HUMINGA nang malalim si Alex nang huminto sa tapat niya ang isang itim na Limousine. Inihanda na niya ang matamis na ngiti bago pa man bumaba ang driver niyon na tinandaan niyang mabuti ang mukha at pangalan.
Sabagay, lahat naman ng mga taong nakapaligid at konektado sa kakambal niyang si Charlotte ay kinabisado niyang mabuti. Sa pamamagitan ng mga files na ibinigay sa kaniya ng adopted mother nito.
Malaking bagay ang pagkakaroon niya ng matalas na memorya para magawa niya ang lahat ng iyon sa dalawang linggo lang.
"Good morning po, Ma'am Charlotte," nakangiti na bati sa kaniya ng bumabang driver. "Pasensiya na ho kayo kung medyo na-late ako ng dating. Ma-traffic po kasi sa EDSA," hinging paumanhin pa nito.
"It's okay po, Mang Jopoy." Inaral niya rin ang pananalita ni Charlotte na ayon kay Mrs. Guanzon, may pagka-conyo raw kung manalita ang kapatid niya. Hindi naman siya nahirapang mag-English dahil sanay siyang magsalita niyon sa mga particular area ng school na pinapasukan niya na English zone. Bukod sa napapalibutan din siya ng mga conyo na kaklase at kaibigan. "Anyway, let's go po?"
Inayos niya sa pagkakasukbit ang mamahaling shoulder bag na isa sa mga pag-aari ni Charlotte. Ganoon din ang kaniyang dress at doll shoes. Good thing na pareho pala silang hindi mahilig mag-make up kaya walang problema kung face powder at lip gloss pa rin ang gamit niya.
Pinagbuksan siya ng pinto ni Mang Jopoy. "Tara na po, Ma'am Charlotte. Kanina pa ho kayo hinihintay ni Sir James, eh. Ang totoo po niyan, dalawang linggo na niya po kayong nami-miss," nanunuksong wika pa nito.
Saglit siyang natigilan.
Parang gusto niyang tumalon sa tuwa. Makikita na niya sa wakas ang dream boyfriend niya!
Pero kaagad din niyang binawi ang tuwang nararamdaman. Fiancee nga pala iyon ng kakambal niya. Impostor lang siya. At iyon ang kailangan niyang itatak sa kukote niya.
"Kayo ho talaga, Mang Jopoy, ha..." Tinawanan na lang niya ito kunwari. Nabanggit din sa kaniya ni Mrs. Guanzon na likas daw itong palabiro.
Ilang sandali pa ay lulan na sila ng mamahaling sasakyan na iyon.
Palibhasa kabado, at abala sa pagkakabisa ng mga bagay-bagay kaya hindi namalayan ni Alex na pumasok na pala ang Limousine sa isang subdivision na may nakasulat na Winchester Park sa labas.
Ang sabi ni Mrs. Guanzon, ito raw ang pinakamahal na subdivision sa bansa. Dito naninirahan ang halos lahat ng mayayaman at kilalang tao sa Pilipinas. Isa na roon si James Monreal. Sa bahay daw ng lalaki mas madalas mag-stay si Charlotte dahil iyon ang gusto ni James kahit mag-boyfriend pa lang ang dalawa.
Kung gano'n na palagi pala silang magkasama sa iisang buong, hindi kaya may nangyayari na sa kanila?
Hindi napigilan ni Alex ang mapalunok sa isiping iyon.
"Nandito na po tayo, Ma'am Charlotte."
Awtomatikong napabaling siya kay Mang Jopoy nang ipaalam nito sa kaniya ang pagdating nila sa tapat ng isang mala-palasyong bahay. Kahit ilang beses na itong ipinakita sa kaniya ni Mrs. Guanzon sa mga picture, loob at labas, namangha pa rin si Alex sa ganda niyon. Hindi hamak pala na mas nakakalula ito sa personal. Hindi maikakailang pinaglaanan ng oras at pera ang bawat disenyo ng bahay.
Ngunit lahat ng paghanga niyang iyon ay hanggang sa isip lang ni Alex. Pilit niya iyong itinago sa harap ni Mang Jopoy.
"Thank you po, Mang Jopoy." Nginitian niya ang driver at akmang bababa na ng sasakyan nang magsalita uli ito.
"Ipapasok na ho natin ang sasakyan, Ma'am Charlotte. Alam n'yo naman ho na importante kay Sir James ang kaligtasan n'yo kaya gusto niyang ihatid ko kayo hanggang sa garahe."
Totoo ang pagluwang ng ngiti ni Alex. Natutuwa siya sa pagmamahal ni James sa kapatid niya. At wala iyong halong inggit.
"Sige ho." Matipid siyang tumango.
Ilang sandali pa ay kusa nang bumukas ang gate na automatic pala. Gayon man ay sinalubong pa rin sila ng dalawang security guard na alam na rin niya ang mga pangalan. Mukhang close ang mga ito at si Mang Jopoy dahil nagbiruan pa ang mga ito.
"Good morning po, Ma'am Charlotte," sabay na bati sa kaniya ng dalawang guwardiya. Tulad ng driver, halatang mabait din ang mga ito.
"Good morning din po, Mang Jose at Mang Ruel." Isang simpleng ngiti ang ibinigay niya sa dalawa habang dahan-dahan na umaandar ang sasakyan papasok sa loob.
