Simula
Simula
Maia Guillermo
Naglakad-lakad ako sa dalampasigan. Hindi ako nagsabi kay Derrick na pupunta ako rito. Nakita ko kasi siyang natutulog sa may kama kanina pagkaligo ko. Aayain ko pa naman sana siya maglibot-libot pero mukhang hindi na kaya ako na lang ang lumabas mag-isa. Ayoko naman siya gisingin dahil alam kong pagod siya sa trabaho niya. Panay ang meeting niya nitong mga nakaraang araw kaya ayaw ko siyang istorbohin.
Habang naglalakad ako sa dalampasigan ay may nararamdaman kong sumusunod sa akin. Dahan-dahan akong naglakad at ganoon din siya. Halos kabahan ako lalo na nang hawakan niya ako sa kamay na ikinatili ko.
“Ano ba?” malakas na sigaw ko. Grabe! Bakit ba siya sunod ng sunod sa akin? Ano ba talaga ang kailangan niya? Hindi ko naman siya kilala! Hindi kaya manyakis ‘to?
“Astrid?” gulat na sambit ng lalaking kaharap ko ngayon. Nakasuot siya ng plain white teeshirt at black shorts habang ang mga mata niya ay nanlalaki dahil sa gulat. Matangkad din siya at kasingtangkad siya ng asawa ko kung kaya’t kinakailangan kong tumingala pa sa kanya para mas makita siya ng maayos.
Astrid? Bakit kaya niya ako tinatawag na Astrid? Maia kaya ang pangalan ko!
Kaya siguro hindi ako hinahayaan ni Derrick na lumabas mag-isa ay dahil may mga ganitong tao pala rito. Ito ang unang beses na pinagkamalan akong Astrid.
“Astrid, ikaw nga…” Nakita ko ang pagtulo ng kanyang mga luha at aakmain akong yayakapin nang lumayo ako sa kanya. Tinignan ko siya ng masama. Is he trying to get even on me? Akala ba niya ay papayagan ko na may magmanyak sa akin ng ganoon na lang?
“Anong Astrid na pinagsasabi mo? Maia ang pangalan ko. Pinagkamalan mo ata ako sa babaeng kakilala mo.”
“No. Hindi! Ikaw si Astrid, hindi mo ba ako nakikilala?” tanong niya sa akin. Mabilis akong umiling. Sinubukan niyang hawakan ang kamay ko pero umatras ako. Pinagtitinginan na rin kami ng mga tao rito.
“Hindi nga kita kilala. Maia ang pangalan ko. Maia Guillermo. Mukhang nagkakamali ka lang kuya,” magalang na sabi ko sa kanya kahit deep inside ay nagsisimula na akong mainis sa kanya. Kanina pa niya kasi ako tinatawag na si Astrid, eh Maia nga ang pangalan ko. Nakakaloka! Kamukha ko nga siguro talaga iyong Astrid na sinasabi niya kaya ganoon na lang niya kung igiit sa akin.
"Kaano-ano mo ba iyong Astrid na iyon? Kamukha ko ba siya?" sunod-sunod na tanong ko sa kanya. Bahagya itong tumango at nakatitig pa rin sa akin. I suddenly felt bad dahil kamukha ko iyong babae na sinasabi niya tapos nasungitan ko pa.
Siguro ay matagal na rin niyang hinahanap iyong babaeng sinasabi niya.
"Asawa ko siya... At kamukha mo rin siya. Sobrang kamukha."