Episode 4

1146 Words
Mabilis akong bumangon sa sa malambot na sofa ng marinig ko ang tunog ng sasakyan ni Senyorito Simon. Dali-dali akong naglakad ng patakbo upang pagbuksan siya ng pinto. Halos magdadalawang buwan na kaming magkasama sa iisang bubong ngunit madalang pa sa patak ng ulan kung umuwi siya ng maaga dito sa bahay. Madalas ay hatinggabi na o kaya naman ay madaling araw na kung siya ay dumating. Kaya naman madalas akong puyat sa kahihintay sa pagdating nya at madalas kung minsan talaga ay dito na ako sa sofa natutulog kapag hindi ko na kayang labanan ang aking antok. Katulad ngayon, halos mag aalas-dose na ng hatinggabi ngunit kararating niya lamang. Ako naman bilang nangakong aalagaan ang aking "asawa" ay matiyagang naghihintay. Hindi niya ako kinikibo kahit pa anong gawin kong pakikipag-usap sa kanya. Sa katunayan, all around kasambahay ang naging papel ko dito sa loob ng bahay. Mabuti na lamang at tinuruan ako ni Nanay kung paano mamuhay ang isang babae at kahit paano naman ay marunong naman akong magluto ng ilang klase ng ulam. Isa rin kasi sa mga hinahangaan ko sa ugali ni Senyorito Simon ay hindi siya masyadong mahilig kumain sa mga mamahaling restaurant sa labas. Mas sanay kasi siya sa lutong bahay dahil doon sila sinanay ni Senyora Loreta sa probinsya namin. Mabilis kong binuksan ang pinto at agad ko ngang nakita na bumaba na siya sa kanyang mamahaling kotse. Pasuray-suray siyang lumakad na tila nahihirapang ihakbang ang mga paa. Awtomatiko akong napatakbo sa kanyang kinaroroonan upang siya ay alalayan dahil sa palagay ko ay anumang oras ay babagsak siya. "Ano ba!" asik niya sa akin at pabalang na iwinasiwas ang aking kamay na nakahawak sa kanyang braso. "Sinabi ko ba na alalayan mo ako?!" mabalasik niyang tanong at nagniningas pa sa galit ang kanyang mga mata ng matalim na matalim na nakatingin sa akin. "Gu-gusto ko lang naman na tulungan kang maglakad." Pautal kong sagot. At hindi ko inaasahan ang sumunod niyang ginawa. Sinakop ng malaking kanang kamay niya ang aking leeg at ipininid ako sa pinto. Mahigpit niya akong sinasakal at talagang hindi na ako makahinga. Konting-konti na lang ay malalagutan na ko ng hininga. Hinahampas ko ang kanyang mga kamay para ako ay pakawalan ngunit kita ko sa kanyang nag-aapoy na mga mata ang galit at hindi ko maaninag man lang kahit ang anino ng awa. "Lumpo ba ako para tulungan mo?! At sino ba ang nagbigay ng pahintulot sayo na hawakan mo ako?!" galit na galit niyang tanong. Pilit ko pa rin namang inaalis ang kanyang kamay sa aking leeg. "Para malaman mo! Nandidiri ako sayo! Ayoko na hawakan mo kahit ang dulo ng daliri ko! Dahil sayong babae ka nawala sa akin si Daphne. Dahil sayo iniwan niya ako!! Naririnig mo! Dahil sa kalandian mo! Dahil sa kadesperedahan mong pikutin ako ng may panggastos sa pagpapagamot ng Nanay mo! At anong akala mo ha?! Pag-aaralin din kita?! Ha?!" sigaw niya sa pagmumukha ko habang mahigpit pa rin akong sakal. Pakiramdam ko mawawalan na ako ng malay sa paraan ng pagsakal nya sa akin ngunit ganun na lamang ang pasasalamat ko ng binitawan niya na ang leeg ko. Sunod-sunod ang ang naging pag-ubo ko habang hinahabol ang sariling hininga. Ilang saglit pa bago ako nakapadama ng ginhawa. "Akala mo siguro dahil nauto mo ang Lola ko ay ganun mo na lang din akong mauuto? Pasalamat ka dahil mas mahal ko ang