“Anne, nakikinig ka ba sa sinasabi ko sa’yo. Kanina pa ako dakdak ng dakdak dito pero mas inuuna mo pa ‘yang panonood ng mga pinoy drama na ‘yan. Kaya wala ka nang natutunan kundi ang umiyak dahil ‘yan sa kakapanood mo mga korning drama na ‘yan. Akina na nga ‘yang cellphone ko at uuwi na tayo. Mahihirapan na naman tayong sumakay nito kasi naman, kanina pa kita hinahanap pero baka ginalingan mo na naman ang paglinis sa conference room,” sita ni Danica sa kaibigang si Anne.
“Eh kasi sabi ni Ma’am Jessica, linisan ko daw ng maayos ang conference room kasi sobrang dumi. Kapag hindi ko daw siya sinunod ay isusumbong niya ako sa kanilang manager para matanggal daw ako dito. Tamad daw kasi ako. Tamad ba ako, Dan?” nakangusong tanong naman ni Anne na tapos ng magpalit ng damit. Inaantay na lamang si Danica na matapos at sabay na silang uuwi.
“Anong tamad, eh ikaw nga ang pinakamasipag na cleaner dito sa atin. Ang sabihin mo, naiinis sa’yo ‘yang pangit na Jessica na ‘yan kasi gusto ka ng boyfriend niya. Akala mo naman napakagwapo ng boyfriend. Sobrang yabang kaya. Kaya ikaw, Anne Masungsong, ha.. huwag na huwag ka talagang papatol sa mga lalaking mayayabang. Lolokohin ka lang ng mga ‘yon.” Gigil na wika ni Danica. Tapos na ito kaya naglakad na sila palabas ng building na kanilang pinagtatrabahuhan.
“Hindi no, sa ganda kong ‘to, hindi ako papatol sa mayabang na lalaki! Basta ang gusto ko, ‘yong gwapo, matipuno, mayaman at macho,” kinikilig na wika pa ni Anne. Totoo naman kasi ang sinabi nito na maganda siya.
“Pwede naman na may pumatol sa’yo pero kapag nakilala ka na ay baka iwanan ka din. Ang slow mo kaya,” pang-aasar ni Danica sa kaibigan.
“Aray naman! Ikaw Danica ha, akala ko pa naman kaibigan kita. Lagi mo na lang akong pinagsasabihan ng slow. Baka ikaw ‘yon kasi hindi mo’ko maintindihan kapag may gusto akong ipaliwanag sa’yo.” Nagtatampong wika ni Anne sa kaibigan.
“Oh siya, hindi ka slow pero minsan uto-uto. Kaya nga sinasabihan na kita ha. Baka sa susunod na mga araw ay darating na ang bunsong anak ni Sir Zander at Ma’am Andrea, siya daw muna ang pansamantalang hahalili kay Sir Zander dahil nagka-mild stroke siya at kasalukuyang tine-therapy. Hindi naman maaasahan si Sir James dahil puro pambababae lamang ang inaatupag no’n,” habang nag-aantay ng jeep ay pinaalalahanan ni Danica si Anne. Inunahan na niya ito dahil alam niyang makakalimutin ang kaibigan at para maalala nito ang gagawin ay kailangang ipaalala lagi.
“Dan, akala ko ba namatay na si Sir Zander kasi ‘di ba, noong nakaraang linggo ay nawalan ito ng malay. Tamang-tama, paglabas ko ng kanyang opisina, paparating naman si Sir Zander tapos nakita ko kung paano siya natumba sa gitna ng sahig at lapitan ng mga nagtatrabaho din dito.”
“Kitam, buhay pa si Sir Zander, Anne, hindi siya patay! At sino naman ang nagsabi sa’yo na namatay na si Sir Zander, ha?” nandidilat ang mata ni Danica sa kaibigan.
“Uhhmmm… s-sa palagay ko lang. K-kasi naman natumba siya sa sahig. T-tapos hindi na humihinga. ‘Di ba kapag natumba o hinimatay, ‘di ba patay na kaagad ‘yon---aray! Ba’t mo naman ako binatukan,” kakamot-kamot ng ulo si Anne ng batukan ito ni Danica.
“Ikaw talaga, Anne. Buhay pa nga ang tao, pinatay mo na kaagad. Hindi pwedeng mamatay si Sir Zander dahil wala nang may magpapasahod sa atin kapag namatay siya.”
“Naku, Mama Mary, sana po mabuhay pa si Sir Zander. Kapag wala akong sinahod, baka palayasin ako ni Nanay sa bahay. Hindi din naman ako aampunin ni Danica dahil kulang pa ang sahod niya sa pambili niya ng pagkain. Amen-- aray naman, Dan. Bakit mo naman ako binatukan. Nakakailang batok ka na ah. Ang sakit kaya," hinimas-himas pa ni Anne ang batok niyang binatukan ni Danica.
"Eh sinong hindi magagalit sa panalangin mo. Dinamay mo ako at ang Nanay mo. Okay na ang kay Sir Zander eh."
"Okay, Dan, uulitin ko ha. Mama Mary, sana po mabuhay pa si Sir Zander. Kapag--Amen." Napa-amen na si Anne ng makitang nandidilat na ang mata ni Danica.
"Makinig ka ng mabuti, Anne. Darating ang bunsong anak nina Sir Lennox para pamahalaan na ang kanilang kompanya. Dinig ko kay Tita, terror daw 'yon at hindi masyadong marunong magtagalog kaya ngayon pa lang pinagsasabihan na kita ha. Unahin mong linisan ang opisina ni Sir Zander bago ang opisina ni Sir James. Naintindihan mo ba ako. Simula bukas ha, unahin mo ang opisina ni Sir Zander." Muling paalala ni Danica bago sila sumakay ng jeep.
Tumango na lamang si Anne.
‘Bukas ay uunahin niyang linisan ang opisina ni Sir Zander.’ Iyon ang tinatak ni Anne sa kanyang isip.
********
Magkapitbahay at magkaibigan sina Danica at Anne simula pa noong bata sila. Noong maliit pa sila ay hindi naman slow si Anne. Matalino nga ito eh, kaso noong nasa elementary sila at naglalaro ng patintero sa gilid ng kalsada ay aksidenteng nabangga ito ng single na motor. Tumilapon si Anne sa gutter at nawalan ng malay. Wala naman itong tinamong malaking sugat liban sa galos at wala ding may nakitang bali sa katawan. Okay naman ang mga test sabi ng doktor kaya inuwi na ito ng kanyang mga magulang. Doon na unti-unting napansin ng mga malalapit kay Anne na naging makakalimutin ito at naging slow. Kapag tagalog ay nakakaintidi ito pero hirap ito sa English at literal din ang pagkakaintindi.
Hindi na ito nakapag-aral ng high school dahil namatay ang kanyang tatay kaya tumulong na lamang ito sa paglalabada ng kanyang Nanay para mapag-aral ang kanyang mga nakababatang kapatid.
Ang problema, ang kadalasang suki nina Anne ay construction worker at dahil maganda si Anne ay lagi siyang binabastos ng ilang kalalakihan kaya naman pinatigil na ito ng kanyang Nanay at pinag-apply nalang bilang katulong.
Noong naging katulong naman ito ay laging natitipuhan ng mga among lalaki kaya si Anne na mismo ang umaalis.
Minsan ay natanggap din itong waitress sa isang kainan pero kaagad din na tinanggal dahil sa mali-maling pagkuha ng order.
Nagtrabaho din ito sa palengke pero dahil hindi marunong sa math ay mali-mali ang kanyang pagkwenta at pagsukli kaya nalugi ang tindahan at pinaalis din siya.
Sakto namang umalis si Danica sa dati nitong trabaho at gustong ipasok ng kanyang Tita sa kanilang kompanya bilang cleaner kaya sinama na rin niya si Anne dahil magkaibigan sila.
Sa interview ay si Danica lang ang natanggap pero dahil gustong-gusto din ng Tita ni Danica si Anne dahil nagagandahan siya dito ay kinuha na rin nila ang dalaga.
Marami na ring mga kapalpakan si Anne sa kanyang trabaho pero lagi itong pinagtatakpan ng Tita ni Danica kaya nga minsan nagseselos na rin si Danica kay Anne dahil mas mahal pa ito ng tiyahin.
Pero dahil alam naman ni Danica na medyo slow nga ang kaibigan ay iniintindi na lamang niya ito dahil siya lang naman ang totoo nitong kaibigan.