo sinagot ang mga texts ko? Pati tawag ko ay hindi mo sinagot." ang sunod ko kaagad na tanong. "Nawala ang cp ko eh. Naiwan ko yata sa bus... Basta hindi ko na mahanap." Sagot naman niya. "S-sure ka bang ok ka lang?" ang tanong ko uli. Para kasing hindi siya ok. Ewan ko lang kung masyado lang akong nag over-react dahil nga dalawang weekends na siyang palaging umaalis. "Ok lang ako, ano ka ba! OA mo..." ang sambit naman ni Marco. "OA na kung OA. Basta gusto ko lang makasigurong OK ka." "Hmmmmm! Na miss mo lang ako eh." "Syempre naman! Bakit ikaw, hindi mo ba ako na-miss?" "Syempre, na miss..." Sa araw na iyon ay buo na naman ang aming grupo. Masaya uli. Kuwentuhan, biruan, harutan, tawanan. At sa gabi kumanta muli kami sa restobar. At pagkatapos ng kantahan, kagaya ng mga nakaraang ganoong sitwasyon, hinatid namin si Prime sa bahay nila. Iyon na ang nakasanayan naming; ang ihatid si Prime sa bahay niyang nakaangkas kami sa motor ni Marco. Byernes ng gabi, noong nagsiuwian na ang mga customers, nagkayayaan kaming mag-inuman. Alas dose na iyon at game namang sumali ang mga stand-up comedians namin. Masaya, aliw na aliw kami sa mga okrayan nila habang nag-iinuman. Niloloko ng dalawang bakla na talo raw ng isang baklang kasama ang alindog ng nag-iisang babaeng stand-up comedian din na kasama nila dahil ang nag-iisang lalaki ring kasama nila ay sa kasamang bakla naging close. Sagot naman ng babae, "Sobrang ganda ko lang para i-match sa kanya. In other words, kulang ang kanyang kapogian. Hindi siya deserving sa aking taglay na alindog!" Na sinagot naman ng baklang pinaringgan ng, "Hoy! Hoy! Huwag mong sabihng talo mo ako sa ganda! For your informeyshen, nakareserve na ang isang slot para maisali ako sa Binibining Pilipinas Universe? Nakaschedule na ang aking operasyon sa s*x change at kung ganap na akong babae, etsapwera na ang buyti mo dahil puwede na akong lumabas sa Miss Universe pageant! Pwede na ang mga transgender ngayon no! Tsura! Hmpt!" at inirapan pa talaga ang babae. "Ababababa! Sasali sa pageant! Akala mo matalino. Aber... anong spelling ng transgender?" "Hmmmm" nag-isip. "Ah basta! Bakla na lang!" Tawanan. Ganoon kami kasaya sa tagpong iyon. Hanggang sa natapos na kami, magaalas 2 na ng madaling araw. Pansin kong hindi masyadong uminum si Marco kung kaya kaming dalawa ni Prime ang medyo tinamaan. Akala ko ang dahilan kung bakit hindi masyadong uminum si Marco ay dahil magda-drvie pa siya sa motor upang ihatid namin si Prime. Ngunit nagulat na lang ako noong, "Pareng Prime, dito ka matulog sa restobar ha?" ang mungkahi niya kay Prime. "Sa collapsible tayong tatlo. Malapad iyan" sabay turo sa higaan naming sa kisame. Napatingin si Prime sa akin. Hindi ko naman alam kung ano ang sasabihin ko. Kung sasagot si Prime ng "Oo", e di ibig sabihin, magtabi kaming tatlo. Three-some kumbaga. Syempre, alam ni Prime na magsyota kami ni Marco at ang isa pa, iyong sa tulugan na isa lang. Kung kaya ang sagot niya ay, "Pare... uuwi na lang ako. Kaya ko naman eh." "No-no-no pare. Dito ka matulog. Magtatampo ako sa iyo kapag hindi ka natutulog dito. Para maranasan mo rin ang ganda ng ambiance ng aming tulugan..." Tiningnan uli ako ni Prime, nagtatanong ang kanyang tingin. "Sige tol... O-ok lang sa akin." Ang paghikayat ko rin. "S-sige..." ang sagot ni Prime. "Good!" ang sagot naman ni Marco. Hindi ko talaga alam kung ano ang nasa isip niya. Noong nahiga na kami, pinili ko talagang sa sa kabilang gilid pupuwesto upang pagitnaan namin si Marco. Ayoko kasing may masabi siya. Ngunit lumipat si Marco ng puwesto sa gilid ko upang ako talaga ang mapagitnaan. "Sa gitna ka "Burj!" sambit niya. Nalito man sa sinabi niya, "O sige" na lang ang isinagot ko. Hindi ko talaga alam kung ano ang nakain niya. Walang imik lang si Prime na nahiga sa kabilang gilid. Noong nakahiga na kaming