THREE MONTHS AGO
"Oh, sariwa-sariwa! Lahat ng sariwa narito na, maging ang tindero sariwa! Saan pa kayo pupunta? Narito na sa akin ang lahat. Wala na kayong hahanapin pa. Oh, ikaw, magandang Binibini. Anong sariwa ang gusto mo? Tambakol, tulingan, tawilis, bangus, dalagang bukid, dilis o tilapyang mamula-mula? Sige, pili."
"P'wede bang ikaw na lang, pogi? Ilang kilo ba 'yan? Gaano kalaki?"
"Ikaw na naman? Ang cute-cute mo talaga. Ang sarap mong iluto."
"Masarap talaga ako?"
"Sige, pag-usapan natin 'yan mamaya."
"Hoy, Uno!"
"Ay!" Muntik na akong mapatalon sa gulat nang bigla akong sikuhin ni Weng sa aking tagiliran, ang kapitbahay at bago kong kaibigan.
Pa-simple kong hinagod ang tagiliran kong tinamaan niya dahil may malaking pasa ako doon na babago pa lamang.
"Baka naman matunaw na 'yan sa katititig mo. Lapitan mo na lang kaya," sabi niya habang inaayos niya ang mga pinamili niyang gulay.
"H-Ha? H-Hindi, ah. T-Teka, sino ba 'yan? Parang hindi naman bagay sa kanya ang maging tindero ng isda."
Kasalukuyan kaming namimili ng maaari naming i-ulam para sa tanghalian. Bago lang kami sa lugar na ito kaya naman hindi ko pa gaanong kilala ang mga tao dito at ang mga pasikot-sikot dito sa palengkeng ito.
"Talagang hindi. Siya si Charles Delavega at anak lang naman 'yan ng may-ari nitong palengke maging 'yang malaking mall sa tapat."
"Ha?!" Napatanga ako sa sinabi ni Weng.
"Sa maniwala ka't sa hindi, iyon ang totoo."
"P-Pero..."
"Ayon sa mga tsismis, dating tindera dito sa palengke ang mommy niyan at isang mayaman at napakagwapong taga-Manila ang naligaw sa lugar na ito at 'yon, nabighani sa kagandahan ng isang tindera ng mga gulay."
"T-Talaga?" hindi makapaniwala kong tanong.
"Oo at ang dinig ko mula sa mga tindera dito sa palengke ay gusto daw niyan maranasan kung paano ang naging buhay ng mommy niya noon dito sa palengke. Ang sabi-sabi din nila, naghahanap din daw iyan ng babaeng katulad ng mommy niya. Gano'n din daw ang gusto niyang mapangasawa."
"T-Talaga?"
"Kaya naman halos magkandarapa sa kanya ang lahat ng mga tindera dito, maging ang mga matatanda. Mga harot!"
Muli akong napatitig sa lalaking iyon. Napakagwapo naman talaga niya, maputi at makinis ang balat kahit puro bahid ng dugo ng isda ang suot niyang apron at kanyang mga braso. Tsinito, napakatangos ng ilong at mamula-mula ang kanyang mga labi.
Napansin ko rin ang isang kumikinang na hikaw niya sa kaliwang tainga na siyang nagpalitaw ng pagiging playboy niya at mambobola.
Medyo malago ang tuwid at itim na itim niyang buhok na ang ilang hibla nito ay nakalaylay sa kanyang noo.
Napalunok ako nang mapagmasdan ko na ang nanlalaki niyang mga braso mula sa shirt niyang mukhang sinira ang mga manggas.
Matangkad at may malalapad siyang dibdib.
"Bet mo? Apply ka na din. Malay mo makapasa ka," sabing muli sa akin ni Weng habang tinatanaw na rin ang gwapong nilalang na iyon.
"H-Ha? H-Hindi, ah. P-Pero... aaahm.. m-may napili na ba siya dito?"
"Sa tingin ko wala pa. Isang mahirap lang na kagaya natin ang gusto niya pero sa tingin ko ay wala pa rin siyang napupusuan hanggang ngayon."
"N-Nakilala mo na ba ang mommy niya? Nakita mo na ba?"
"Oo, palagi din naman iyon pumupunta dito at napakabait niya. Naku, sobra. Wala kang masabi sa sobrang kabaitan ng pamliyang 'yan at napaka-swerte talaga ng babaeng makakapasok bilang miyembro ng kanilang pamilya."
"P-Paano ba pumostura ang mommy niya."