Lola ko kaysa sa sinuman sa mundo kaya niya ako na papayag na pakasalan ka!" at dinuro-duro niya pa ako sa mukha gamit ang kanyang hintuturo sa kaliwang kamay. Napapapikit na lamang ako sa panduduro niya na para bang isa akong kriminal na inakusahan ng krimen na hindi ko naman ginawa at wala akong alam sa ibinibintang niya. "Sa susunod na humaharahara ka pa sa daraanan ko ay baka mapatay na talaga kitang babae ka. Huwag kang masyadong naglalapit sa akin. Dahil kahit lasing ako ay hindi ko makakalimutan kung sino ka at anong klaseng babae ka!" sigaw niya ulit habang sinabunutan naman ang aking buhok. "Alam mo ba kung gaano ako galit na galit sayo dahil nawala ang babaeng mahal ko?! Ang babaeng gusto kong makasama at maging asawa! Sinira mong lahat! Sinira mo ang kinabukasan ko! Ang kinabukasan namin ni Daphne!" asik niyang muli habang mahigpit pa rin ang hawak sa buhok. Sa wari ko ay tila maghihiwalay na ang sa anit ang aking buhok. Itinaas niya ang mukha ko at inilapit sa harap ng kanyang mukha. Langhap na langhap ko ang matapang na amoy ng alak sa kanyang mainit na hininga. "Hindi ko matanggap na sa isang mababang uri ng babae lamang ako nagpakasal. Sa mababang uri ng babae na handang gawin ang lahat para sa pera!" saka niya ako malakas na pahagis na binitawan ang aking buhok na siyang naging dahilan din para mawalan ako ng panimbang at bumagsak ang aking buong katawan. Tumama pa ang balakang ko sa isa sa tatlong baitang na gawa sa marmol paakyat sa pintuan ng bahay sa lakas ng pwersa ng kanyang pagtulak. Tumingin pa siya sa akin na hindi ko kababakasan talaga ng anumang awa sa mukha. Wari pa ngang nasisiyahan siya sa pag ngiwi ng aking mukha dahil sa sakit na nararamdaman. Bago pa siya nag martsa papasok na bahay ay dinuro niya pa kong muli at minura ng ilang ulit. Maya-maya nga ay narinig siguro sa buong kabahayan ang malakas niyang pabalibag na pagsara sa pinto. Naiyak ako hindi lamang sa sakit ng katawan na inabot ko. Kundi maging sa masasakit na salita na narinig ko. Bakit ba wala akong maalala ng gabing 'yon? Bakit hindi ko maalala ng maipagtanggol ko naman ang sarili ko? Naghalo na ang luha, pawis at sipon ko. Idagdag pa ang masakit sa aking katawan na hindi ko alam kung ano ang uunahin haplusin upang maibawasan ang kirot. "Kaya mo 'yan, Karen. Kayanin mo lahat para sa Nanay mo. Kailangan niyang gumaling para magkasama na kayong muli. Kaya magtiis ka dahil kailangan mo ng pera ng mga Sto. Domingo para may pang gamot ang nanay ko." Pilit akong ngumingiti at inaalo ang sarili. Pinipilit ko rin na makatayo mula sa pagkakatumba sa malamig na sahig bagamat ramdam na ramdam ko na para akong nabalian ng buto. Bugbog na bugbog ang katawan ko at pakiramdam ko ang kapal ng anit ko dahil sa pag sabunot na ginawa ni Senyorito. "Para sayo Nay, magtitiis ako." Determinado kong wika sa aking sarili habang halos gumapang papasok sa loob ng bahay. Kahit anong pagtatangka kong tumayo ay lalo lamang nadadagdagan ang sakit ng katawan ko. Pinilit ko na lamang umusad kahit hirap akong gumalaw. Gumapang ako paunti-unti hanggang makarating sa tarangkahan ng pintuan ng bahay. Muling tumulo ang luha ko ng dahan-dahan akong tumayo habang nangungunyapit sa mga pwedeng hawakan ng aking mga daliri upang makatayo lamang at buksan ang pinto ng bahay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD