Napangiti siya habang nakatingin sa babaeng walang kaalam-alam na kanina pa niya pinagmamasdan habang nagwawalis. Sa isang linggo niyang paglalagi sa rancho ay hindi niya inakalang magugustuhan niya roon at isa ang babaeng iyon sa mga dahilan. Nakapagtatakang isang inosenteng babae ang aagaw ng kanyang pansin. Her beauty is beyond definition. He can’t explain how effortless she caught his attention.
Tinitigan niyang mabuti ang mukha nito. Napakaganda. Totoong kakaiba ang karisma ng isang probinsyana at napakahirap para sa kanya na alisin ang paningin dito na lingid naman sa kaalaman ng hinahangaan. Hanggang tingin lang siya rito dahil hindi sila puwede. Hindi pa puwede. May mga bagay pa siyang kailangang gampanan at gawin bago niya pagbigyan ang kanyang sarili.
Balang-araw makukuha niya rin ito. Sa kanya lang si Georgina.
KASALUKUYAN . . .
Malungkot na nilisan nina Georgina at ng kapatid niya ang maliit nilang kubo. Kalilibing lang ng kanilang ama kahapon pero sinabihan na sila ng mga amo ng namayapang ama na tumira na sa mansyon ng mga ito.
Napabuntong-hininga siya. Oo, gumaan ang dibdib niya dahil may nagmalasakit sa kanilang magkapatid. Wala kasi roon ang kanilang mga kamag-anak. Nasa ibang lugar at malayo sa kanila. Ngunit naroon ang mga agam-agam na ‘di niya maiwasang isipin. Hindi siya papayag na libre ang pagtira nila sa mansyon ng mayamang pamilya. Balang-araw makababayad rin sila sa kabaitan ng mga Salvatore.
Malungkot na sumakay sila sa magarang kotse na siyang nagsundo sa kanila papunta sa villa ng mga ito. Napakayaman talaga ng mga Salvatore at napakabait pa. Nakilala rin niya ang mag-asawang Salvatore.
“Ate, lilipat ba tayo ng paaralan?” tanong ng binatilyo niyang kapatid. He’s now sixteen years old at Senior High School na, sa bayan lang din ito napasok. Siya naman ay graduating na sa kursong Education at sa Maynila naman siya nag-aaral. Uwian siya sa kanila every weekend.
“Oo. Lilipat ka sa pribadong paaralan sa Maynila. Sila Ma’am at Sir ang magpapa-aral sa atin kaya pagbutihan mo,” tugon niya kay Andie at marahan itong niyakap.
Pagkarating sa Villa Salvatore ay napanganga siya. Napakaganda ng paligid. Tahimik at natural ang mga landscape sa mga halamanan. Maraming puno sa paligid. Dito tumutuloy ang mga Salvatore kapag bumibisita sa rancho ang mga ito kahit ba mayroon namang bahay sa mismo ng rancho.
‘May villa na, may mansion pa!’ mangha niyang sambit sa isip. Minsan din siyang nangarap na makapag-asawa ng mayaman pero iyong mamahalin siya at iyong mahal din niya. Hindi siya katulad ng iba na praktical masyado. Mas maganda pa rin iyong nagsasama kayo dahil may pagmamahalan sa pagitan ninyo.
“I’m glad to see you Georgina and Andie!” bati ng ginang pagkapasok nila sa bahay. Yumakap pa ito at hinalikan siya sa pisngi. Medyo nag-aalangan siya at nahihiyang nginitian ito.
“Don’t be shy, hija. Para na rin namin kayong mga anak,” wika naman ni Ginoong Salvatore.
“It’s true, hija. You see? The more, the merrier,” anang ginang at nagtawanan ang mga ito sa paraang naaaliw.
“Next week ay luluwas tayo ng Quezon City at sa mansyon na kayo titira,” dagdag pa ng ginang. Ngiti lang ang naisagot niya sa mga tinuran ng ginang. Wala siyang magawa kung ‘di sumang-ayon lalo pa’t kailangan nila ngayon ng suporta.
Kinagabihan ay nagpasya siyang magpahangin sa veranda sa harap ng tinulugan niyang kuwarto. Ang sarap ng hangin sa probinsya. Napakatahimik at gustong-gusto niya roon manirahan. Lalo na rito sa villa.
Napakunot-noo siya sa naisip. Ba’t naman sa villa pa? Eh, pagkagraduate niya ay magkakaroon na siya ng sariling buhay. Napag-usapan na nila ng mga Salvatore na kapag nagkaroon na siya ng trabaho ay bubukod na sila.
Nang makaramdam ng antok ay napagpasyahan niyang pumasok na at matulog. Pagkahiga sa malambot na kama ay nahagip ng mga mata niya ang isang portrait ng binatilyong lalaki na may signature ng gumuhit sa bandang ibaba ng larawan.
‘DM Salvatore?’ basa niya sa initials ng artist. Ibig sabihin ay isang miyembro ng pamilyang iyon ang gumuhit at maaaring anak din ng mga ito ang nasa portrait. Nakasakay sa itim na kabayo ang binatilyo at animo cowboy ang asta. Nakamamangha at nakalulula ang angkan ng mga Salvatore.
‘Napakagaling naman! Sino kaya ang artist na ‘yon? Sino naman itong model niya?’ manghang tanong niya sa isip. Hindi niya pa alam kung ilan ang anak ng mag-asawa kaya walang sagot sa kanyang tanong. Hindi niya rin naman nakita ang mga ito dahil hindi naman pumupunta sa rancho. Tanging ang mag-asawa lang ang nakikita niyang dumadalaw sa rancho na minsan lang sa isang taon. Nakatulugan na lang niya ang pag-iisip sa mga makasasalamuhang pamilya.
Napabalikwas ng bangon si Georgina nang marinig ang alarm.
Buwisit! Inaantok na pinatay niya ang alarm. Nagmamadaling bumangon siya at nagulat pa nang mapagtantong wala siya sa kanila. Nasanay na kasi ang katawan niya na may ginagawa sa umaga.
Oo nga pala. Ba’t ko nakalimutan?
Napakamot siya sa ulo at muling humiga sa kama. Mula ngayon ay sa malambot na kama na siya matutulog at hindi na gigising nang sobrang aga para gumawa ng gawaing-bahay. Ayaw ng mag-asawa na tumulong sila sa gawaing pero hindi siya sanay kaya tutulong pa rin siya, isa pa ay nakahihiya dahil hindi lang naman sila señorito at señorita ang nasa bahay na iyon. Labis na ang tulong na ibinigay ng pamilya kaya kahit man lang sa anong paraan ay makabawi siya. Sobrang nakahihiya at nakaiilang dahil hindi naman nila kaano-ano ang pamilya Salvatore. Sa madaling salita, masuwerte lang sila dahil sa kabutihan ng mga amo ng kanilang yumaong ama.
“Balang-araw, magiging maginhawa rin kayo ni Andie, anak. Maging mabuti kayo sa kanila, iyan lamang ang hiling ko.”
Hindi alam ni Georgina kung bakit bigla na lamang sumingit sa kanyang isip ang mga sinabing iyon ng ama. Hindi niya pinansin ang sinabi nito noon ‘pagkat nasa ospital ito nang sabihin iyon. Iyon pala’y isa na iyong palantandaan na magpapaalam na ang kanilang ama. Pero ano nga ba ang ibig nitong sabihin? Magiging maginhawa lamang sila kung kakayod siya nang mabuti at hindi aasa sa pamilyang tumulong sa kanila ngayon.
"Papa, patnubayan mo po kami."