"Pakakasalan mo si Karen sa ayaw at sa gusto mo Simon Andres. Ikahihiya ka ng iyong Lolo at ng iyong mga magulang sa oras hindi mo panagutan ang babaeng iyong nagalaw," wika ni Senyora
Loreta sa kanyang panganay na apong lalaki.
Wala akong narinig na tugon mula kay Senyorito ngunit batid ko ang kanyang abot langit na pagtutol sa nais mangyari ng kanyang Lola.
Si Senyorito Simon Andres Sto.Domingo ay ang tagapag-mana ng Hacienda Sto.Domingo at ng lahat ng pagmamay-ari ni Senyora Loreta na matagal ng biyuda ni Senyor Andres Sto.Domingo. Sabay namang binawian ng buhay sa isang car accident ang mga magulang ni Senyorito Simon kaya naiwan sila ng kanyang nakababatang kapatid na babae sa pangangalaga ng kanilang Lola Loreta. Wala na kasing ibang anak si Senyora Loreta at si Senyor Andres maliban sa Ama ni Senyorito.
Kaya naman batid ko kung gaano pinahahalagahan at minamahal ni Senyorito ang kanyang Lola Loreta na siyang tumayong ina at ama simula ng maagang namayapa ang kanyang parehas na magulang.
Nakahalukipkip sa isang sulok ng kama at mahigpit na hawak ang kumot na tumatakip sa aking hubad na katawan. Yukong-yuko at sumasakit ang ulo habang pinipilit alalahanin ang mga pangyayari naganap kagabi. Ngunit kahit anong gawin ko ay wala talaga akong maalala. Basta pagmulat ng aking mga mata ay narito ako sa ibang kwarto at napasigaw sa gulat sapagkat katabi ko na si Senyorito na himbing na himbing sa pagtulog habang nakayakap pa sa aking bewang at parehas kaming walang kahit na anumang kasuotan sa katawan at ramdam na ramdam ko ang pananakit na sumisigid sa aking katawan lalo na doon sa gitnang parte na nasa pagitan ng aking mga hita. Pakiwari ko ay may kung anong delubyong dumaan sa katawan ko na para bang binugbog at latang-lata.
Anong nangyari? Paanong may nangyari? Hindi ko talaga alam!
Matay ko mang isipin ay wala akong maala-alang kahit ano!
Kahit isang anag-ag man ng kahit anong naganap kagabi ay blangko sa isipan ko.
Tanging naalala ko lamang ay tumutulong ako sa paglilinis ng buong mansyon kahapon at ng sumapit ang dapit-hapon ay dumating si Senyorita Selene na bunsong kapatid ni Senyorito Simon at nakipagkwentuhan pa sa akin na lubos kong ipinagtaka sapagkat sa ilang taon ko rito sa mansyon na naglilingkod ay noon lamang siya naging magiliw sa akin.
Si Senyorita Selene ay halos kaedaran ko lamang ngunit malayong-malayo ang kanyang modernang itsura kung ikukumpara sa probinsyanang kagaya ko. Madalas ko naman siyang batiin kapag nagkikita kami dito sa mansyon ngunit kahit kailan ay wala akong matandaang bumati siya pabalik o kahit pagtugon man lang ng isang ngiti. Kaya naman laking pagtataka ko ng sa mga oras na iyon ay naging magiliw siya sa akin na para bang kay tagal na naming magkakilala. Kinamusta niya pa ang aking pag-aaral at kung ano na ang kalagayan ng kalusugan ni Nanay sa ospital.
At pagkatapos? Wala na akong maalala!
Kaya ano ang sitwasyong ito?
Anong nagawa ko?
Ano na lamang ang sasabihin ko kay Nanay oras na malaman nya ang pangyayaring ito. Paano ko ipapaliwanag na wala akong alam dahil wala naman akong maalala.
