"Mukhang nangangalawang ka na, Fiero. Ang tagal mong nawala tapos gusto mo bakbakan agad. Bakit kasi hindi ka muna nag-practice?"
Marahas na pinahid ni Fiero ang tumutulong dugo sa kaniyang ilong na tinamaan ng kamao ng kaniyang kalaban.
Nasa isang ring siya ngayon at katatapos lang lumaban sa isang underground fight.
"Malas lang ako ngayon at suwerte si Maky Boy," balewalang sabi niya.
Ang totoo ay mahigit isang taon na siyang tumigil sa pagsali sa mga underground fighting, bukod kasi sa ilegal ay umiiwas na siya sa huli. Sawa na siyang humimas ng rehas. Ginawa lang niyang bumalik dahil kailangan niya ng mabilisang pera. Hindi na rin masama kahit natalo siya sa laban, malaki rin naman kasi ang consolation price na kaniyang natanggap.
"Huling laban ko na 'to, Kulot, hindi na ako uulit, kailangan ko lang talaga ng pera ngayon," sabi niya.
Si Kulot ay kaibigan niya at kasamahang underground fighter din dati na ngayon ay isa ng trainor ng mga nagsisimula pa lamang na mga fighter.
"Siguraduhin mo lang na hindi ka na babalik dito, Fiero. Wala lang si Master ngayon kaya pinayagan ka nilang lumaban, pero kapag dumating na si Master, galing bakasyon ay ban ka na rito sa club. Bakit ba ka—"
Hindi na naituloy ni Kulot ang sasabihin ng pigilan siya ni Fiero na magsalita.
"Alam ko!Huwag mo nang ipaalala. Sige, aalis na 'ko." Malakas niyang tinapik sa balikat si Kulot.
Iiling-iling na sinundan na lamang ng tingin ni Kulot ang palayong kaibigan. Nagulat siya ng bigla na lang may umakbay sa kaniya.
"Sa lahat ng ayoko ay iyong ginagago ako. Alam kong hindi inilabas ng lalaking iyon ang totoong lakas niya sa laban. Sinadya ng kaibigan mong 'yon na magpatalo. Bakit, ano ba talaga ang gusto niya? Naliliitan ba siya sa akin?" galit na tanong ni Maky Boy.
Dama kasi niya kanina sa laban nila ni Fiero na hindi ito gaanong kumikilos at tinatanggap lang ang mga suntok at sipa niya.
"Ano ba'ng sinasabi mo d'yan? Mahina talaga 'yon. Ikaw nga ang pinakamalakas dito 'di ba? Dapat matuwa ka dahil hanggang ngayon ay undefeated ka pa rin. Hayaan mo na siya, hindi na babalik 'yon," balewalang sabi ni Kulot. Tinanggal nito ang mabigat na braso ni Maky Boy na nakadantay sa kaniyang balikat. Walang lingon na iniwanan niya ito at tinungo ang kaniyang mga kasamahan na nagpaparte na ng kanilang mga napanalunan sa pustahan.
Bukod sa mga sindikato at mayayamang negosyante na tumatangkilik sa underground fight at pumupusta ng malaking halaga para sa ilegal na labanan na iyon, ang mga kapwa niya trainor at manlalaro ay may sarili ring pustahan. Barya lang iyong maituturing kumpara sa pusta ng mga parokyano sa underground fight club na iyon.
"O, nasaan na ang pera ko? Panalo ako—kay Maky Boy ang pusta ko." Nakisalo sa kaguluhan si Kulot at kinuha ang panalo niya.
"Akala ko pa naman mag- best friend kayo ni Fiero, pero bakit kay Maky Boy ka pumusta? Wala ka bang tiwala sa kakayahan ng kaibigan mo?"
Tinapunan ng tingin ni Kulot ang janitor ng club na si Elmer. "Pagdating sa pera walang kaibi-kaibigan. Siyempre, doon na ako sa siguradong mananalo."
Umiling ang janitor. Kinuha nito ang parte niya sa panalo at iniwan na si Kulot. Binalewala naman ni Kulot ang dismayadong tingin sa kaniya ni Elmer. Kung may higit na nakakakilala kay Fiero ay siya lang 'yon. Sampung taon na silang mag-kaibigan at napakarami na nilang pinagdaanan na magkasama.
Alam niyang ipapatalo ni Fiero ang laban kaya kay Maky Boy siya pumusta.
-
"Kamusta na si Inay?" Humahangos na lumapit si Fiero sa kaniyang nakababatang kapatid na si Isabel.
"Ganu'n pa rin, Kuya, ayaw nilang simulan ang operasyon hangga't hindi tayo nagbibigay ng down p*****t," pagbabalita ni Isabel.
Napahilamos ng mukha si Fiero dahil sa labis na pagkadismaya. Pinairal pa rin niya ang pagiging mahinahon niya kahit ang totoo ay gusto na niyang magwala sa galit. Ang laki ng diskriminasyon na natatanggap ng mahihirap na katulad nila sa halos lahat ng bagay. Kapag mahirap ka at walang pambayad sa ospital ay hahayaan ka nalang nila na mamatay.
"Nasaan ang doktor? May pera akong dala, sabihin mo na isagawa na ang operasyon kay Inay, ngayon din. Ito, ipakita mo sa kanila para maniwala sila." Ibinigay niya ang tatlong bungkos ng perang lilibuhin na nagkakahalaga ng tatlong daang libong piso sa kaniyang kapatid.
"Si-sige, Kuya!" sabi nito at mabilis na tinungo ang kinaroroonan ng doktor na tumingin sa kanilang ina. Nagtataka man siya kung saan nakuha ng Kuya Fiero niya ang mga pera na ibinigay nito sa kaniya ay hindi na muna niya ito tinanong. Mahalagang ma-operahan na ang kanilang ina dahil pumutok na ang appendix nito. Namimilipit ito sa matinding sakit ng tiyan.
Naupo muna si Fiero sa bakanteng upuan na nakita niya. Masakit ang buo niyang katawan dahil sa mga tinamo niyang sipa at suntok kay Maky Boy. Nahihirapan pa siyang kumilos, pinilit nga lang niyang makapunta ng mabilis sa ospital dahil kailangan siya ng kaniyang ina. Hindi rin siya nagpakita rito dahil ayaw niyang makita nito ang bugbog sarado niyang mukha. Ayaw niyang dagdagan pa ng pag-aalala ang sakit nainiinda nito ngayon.
Naghintay lang siya sa kaniyang kinauupuan hangang sa makabalik ang kaniyang kapatid. Nakita niya itong papalapit sa kaniya, agad siyang tumayo para salubungin ito, ngunit napaupo rin kaagad siya. Napangiwi siya sa matinding sakit na nanggaling sa kaniyang mga binti at tagiliran.
Tama nga si Kulot nang sabihin nito na nangangalawang na siya. Wala na nga siyang exercise. Ang tanging ehersisyo na lamang niya ay ang araw-araw na pagbubuhat ng sako-sakong bigas, gulay at kung ano-ano pa sa palengke.
Isa siyang kargador sa palengke. Matapos niyang umalis sa underground fight ay iyon na ang naging regular na hanap buhay niya.
"Kuya, bakit? Ano'ng masakit sa'yo? Te-teka... bakit ang dami mong pasa, napaaway ka ba?" tanong ni Isabel.
Sa sobrang pag-aalala niya at pag-iisip sa kanilang ina ay hindi niya napansin kanina ang mga pasa sa mukha ng kaniyang kapatid.
"Wala 'to, huwag mo ng pansinin. Gamot lang ang katapat nito, mamaya iinom ako, para mawala ang sakit ng katawan ko."
"Si Inay, gusto kong malaman kung ano na ang kalagayan niya ngayon?"
"Nasa operating room na siya, Kuya, at sinisimulan na ang operasyon sa kaniya."
Nakahinga ng maluwag si Fiero, magandang balita iyon para sa kaniya.
Makalipas ang isang oras na operasyon ay inilabas na ng operating room si Aling Amelia. Sabi ng doktor ay pwede na raw itong iuwi anumang oras, ngunit mas pinili ni Fiero na manatili muna ang kaniyang ina sa ospital para makapagpahinga ng maayos at makabawi ng lakas. May sobra pa naman sa pera niya kaya nakakuha pa sila ng maayos-ayos na silid para sa kaniyang ina.
Para kay Fiero, ang kaniyang pamilya ang pinakamahalaga sa kaniya. Nangako siya sa kaniyang ama bago ito pumanaw na alagaan at po-protektahan niya ang kaniyang ina at kapatid, kaya kahit ano ay gagawin niya para sa mga ito, kahit na harapin pa niya ang panganib.