tatlo, tumagilid sa akin si Marco, idinantay niya ang kanyang braso sa aking katawan na ang dulo nito ay umabot din sa katawan ni Prime. "Pare, group hug tayo!" sambit ni Marco. Tumagilid na rin si Prime paharap sa akin at niyakap ako, at ang kanyang kamay ay umabot din sa katawan ni Marco. Nagyakapan kaming tatlo habang ako ay tumihaya na lamang. "Sana ganito na lang palagi pare no? Pareho tayong masaya..." sambit uli ni Marco na nilingon ko pa habang siya ang nagsalita. "Sana lang pare..." sagot naman ni Prime na nilingon ko rin. "Kaya puwede pare pagkatapos ng ating gig dito, huwag ka nang umuwi. Dito ka na matulog." Sambit uli ni Marco na nilingon ko. "Eh... Nakakahiya naman yata" sagot ni Prime na nilingon ko naman. "Bakit ka mahihiya? Ako naman ang nag-anyaya sa iyo." Lingon ko naman kay Marco. "Eh... s-sige." Ang sagot na lang ni Prime. Lingon uli ako kay Prime. "Kahit wala ako pare, puwede mong samahan si Prime dito. Ok lang sa akin. No problem." Lingon na naman ako kay Marco. Parang sila lang ang dalawang taong naroon. Silang dalawa ang nag-uusap. At hinid ako kasali. Parang gusto ko tuloy sabihin na, "Kayo na lang kaya ang magtabi?" Ngunit sa isip ko lang iyon. Ayoko nga. Baka mamaya silang dalawa ang magyakapan at maghalikan e di etsapwera na lang ako. Maya-maya, "Pare, halikan ko ang best friend mo ha?" at nagpaalam pa talaga si Marco kay Prime! At idinampi niya ang kanyang mga labi sa aking bibig. Naghalikan kami. Matagal. Ewan kung nakatingin si Prime sa amin. Wala akong paki bagamat nahiya may nadarama akong kaunting hiya. Noong natapos na akong halikan ni Marco, nagulat naman ako noong sinabi niya na, "Pare, kiss mo rin si Ian. Iyon katulad sa kiss ninyo pagkatapos ng kanta..." "Palabas lang iyong sa amin Burj ah! ang sambit kong may bahid pagkainis. Hindi ko talaga makuha kung ano ang trip niyang iyon. "Di palabas na rin kunyari. Gusto kong Makita kayong nagkiss. Cute kasi eh..." sambit niya. "Ikaw ah, natatakot na ako sa iyo. Ano bang mayroon?" sagot ko pa rin. "Wala lang... Gusto kong close tayong tatlo. Walang kyeme-an..." at baling kay Prime, "Sige na pare.. Please...???" "Sige. Basta... wala akong kasalanan dito ha? Baka mag-away pa kayo" ang sagot na ni Prime. "Hahahahaha!" ang malakas na tawa ni Marco. "Hindi pare. Gusto ko nga eh. Promise. Gusto ko talaga." "O sige..." sambit ni Prime. At bigla na lang idinampi ni Prime ang kanyang bibig sa aking mga labi. "Uhhhuummmppp!" ang lumabas na tunog mula sa aking bibig. Hinalikan talaga ako ni Prime! At tinagalan pa talaga niya. At habang naghahalik pa sa akin si Prime, hinagod naman ng kamay ni Marco ang aking dibdib. At naalimpungatan ko na lang ang hinalik-halikan at marahang kinagat-kagat ang aking tiyan! At doon na ako bumigay ng malakas na tawa at kumalas ako sa pagkahalik ni Prime. Tawanan kaming tatlo. At muli, nagyakapan kaming tatlo. Hindi ko alam kung ano ba talaga ang nakain ni Marco. Ngunit feeling ko, masaya na masaya siya. At syempre, masaya ako, masaya rin si Prime. Parang normal lang na naghaharutan kami, naglalambingan. Hanggang sa sabay kaming nakatulog na nagyakapan pa rin. Kinabukasan, dahil wala na namang pasok, nagising kami ni Prime ng may alas otso na ng umaga, noong nagbukas na ang restobar. Subamlit wala na si Marco sa puwesto niya. "Ay Ian... nauna nang nagising si Marco. Nagpaalam sa akin na sabihin ko na lang daw sa inyo kapag nagising kayo na umuwi uli siya sa kanila..." ang sambit ng tita niya noong nagtanong ako tungkol kay Marco. "B-bakit daw po?" ang pagfollow up ko pa. "P-parang napadalas po ang pagpunta niya sa kanilang bayan." "Oo nga. Pero hayaan mo na. Kasi, med'yo may kaunting aberiya lang sa pamilya." Nagulat naman ako sa narinig. Kasi wala namang sinabi si Marco tungkol sa problema niya. "A-ano po kaya ang problema niya?" tanong ko uli. "Hindi ko alam