Ilang buwan ng nakaratay si Nanay sa pribadong ospital na pagmamay-ari ng mga pamilya Sto.Domingo. Na-comatose siya matapos ma-aksidenteng mabangga ng isang lasing na driver na lulan ng kotse ang tricycle kung saan siya nakasakay pauwi sa mansyon galing sa pamamalengke. Nabagok ang ulo ni Nanay na siyang naging dahilan kung bakit hanggang ngayon ay wala pa rin siyang malay.
Nasa piitan na ang iresponsableng driver sa tulong na din ni Senyora Loreta. Nakapagbayad din naman siya ng malaking halaga sa nagawa niyang kapabayaan.
Ngunit kaya bang pagalingin si Nanay ng halagang kanyang ibinigay?
Kaya bang ibalik ang dating sigla at malusog na pangangatawan ng pera?
Kaya bang tumbasan ng halaga ang oras upang hawiin ang lungkot at palitan ng masasayang ala-ala ang mga araw na hindi kami magkasama ni Nanay?
Si Nanay na lamang ang meron ako dahil wala naman akong kinagisnang Tatay mula ng isilang at magkaroon na ako ng muwang dito sa mundo. Ayon sa kwento ni Nanay, nawala na lamang na parang bula ang aking ama ng kanya na akong pinagbuntis at wala na siyang anumang naging balita mula ng araw na ito ay umalis.
Kaya naman nagsumikap si Nanay na palakihin akong mag-isa. Naroon ang pasukin niya ang ibat-ibang trabaho gaya ng paglalabada, paglalako ng iba't-ibang paninda. Naranasan niya rin ang mangalakal ng basura para may ipambuhay lamang sa akin. Kaya itinatak ko sa puso at isipan ko na susuklian ko sa pamamagitan ng pagiging mabuting anak kay Nanay ang kanyang mga ginawa para sa akin. Hindi nga ako nakikipagbarkada o nakikipag socialize dahil tutok ako sa pag-aaral para makatapos ng matiwasay at matumbasan ang bawat pagpatak ng pawis, pagod at sakrispiyo ng aking pinakamamahal na Ina.
Pero ano itong ginawa ko? Ano ang iginante ko?
Kay Senyora Loreta?
Hindi ko alam kung paano ko siya haharapin at kakausapin lalo sa bagay na ito. Sinusuportahan niya ako sa pag-aaral at tinulungan sa pagpapagamot kay Nanay tapos ngayon malalagay ako sa sitwasyong ito?
Makikita niya lamang akong walang saplot sa katawan sa ibabaw ng kama sa isang kwarto pa ng lalaki.
At higit sa lahat ng kanyang Apo!
Si Senyorito Simon!
Paanong nagawa sa akin ni Senyorito Simon ang bagay na ito?
Paano niyang nagawang lapastanganin ang pagkakababae ko?
Ang buong pagkatao ko?
Hinahangaan ko pa naman siya sa kanyang kababaang-loob at pagiging mabuti sa lahat ng mga trabahador ng hacienda.
Kaya hindi ko lubos-maisip na magagawa nya sa akin ang bagaya na ito.
At isa pa, ano na lang din ang mukhang ihaharap ko kay senyorita Daphne na limang taon ng karelasyon ng Senyorito?
At sa pagkakaalam ko ay engaged na silang dalawa.
Napaiyak na lamang ako sa naghuhumiyaw na katanungan sa aking magulong isipan dahil wala talaga akong maalala kung bakit at paanong may nangyari sa amin ni senyorito.
"Iiwan ko na kayong dalawa para makapag-usap kayo ng masinsinan at paasikaso ko na sa lalong madaling panahon ang mga dapat ayusin sa pagpapakasal ninyo."
Mga salitang iniwan ni Senyora bago ko narinig ang pagbukas at pagsara ng pintuan ng silid ngunit hindi ko talaga maitaas o maiangat man lamang ang aking ulo. Hindi ko alam kung dahil sa kahihiyan o dahil sa wala na talaga akong maiharap pang mukha sa kanya.
Naiwan kaming dalawa ni Senyorito Simon sa loob ng silid.
Dinig ko ang mabilis na pagtambol ng aking dibdib na para bang nais ng lumabas sa aking lalamunan.
