Himas ang tiyan ay hindi niya mapigilan na huwag mapaluha habang nakatanaw siya sa bakuran ng orphanage. Nakikita niya ang kanyang Ate Thelma na tinuturuan ang mga bata sa ilalim ng isang matandang puno ng mangga. Iyon ang kumupkop sa kanya matapos siyang masumpungan sa daan na halos hindi makalakad, matapos siyang magahasa at basta na lang iwanan sa kalsada ng mga hayop na lalaki. Nawala ang kalasingan niya dahil doon at walang araw na hindi niya sinisi ang sarili niyang ama kung bakit iyon nangyari sa kanya. Ang mga kabarkada ng Papa niya ang nagpainom sa kanya ng alak sa edad niya na kinse kaya lumayas siya nang mismong sandali na iyon. Nag-aaral siya pero nasira na iyon lahat dahil sa isang bangungot na sumira sa buo niyang pagkatao. At heto ngayon si Louise sa isang ampunan na nag-aaruga sa mga batang lansangan na sinadyang pabayaan ng kanilang mga magulang. Siyam na buwan na siya roon dahil siyam na buwan na rin ang tiyan niya. Oo buntis siya, nabuntis ng hindi kilalang lalaki at ang batang dinadala niya ay bunga ng isang kahayupan, pero hindi niya itinuturing na hayop ang sariling anak. Mahal ito ni Louise at mamahalin pa rin kahit na demonyo ang ama ng bata. Kung nasaan mang lupalop ng mundo ang lalaking iyon, sana ay mabilaukan iyon at matuluyan na mamatay. Peste iyon sa buhay niya pero kahit paano ay hindi na rin niya pwedeng sabihin na nagsisisi pa siya dahil baka isipin ng anak niya na sinisisi niya rin ito. Pero, kahit kailan ay hindi maalis ang pagkamuhi na nararamdaman ni Louise para sa mga lalaking iyon at lalo na sa lalaking walang sawa na ginamit siya nang paulit-ulit sa loob ng iisang gabi. Iyon ang naaalala niya sa tuwing babalikan ang mapait na kahapon pero bukod doon ay wala na. Walang mukha ang lalaki at lalong walang pangalan.