Ian... Wala namang binangit eh. Pero hayaan mo, itatanong ko sa kanya ha?" "S-sige po..." ang sagot ko na lang. "Pero huwag kang mag-alala, hindi naman siguro malaking problema iyon. Nakangiti namang nagpaalam eh. Atsaka kapag malaki ang problema noon, hindi maaaring hindi ipaalam sa akin ng mama niya kung ano man iyon." Pahabol niya. Kaya iyon. Bagamat may pag-alala, kampante na rin ako sa sinabi ng tita niya. Kasi kahit ang tita niya ay wala naman akong nakitang pag-alala. Nag-agahan muna kami ni Prime kasama ang tita ni Marco sa restobar. Sa aming pagkain maraming ikinuwento ang tita niya tungkol sa kanya, lalo na sa kanyang ugali. Napakabait daw na bata nito, maalalahanin, palabiro, palaging nakangiti, masipag pati dahil nga sa pagtulong niya sa restobar at madiskarte. Kaya maraming nagkagusto sa kanya dahil hindi lang ito guwapo, sobrang mabait pa. Napakaswerte daw ng mga magulang niya dahil nga mabait siya. Tama nga naman. Mabait at maalalahanin talaga si Marco. At sweet pa. Kung kaya, napakaswerte ko rin na minahal niya. Ngunit doon na ako kinabahan noong, "Hindi ko nga maintindihan kung bakit kinaliwa pa iyan ng girlfriend niya eh. Hindi lang alam ng babaeng iyon kung ano ang nawala sa kanya. Tingnan mo ngayon, ang babae na mismo ang naghahabol sa kanya." dugtong pa ng tita ni Marco. "N-nagpaparamdam na naman ang babae sa kanya?" "Hindi lang nagparamdam. Pati pa ang mama ni Marco ay nililigawan. Aba... nagpupunta ba naman sa bahay nila kahit iniiwasan na siya noong tao? Ang kapal din ng mukha ng babaeng iyon! May ibang boyfriend na, gusto pang tuhugin din si Marco. Nakuuuuuu, mga kababaihan talaga ngayonnnn!" Tumahimik na lang ako. Hindi ko kasi alam kung magselos o ano, lalo na nandoon na naman si Marco sa lugar nila. Parang may kung anong matulis na bagay ang tila tumusok sa aking puso. Parang nasaktan ako na nag-alala, natatakot, na-insecure na ewan... hindi ko maintindihan. "H-hindi kaya nagkabalikan na sila ni Marco?" ang walang preno namang tanong ni Prime. "Ay... baliw si Marco kung magpadenggoy uli siya sa babaeng iyon. Pero sa tingin ko ay malabong mangyari iyan. Mabait iyang si Marco, mapagbigay. Ngunit pagdating sa pag-ibig, maingat iyan. Alam niyang guwapo siya, alam niya kung ang habol sa kanya ng isang tao ay ang hitsura lang niya o gagamitin lang siya. Ayaw niya ng ganyan." Iyon ang mga nalalaman ko tungkol kay Marco. Inaamin ko, nalungkot ako sa narinig, lalo na sa paga-attempt ng babae na magkabalikan sila uli. Pagkatapos naming kumain, dinala ako ni Prime sa bahay nila. Doon naman daw kami maggala. Sa receiving room nina Prime ay may may isang divider na kung saan ang loob nito ay nagsilbing parang isang lihim na kuwarto. Doon inilalagay ang mga sapatos ng mga taong pumapasok. Kapag nasa loob ka noong parang kuwarto, hindi kayo mapapansin ng mga taong papasok sa bahay. Doon kami dumeretso ni Prime. Tinanggal naming ang aming mga sapatos inilagay sa isang rack. Tatayo na sana kami upang lumabas at dumeretso na sa kanyang kuwarto noong narinig naman naming pumasok ang kanyang mama kasama ang kanyang kaibigan na maaaring galing sa panonood sa mga tanim niyang orchids. "Mare... balita ko ay umuwi raw ang daddy ni Prime! Matagal na ata?" ang sambit ng kaibigan ng mama ni Prime. "S-si Edgar?" sagot ng mama ni Prime. Edgar kasi ang pangalan ng asawa ng kanyang mama na iniwan sila dahil sumama sa isang lalaki na siyang dahilan kung bakit galit nag alit si Prime sa mga bakla. "Hindi si Edgar... si Nolan!" Nagkatinginan kami ni Prime. Kitang-kita ko sa kanyang mga mata ang matinding pagkagulat. "S-sino si Nolan?" bulong ko kay Prime. Umiling-iling si Prime na tila naging seryoso nang makinig sa usapan nila ng mama niya. "Hindi ko alam. Hindi ko kilala..." ang pabulong ding sagot niya. (Itutuloy)
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD