CHAPTER 1 - Trapped

1193 Words
Two weeks ago: Humahangos akong pumasok sa loob ng barungbarong namin. Agad kong iniharang lahat ng madampot ko sa pinto ng dampa na animo'y may maitutulong ang mga iyon upang hindi mapasok ang munti naming kubo na gawa lamang sa pinagtagpi-tagping kahoy at plywud. "Ano na namang kalokohan iyan ha, Resureksyon!" Lumabas mula sa silid na natatabingan lamang ng kurtina ang tiyahin kong si Amparo. Masama ang tingin nito sa lamesa,upuan at iba pang nakaharang sa pintuan. "Tyang, nagkahulihan po sa kabaret. May mga dumating na parak at isa-isang dinampot lahat ng nandoon. Nasama pati sina Odessa at Mammy. Buti na nga lang ho at nakaiskapo ako agad," aligaga kong tugon dito. Si Odessa ay pinsan ko na kasama kong nagtatrabaho sa kabaret at si Mammy naman ang bugaw na nagrecruit sa amin doon na kinakapatid ni tyang amparo. "Aray tyang! Tama na ho!" Sigaw ko habang isinasalag ang mga braso ko rito. Bigla na lamang kasi itong dumampot ng walis at pinaghahampas ito sa akin. "Kayo talagang magpinsan! Wala na kayong ginawa kundi magdala ng malas sa buhay ko! Mga hudas kayo! Hindi pa kayo sumunod sa mga nanay niyo sa hukay nang matahimik na ako!" marahas na sambit nito habang walang habas akong pinagpapalo. "Diyan ho, sa bahay na yan lumusot 'yong hinahabol niyo kanina!" Natigilan kami pareho nang maulinagan ang boses ni Aling Uswalda. Isa ito sa mga kapitbahay naming tsismosa at pakialamera. Palibhasa palagi naming natatalo ni Odessa ang mga anak nito sa satuwing may pa-pageant sa barangay. Sigundo lamang at nagsitalsikan na ang mga gamit na iniharang ko sa pintuan ng aming barongbarong. "Itaas ang kamay! Walang manlalaban!" anunsyo ng nakaunipormeng parak ng makapasok ito. "Ikaw!" turo ng isa nitong kasamahan sa'kin. "Sumama ka ng matiwasay kung ayaw mong madagdagan pa ang kaso mo!" ------------ Matapos nga ng tagpong iyon at heto, naghihimas na ako ng rehas dito sa presinto. T*ng in*ng buhay 'to oh! Wala na ngang kinita, nakulong pa! I lab you lord na talaga! Lahat kami ay dito na sinikatan ng araw sa kulungan. Isa-isa kaming kinunan ng pahayag. Kung pahayag nga bang matatawag ang pilit na pagpapaamin sa'min ng mga ito na lango kami sa droga habang nagtatrabaho roon at talamak ang bentahan nito sa loob ng bahay aliwan. Hindi ko naman sila masisisi. Ano nga bang aasahan nila sa mga kagaya kong nasa ganoong industriya. Marumi, pokpok, kaladkarin, mababa ang lipad at kung minsan pa'y adik. Ilan lamang iyan sa mga bansag na ibinigay na sa mga kagaya kong kapit na sa patalim para lamang mabuhay. "Wala na, dito na tayo mabubulok!" angil ng pinsan kong si Odessa. Maliban kasi sa Tiyahin namin at kay Mammy, wala na kaming ibang kamag-anak pa. Si Mammy ay nakakulong din, doon nga lang sa selda ng mga lalaki dahil kalahi ito ni adan na nagpupumilit maging eba. Si tyang naman, suguro ay nagpa-party na ngayon iyon sa dampa dahil nawalan na siya ng sakit ng ulo. Bata pa lang kasi kami ng pinsan ko ay gusto niya na kaming isilid sa sako pareho at itapon sa bambang kung hindi lang daw siya takot makulong. Sa kaniya at kay Mammy na kami lumaki ni Odessa. Sanggol pa lang kasi kami ng parehong namatay sa entrapment operation sa pinapasukang kabaret noon ang mga nanay namin. Nanlaban ang mga durugistang nasakote kaya nagkabarilan at kasama sila sa mga nabaril. Hindi na matukoy kung ang pulisya ba o ang mga tulak na nanlaban ay may sala. Pareho rin silang nadisgrasya lang ng kani-kanilang kustomer at kami nga ng pinsan ko ang sinamang bunga. Ayun sa kuwento ng mga ito kay tyang ay intsik daw ang tatay ni Odessa kaya ito singkit at australyano naman ang sa'kin kaya mukha raw akong amerikana at malaking bulas na babae. Dahil wala ng kamag-anak ang mga nanay namin kaya napadpad kami sa tiyahin namin ng mamatay ang mga ito. Dati itong tindera sa palengke ngunit simula ng magkadyabetis at high blood ay nalugi na ang kaniyang puwesto dahil sa mahal ng gamot na sinaid maski ang puhunan niya. Kaka-graduate lang namin noon ni Odessa sa high school at dahil sa hirap kaming makanap ng trabaho na bubuhay saming tatlo ay napilitan kaming sumama kay Mammy sa kabaret. Maliban kasi sa sekondarya lamang ang tinapos namin ay menor de edad pa kami pareho. Sa una ay serbidora lang kami ngunit hindi naglaon ay inasam na rin naming kumita ng malaki kaya pinatos na namin ang pagiging dancer nang tumuntong kami ng bente anyos. Ika nga ng iba ay 'stripper'. Pero hindi naman kagaya ng bintang nila ay may suot naman kami kahit papaano. Hindi iyong hubo't hubad mismo. 'Two piece', dalawang perasong tela na nagsasalba sa sing nipis ng sinulid naming dignidad. Hindi kami nagpapa-table dahil alam naming kapag pumayag kami sa ganoon ay doon na mag-uumpisa ang lahat. Lalo namang hindi kami nagpapa'take-out'. Marumi man ang tingin sa'min ng sambayanan ay malinis naman ang katawan at konsensya namin. May mga bouncer sa pinapasukan naming kabaret kaya walang nangangahas na mambarako sa mga babaeng nagtatrabaho roon. Bawal ang pilitan sa ayaw, ayon sa motto ni Mammy iyan. Sinubukan naman namin maghanap ng ibang trabaho ngunit satuwing magigipit kami dahil sa mahal ng gamot ni tyang at sa iba pa naming gastusin ay bumabalik lang kami sa dati. Kaya heto't nagsawa na kami at tinanggap na lamang ang katotohanang dito na talaga kami masasadlak hanggang sa rayumahin na kami sa kakakembot at kendeng. Sana naman hindi kami mapulmonya sa gabi-gabing lamig na tinitiis namin. Pero bago 'yun, sana naman makalaya kami bago pa kami abutin muli ng gabi rito. Aba'y kanina pa nagmamaktol itong sikmura ko. "Resurrection Andrada, may dalaw ka." Napaangil ako sa sinabing iyon ni manong pulis. Wala naman kasi akong ibang inaasahang dalaw maliban sa tyahin namin na malamang sa malamang eh sermon at kutos ang pasalubong sa'kin. Nagsalubong agad ang kilay ko ng makita ang isang babaeng nakasuot ng magarang damit sa visiting area. Nakasombrero rin ito na animo'y nasa ilalim ng tirik na araw dahil sa lapad nito. May kalakihan din ang suot nitong itim na sunglasses. Baka naman nagkamali lang si manong. Eh hindi ko naman siya kilala. "Ehem!" napatikhim ako para kunin ang atensyon nitong tutok na totok sa hawak na cellphone. Maski cellphone nito ay mukhang mamahalin. Hindi maikakailang mayaman nga ang babae. Sopistikada ito at sa malayo pa lamang ay amoy na amoy ko na pabango. Pati amoy nagsusumigaw ng karangyaan. Nahiya naman tuloy ako sa amoy ko. Eh kahapon pa ang huli kong ligo. Napalingon ito sa gawi ko at dahan-dahang tumayo. "Hi Rexy." Bati nito sa tipid ngunit pamilyar na ngiti. "Kilala mo ko?" napapantastikuhan kong tanong dito. Imbes na sagutin ako ay tinanggal nito ang suot na salamin at sombrero. "Well, it's nice to see you again, my dear little twin." Nanlaki sa gulat ang mga mata ko at literal na napanganga ako ng tumambad sa akin ang itsura nito, ang mukha nitong kawangis na kawangis ng sa'kin. Epekto ba 'to ng gutom o binabangungot na ko?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD