PROLOGUE
ELISHA
Siyam na beses na rin akong nakarating dito sa Templum. Pero hindi ko pa rin napigilan ang sarili na masilaw at malula sa paligid na napapalibutan ng naka-adornong emerald, ruby at diyamante.
Lalong kumikinang ang bawat sulok niyon dahil sa presence ng Lux Archangelis, na nakatayo doon sa lahat ng oras. Nang sa gan'on, walang makakaligtaang mensahe ang mga Arkanghel galing kay Ama para sa mga tao, na iniuutos nila sa aming mga Kerrier.
Sa gitna naman ng Templum, may mahabang lamesa at mga upuang gawa rin sa mga brilyante na para sa mga Pamunuan. Lalong lumiwanag ang mga `yon dahil sa presensiya naman ng Lux Principatus.
At sa harapan ng lamesang `yon, may nakalutang na upuang gawa rin sa kumikinang na mga brilyante. Iyon naman ay puwesto ni Hades, ang pinaka-pinuno ng Pamunuan. Si Superieur din, tawag naming mga mababang anghel kay Hades, ang taga-bantay ng Quelle, isang malaking fountain na katabi ng mahiwagang upuan niya, at nagsisilbing 'salamin' ng mundo ng mga tao.
"Maligayang kaarawan sa'yo, Elisha." Automatic kong naalis ang tingin sa Quelle nang marinig ang boses ni Superieur. Bahagya pa akong nasilaw nang lumiwanag ang upuan. Senyales ng presensiya niya. "Lumapit ka rito, kapatid. Kanina ka pa namin hinihintay..."
Kabado man, lumapit pa rin ako kay Superieur. Na-relax lang ako nang bumaba siya sa upuan at sinalubong ako, at masuyong inakbayan. May gan'ong powers talaga kaming mga anghel. Kaya naming magpagaan ng loob ng sino mang mahahawakan namin, kahit pa ang kapwa namin mga anghel.
Dinala ako ni Superieur Hades sa Quelle. Ilang sandali pa ay may lumabas doon na mukha ng isang lalaking mortal na sa tantiya ko ay nineteen o twenty years old lang sa panahon nila.
"Alam mo naman na siguro kung bakit ka namin pinatawag, `di ba?" tanong sa’kin ni Superieur. "Siya ang magiging misyon mo sa loob ng tatlong buwan, ayon sa panahon ng mga mortal. Ibababa ka ng iyong Arkanghel sa lupa para sa taong `yon, para gampanan nang maayos ang trabaho mo, at para patunayan na karapat-dapat kang hiranging 'tunay na banal'."
Napatingin ako ulit sa Quelle at sa lalaking mortal. Hindi ko maintindihan kung bakit parang hinaplos nang mainit na bagay ang espiritwal na puso ko habang tinitingnan ko siya. Mukha siyang masaya. Pero kitang-kita ko sa loob niya ang itinatagong lungkot, hirap, sakit at galit. Walang duda kung bakit siya ang ibinigay ni Superieur Hades para maging misyon ko. Ako ang kailangan ng lalaki sa buhay niya ngayon...
Dito sa Numina, wala kaming nararamdamang ano mang sakit. Kaya hindi ko maintindihan kung bakit parang may parte ng espiritwal kong puso ang kumirot habang pinagmamasdan ang lalaki.
"Normal lang sa `tulad mong mag-iisang daang taon na ang kung ano mang estrangherong damdamin na nararamdaman mo ngayon, Elisha," untag sa akin ni Superieur Hades. May kakayahan ang mga Pamunuan at Arkanghel na basahin ang laman ng puso't isip ng kahit sinong anghel sa ikatlong sphere. Hindi `tulad namin na tanging puso't isip lang ng kapwa-Kerrier ang kayang basahin. "At ang nararamdaman mo kaninang pag-alinlangan sa kautusan ni Ama, normal lang din, kapatid. Patunay lang na sumasaiyo na ang makamundong damdamin. Kaya ka namin ipinatawag dahil senyales iyon para sa pagharap mo sa secularibus curis. Habang papalapit ang oras ng pagbaba mo sa lupa, palaki rin nang palaki ang humanity effects sa'yo."
Tuwing decennial meeting, ipinapaliwanag sa amin ang tungkol sa secularibus curis kaya naiintindihan ko na ang sinasabi ni Superieur Hades. Matapos akong magpasalamat sa basbas niya, lumapit na ako sa isa ko pang boss, kay Arkanghel Cassiel, para sa basbas niya at sa iba pang rules.