Hindi pa sumisikat ang araw ay nagtungo na ang mag-ina sa hospital. Walang tigil ang paghikab ni Rani, nakasuot pa rin siya ng sunglasses at may balabal rin sa ulo niya. Nagawa nilang makapasok sa hospital ng hindi naiintriga sinuman dahil maaga pa at ang karamihan ng mga reporter ay nasa kanila pa ‘ring mga tahanan. It was a typical morning para sa lahat. Ilang hikab pa ang ginawa ni Rani, antok na antok na siya wala pa ‘mang tinuturok na pangpatulog sa kanya.
“Anong oras ka natulog kagabi?”
“Hindi ko matandaan, kung nakatulog ba ako o hindi. Feeling ko ay nakahiga lamang ako.”
Dumeretso sila sa opisina ng doctor na kausap ng kanyang ina. Wala ni katiting na hiya na tinanggal niya ang sunglasses upang tumambad lang sa mga kasama ang mugtong-mugto pa ‘ring mga mata niya. Saglit na napatitig ang doctor sa kanyang mukha, maging siya ay hindi makapaniwala na sobrang identical ng dalawang dalaga. Napalunok na siya ng laway. Pakiramdam niya ay ang modelong si Dani ang kaharap niya kahit na alam niyang hindi naman siya. Hindi rin maikakaila ang pareho nilang mata.
“Nakahanda na ngayon ang anak kong si Rani, Doctor Colton.”
Tipid na ngumiti lang ang doctor at agad na nag-iwas ng tingin. Sa mga taon na naging doctor siya ay ngayon lang ang unang pagkakataon na pumayag siya sa ganito. Nais niya pa nga sanang magback-out, pero hindi niya alam kung makakabuti ba iyon. Natagpuan na lang niya ang sarili na buo na rin ang desisyon na tumulong sa Ginang, knowing na bulok nga ang sistema ng pagkuha ng hustisya sa kanilang bansa.
“Sige po Misis, maupo lang po kayo saglit at may tinatapos lang akong ibang papeles.”
Bumaling na ng tingin sa kanilang banda si Rani na panay pa rin ang hikab. Nasa malayo siyang sofa samantalang ang ina ay nasa harap ng mesa ng doctor upang kausapin pa. Nagpalipad ng isang matamis na ngiti ang doctor sa dalaga ngunit hindi niya iyon pinansin. Wala siya sa mood ngayon maging friendly. Isinandal niya pa ang ulo sa gilid na bahagi ng sofa. Kung hindi lang lumapit sa kanya ang ina malamang ay humilik na siya.
“Rani, umayos ka nga ng upo. Hindi ganyan kung maupo si Dani, dalagang pilipina iyon.”
Mabilis na umayos ng upo si Rani. Hindi niya man intensyon na maramdaman pero may kurot ang giangawang pagkukumpara ng ina sa kanya sa kapatid. Alam niyang dala lang iyon ng gagawin niyang pagpapanggap, pero naisip niya na kaya ba hindi niya noon pinili ang ina ay dahil sa mas mahal nito si Dani? Hindi niya matandaan, pero mukhang iyon ang isa sa rason niya para piliin din ang ama.
“S-Sorry, Mom. Antok na antok lang ako.”
Mahaba pa ang naging litanya ng ina na hindi na niya pinansin. Batid niya na kapag inintindi niya pa iyon ay masasaktan pa siya.
“Tandaan mo palagi na ang imahe niya ang dala-dala mo oras na lumabas ka na sa hospital na ito. Ikaw na si Danielle Simmons, kung kaya naman dapat na maging maingat ka at saka pulido sa lahat ng mga kilos mo. Kagaya ng pagkamit natin ng hustisya ay huwag mong hayaan na masira ang imahe ni Dani na matagal niyang pinakaiingatan.”
Napalunok na lang ng sariling laway si Dani at bumaling ng tingin sa kabilang dereksyon. Ayaw niya ng pag-usapan pa iyon dahil ilang araw na sa kanya itong binabanggit ng ina. Kalabisan man, pero nagagasgas na ang tainga niya sa mga papuri nito sa kakambal. Hindi niya tuloy mapigilang isipin na what if sa kanya nangyari ang insudente, pilitin din kaya ng ina nila na magpanggap si Dani bilang siya upang makuha rin ang hustisya? Ang isipin na hindi ay parang pinipiga ang puso niya. Nasasaktan siya para sa sarili.
“Well, pareho naman kayong antukin ni Dani na kung saan mapasandal ay nakakatulog pero iyong paraan ng pag-upo ay magkaiba.” bawi nito pero sugatan na ang puso ni Rani.
Binalot ng nakakabinging katahimikan ang opisina ng doctor nang hibdi sumagot si Rani. Ilang minuto pa siyang nagdamdam.
“Anak, sorry kung paulit-ulit si Mommy. Gusto ko lang naman na magtagumpay tayo. Baka nabibingi ka na sa kaingayan ko, ah?”
“Ayos lang, Mom.”
Nais pa sanang ilabas ni Rani ang sama ng loob niya pero alam niyang wala iyong ayos na pupuntahan. Baka magkasira pa sila nito.
“Sure ka ba diyan anak?”
“Yeah, walang problema, Mom.”
Umahon na sa kanyang upuan si Ranielle, pahapyaw niyang hinawakan ang extension ng kanyang buhok na lihim na ikinangiti ng doctor na tahimik na nagmamasid sa kanila.
“Mom, kapag ba sinabi ko sa'yo ngayong hindi pa ako handa ay ipagpapaliban ba natin ang araw na ito?” hilaw na ang ngiti niyang bumaling sa doctor na mabilis na tumayo at umiwas na ng tingin sa kanya.
Nais lang naman niyang subukan ang ina kung iintindihin ba ang nararamdaman niya. Nasaktan lang siya sa naging resulta noon.
“Of course not, Dani!” kaagad na pagtutol ng Ginang sa kanya, napaayos pa ito ng upo. “Ibig kong sabihin ay Rani. Hindi maaari na e-move pa natin ng araw ang gagawin na pagtatanim ng ebedinsya sa katawan mo dahil matagal maghilom ang sugat. Marapat lang na gawin na natin ito ngayon o sa lalong madaling panahon habang abala pa ang ibang reporter sa kalagayan ni Figuro.” mungkahi pa ng ina na bumaling na muli sa doctor upang hingiin ang opinyon nito. “Hindi ba at tama naman ako Doc Colton?”
May pag-aalinlangan man sa mga mata nito ay napilitan na lang itong tumango sa kanila. Maya-maya pa ay isinuot na nito ang white coat bitbit ang papel na pinagkakaabalahan. Sa loob ng linggong pananatili ni Rani ng Pilipinas ay napansin niya na noon pa man ang mga ibang paninitig ng doctor sa kanya. Ayaw na bigyan pa iyon ng ibang kahulugan.
“Baka guni-guni ko lang iyon.”
Madalas na nagkikibit na lang ng balikat ang dalaga. Sa hula ni Ranielle ang edad nito ay nasa early thirties. Pansin iyon sa malalim na mga gitli sa kanyang noo kapag ngingiti.
“Tama ang Mom mo, Miss. Kailangan din nating bigyan ng mga pilat ang iba pang bahagi ng iyong katawan nang sa ganun ay magmukha at papasa ka ng si Danielle.”
Matapos pa ang ilang usapan ay tahimik at lihim na nagtungo na sila sa loob ng ICU. Masyado pang maaga kung kaya naman walang nakapansin sa kanilang pumasok dito. Walang sinuman ang maghihinalang may gagawin na silang labag sa batas dito.
“Rani, alam mo na ang gagawin ha? See you after few days.” paalam ng Ginang na nagtutubig na naman ang mga mata, may piraso ng kanyang puso na ayaw na gawin ang bagay na iyon ngunit sa tuwing naiisip niya ang walang hustisyang pagkamatay ng kanyang anak na si Dani ay muli siyang nilulukob ng labis na sama ng loob at hinanakit. “Nandito lang din ako sa labas.”
“I know, Mom.” ganting yakap dito ni Rani na napapalunok na ng sarili niyang laway. Sa mga sandaling iyon ay parang ayaw na niyang ituloy ang nauna nilang plano nito. “See you in a bit.” tapik niya pa sa balikat ng ina na nagsimula na doong yumugyog muli.
Kabado man si Ranielle ay hindi niya iyon ipinakita. Pilit niyang itinago ang panlalamig ng mga pawis sa kanyang palad at ang mas tumindi pang kalabog ng kanyang puso. Lalo na nang maiwan ang kanyang ina sa labas ng ICU upang maging makatotohanan ang lahat ng kanilang mga akto. Bagay na hindi rin siya magaling pero susubukan niya dahil sa lugar na kanyang kinalakihan ay hindi niya kailangang magpanggap upang matanggap ng ibang mga tao. At wala siyang pakialam sa damdamin ng iba at hindi niya kailangang isaalang-alang ito. Dangan lang at umabot sila sa sitwasyong ganito kung saan ay wala ng pagpipilian.
“Buo na ba ang loob mo na gawin ang bagay na ito? Oras na pasukin mo na ang buhay na mayroon si Dani, wala ka ng ibang choice kung hindi ang panindigan na ikaw na siya, Rani.” pukaw sa kanya ng doctor na hindi niya napansing nakatitig na sa kanyang mukha.
Sa unang pagkakataon ay nagawa nitong sambihin ang tunay na pangalan niya. Nababasa ng doctor ang laman ng loob niya kung saan ay may kagat ng pag-aalinlangan sa bagay na iyon kung kaya ito nagtatanong.
“Pwede ka pang umatras Rani, at tumanggi. Huwag mong hayaang lamunin na rin ang puso mo ng labis at matinding galit sa mundo. Pasasaan ba at matatanggap niyo rin ang pagkawala niya ni Dani. Hindi niyo naman kailangang maghiganti—”
Naburo ang mga mata ni Rani sa doctor na nakatayo malapit sa higaan niya kung saan ay may natutulog na isang pasyente. Ito ang pasyenteng pinagpapanggap nilang kunwari ay si Dani. Hindi niya mabasa kung bakit pa ito nagtanong kung kailan wala na doon ang kanyang ina. Sa pagtitig niya sa mga mata ng doctor na tanging makikita sa gears na kanilang suot ay nababanaag niya ang sensiridad nito sa kanyang mga sinasabi. May halik iyon ng pag-aalala. Bagay na kaagad na pinalis ni Rani sa kanyang isipan nang maalala na binayaran ito ng malaking halaga ng ina mapapayag lang sa nais niya.
“Ibabalik mo ba ang ibinayad sa’yo ni Mom oras na umatras ako? Paano kung mag-leak ito sa media? Paano mo ipagtatanggol ang sarili mo? Nakahanda ka bang mawalan ng lisensiya? Itataya mo ang pangalan mo?” palaban na tanong niya sa doctor na lihim na doong napangiti, hindi lingid kay Rani ang halaga ng ibinayad dito ng kanilang ina mapapayag lang na gawin ang bagay na iyon. Binanggit niya iyon sa kanya matapos nilang ilagak ang abo ni Dani sa Bulacan. “Ibabalik mo ba iyon at handa ka sa lahat?”
“Yes.”
Hindi na mapigilang mapangisi ni Rani, hindi makapaniwala sa conversation nila. Hindi niya mapigilang mainis bigla sa doctor na kanyang kaharap na akala mo ay kung sino. Kung ayaw pala nitong gawin iyon sana una pa lang ay sinabi na niya sa ina niya para hindi na ito umasa sa kanyang plano. Willing naman pala itong ibalik, pero bakit niya tinanggap iyon mula pa lang noong una?
“Listen to me carefully, Doctor Thomas Colton. Kung nagdadalawang isip ka na gawin ang bagay na ito bakit hindi mo tinanggihan ang alok ni Mom, noon?”
“I did, Miss.”
Napakurap-kurap na si Rani, lalo pang naging kuryuso ang isipan kung paano ito napapayag ng kanyang ina gayong tumanggi pala ito sa kagustuhan nitong mangyari.
“You did? Really? Pero bakit narito tayo ngayong dalawa sa loob ng ICU para simulan ang lihim na plano?” prangkang tanong ni Rani na umuusbong na ang iritasyon sa doctor. Hindi niya alam kung bakit bigla siyang nairita sa existence nito. “Would you mind telling me the reason why you agree with this?” tanong niya pa dito sa tonong bagama’t may pakiusap ay parang inuutusan niya ito. “If you are not after the money, then you are after what? Fame? Tell me, Doctor Colton. Ipaintindi mo sa akin.”
Piniling hindi sumagot ng doctor na inabala ang kanyang sarili sa paghahanda. Humarap siya sa pasyente upang ihanda ang transfer nito sa silid kung saan ito nababagay upang palitan na doon ni Rani. After nito ay saka siya gagawin ang plano nang walang sino mang makakakita. Tumawag pa siya sa intercom sa malapit na nurse station upang i-assist na ang mga iyon. Labag talaga sa loob niya na gawin iyon, para sa kanya ay kasalanan sa propesyon niya ang kanilang gagawin ngunit hindi niya matanggihan ang Ginang na may matinding pakiusap sa kanya ng araw na iyon na halos ay luhuran pa siya mapapayag lang nito. Nakikita niya dito ang sariling inang nagda-dalamhati noon dahil sa biglaang pagpanaw ng kanyang ama. At wala silang magawa dito. Iyon ang nagtulak sa kanyang pumayag siya at maging doctor. Doctor na masasandalan ng mga taong nangangailangan ng tulong na gaya ngayon.
“See? Hindi ka makasagot dahil wala kang ibang rason kung hindi ang perang ibinayad.” akusasyon pa ni Rani na nagbingi-bingihan.
“Prepare yourself, magpalit ka na ng hospital gown para masimulan na natin ang lahat.” abot-nito sa kanya ng damit at kapagdaka ay lumabas na ng pribadong ICU. Wala pa ‘ring plano na depensahan ang sarili sa kung anumang masamang iniisip ni Rani sa kanya. Alam niya sa kanyang sarili na hahaba lang iyon kapag pinatulan niya pa. “Babalik ako after ten to twenty minutes.” walang pasabi na itong lumabas ng ICU at naiwan si Rani doong bigla na lang nairita.
“Iba na talaga ang kalakaran sa bansang ito. Pinapagalaw ng pera ang lahat ng bagay dito kaya maging ang hustisya kung kaya naman wala talaga itong pag-asenso.” bulong niyang kulang na lang ay marahas na ihagis ang hospital gown na ini-abot ng doctor sa sahig dahil pakiramdam niya ay wala itong pakialam sa mga sinabi niya at ni katiting ay hindi ito apektado. “Nakakaawang bansa.”