"I don't know what comes into your mind, Shawn at hindi mo maiwan-iwan ang babaeng iyon!" pagalit na wika ng kaniyang ina.
As usual ganoon na naman ang mga linya nito sa kaniya. Kailan ba nagbago simula nang maging sila ng kasintahan? Hindi niya alam kung ano ba ang pinagmumulan ng galit nito? Mabait naman ang dalaga sa ina at sobra ang paggalang na ibinibigay nito ngunit hindi niya mawari kung bakit ganoon na lamang ang ipinapakita nito. Was it because of her status in life kaya ayaw ng mommy niya sa dalaga? As far as he knows ay hindi naman ganoon kamatapobre ang ina. Marami itong charity na sinasalihan at isa pa nga ito sa malaki ang donasyon. O marahil dahil gusto nito si Meah para sa kaniya. Alam naman nito ang estado nila ni Meah. Past is past 'ika nga at umayon naman ito noon kahit na sobrang nagdamdam ito sa kaniya. O marahil may iba pang dahilan.
"Mommy, ilang beses ko bang sasabihin sa iyo na mahal ko si Mercy at siya ang gusto kong makasama hanggang sa pagtanda ko?" tinatamad na sagot niya sa kaniyang ina na mas nalukot pa ang mukha dahil sa sinabi niya.
"She's useless!" his mother exclaimed.
He counted one to ten to calm himself dahil baka may masabi na naman siyang hindi maganda at magdamdam na naman ito sa kaniya. Nang kumalma na ang sarili ay tiningnan niya ang kaniyang ina. He was firm and stern while looking at her.
"I'll pretend that I didn’t hear it, Mom. Don't cross the line too much dahil baka pagsisisihan niyo rin," kalmadong wika niya. "Why don't you just accept her?"
"I will never accept her for you! I will never accept her in this family!" puno ng emosyon na wika ng ina.
"Why?"
"Just leave her! You can like anyone but not her! Hinding-hindi ko siya matatanggap sa pamilyang ito! And I will make sure na pagsisisihan mo ang pagpili sa babaeng iyon. You will regret having her!"
After that, his mother walked away. Sa kung ano ang ugat ng galit nito kay Mercy ay hindi pa rin niya alam. Aalamin niya iyon upang alam niya kung ano ang gagawin upang umamo ang kaniyang ina sa dalaga. Pareho niyang mahal ang dalawang babae at wala siyang balak na pumili kung sino ang papanigan. So he will find a way for them to like each other or be civil with one another.
"Pagpasensiyahan mo na lamang ang Mommy mo, Shawn. Hindi pa siguro siya nakaka-move on sa inyo ni Meah," pampalubag loob na wika ng kaniyang ama na tahimik lamang sa buong durasyon ng palitan nila ng salita ng ina.
"That was two years already, Dad," sagot niya rito.
"Hayaan mo na lang siya," turan nito. "By the way, kumusta na pala si Mercy?"
"She's doing great, Dad," sagot niya.
Patango-tango ang kaniyang ama sa kaniyang sinabi. "That's good then. Alagaan mo siya. And if hindi mo na siya gusto, send her away for her own good, hijo. She deserves an honest relationship."
"Yes, Dad. I'll keep that in mind," sagot niya rito.
Marami pa silang pinag-usapan ng ama patungkol sa negosyo at kung minsan ay nababanggit ang tungkol sa relasyon nila ng dalaga. 'Di gaya ng kaniyang ina, ang kaniyang ama ay todo-suporta sa kanila ng dalaga. And his father often warned him, reminded him of letting Mercy go if in case his relationship with her goes wrong. Huwag daw niyang ikulong ang dalaga sa isang relasyon na wala nang patutunguhan dahil mas magiging kawawa ang dalaga. May kinabukasan pa raw ito. And knowing how he loved women? Hindi raw malayong ganoon ang mangyari. But then, he loved Mercy. Iyong totoong salita ng pag-ibig. He felt deep inside his heart, his soul that Mercy was for him. Pero sino nga ba ang maniniwala niyon gayong isa siyang playboy. But people changed and he's one of them.
Looking at his wristwatch, he then decided to fetch Mercy. Halos buong linggo niya itong hindi nasundo dahil sa kaniyang ina at kay Meah. His alibi, well, sana lang ay hindi iyon malaman ng dalaga dahil alam niyang magdadamdam ito sa kaniyang at baka pagsimulan pa ito ng kanilang away at ayaw niyang mangyari iyon sa kanilang dalawa.