Hindi alam ni Alex kung nakailang buntong-hininga na siya sa sandaling iyon. Hindi din niya napigilan ang mabilis na pagtibok ng puso dahil sa tensiyon na nararamdaman nang sa wakas ay huminto ang Limousine sa garahe.
Napasulyap siya sa salamin. This is it, Alexandra. Sa araw na ito magsisimula ang pagbabago sa buhay mo sa loob ng isang buwan.
"Tara na po, Ma'am Charlotte" sabi ni Mang Jopoy nang pagbuksan siya nito ng pinto. Hindi niya namalayan na nakababa na pala siya.
"Thank you po."
Pagbaba pa lang ng sasakyan ay pasimple na niyang ipinalibot ang tingin sa paligid. Lihim na naman siyang napahanga. Napakalinis ng bakuran. Ang sarap sa mga mata ng makukulay na bulaklak sa hardin.
Tila wala sa loob na sumunod siya kay Mang Jopoy papunta sa malaking main door na nakapinid.
Saglit siyang napahinto nang mapatingin siya sa glass wall. Mula roon ay nakikita niya ang kaniyang mukha. Hindi naman siya nagulat nang makita ang sariling reflection. Mrs. Guanzon was right. Magkamukhang-magkamukha talaga sila ni Charlotte.
At iyon ang nakikita at tinititigan niya ngayon.
Halos wala silang pinakagkaiba maliban na lang sa mga mamahaling bagay na naka-palamuti ngayon sa katawan niya.
Humugot siya ng malalim na hininga at saka ngumiti nang mapansin niya ang pag-aalala na hindi niya napigilang gumuhit bigla sa magandang mukha. Siguro dahil iyon ang totoong nararamdaman niya ngayon.
Sino nga ba naman kasi ang hindi kakabahan kung alam mong naghihintay sa'yo sa loob ang fiance mo na hindi mo man lang lubos na kilala? Ni hindi mo pa nakita o nakausap sa personal. Worst, magpapanggap ka pa.
Daig mo pa ang haharap kay kamatayan.
"Ma'am Charlotte."
Awtomatikong naalis ni Alex ang tingin niya sa harap ng salamin at nilinga si Mang Jopoy nang marinig niya ang pagtawag nito sa kaniya.
"Okay lang po ba kayo?" tila nagtatakang tanong nito habang nakahawak sa pinto na hindi niya namalayang nakabukas na.
"Of course naman po!" mabilis na sagot ni Alex at saka nagmamadaling lumapit dito. Naipikit niya sandali ang mga mata nang tumalikod ito sa kaniya.
Galingan mo sa pag-arte, Alex. Huwag kang pahuhuli kung gusto mo talagang gumaling ang nanay mo.
"Pasok na po kayo," sabi ng driver na naghihintay sa kaniya sa pinto para paunahin siya.
Pumasok sa loob si Alex habang pilit niyang pinapatay ang kabang hindi niya mapigilan kahit anong pagpapakalma niya sa sarili. At ang kaba na iyon ay lalo lang lumakas nang sa pagpasok niya ay nakita niya ang matangkad at makisig na pigura ng lalaki na nakatayo sa sala. Nakasuksok sa magkabilang bulsa ng pantalon nito ang dalawang kamay.
Mukhang nainip yata sa paghihintay sa'kin!
"Good morning, Sir James! Nandito na po si Ma'am Charlotte."
Napakislot siya sa boses ni Mang Jopoy. Literal niyang napigil ang hininga nang dahan-dahan na humarap sa kaniya ang nakatalikod na lalaki.
Kaya mo 'yan, Alex! Para sa nanay mo. patuloy na pagpapalakas niya sa kaniyang loob habang hinihintay ang tuluyang paghaharap nila ng kaniyang dream boyfriend at ilang minuto na lang ay magiging fiance na niya.
"Charlotte," anang malamig na boses na pumukaw sa kaniya.
Napaigtad siya at napatingin sa lalaking nagsalita. Nakatingin na sa direksiyon niya si James Monreal.
He looks so handsome in his ragged jeans and white shirt with his messy hairstyle. Ibang-iba sa lalaking madalas niyang mapanood sa television at nababasa sa mga magazine na palaging naka-dark colored suit or tuxedo at naka-bow tie pa.
Gayon man, mukha pa rin siyang hari sa suot niya ngayon... Hari ng kaguwapuhan!
"Charlotte," narinig niya na tawag uli sa kaniya ni James para kunin ang atensiyon niya.
Gulat na napatingin si Alex sa mga mata nitong tila nakakapanghina ng sistema kung makatitig.
Bakit gano'n?
Akala ba niya mabait ang isang James Monreal? Pero bakit kasing lamig ng yelo ito kung tumingin sa kaniya? At kung talagang mahal nito ang kapatid niya, bakit hindi iyon ang nakikita niya sa mga mata nito?
Parang wala sa sarili na pinagsalikop ni Alex ang dalawang kamay. "J-James," tanging nasabi lang niya dahil wala siyang maisip.
Hindi niya maintindihan kung saan ba talaga siya pinapanghinaan ng mga tuhod. Sa kakisigang taglay ba ng lalaking kaharap o sa mga mata nitong titig na titig nga sa kaniya pero wala namang emosyon?
"You finally come. I've been waiting for you for two hours," malamig na wika uli ni James Monreal habang dahan-dahan itong humahakbang palapit kay Alex.