"Mommy niya? Palagi iyon naka-simpleng bestida. Ang buhok niya, maayos lang na nakapusod. Wala ring make up, ultimo lipstick ay wala. Kahit marami na siyang pambili ay hindi pa rin niya binago ang sarili niya hanggang ngayon. Kaya nga siguro, iyon din ang minahal sa kanya ni Sir Charlie."
Napatango-tango ako sa kanyang sinabi.
"Pero maganda ang mommy niya, lalo na kapag inayusan."
"G-Gano'n ba? Halika na. Kailangan ko nang umuwi."
Paano naman ako magugustuhan ng lalaking iyon? Siguro nga ni tingnan ay hindi niyon magagawa sa akin. Hindi naman ako maganda. Kahit siguro mag-ayos ako at mag-makeup ay wala pa ring magbabago sa akin. Maitim na nga, dumagdag pa ang paparami kong tagiyawat sa mukha. Haay.
***
"Tatay, tama na po! Araaayyy!!! Tama na po!!!"
"June?" Kaagad akong napatakbo sa aming barong-barong nang marinig ko ang palahaw ng isa sa mga nakababata kong kapatid.
"Tama na po... Aaaahh!!!" Naabutan kong ginugulpi na naman ng aming ama si June gamit ang isang panggatong na kahoy.
"Hindi ka talaga nagtatanda! Ang sabi ko, huwag kang uuwi dito hangga't wala kang dalang pera!"
"Aaahh!! Masakit po!!" Muli niya itong hinagupit ng hawak niyang kahoy.
"Tay, tama na! Tama na po! Aah!" Kaagad kong niyakap si June ngunit ako ang tinamaan ng kahoy sa braso.
Nag-iiyakan na rin ang sampu ko pang mga kapatid na nagsisiksikan sa isang sulok nitong aming barong-barong.
"Mga wala kayong kwenta! Palamunin lang kayo sa pamamahay na ito! Mabuti pang hindi na lang kayo ipinanganak! Ikaw, babae ka!" Nahagip ni tatay ang aking buhok at sinabunutan.
"Aah.. T-Tay."
"Ang sabi ko sa iyo, makipagkita ka kay Tandang Alfonso! Naghintay 'yong matanda sa iyo sa labas ng motel at ipinahiya mo lang ako! Tarantada!" Muli niya akong hinampas ng kahoy sa pisngi na siyang nagpa-ikot ng aking kahimlayan.
"T-Tay, h-hindi ko po kaya..." humahagulgol kong sagot sa kanya ngunit isang sampal sa pisngi ang muli niyang ipinatikim sa akin.
"Tandaan mo 'to! Sa susunod na ipahiya mo akong muli, huwag na huwag niyo nang ipapakita pa sa akin 'yang mga pagmumukha niyo! Mga inutil! Mga walang kwenta!"
"Aah!" napadaing ako nang pabarag niyang binitawan ang aking ulo at humampas ito sa dingding. Mabuti na lamang at yari lang ito sa kawayan.
Padabog siyang nagmartsa palabas ng aming barong-barong. Saka pa lamang nagsilapitan sa amin ang iba ko pang mga kapatid na maliliit pa at humahagulgol na yumakap sa amin.
Dose kaming magkakapatid at ako ang panganay. Disi-otso anyos pa lamang ako at maliliit pa ang mga sumunod sa akin.
Wala na kaming ina. Binawian siya ng buhay matapos niyang manganak sa pang-trese sana naming kapatid. Ngunit maging ang baby ay kasama rin ni nanay na namatay dahil sa inilabas niya ito nang wala sa tamang buwan.
Hindi ko na alam ang gagawin ko. Walang trabaho si tatay at puro pagsusugal at inom na lamang ang kanyang ginagawa. Kaming mga anak na lamang niya ang inaasahan niyang magtatrabaho para sa kanya.
Ilang beses na rin niya akong inirekomenda sa ilang matatandang mayaman dito sa aming bayan ngunit hindi ko kaya ang ipinagagawa ni tatay.
Pumasok sa aking isipan ang binatang tindero ng isda sa palengke. Isa siyang anak-mayaman. Wala na akong magagawa kundi ang subukan siya.
Desperada na ako at gagawin ko ang lahat upang mahuli siya. Isang silo ang naiisip kong paraan upang hindi niya ako matanggihan.
***
Kinabukasan ay wala akong tigil sa kasisipat ng sarili ko sa salamin. Suot ko ang bestida ng yumao kong ina. Mabuti na lamang at hindi pa naman ito naitatapon o naipamimigay. Kunsabay ay maayos pa naman ito at hindi naman ako nagmukhang nanay sa hitsura kong ito.
Sinabon kong mabuti ang aking mukha para kahit papaano ay malinis naman kahit may ilang tagiyawat na katamtaman lang naman ang laki. Tinabunan ko na lamang ito ng Johnson's baby powder para hindi gaanong kapansin-pansin.
"Aalis na muna ako, ha," sabi ko sa aking mga kapatid na ngayon ay nag-aalmusal. Nilagang talbos na kamoteng kahoy at okra lamang ang kanilang ulam.
Mas okay pa rin 'yan dahil masustansya naman sa katawan. Hiningi ko lang iyan kahapon kay Weng. Siguro ay kailangan ko na lang talagang magtanim niyan sa likod-bahay para kahit papaano ay may pangtawid-gutom kami kahit walang bigas.
"Saan ka pupunta, ate? Pwede ba kaming sumama? Baka magising si tatay at saktan na naman kami," ani June na ngayon ay litaw na ang ilang pasa sa braso at mga hita.
Awang-awa na ako sa mga kapatid ko. Gustuhin ko mang iwan na lang namin si tatay ngunit papaano naman siya kung mag-isa na lamang siya?
"Maghahanap lang ako ng trabaho sa palengke. Sundin mo na lang, anuman ang ipag-uutos ni tatay."
"Ate, baka pwede ako doon kahit kargador. Malaki na ako, kaya na ng katawan ko."
"Ako rin, ate. Kahit taga-benta na lang ng mga supot na lagayan nila ng pinamili," sagot naman ni May, ang trese taong gulang kong kapatid.
"Ako rin po, ate."
"Kaya ko na rin 'yon, ate."
Sunod-sunod nang nagtaasan ang kanilang mga kamay. Halos hindi ko na matandaan ang kanilang mga pangalan dahil sa dami at halos pantay-pantay na rin ang laki ng ilan dahil sa halos isang taon lang naman ang kanilang mga pagitan.
Numero na lamang ang ipinalayaw sa amin ng aming mga magulang bilang tanda kung pang-ilan kami sa magkakapatid at buwan sa kalendaryo ang ipinangalan nila sa amin kung kailan naman kami ipinanganak.
"Oh, sige, pero tapusin niyo na muna ang pagkain niyo at sumunod na lamang kayo doon. Huwag na kayong maingay para hindi magising si tatay." Sinilip ko si tatay na nakahiga sa katre at ngayon ay malakas na humihilik dahil na rin sa kalasingan. Umaga na naman siya umuwi.
"Yehey!"
"Ssh..." kaagad kong saway sa bunso naming kapatid. Sunod-sunod na rin nilang sinaway ito.
Lumabas na ako ng aming barong-barong at nilakad na lamang ang iskinita patungo sa palengke na nasa kabilang kalye lang naman. Nasa bandang likuran lang naman ng palengke ang aming bahay kasama na rin ng karamihan.
Pagtawid ko sa kalsada ay dumiretso kaagad ako sa malawak na entrance ng palengke. Nagpatingin-tingin ako sa bawat tindahan na aking madaanan. Nagbabaka-sakaling mayroong nakapaskil na naghahanap ng tindera ngunit wala akong nakita hanggang sa marating ko na ang tindahan ng mga gulay at prutas. Sa tapat naman nito ay tindahan na ng mga isda at mga karne.
Tinanaw ko ang booth na kinaroroonan ng gwapong lalaki kahapon ngunit nadismaya ako nang hindi ko siya makita doon.
"Bakit kaya wala pa siya? Magtatanghali na, ah," bulong ko sa aking sarili habang lumilinga doon.
Hindi ko alintana ang bawat dumadaan at nagsisiksikang mga mamimili sa aking paligid.
"Ay!"
"Oops!"
Isang lalaki ang nakatabig sa akin habang may bitbit na malaking karne ng baboy. Muntik na akong mapasalampak sa batyang puno ng mga isda ngunit may malalakas na brasong nakasalo kaagad sa akin mula sa aking likuran.
"Okay ka lang?" isang malamig na tinig ng isang lalaki ang aking narinig.
Kaagad ko siyang nilingon ngunit nanlaki ang aking mga mata nang muntik nang magtama ang aming mga labi. Isang napakagwapong nilalang ang ngayon ay nasa aking harapan habang may napakatamis na ngiti sa kanyang mga labi.
Hindi ako nakasagot. Naramdaman ko ang panunuyo ng aking lalamunan at paglakas ng kabog ng aking dibdib.
"Do I look so handsome that you can't stop staring at me?" tanong niya habang may naglalarong ngiti sa kanyang mga labi at habang nakatitig din sa akin.
"H-Ha?"
Pakiramdam ko ay biglang naglaho ang aking katinuan.