Chapter One
Six months later.
"Kumusta naman ang buhay ng may asawa?" Tanong ng kaibigan kong si Emily na bumiyahe pa galing Cebu para lang kumustahin ako at ang relasyon ko sa asawa kong si Primo.
"Okay naman, masaya kami." ngiting sagot ko sa kaniya. Nagtatampo parin siya sa akin dahil hindi nga siya nakapunta sa kasal ko, ipinaliwanag ko naman na minadali namin ang aming kasal dahil nasa terminal stage na kasi ang Nanay ni Primo at hindi nila alam kung hanggang kailan nalang ito mabubuhay kaya hindi na kami nakapag-imbita ng ibang mga kaibigan. Puro mga kamag-anak ni Primo ang naroon, at sa part ko naman ay ang mga dati ko lang na mga katrabaho. Wala na kasi akong mga magulang, maagang namatay sa breast cancer ang Mama ko habang di ko man lang nakilala ang Tatay ko. Sabi nila isang politiko raw ang Tatay ko pero hindi ako naniniwala kasi iyong ibang kapit-bahay namin dati sinasabi na Barangay Tanod raw tapos iyong isa naman Manager sa isang Banko, oh? Ganoon ba kalandi ang Nanay ko para magkaroon ng ganoon karaming lalaki sa buhay niya?
At isa pang dahilan kung bakit namin minadali ang kasal dahil buntis na rin ako, six months na akong nagdadalang tao. Tatlong buwan nalang lalabas na sa mundong ito ang bunga ng aming pagmamahalan.
"Halata nga napansin ko nga, ang laki na nga ng Tiyan mo oh." sabi ni Emily sabay hawak sa tiyan kong umbok. Napangiti ako at sumandal sa may couch kasi nangangalay ang likuran ko.
"Kumusta naman ang asawa mo?" sunod niyang inusisa ang lalaking pinakasalan ko. Sa totoo lang, tama pala talaga ang sinasabi ng ibang tao lalo na nang mga matatanda na mas makikilala mo ang kapartner mo sa buhay kapag magkasama na kayo sa iisang bubong.
Sa una, akala ko happy go lucky si Primo. Kaya nga noong una ko siyang nakilala, nayayabangan ako sa asta niya. Iba ang dating niya sa akin. Siguro dala na rin ng klase ng trabaho niya. Napakaintimidating ng dating kasi nga pulis siya. Respetado. Matikas. Maangas. Pero nang nagsama na kami, doon ko nakita ang other side of him. Sweet. Maaalahanin at higit sa lahat mahal na mahal ako. Ramdam ko iyon sa lahat ng oras.
"Mabuti siyang asawa, Emily." sabi ko sa kaniya.
"Okay, sabi mo e. So, ano nga pala ang ipapangalanan mo sa inaanak ko?" Napatingin ako sa tiyan ko at may umumbok sa bandang gilid nito. Tila para bang nais na niyang lumabas sa tiyan ko ng minutong iyon.
"Princess Dianna." sagot ko saka ko hinimas ang tiyan ko ng minutong iyon habang nakangiti.
Kinagabihan
Tumawag si Primo alas onse na nang gabi. Nasa conference kasi siya sa may Baguio at isa siya sa napili na sumama sa pagpupulong na iyon at kinamusta niya ako kung kumain raw ba ako sa tamang oras. Sinabi ko naman na h'wag na siyang mag-alala sa akin habang nakangiti at hinihimas ang tiyan ko kasi ang likot-likot si Dianna sa loob ng tiyan ko. Kinamusta niya rin ang kaibigan kong dumalaw sa bahay, sinabi ko kay Primo na bukas ko na siya pauuwiin kasi masyado nang madilim at delikado nang bumiyahe ng ganitong oras. Sinabi ko rin na doon siya natulog sa guest room.
"Kumusta ka naman asawa ko?"
"Eto, miss ka na."
"Miss na rin kita, asawa ko." sagot ni Primo sa akin.
"Uuwi ka na rin naman bukas. Anong gusto mong ihanda ko?" sabi ko sa kaniya sabay kagat sa ibabang labi ko.
"Ihanda mo ang sarili mo, honey." babala pa niya sa akin. Napangiti ako sa narinig ko sa kaniya. Pwede pa naman siguro ano? Six months palang naman si Baby Dianna sa tiyan ko. Siguro itatanong ko nalang sa doctor ko ang tungkol dito.
"Yes, honey." tugon ko sa kaniya. Hanggang sa binaba na niya ang tawag niya sa akin. Maya-maya ay muling tumunog ang cellphone ko at isang unregistered number ang tumatawag sinagot ko ito at sinabi ko na… "Who's this?" after few seconds bigla nalang itong naghung up. Napatingin ako sa number na tumawag. Baka isa lang ito sa mga taong walang magawa. Mga taong nantitrip, nang paprank kumbaga. Kaya kinibit-balikat ko nalang ito at inilagay sa may side-table ang cellphone ko at huminga ng malalim bago ako natulog.
kinaumagahan, maaga akong nagising pero paglabas ko ng kwarto ay naamoy ko na ang sinangag na kanin at tuyo. Napatingin ako sa taong nagluluto sa kusina ko, at walang iba kundi ang asawa kong si Primo.
"Anong oras ka umuwi?" tanong ko sabay lapit sa kaniya at halik sa labi niya ng minutong iyon tumugon din siya sa halik ko saka muling hinarap ang niluluto niyang tuyo na muntik nang masunog dahil sa landian namin ng oras na iyon.
"Kaninang alas-kwatro ng umaga. Nga pala, iyong kaibigan mong si Emily umuwi na kaninag ala-singko nagmamadali mukhang may problema ata." sabi ni Primo sa akin saka kumunot ang noo ko sa narinig ko mula sa kaniya at nagtaka dahil kilala ko si Emily, magpapaalam sa akin iyon at kung may problema siya nagsasabi sa akin iyon.
"Honey, umupo ka na at ako nang bahala dito." sabi ni Primo saka siya nagfocus sa ginagawa niya at ako naman ay umupo na. Sinubukan kong tawagan si Emily ngunit ring lang ng ring ang number niya, hindi niya sinasagot ang tawag ko sa kaniya. Bigla tuloy akong nag-alala at maya-maya ay biglang sumipa sa loob ng tiyan ko si Dianna kaya kinalma ko ang sarili ko. Sabi kasi nila na nararamdaman ng bata sa loob ang nararamdaman ng Ina. Kaya hindi ko na muna inalala si Emily, baka nga talaga may importante lang siyang gagawin kaya umuwi na kaagad ito ng ganoon kaaga.
Pagkalipas ng ilang minuto ay natapos na rin sa niluluto niya si Primo at umupo na ito sa tabi ko. Hinawakan ang kamay ko at hinalikan ito saka ako tinignan ng diretso sa aking mga mata.
"I love you, Honey." biglang sabi niya. Napangiti naman ako sa narinig ko sa kaniya. Ramdam na ramdam ko ang pagmamahal sa akin ng asawa ko ng minutong iyon. Pinagtimpla pa niya ako ng Juice at siya pa ang nagsandok ng sinangag na kanin at Hotdog na may tugo at itlog na maalat sa gilid nito. Alagang-alaga ako ng asawa ko. Wala na akong maihihiling pa kundi sana ay palagi kaming ganito. Masaya at mahal na mahal ang isa't-isa.