NATASHA
Pagkagaling ko sa bahay ng mga Suarez ay dumiretso ako sa ospital.
Gising na si nanay. Pinilit kong pasiglahin ang aking mukha bago lumapit sa kanya. Alam ko nakapag nakita niya akong tila stress ay mas mag-aalala pa siya sa akin kesa sa kalagayan niya ngayon.
"'Nay, kumusta ang pakiramdam ninyo?" Lumapit ako sa kanya at tinulungan siyang umupo.
"Ayos na ako, anak. Napagod lang siguro akong masyado kahapon kaya bumagsak ako," sagot nito pero ramdam ko na nahihirapan itong magsalita. Tila kinakapos ito ng paghinga.
"Nay, hindi tayo lalabas hangga't hindi kayo magaling. Bakit hindi n'yo sinabi sa akin na may nararamdam na pala kayo?"
Hindi ko naman siya sinisisi pero paano kung may nangyaring masama sa kanya? Paano kung hindi lang simpleng pagkawala ng malay ang nangyari sa kanya?
"Tasyang, huwag mo na akong alalahanin. Ilabas mo na agad ako. Masyadong mahal kapag nanatili pa ako dito."
Umiling ako dahil sa sinabi niya. Hindi ko siya ilalabas ng ospital hangga't hindi ko nasisisguro na maayos na ang kalagayan niya. May pera na kaming pambayad kaya hindi na siya dapat pang mag-alala.
"Nay, hindi kayo lalabas dito hangga't hindi ko nasisiguro na ligtas na kayo. Kung nag-aalala kayo sa bayarin, huwag na kayong mag-alala. Ako na ang bahala.
"Pero anak maayos naman na ang pakiramdam ko," giit nito.
Tiningnan ko siyang mabuti. Mukha lang siyang ayos tingnan pero rinig ko ang hingal niya tuwing nagsasalita siya. Alam kong gusto lang niyang sabihi at ipakita sa akin na okay na siya para hindi na ako mag-alala pero ang totoo nahihirapan siya.
"Nay, huwag na kayong makulit. Alam kong alam n'yo ang kalagayan ninyo. H'wag kayong mag-alala, pagkatapos ng operasyon ninyo. Ilalabas ko agad kayo dito." Tumayo ako at inayos ang kumot niya.
"Pasensya kana sa akin. Pasensya kana kong naging pasanin mo ako. Patawarin mo si nanay kong naging mahina siya noon at kung problema na naman ang dala ko ngayon," naiiyak na saad nito.
Naupo ako sa gilid ng kama niya at hinawakan ko ang isang kamay niya.
"'Nay hindi kayo problema. Hindi n'yo naman kasalanan na nagkasakit kayo. Kaya tatagan n'yo ang loob. Hindi ba sabi n'yo gusto n'yo pa akong makitang ikakasal." Sinubukan kong magbiro sa huling sinabi ko para pagaanin ang nararamdaman niya.
"Paano ka ikakasal? Bente otso kana pero hindi ka pa nagkaka-nobyo. Masyado kang mapili."
Ngumiti lang ako sa sinabi niya. Hindi ako mapili ayaw ko lang na masaktan gaya nila ni Lola kaya kusa ko nang inilalayo ang sarili ko sa mga lalaking lumalapit sa akin. Sakit lang sila sa ulo at puso. Wala silang magandang dulot para sa akin.
"Saka n'yo na isipin ang lovelife ko. Magpagaling muna kayo. Kaya huwag na kayong makulit at magpahinga na lang muna kayo."
Nakatingin lang ito sa bawat kilos ko pero hindi na ito nagsalita pang muli. Napipilitang ipinikit nito ang mata para magpahinga.
Nang makita kong payapa na ang paghinga ni nanay ay tumayo ako. Susubukan kong magtinda pa rin ngayong araw. May pambayad na kami sa operasyon niya pero alam ko na kailangan pa rin namin ng pera para sa ibang gastuhin kaya kailangan ko pa ring kumita kahit papaano. Gusto ko mang bantayan na lang siya pero hindi pwede.
Bigla namang bumukas ang pinto at pumasok si Ninang Malou bago ko pa maihakbang ang aking paa patungo sa pinto.
"Kumusta na siya?" mahinang tanong nito sa akin. Nag-aalalang maantala ang tulog ni nanay kapag nilakasan nito ang boses.
"Medyo okay na siya,'Nang pero syempre kailangan pa rin niya ng operasyon para makasiguo tayo," sagot ko at muling sumulyap sa aking ina na nakahiga sa hospital bed.
"Pero masyadong malaking halaga ang kailangan. Saan tayo kukuha ng ganoong pera?"
Maging ito ay iniisip rin ang bayarin kaya hinawakan ko ang kamay niya at ngumiti.
"Huwag kayong mag-alala 'Nang. Nagawan ko na iyon nang paraan."
Nagtataakng tumingin ito sa akin bago kumunot ang noo.
"Saan ka kumuha ng pera?"
"Sinunod ko ang sinabi ninyo na lumapit sa ama ko. At nangako siya na ngayong hapon niya ipapadala ang pera. Siguro naman hindi niya ako bibiguin."
"Pasensya kana kung wala akong maitulong sa iyo. Gusto ko man pero kapos din naman ako."
"'Nang okay lang. Sapat nang nandito kayo at dinadamayan kami ni nanay."
Naiintindihan ko naman siya. May pinapaaral pa siyang isang anak. At kahit may asawa na ang dalawang anak nito ay sa kaniya pa rin madalas umasa kaya kahit nasa abroad ang asawa niya kinakapos pa rin sila sa pera.
Isa pa nagawan ko na nag paraan ang bagay na iyon. Kailangan na lang namin maghintay.
Nagpaalam ako sa kanya na babalik muna ako sa palengke. Susubukan kong magtinda kahit tanghali na. Sayang rin ang kikitain ko.
"Tasyang, anong ginagawa mo dito? Nasa ospital ang nanay mo pero magtitinda ka pa rin?" Kaagad ay tanong sa akin ni Pinang nang makita niya akong binubuksan ang stall ko. Lumapit pa talaga ito sa akin.
"Kailangan ko ng pera. Kaya hindi ako pwedeng tumunganga na lang," sagot ko habang inaalis ang taklob ng mga gulay.
"Bakit kasi ayaw mo tanggappin ng sinasabi ko sayo. Isang gabi lang sure ako kikita kana ng malaki. Sa panahon ngayon hindi na mahalaga ang dignidad. Pera-pera na ang usapan, be practical ika nga nila."
Hindi ko siya pinansin. Nagawa ko nang kulang na lang ay lumuhod sa harapan ng walanghiya kong ama at pamillya niya para magkapera pero hinding-hindi ko talaga masisikmurang magpagamit sa iba. Hangga't may option ako hindi ko gagawin iyon.
"O kaya si Anton. Hindi ba patay na patay iyon sa'yo? Bakit hindi mo pa patulan para solve na ang problema mo, magbubuhay reyna ka pa. Hindi mo na kailangang araw-araw magtinda."
"Crush mo siya 'di ba? Bakit ngayon gusto mong sagutin ko na?" Sumimangot ito sa tanong ko. "Saka ayoko sa mayaman. Okay nang mahirap pero mabait kesa sa mayaman nga may sungay naman."
Natuto na ako. Dalawang tao na ang nakita kong naghirap dahil mayaman ang minahal nila. Si Lola na niloko ng asawa nito at ipinagpalit sa ibang babae at si Nanay na iniwan ng walanghiya kong ama para sa babaeng kapantay niya ang estado sa buhay. Hindi na ako papayag na maging ikatlo pa.
"Kasi may bago na akong crush kaya sayo na si Anton." Kinikilig ito habang nagsasalita. Kaya napailing na lang ako. "Huwag mong isipin kung may sungay ba si Anton ang isipin mo ang laman ng bulsa niya."
"Hoy, Pinang! Tantanan mo si Tasyang. Problemado na nga iyong tao kung ano-ano pang sinasabi mo. Bunalik ka nga sa pwesto mo," saway at pagtataboy dito ni Girlie. Hinayaan pa nito si Pinang ng hawak na pantanggal ng langaw.
Parang batang dumila naman si Pinang bago bumalik sa pwesto niya.
"Huwag mong pansinin iyang babaeng 'yan. Dinedemonyo lang niya ang utak mo," baling nito sa akin bago muling naging abala sa kanyang mga paninda.
Matumal. Dalawang oras na yata akong nagtitinda pero one hundred fifty pesos pa lang ang kita ko.
Napatingin ako sa ba ko nang tumunog ang cellphone ko. Mabilis ko itong tiningnan pero fake text lang na nanalo raw ako sa isang noontime show ng malaking halaga. Kung totoo sana ito baka nagtatalon na ako sa tuwa dahil kailangang kailangan ko ng pera.
Umabot na ang gabi pero wala pa rin akong natatanggap na mensahe mula sa hinayupak kung ama. Huwag niyang sabihin na hindi siya tutupad sa usapan, talagang hindi ko sila tatantanan. Maliit na halaga lang ang hinihingi ko sa kanya, ipagdadamot pa ba niya?
Habang naglalakad ako pauwi ay biglang may sumabay sa akin. Si Pinang na may hawak na palamig ang nakita ko ng tingnan ko kung sino ito.
"Kumusta na ang nanay mo?" tanong nito. Wala ang maarteng boses nito na lagi kong kinaiinisan. Hindi ito naglalakad palagi pauwi dahil may tricycle naman ang mga ito na sinusundo ito palagi pero ngayon ay tila sinabayan pa ako.
"Gising na siya pero kailangan pa rin niyang maoperahan."
"Wala ka pa rin bang nakakalap na halaga? Kahit buong taon ka magtinda sa palengke hindi mo kikitain ang isang milyon. Bakit hindi mo na lang tanggapin ang inaalok ko?"
"May pera na akong inaasahan. Saka wala akong balak maging pokpok."
"Isang gabi lang, Tasyang. Sa loob ng isang gabi baka higit pa sa halagang meron ka ang kikitain mo. Sure money. Kailan ba darating iyang inaasahan mong pera? Huwag mong masamain ang sinasabi ko pero baka naman pantay na ang paa ng nanay mo wala pa rin iyon."
Napatingin ako sa sinabi niya. May punto naman siya. Ngayon pa lang nawawalan na ako ng pag-asang tutupad sa usapan namin ang magaling kong ama. Inaasahan kong matatanggap ko rin ang pera ngayong araw pero wala pa rin hanggang ngayon.
Dapat ko na nga bang tanggapin ang alok nito para sa ina ko? Oras na ba talaga para itapon ko ang puring iniingatan ko?