Pabalang na ibinagsak ni Facu ang katawan sa kama ng matanaw na naman niya mula sa bintana ng kwarto niya, ang sasakyan ni Aloha. Papasok na ito sa may boundary ng dalawang hacienda. Kahit malayo pa lang ang sasakyan ng dalaga ay kilalang-kilala niya iyon.
Sino ang hindi makakakilala sa sasakyan nito kung mas madami pa ang panahong iginugugol ng pagtigil ni Aloha sa kanila. Kaysa ang wala ito.
Napahugot siya ng hininga at napahilot na naman sa sentido. "Ano na naman kaya ngayon ang gulong dala ng Pinya na iyon?" hindi na napigilang bulalas ni Facu na naiinis sa isiping makikita na naman niya ang pagmumukha ng makulit na dalaga. Halos sa isang taon ay nakaka ilang bakasyon din sa hacienda nila si Aloha. Walang kasawaan sa pagtataboy niya. Balik nang balik pa rin kahit anong sabihin niya.
Nakilala niya ang dalaga ng minsang dumalo siya sa isang pagtitipon sa Maynila. Isa iyong wedding anniversary ng isa sa mga kaibigan ng mga magulang. Hindi nakapunta ang mga ito at busy sa pagtu-tour sa ibang bansa. Kasama din ng mga ito ang kanyang Lolo Fernando. At bilang nag-iisang anak, siya ang pumalit na kahaliling bisita ng lolo niya at ng mga magulang.
Doon niya nakilala ang anak nina Mr. at Mrs. Aleho at Zenny Montecillo na si Aloha Zoraida Montecillo. Spoiled brat at palaging nasusunod ang gusto. Kaya naman ng hilingin nito sa mga magulang nito na magbabakasyon sa Hacienda Alonzo ay agad na pumayag ang mga ito. Sa ayaw naman niya o sa gusto wala siyang nagawa. Gustong-gusto ng mommy at daddy niya na nasa hacienda ang dalaga. Kahit ang lolo niya ay pabor doon. Boto pa ang mga ito na magkatuluyan sila. Bagay na hinding-hindi mangyayari. Itaga man niya sa bato.
Ilang sandali pa at nakarinig na nga siya ng pagkatok. Kahit hindi hulaan ay alam na niya kung sino iyon.
"Good morning honey. Nariyan ka ba sa loob ng kwarto mo?" malambing na saad ni Aloha na ikinaismid niya.
"Wala ako dito. Baka nasa ibang planeta." Napanguso tuloy si Aloha. "Isa pa huwag ka ngang honey nang honey dyan. Ano ka si Winnie the Pooh?" sagot ni Facu habang naririnig niya ang pagtakad ni Aloha sa likod ng pintuan.
"Ang sungit mo pa rin talaga. Buksan mo na itong pintuan may ibibigay lang ako sa iyo. Promise mabilis lang ito."
"Ayaw ko nga," pagtanggi pa ni Facu. "Pagod ako at nakahiga na. Hindi ko na kayang maglakad para pagbuksan ka pa. Kung gusto mo maghintay ka dyan hanggang sa ako ang kusang magbukas ng pintuan."
"Napaka caring mo talaga," may pagkasarkastikong saad ni Aloha. "Okay mamaya na lang kung ayaw mo talaga akong pagbuksan. Basta mag stay ako dito ng ilang buwan ulit ha. Nagpaalam na ako kay Ninong Gabriel at Ninang Celina. Tungkol kay Lolo Ferns sabi pa nga niya na dito na lang daw ako tumira. Pakasalan mo na kaya ako," masiglang wika pa ni Aloha na lalo lang niyang ikinaismid.
"In your dreams Pinya."
"I know. Kaya nga nararamdaman kong mangyayari talaga iyong dreams ko eh," masayang sagot pa ni Aloha.
Hindi man nakikita ni Facu ang mukha ng dalaga at nasa likod pa ito ng pintuan ay talagang nag-iinit na naman ang ulo niya sa inis.
"Bahala ka kung ano ang paniniwalaan mo Pinya. Pero sinasabi ko sa iyo. Wala kang aasahan sa akin na kahit na ano. Kahit kailan hindi ko matutugunan iyang mga kalokohan mo."
"Grabe ka talagang magsalita sa akin. Alam mo ba iyon? Tagos sa buto ha. Pero, by the way. I don't care. Wala namang problema iyon, kahit pa ano ang sabihin mo. Alam mo Facu ang mahalaga ay mahal kita. Iyon lang. Period, " hantarang pag-amin ni Aloha.
"Bahala ka. Basta pinaalalahanan na kita. At tigilan mo akong Pinya ka sa mga drama mo."
"Ang harsh mo talaga sa akin. It's Aloha. Hindi Pinya," reklamo nito.
"Whatever? Basta huwag mo muna akong pestehin sa oras na ito. Kailangan ko ng pahinga. Kauuwi ko lang dahil nagpaanak ako ng baka magdamag. Kaya huwag kang istorbo. Kung gusto mong manatili dito bahala ka. Basta lumayas ka dyan sa tapat ng kwarto ko matutulog na ako!" masungit na sagot ni Facu.
"Okay hon. Take a rest sa kusina muna ako at ipapatago ko kina Ate Merly iyong pasalubong ko sa iyo." Napailing na lang si Facu. Ilang buwan na naman niyang problema ang pagtuloy ng bisita niya sa bahay na iyon.
Wala naman sanang problema na tumanggap ng bisita. Pero ang sa araw-araw na pestehin siya ay nakakasawa na.
Kahit nagngingitngit ang kalooban ni Facu sa pagsulpot na naman ni Aloha sa hacienda, ay mas lamang ang antok na kanyang nadarama. Dala na rin ng labis pagod sa nagdaang gabi ay nakatulog na rin kaagad si Facu, ng masiguradong wala na ang bisita niya sa tapat ng pintuan.
Hapon na nang magising si Facu. Malamig na rin ang ihip ng hangin kahit mataas pa rin ang sikat ng araw. Minabuti na lang ni Facu na maligo. Bagay na hindi niya nagawa pagkauwi niya ng bahay kanina. Naghinaw lang siya at nagpalit ng damit.
Matapos maligo ay saka lang siya nakaramdam ng gutom. Kumalam na rin ang kanyang sikmura. Hindi na niya nagawang makapananghalian sa araw na iyon. Lalo na at antok na antok talaga siya.
Pagkabukas niya ng pintuan ay napamura na lang si Facu ng matalapid siya sa isang maliit na lamesa sa tapat ng pintuan niya. May nakapatong na bouquet ng red roses doon.
Dahil sa pagkakatalapid niya bigla siyang bumagsak sa sahig at tumama pa ang kanyang tuhod sa kantong kinalalagyan dapat ng lamesa.
"Put*ng *na!" mura pa ni Facu ng makabangon siya.
Kahit iika-ika man ay dinampot ni Facu ang bouquet at sinipa ang lamesang kinalalagyan noon sa dapat na pwesto talaga nito. "Langya kung sino man ang poncio pilato na naglagay ng lintik na mesang iyon sa harap ng pintuan ko ay talagang magbabayad ng malaki!" angil ni Facu na papilay-pilay na bumababa ng hagdanan.
Pagkarating niya ng kusina ay nakita niya ang tatlong katulong at si Aloha na nagkukwentuhan habang naghahanda na sa pagluluto.
"Sinong sa iyong apat ang naglagay ng mesa sa harapan ng pintuan ko!?" nanggagalaiting tanong ni Facu. Talagang kumikirot ang tuhod niya. Natigilan naman ang apat na babae sa pagsigaw ni Facu. Wala kaagad na nakapagsalita. "Kung walang aamin aalisin ko kayong tatlo sa trabaho, at palalayasin kitang Pinya ka!" dagdag pa ni Facu kaya naman biglang natakot ang tatlong katulong sa sinabi niya.
"Napakaarogante mo talaga hon. Ayaw mo kasi akong pagbuksan ng pintuan kanina. Kaya naman iniwan ko na lang doon ang bulaklak na bigay ko sa'yo sa harapan ng pintuan."
"Bakit doon? Alam mo bang nadapa ako kasi hindi ko pansin iyon!"
"Ang careless mo naman. Ang laki-laki noong mesa at---," natigil si Aloha sa pagsasalita ng makitang hawak ni Facu ang bouquet na bigay niya dito. "Nagustuhan mo? Pinili ko talaga ang pinakamagagandang rosas para sa iyo," nakangiting wika ni Aloha kaya napaismid na lang si Facu.
"Hindi ko nagustuhan," walang prenong sagot ni Facu. Huwag mo na ulit akong dadalahan ng bulaklak. Anong akala mo sa akin babae?"
"Hindi nga. Ayaw mo kasi akong ligawan kaya ako na lang ang manliligaw sa iyo. Kung sinasagot mo na ba ako," pa-cute pang wika ni Aloha ng ihagis ni Facu ang bouquet na hawak nito sa lamesa na nasa kusina.
"What you say will never happen!?" may diing wika ni Facu.
"Tingnan natin. Hindi din naman ako susuko sa iyo. Kasi wala iyon sa bokabularyo ko," nakangiting sagot pa ni Aloha.
Doon lang napansin ni Facu ang nakayukong mga katulong. Napahugot siya ng hininga. "Pasensya na Ate Merly, Sol at Ale. Sa susunod na dumating dito ang Pinyang iyan," sabay turo kay Aloha. Napanguso tuloy ang dalaga. "Pakilinis ng tapat ng kwarto ko. Mukhang hindi sa pagtanda ako mamamatay. Sa konsumisyon!" ani Facu na ikinatango lang ng tatlo.
"Opo senyorito, pasensya na," sabay-sabay pang sagot ng tatlo.
"Ayos lang ho. Isa pa ano po bang niluluto ninyo?"
"Sinigang na baboy po senyorito, para sa hapunan. Pero kong nagugutom na po kayo. May niluto po si Ms. Aloha na seafood paella para daw po paggising ninyo makakain kayo. Hindi na po kasi kayo nakababa kaninang tanghalian."
"Salamat na lang Ate Merly, wag na lang pala," sagot ni Facu at tinalikuran na sila.
Napatingala naman si Aloha. Nasasaktan talaga siya sa kasungitan ng binata. Ayos lang naman sana. Kaya lang pagkain na niluto niya para dito ang tinanggihan nito. Kaya naman tuloy naiiyak siya.
Pero kahit ganoon, hindi pa rin siya susuko. Ang hirap turuan ng puso niyang hindi tumibok para kay Facu. Kahit anong tampo niya. Mamaya naman okay na rin siya. Mahal niya eh. Ilang beses pang ikinurap ni Aloha ang mga mata para lang hindi na maiyak. Pero ang pasaway niyang mga luha ay kusang pumatak.
Naaawa man ang tatlong babae kay Aloha, wala rin namang magawa ang mga ito. Mabait naman ang kanilang senyorito. Maliban lang talaga sa dalaga.
Nilapitan naman ni Sol si Aloha. "Ms. Aloha tahan na. Baka po gawa lang ng bagong gising ang senyorito kaya mainit ang ulo."
"Ms. Aloha tissue. Wag ka ng umiyak. Nakakababa yan ng fighting spirit," ani Ale at kinuha naman kaagad niya tissue na iniaabot nito.
Kahit napakasungit ni Facu sa kanya. Naroon naman ang mga kasambay nito na mabubuti sa kanya. Pati na rin si Lolo Fern at ang ninong at ninang niya ay boto sa kanya. Ang nakakalungkot lang. Kahit gaano siyang kagusto ng mga taong nakapaligid sa kanila para kay Facu, kung ayaw nito sa kanya. Baliwala rin naman. Kaya iyon talaga ang kanyang pinaghihirapan. Na isang araw, mapapansin din siya ni Facu, at matugunan ng binata ang kanyang pagsinta.
Ilang minuto na ang nakakalipas ng biglang bumalik si Facu sa kusina. Nagulat pa sila sa biglang pagpasok nito.
"Ate Merly, pahanda naman po ng pagkain kahit ano na lang gutom na talaga ako," pakiusap pa ni Facu. Na sa ngayon ay hindi na iika-ika.
"Kahit po iyong paella ni Ms. Aloha?"
"Wala akong pakialam ate, basta dalahan mo ako ng pagkain sa may hardin at kape," utos ni Facu at tinalikuran na sila.
Nagkatinginan pa silang apat at tipid na napangiti.
"Sabi naman sa iyo Ms. Aloha, hindi ka rin matitiis ng senyorito," tudyo pa ni Ale.
"Kaya nga, tamo at galit-galitan pero binalikan naman ang luto mo," ani Sol habang kumukuha ng ng tray.
"Sige na, tama na ang tudyo kay Ms. Aloha. Baka mamaya ay makabalik pa si Senyorito Facu mag-ala dragon na naman." Naghagikhikam sila sa sinabing iyon ni Ate Merly.
"Wait lang ate, mag slice na rin ako ng Almond Sans Rival Cake para isang dalahan na sa Pako na iyon. Ako na rin ang magtitimpla ng kape ng masungit na iyon. Ang tapang-tapang akala mo kung sinong dragon. Bumabait din naman pala pag gutom," ani Aloha na ikinatawa lang nila.
Si Merly na ang nagdala ng pagkain kay Facu. Nailing na lang siya ng makita ang sunod-sunod na pagsubo ni Facu ng paella. Hindi lang siguro dahil sa gutom ito. Kundi masarap talaga ang luto ni Aloha. Nasasabi niya iyon at mas nauna pa silang tatlo na makatikim noon kanina.