Magtatakip-silim na nang makarating si Georgina sa rancho Salvatore. Kay Donny lang siya nakapagpaalam dahil ito lang ang nakita niya sa mansion nang pumanaog siya at nagmamadali rin siya. Namamangha niyang inikot ang paningin sa paligid ng rancho. May ipinagbago na sa rancho lalo na sa paligid nito pero naroon pa rin ang kawili-wiling tanawin. Nasilayan pa niya ang pagbabago ng kulay kahil at pulang kalangitan na gawa ng paglubog ni haring araw. Ngayon ay nag-aagaw na ang lila, pula at itim na kulay sa alapaap. Napakagandang tanawin na isa sa kinasasabikan niya sa kanilang nayon. "Magandang hapon, Georgina," nakangiting bati ng mga nakakilala sa kanya sa rancho. May ilan na ring baguhang tauhan doon na marahil pumalit sa mga ama ng mga ito na dating katiwala rin doon. Ganoo