Wounded
KAMILA
“What happened to the patient, Sir?”
Hindi sumagot si Theo at nanatiling masama lang ang tingin sa akin habang kinakausap siya no’ng nurse na lumapit sa amin nang dalhin niya ako sa emergency room. Tumitindi ang kirot ng sugat ko pero mas lamang ang iritasyon ko kay Theo.
“Sir?”
“She’s bleeding. Treat her.”
“Saan po siya dinudugo Sir? Saka kaano-ano po ninyo ang pasyente? Asawa? Girlfriend–”
“Damn it! Bakit ba ang dami mong tanong? Kailangan bang bumulagta ng babaeng ‘yan sa harap ko bago ninyo siya gamutin? Where’s the doctor?” hindi man nakasigaw ay mariin ang bawat ang salitang lumalabas sa bibig ni Theo.
Natulala ang nurse sa kanya pero hindi ko alam kung dahil sa takot o nagagwapuhan lang siya kay Theo.
“Nurse, may sugat iyong braso ko. Dumudugo eh,” ako na ang nagsalita at tinawag ang pansin ng nurse.
“A-ah okay po, pasok na po kayo sa loob, Ma’am. Doon na lang din po kayo magfill-out ng information. Kaya ninyo po ba o si Sir–”
“Kaya ko. Huwag mo na pansinin ‘yan. Isang concerned citizen lang ‘yan na pinulot ako sa daan.”
Pagtingin ko kay Theo ay masama ang tingin at bumukas-sara ang bibig niya na tila gusto akong sigawan pero pinigilan lang ang sarili niya.
“Salamat sa pagtulong, Sir–”
“Don’t test my patience here, woman.”
Inikutan ko lang siya ng mga mata at sumama na sa nurse na pinasakay pa ako sa wheelchair kahit kayang-kaya ko naman ang sarili ko.
Nilingon ko si Theo na mukhang susunod pa talaga. “Diyan ka na lang, Sir. Maghuhubad ako sa loob, gusto mo talagang makita katawan ko ano?” pambubuska ko sa kanya kahit may iniinda na.
Natigilan siya pero saglit lang ay nakita ko ang pagpipigil niyang murahin ako dahil sa mga napasulyap sa amin na mga nakarinig sa sinabi ko. Napangisi ako ng inis siyang umupo doon sa inuupuan ko kanina. Gusto ko pa sana siyang sabihan na umuwi na lang pero tingin ko naman ay gagawin niya na ‘yon.
Dinala ako ng nurse sa isang bed na bakante doon. Matapos akong kuhanan ng vitals ay may lumapit sa aking doktor na nakilala kong ang gwapong schoolmate namin noon ni Theo.
“Kamila?”
“Zio?”
Ngumiti siya at tumango. “Naalala mo pa pala ako.”
“Sa gwapo mong ‘yan, sinong makakalimot sa ‘yo?”
Natigilan siya sa sinabi ko pero kalaunan ay natawa na rin. “Still the same Kamila huh?”
Mapait akong ngumiti at gustong sabihan siyang hindi na. Malayong-malayo na ako sa dating Kamila. Minsan nga’y hindi ko na makilala ang sarili ko.
Habang binabasa niya ang record ko ay nagseryoso na siya. “Mataas-taas ang lagnat mo. It says here you’re bleeding because of a wound,” kumuha siya ng upuan. Magaan ang kamay na hinawakan niya ang pulsuhan ko. Iaangat niya sana pataas ang longsleeve ng suot ko nang inguso ko ang gunting sa mga kagamitan na nasa tabi niya.
“Gupitin mo na lang. Fit na fit ‘to sa akin, besides, mura lang naman ‘to. Sirain mo na lang.”
Tumango naman siya at sinunod ang gusto ko.
“Napaano ‘to?” tanong niya habang inaalis ang benda na binalot ko sa sugat ko. “Ikaw lang din gumamot dito?”
“Oo. Okay naman na kanina kaso may mga epal na dumiin ang hawak eh. Dumugo ulit.”
“So, saan mo nga ‘to–this is a gunshot wound,” aniya at tiningala ako nang tuluyang bumungad sa kanya ang sugat ko.
“Naks, ang galing mo naman Doc. Daplis lang ‘yan at wala namang bala na bumaon.”
“Sinong bumaril sa ‘yo? You should file a report on this, no we need to file–”
“Pakigamot na lang, Zio, please. Tapos ‘wag mo na ding gawan ng report,” mahina ang boses na putol ko sa kanya. “Please naman oh.”
Natigilan siya at napatitig sa akin. Hindi naman kami naging close ng taong ‘to, ang kapatid niyang si Mavy ang close ko pero nawalan na din kami ng communication right after I vanished.
He sighed. Hindi na siya nagsalita at ginamot ang sugat ko.
“A fever can be an indication of infection but since hindi naman ganoon kataas, I won’t ask you to admit yourself here, I’ll prescribe medicines for your wound. Sundin mo din ang instructions ko para sa aftercare ng sugat mo. Hindi ko na ‘to gagawan ng report but make sure to come back here after a week for your check up.”
Napangiti ako at sumaludo pa sa kanya. “Yes, doc!”
Matapos niyang maibigay sa akin ang reseta at ang bill out ay tumayo na ako. Kita ko pang natigilan siya nang makita kung gaano kaikli ang suot ko at mataas na sapatos ko.
“Si Mavy, musta na?”
“She’s a resident here. Kaso hindi niya duty.”
Napasipol ako. “Ay nice, nag-doktor din pala siya.”
“Nagtampo sa ‘yo ‘yon but I’m sure matutuwa iyon kung kokontakin mo.”
Nakamot ko na lang ang gilid ng noo ko at hindi na nagsalita pa hanggang sa makalabas kami ng emergency room.
Itatanong ko pa lang sana sa kanya ang billing out section nang may umagaw na sa kamay ko ng mga hawak kong papel.
“Done?”
“Nandito ka pa din?” tanong ko kay Theo na sumimangot lang at pagkatapos ay napatingin kay Zio. Kumunot ang noo niya na tila ba kinikilala ang kasama ko.
“Figueroa.”
“Bolton.”
Nagtitigan silang dalawa na akala mo’y nasa isa silang palabas. Dahil sa mukhang may bromance na nagaganap sa kanila ay inagaw ko na kay Theo ang kinuha niya sa mga kamay ko.
“Salamat, Dr. Zio,” nakangiting pasasalamat ko kay Zio na inalis na ang tingin kay Theo at sinuklian ako ng ngiti niyang naghantad sa mga ngipin niyang puting-puti at pantay-pantay.
Hinarap ko si Theo naman na malakas na tumikhim at tangkang kukunin muli ang mga papel sa kamay ko.
“Sir, bukas na lang ho tayo magkita. Salamat sa paghatid sa akin dito, ingat ho sa pag-uwi,” yumukod pa ako sa harap niya at muling sinulyapan si Zio na tila nagtataka sa nasabi ko kay Theo pero ngumiti na rin ng kawayan ko siya bilang pagpapaalam pagkatapos ay tinalikuran ko na sila ni Theo at tinungo ang tingin ko’y kinaroroonan ng billing out section ng hospital.