Parehas kaming walang kibuan ni Senyorito.
Hindi ko naman din alam kung ano ang sasabihin ko.
Kung saan ako magsisimula.
Nais kong magtanong ngunit wala akong maapuhap na kahit anong salita.
.
"Ganito ka ba ka-desperada?"
kalmado ngunit may laman ang katanungang nagmula sa kanya.
Kaya naman napa-angat ang aking mukha at sinalubong ang kanyang malamig na titig.
"Sana nagsabi ka na lang sa akin kung magkano ang kailangan mong pera at ng hindi umabot sa ganito?" dugtong niya.
Napatingin ako sa kanya habang naguguluhan.
Ano ang kanyang nais pakihulugan?
Malamig ngunit kababakasan ng dilim ang kanyang mukha habang nakikipagtitigan sa akin na tila sinusuri ang bawat sulok ng aking pagkatao.
Ako ang unang umiwas ng tingin sapagkat hindi talaga makayanan ng utak ko ang kahihiyang kinasasangkutan sa kasalukuyan.
Nagtataka naman ako kung bakit tila naumid ang aking dila. Nakalimutan ko na kung paanong magsalita dahil gusto kong itanong kung ano ang ibig niyang sabihin sa kanyang tinuran ngunit nanatiling tikom ang aking bibig.
Tumayo siya mula sa pagkaka-upo sa kabilang side ng kama.
Awtomatikong napaiwas ang aking mga mata sapagkat wala man siyang kahiya-hiyang tumayo ng walang kahit anong saplot sa katawan. Naglakad at humugot ng kung anong damit mula sa built in cabinet at nagderecho sa loob ng sariling banyo nitong kanyang silid.
Narinig ko ang malakas na paglagaslas ng tubig mula sa banyo. Marahil ay naghihilamos na o kaya aya naliligo na si Senyorito.
Kaya naman sinamantala ko na ang pagkakataon at dahan-dahan akong tumayo.
Ramdam ko ang sumisigid na kirot at hapdi sa aking pribadong katawan pero hindi ko na inintindi pa.
Luminga-linga pa ako para hanapin ang aking kasuotan. Hindi naman ako nabigo na mahanap sa ibat-ibang parte nitong silid na tanging piping saksi sa kung ano ang nangyari sa pagitan namin ni Senyorito. Mabilis akong nagbihis at hindi ko na inalam kung baligtad o tama ang pagkakasuot ng aking pagkakasuot at madaliang nilisan ang silid sa takot na maabutan pa ni Senyorito Simon.
Ngunit napaisip akong muli sa kanyang mga sinabi kanina.
Desperada? At anong ibig sabihin niya na dapat nagsabi na lamang ako kung magkano ang kelangan kong pera?
Nais niya bang palabasin na gusto ko siyang perahan dahil lang sa may nangyaring sekswal sa aming dalawa?
Totoong kailangan ko ng pera sa pagpapagamot ni Nanay pero hindi ko kailanman naisip na gumamit o manloko ng kapwa.
Lalong-lalo na ang gamitin ang aking katawan.
Napasalampak na lamang ako sa sahig ng aming munting bahay ng makarating ako sa ginawa kong paglakad-takbo.
Pakiramdam ko hinang-hina ako.
Hindi ko na nga alam kung ano ba ang mayroon bukas dahil sa kalagayan ni Nanay at ngayon nga ay dumagdag pa ang pangyayari ngayong araw.
"Kung bangungot man po ito.
Pakiusap po, gisingin ninyo na po ako." Patuloy na pagsusumamo ng munting tinig sa loob ng aking isip.
Ano na ang mangyayari ngayon?
Napaiyak na lamang akung muli sa sitwasyong aking kinasasadlakan.
"Nay, please gumising na kayo. Kailangan ko po kayo Nay. Pakiusap, gumising na po kayo." lumuluha kong dalangin habang mariing nakapikit ang aking mga mata.
Mahirap pala talaga ang nag iisa ka.
Walang kasama, makausap at karamay.
At tila wala man lamang kahit isang nagmamahal.