"Bakit hindi mo na lang kasi sabihin ang totoo? I can tell her. Maiintindihan niya iyon."
Iyon ang sinabi ni Meah sa kaniya noong araw na iyon. Iyon ang araw kung saan hindi niya nasundo ang dalaga dahil sinamahan niya si Meah sa doctor. She was having lapses and her depression worsen because of her own mother who was in the prison right now for she killed her husband, Meah's father. Ganoon ka-brutal ang nangyari rito kaya naman hindi niya matanggihan ang kaniyang ina nang hilingin nito na samahan niya si Meah. Meah was the only child and that tragic incident was eating her mental health. Kaya naman for the sake of their friendship ay sinamahan niya ito sa buong linggong session nito sa doctor dahilan para hindi niya masundo ang sariling kasintahan.
"Shawn? How am I going to go on now?" wika ni Meah sa kaniya.
He went towards her side and gave her a tight hug. She needed it so badly. Nasa loob sila ng sasakyan at paalis ng kaniyang opisina nang hapong iyon.
"Everything will be alright. I'm just here. We are here for you," wika niya habang tinatapik ang balikat nito.
Going back at present, nagpaalam siya sa kaniyang ama dahil ayaw siyang harapin ng kaniyang ina. He went to fetch Mercy. Aagahan niya dahil gusto niyang bumawi sa kaniyang kasintahan.
Bago pinaandar ang sasakyan ay nakatanggap siya ng text mula sa dalaga na nasa cafe raw ito, iyong paborito nitong tambayan kasama si January. Kasama raw nito si January at Ness. Namimis na raw niya ang kapatid kaya roon ang tungo nito matapos ang klase kaya naman doon na niya ito susunduin. Sosorpresahin na lamang niya ito at paniguradong matutuwa ang ito. He will also invite January and Ness to have an early dinner with them.
"Galit na galit pa rin sa iyo si Nanay, Ate. Si Tatay naman ay medyo okay na sa iyo, siyempre paborito ka. Nag-aalala nga sa iyo si Tatay kaya sinabi niyang puntahan ka. Umuwi ka na kasi, Ate. Sigurado naman akong hindi ka matitiis ni Nanay," narinig niyang wika ni Ness nang makarating siya sa cafe. Hindi pa siya nakikita ng mga ito.
"Oo nga, Bess. Uwi ka na kasi!" segundo naman ni January sa kaniya.
Nagdesisyon siyang manatiling nakatago dahil gusto niyang marinig ang sasabihin ng dalaga lalo na at hindi nila masyadong napag-uusapan ang tungkol sa pamilya nito dahil ayaw niya itong maging malungkot. Pero naisip niyang pakinggan ang usapan upang kahit papaano ay alam niya ang nararamdaman ng dalaga. Iba pa rin kasi iyong nagsasabi ito sa kapatid at kaibigan keysa sa kaniya.
"Paano si Shawn kapag umuwi ako? Malaki ang utang na loob ko sa kaniya at mahal ko siya. Siguro ay plano na ito ng Diyos," sagot ng dalaga sa dalawa.
"Pero hindi ka ba nagsisisi?" tanong ni January.
Natahimik saglit si Mercy sa naging tanong ni January. Naitanong na niya iyon sa dalaga at sinagot naman siya nitong 'hindi'. Isa pa ay nagdiwang ang puso niya sa sinabi nitong mahal siya ng dalaga. Iyong utang na loob na sinasabi nito ay balewala iyon sa kaniya dahil responsibilidad niya iyon kay Mercy simula noong nagdesisyon siyang magsama na sila. Kasal na lamang ang kulang sa kanila sa totoo lang. Hinihintay na lamang niya na maging disiotso ito dalawang buwan simula ngayon bago niya ito ayaing magpakasal kahit na sa huwis muna.
"Sa totoo lang ay malaki ang pagsisisi ko sa nangyari ngunit wala na akong magagawa pa. Nangyari na ang nangyari pero kung maibabalik ko lang ang panahon ay ayokong mangyari ito. Hindi ko gustong mangyari ito. If only I could," sagot ni Mercy.
At dahil doon ay parang bumagsak ang kaniyang buong mundo.