"LIMANG milyon para sa pagpapanggap mo bilang si Charlotte, Alex. Siguro naman sapat na iyon para madugtungan ang buhay ng Nanay mo," walang ligoy na imporma ni Mrs. Guanzon, ang adopted mother ng kakambal ni Alex na si Charlotte. Ang kakambal niya na kailan man ay hindi pa niya nakikita dahil kahapon lang din niya nalaman na may kapatid pala siya.
Naibuka ni Alex ang big niya para magsalita. Pero agad din niyang naitikom nang wala siyang maisip na isasagot.
Siguro nalula rin siya sa laki ng halagang binanggit nito. Biruin mo, magpapanggap lang siya, magkakaroon na siya ng limang milyon? Samantalang umabot lang siya ng bente dos anyos pero kahit bente mil ay hindi pa siya nakakahawak.
Simple lang naman kasi ang buhay na pinanggalingan ni Alex. Sikat na mangingisda sa Siargao ang Tatay Raul niya at mananahi naman ang Nanay Sally niya. Dahil sa katalinuhan niya kaya scholar siya sa unibersidad na pinapasukan. Graduating na siya this year sa kursong Accountancy.
Kapos man sa pinansiyal na bagay, sagana naman sa magagandang papuri mula sa mga kababaryo nila si Alex. Bukod kasi sa angking talino, biniyayaan din siya ng artistahing mukha at pang-modelong katawan. Marami nang talent manager na bakasyunista sa lugar nila ang sumubok na kunin siyang artista o modelo pero hindi siya pumayag dahil ayaw niya ng magulong buhay sa Maynila. Mahigpit din iyong tinututulan ng kaniyang magulang dahil solong anak lang siya at ayaw ng mga ito na magkahiwalay sila.
Marami din siyang manliligaw pero kahit isa man sa mga ito ay walang sinagot si Alex. Wala siyang ibang gustong maging boyfriend maliban kay James Monreal—isang kilalang CEO at bilyonaryo sa bansa. And of course, one of the hottest bachelors in town.
Pero siyempre, hanggang pangarap lang iyon ng dalaga.
"Kapag pumayag ka, ngayon din ay ibibigay ko sa'yo ang cheke," untag sa kaniya ni Mrs. Guanzon.
Napanganga si Alex sa sobrang pagkalula. Mas lalo siyang hindi nakapagsalita. Pero gumagana naman ang isip niya.
Kapag natanggap ko ang limang milyon, hindi ko na problema ang pagpapagamot kay Nanay. Malaki na ang chance na gumaling siya.
Binuksan ni Mrs. Guanzon ang dalang bag. Inilabas niya ang cheke na may nakasulat na agad na limang milyon bago nito iniabot kay Alex. "Just say 'yes' and it will be yours," patuloy na pangungumbinse nito sa kaniya. Para lang itong nag-abot ng candy.
Napatitig siya sa cheke. Kinagat niya ang ibabang labi nang tumingin uli siya sa kausap. "Ano po ba talaga ang dahilan at kailangan kong magpanggap na si Charlotte?" Unti-unti na siyang naging interesado sa alok nito.
Siyempre, basta para sa magulang niya, walang hindi kakayanin si Alex.
"She's getting married. Pero nakipagtanan pa siya sa ibang lalaki. At hindi puwedeng mabulilyaso ang kasal nila ng fiance niya dahil doon nakasalalay ang negosyo ng pamilya namin. Hindi ko mapapatawad ang kapatid mo kapag bumagsak kami nang dahil sa kaniya," bakas ang galit na paliwanag ni Mrs. Guanzon. "Kaya para hindi iyon mangyari, magpapanggap ka bilang girlfriend ng fiance niya habang hinahanap pa namin ang kapatid mo."
"H-ho? Magpapanggap akong girlfriend ng fiance ni Charlotte?" gimbal na ulit ni Alex sa sinabi nito. Halos malaglag na ang panga niya. Hindi niya alam kung paano magre-react sa narinig.
"You heard it right. Maybe one month is enough para makita, at maiharap naming muli si Charlotte sa fiance niya," puno ng kumpiyansang sagot ng ginang.
Napaisip si Alex. Isang buwan lang naman pala at may pampagamot na sila kay Nanay Sally. Hindi na siguro niya palalagpasin ang ganitong pagkakataon. Kahit may duda siya sa sarili kung kakayanin ba niya ang manloko.
Ayaw na ayaw pa naman niya sa mga manloloko at sinungaling. Kaya nga hanggang ngayon ay may tampo pa rin siya sa mga magulang niya dahil sa pagtatago ng mga ito tungkol kay Charlotte.
Gayon man, hindi sapat ang paghihinampo niyang iyon para pabayaan na lumala ang sakit ng ina niya.
Isa pa, maniwala naman kaya sa kaniya ang fiance ni Charlotte?
"Huwag kang mag-alala, Hija. Hindi ka mahihirapan sa pagpapanggap dahil identical twin kayo ni Charlotte. You're both beautiful." Mukhang nahulaan ni Mrs. Guanzon ang pinoproblema niya. "Kahit sa tangkad at kulay ng balat ay wala kayong ipinagkaiba. You're both five feet, three inches, and with fair skin. Pareho din kayo na simpleng babae lang. At graduating din sa Accountancy ang kapatid mo."
Sinasabi pa lang iyon ni Mrs. Guanzon pero parang nakikita na niya sa salamin ang sarili niya.
"P-paano naman ho ang fiance ni Charlotte—"
"Don't worry about him," mabilis na sagot ng ginang. "Hindi ka rin mahihirapan na pakisamahan siya dahil napakabait niyang tao. "At saka mahal na mahal niya ang kapatid mo. Ano mang kakaiba na makikita niya sa'yo ay matatanggap niya. So, hindi problema kung hindi mo man ma-perfect ang pagpapanggap bilang si Charlotte."
Sobrang bait naman pala talaga ng lalaking iyon. Pero bakit kaya nagawa pang ipagpalit ng kapatid niya sa ibang lalaki?
"So... ano ang desisyon mo, Hija? Pumapayag ka na ba?"
Mula rito sa tabing-dagat, napatingin si Alex sa mga magulang niya na nasa bakuran nila. Kausap ng mga ito ang asawa ni Mrs. Guanzon. Partikular na dumako ang mga mata niya kay Nanay Sally.
Hindi ko kakayanin kapag may nangyaring masama sa kaniya. Mahal na mahal ko siya.
Dahan-dahan na tumingin siyang muli kay Mrs. Guanzon habang tumatango. "P-pumapayag na ho ako na magpanggap bilang si Charlotte. Basta gumaling lang si Nanay."
"Five million is a fair price para sa pinapagawa ko sa'yo. Puwedeng kukulangin iyon dahil sa mahal ng treatment ng cervical cancer. Pero handa akong tumulong pa rin sa abot ng makakaya ko basta matuloy lang ang kasal nina Charlotte at James Monreal."
Biglang nanlaki ang mga mata ni Alex sa huling pangalan na binanggit nito. "S-sino ho? S-si James Monreal?"
"Si James Monreal na isang bilyonaryong CEO ang mapapangasawa ng kapatid mo," malumanay pero nakakunot ang noo na sagot ni Mrs. Guanzon. "Bakit, Alex, may problema ba?"
Problema?
Makakaharap at magiging fake fiance niya ang dream boyfriend niya.
Problema nga bang maituturing iyon?