Perrie.
Sa kabila ng panginginig ng aking mga tuhod at binti ay nagawa ko pa ring tumakbo nang mabilis na akala mo ay kasali sa marathon. Habol ko ang hininga at muntik pang madapa bago makarating sa tapat ng pinto ng tinutuluyan naming kuwarto rito sa hotel.
Mabuti na lang naalala ko na nakasuksok sa bulsa ng pantalon na suot ko ang key card kaya hindi ko na kailangang kumatok pa. Pagkatapos i-swipe ay hindi na rin ako lumingon para tingnan kung sumunod ba ang lalaki, noong magbukas ang pinto ay agad na akong pumasok sa loob.
“Diyos ko… mababaliw yata ako…” Nanghihinang napasandal ako sa pinto, habang mabilis ang pagtaas at pagbaba ng aking dibdib dahil sa pagod at kaba.
Noong nandito na ako sa loob ay saka ko naalala ang mga gamit kong naiwan doon. Pero wala na akong lakas ng loob bumalik pa para kunin ‘yon. Hindi ko na kaya. Baka nandoon pa ang lalaking ‘yon!
Hindi ko alam kung ilang minuto lang akong nakasandal sa pinto nang mapagdesisyunang dumiretso na sa loob. Kanina pa akong hinihintay ng mga kasamahan ko, pero bakit kaya ang tahimik dito sa loob? Naka-off din ang ilaw at ang tanging nakabukas ay iyong nandito malapit sa pinto.
“Ma’am Bridgette? Sir Luisito?” Sinubukan kong tawagin ang mga kasama ko.
“Bilisan mo. Nandiyan na si Ma’am Perrie.”
“Baka maabutan tayo. Sa cr ako!”
Nakarinig pa ako nang nagbubulungan habang ako naman ay naglakad papunta sa switch ng ilaw. Eksaktong pagkalat ng liwanag sa buong kuwarto ay nasa harap ko na si Sir Luisito. Pareho pa kaming nagkagulatan. Siya ba naman kasing biglang sulpot sa harap ko?
“Jusko naman, babae ka! Bakit ka nanggugulat?!” aniya sa eksaheradang boses na nakahawak pa sa dibdib.
Muntik pa akong mapatakip sa aking tainga sa tinis ng kanyang boses. “Naku naman, Sir Luisito. Ako pa talaga?”
Napailing ako. Halatang gulat na gulat nga siya dahil kulang na lang ay mawalan ng kulay ang mukha sa sobrang putla. Pero ang OA naman yata nang pagkagulat?
“Nasaan si Ma’am Bridgette?” Tumingin pa ako sa kanyang likod pero hindi ko nakita ang co-teacher namin.
Sa muling pagbalik ng tingin ko sa kanyang mukha ay kita ko ang pagkabalisa niya. Hindi halos makatingin sa akin nang diretso si Sir Luisito. Nagbaba ang tingin ko sa kuwelyo ng damit niya.
“Ha? Si Ma’am Bridgette? Ah… n-nandoon s-sa b-banyo. Oo, n-nasa CR.” Sa huli ay kabado siyang napatawa at napakamot sa ulo.
Nangunot ang noo ko sa naging reaksyon niya. Sa akin may nangyaring hindi kaaya-aya kanina pero kung maka-react si Sir Luisito ay daig pa ang may tinatagong kung ano. Parang panandaliang nakalimutan ang pagiging malambot niya.
Medyo may pagka-malambot kasi si Sir Luisito na hindi naman niya itinatago sa kahit na sino. Nananatili ang paggalang sa kanya sa school namin lalo na at mabait naman ang kaibigan kong ito.
Silang dalawa ni Ma’am Bridgette ang pinaka-close ko sa mga guro sa eskuwelahan na pinagtuturuan ko. Kaya kahit paano ay palagay ang loob ko kahit na nasa Maynila ako ngayon dahil sila ang kasama ko.
“Ang weird mo, sir!” Napatawa na rin ako at pagkaraan ay nilampasan siya.
Nagtungo ako sa kinaroroonan ng mga gamit namin.
“Hay naku! Sir ka na naman nang sir. Ma’am nga kasi o kaya Luisita!” Bumalik ang pagiging maarte ng kanyang boses habang nakasunod sa akin sa likod.
Umupo siya sa kama habang ako ay kinuha ko naman ang bag ko para kunin ‘yong towel ko at pangtulog. Plano kong magpalit muna ng damit dahil pakiramdam ko ay dumikit ang pabango sa akin ng lalaking iyon.
“Ang bantot naman ng Luisita, Sir.” Pakikisakay ko sa biro niya para makalimutan ang nangyari kanina.
“Grabe ka naman!” Malakas ang naging halakhak niya, na nakuha pa akong hampasin sa braso. Napalakas pa iyon kaya ang makati at mahapdi. Kaya sa huli ay napahaplos na lang ako sa nasaktang braso.
“Oo nga pala kumain na kami, Ma’am Perrie. Nasa mesa ang pagkain mo…” maya-maya ay aniya. “Ano ba kasi ang pinagka-abalahan mo pa? Ang tagal mo.”
Doon ay natigilan ako at muling bumalik ang nangyari kanina kahit na pilit kong kinakalimutan. Lintek! Hindi yata ako patutulugin ng tagpong iyon mamaya.
“Ha? Namasyal lang diyan sa tabi-tabi.” Ako naman ngayon ang kabadong napatawa.
Mariin akong napapikit at napabuntong-hininga. Pagkaraan ay isinabit ko sa balikat ang tuwalya. Eksakto namang lumabas sa banyo si Ma’am Bridgette.
“Oh, nandiyan ka na pala. Kain ka na, Ma’am Perrie.” Nginitian ako ni Ma’am Bridgette nangpupunas pa ng puting tuwalya sa mukha. Basa rin ang ilang hibla ng kanyang buhok.
“Opo. Magpalit lang akong damit.” Itinaas ko ang dalang tuwalya at naglakad papunta sa banyo. Siya naman ay umupo sa kabilang kama.
Hawak ko na ang seradura ng pinto ng bathroom nang muli akong lumingon sa kinaroroonan ni Sir Luisito.
“Oo nga pala, Sir… alam ba ni Ma’am Bridgette na pinakialaman mo na naman ang lipstick niya? Nag-iwan ka pa ng proof sa kuwelyo ng suot mo…” Humalakhak ako pero hindi ko alam kung hindi ba nakakatawa ‘yong biro ko dahil pareho silang natahimik na animo ay nalunok ang sariling mga laway.
Nagkibit na lang ako ng balikat at nagtuloy-tuloy na sa loob.
Natatawa pa rin ako pero unti-unting nawala ang ngisi sa labi ko nang humarap sa salamin at nakita ang sariling repleksyon. Agad na bumagsak ang mga mata ko sa aking labi, kasabay noon ay ang pamumula ng aking pisngi.
Napamura na lang ako sa isip nang tila makita ko mula sa aking balintataw ang pangyayari kanina. Kung paano kinabig ng estrangherong lalaking iyon ang aking batok at walang kaabog-abog na inilapat ang labi sa akin.
Damn! Everything was clear and vivid.
Ano ba ang naisip ng lalaking iyon para halikan ako? Letse! Hindi ba niya alam na first kiss ko ‘yon?! I dreamt my first kiss to be romantic and to do it with the love of my life! Ni hindi nga ako nahalikan noong unang boyfriend ko tapos… tapos mawawala lang nang ganoon?!
Hindi porke’t guwapo siya, macho, mabango ay ang lakas-lakas na ng loob niya!
Mariin akong napapikit at kulang na lang ay iumpog ang ulo sa salamin. Hanggang ngayon ay nararamdaman ko pa rin ang malambot na labi niya sa akin.
Napayuko na lang ako at naghilamos ng mukha. Ang malamig na tubig ay agad kong naramdaman pero hindi ito makatulong para mawala sa isip ang mga nangyari.
“Kailangan mong kalimutan ang lahat, Perrie. Hindi ka pumunta rito para problemahin ang first kiss mong ninakaw.” Tinapik-tapik ko pa ang aking magkabilang pisngi habang nakaharap sa salamin at pinapangaralan ang sarili.
“Nangyari na at hindi na maibabalik, pero ang mga gamit mong naiwan ay may pag-asa pang bumalik.” Kinondisyon ko ang sarili sa kung ano ang gagawin.
Bukas na bukas din ay babalikan ko ang mga gamit ko ro’n sa hallway. Sana lang ay nandoon pa iyon dahil kailangan ko ang cellphone. Mabuti na lang kanina ay nagawa kong tumawag sa mga kapatid ko na naiwan sa probinsya. Iyon nga lang ay hindi ako makakapangamusta sa kanila ngayong gabi.
Bago pa mabulok sa loob ng banyo ay itinuloy ko na ang pasya kung bakit nandito ako sa loob. Naligo na rin ako sa pag-asang makakatulong sa paglimot ng mga hindi kaaya-ayang nangyari kanina.
Yakap ko ang sarili paglabas ng banyo dahil sa lamig ng aircon dito sa loob. Sinalubong ako ng katahimikan. Pagtingin ko ay pareho nang nakahiga sina Sir Luisito at Ma’am Bridgette sa kani-kanilang mga kama.
Nakakapagtakang pareho silang tahimik. Dati nga ay hindi sila nauubusan ng kuwento.
Sa pag-aakalang tulog na sila dahil parehong balot ng kumot ay tahimik na lang akong kumilos. Kumain lang ako saglit, nag-toothbrush at noong makapahinga ay natulog na rin sa tabi ni Ma’am Bridgette.
Kinabukasan ay ako ang pinakamaagang gumising sa aming tatlo. Alas singko pa lang ay mulat na mulat na ang mga mata ko at pagkaraan ng ilang minuto ay saka bumangon para maligo. Plano ko ring balikan ang mga naiwang gamit sa hallway. Magbabaka-sakali kung maabutan ko pa ro’n.
Alas nueve ay dapat nasa conference hall na kami para sa pagtitipon kasama ang iba pang mga guro mula sa iba’t ibang lalawigan. Hindi ko na muna ginising ang dalawa na parang parehong puyat, siguro ay napagod din sa biyahe.
Noong mga alas sais y media na ay saka ko sila ginising at inalok na magkape.
Nagliligpit silang pareho ng kama habang ako naman ay nag-volunteer nang magtimpla ng kape para sa aming tatlo. Nakainom na ako ng kape kaninang madaling araw, pero gusto ko ulit magkape ngayon para sabayan sila.
“Parang may kumakatok? Tingnan mo muna, Sir Luisito este Luisita pala.” Nginisian ni Ma’am Bridgette si Sir Luisito. Nang-aasar.
“Ako na, Ma’am.” Tutal ay ako na rin ang pinakamalapit sa pinto.
Pinunasan ko lang ang aking kamay bago dumiretso na papunta sa pinto. Pagbukas ko ay isang hindi kilalang lalaki ang bumungad sa akin, pero pamilyar ang suot niyang uniporme. Mayroong tatak ng pangalan ng hotel na ito.
“Good morning, Ma’am.” Ngumiti siya sa akin kaya ganoon din ako at saka bumati rin pabalik.
“Yes po, sir?”
“Miss Perrie po?” Bahagya pa akong nagulat nang malaman niya ang pangalan ko.
Hindi ko alam kung tatango ako o ano kahit ako naman ang tinutukoy niya. Bakit kaya?
“Kayo po ba si Miss Perrie? May package lang po para sa inyo.” Napansin niya sigurong nag-aalangan ako kaya iniangat niya ang hawak na paper bag na noon ko lang din napansin.
“O-opo. A-ako nga po.” Kinakabahan pa ako dahil wala naman akong maalalang magpapadala sa akin ng kung ano. Ni wala nga akong kakilalang kamag-anak dito sa Maynila, kung sakali ay hindi naman nila alam na nandito ako.
“Package po para sa inyo.” Pag-uulit niya sa sinabi kanina bago inabot sa akin ang dala.
Nag-alangan pa ako kung kukunin iyon, pero parang wala namang plano ang lalaki na umalis nang hindi naiaabot sa akin ang dala kaya sa huli ay kinuha ko na lang.
“Galing po kanino? Wala po akong inaasahang—”
“‘Wag po kayong mag-alala, Ma’am, na-check naman po namin at walang harmful object sa loob. Salamat po. Have a nice stay in our hotel, Ma’am.” Ngumiti pa siya at yumuko bago tuluyang umalis.
Matagal pa akong natulala sa hawak na paper bag bago isinara ang pinto.
“Ay pusang inasawa!” Nagulat pa ako nang pagharap ko ay si Ma’am Bridgette naman ang nasa harap ko.
Jusko! Bakit ba ang hilig manggulat ng dalawang ‘to?!
“Gulat na gulat lang?” Napatawa ang kaibigan ko. “Magtatanong lang naman kung sino ang kumatok. Ano pala ‘yan?”
Nagbaba ang tingin niya sa hawak kong paper bag. Nagkibit-balikat ako.
“Package daw para sa akin?” hindi pa kumbinsidong sagot ko.
“Ay ang taray!” Sinundot niya ang tagiliran ko. “Hanggang dito naman sa Maynila ay ang haba-haba ang hair mo, Ma’am Perrie. Iba ang alindog ng Mindoreña!” Pang-aasar niya habang sinisilip na ang laman ng hawak ko.
“Dali na, tingnan natin kung ano ‘yan!” Hinila niya ako sa braso hanggang sa makarating kami sa kama.
Inuudyukan niya akong buksan na ito pero diskumpiyado pa ako. Paano kung bomba pala ang laman? Pero ang sabi naman ng hotel staff ay safe naman daw.
“Ikaw na ang maunang maligo, Ma’am Bridgette! Ang bagal mo pa namang kumilos!” Bago ko pa mabuksan ay lumapit din si Sir Luisito.
“Mamaya na. Magkakape pa at makikiusyo pa rin ako kay Ma’am Perrie. Iba ang ganda, may nagpadala na agad ng regalo!” Tuwang-tuwang ibinida niya agad ang nangyari. Kaya sa huli ay umupo rin sa tabi namin ang kapwa guro.
Pareho silang naghihintay at curious sa laman kaya wala akong nagawa kung hindi buksan ito. Pagkaraan ay pare-pareho rin kaming nagulat nang makita ang laman.
“Ano ‘yan? Napkin at cellphone?!” Kulang na lang ay umabot sa kabilang kuwarto ang boses ni Sir Luisito sa sobrang lakas at tinis nito.
Gulat din ako, pero kahit paano ay gumaan ang dibdib ko. Ang laman ng paper bag ay ‘yong cellphone ko na naiwan kagabi, iyon nga lang ay basag na ang tempered glass nito. Bumagsak ba naman kagabi.
Laman din pala nito ‘yong binili kong napkin. Mabuti na nga lang mayroong sanitary napkin na provided ng hotel kaya kahit paano ay hindi ako namroblema kagabi.
“At isang makapal na bungkos ng malulutong na one thousands?!” bulalas naman ni Ma’am Bridgette na halos ihagis sa akin iyong isang bundle na puro isang libo.
Bakit may perang kasama? Iyon din ang pinagtataka ko. Hanggang sa mapansin ko ang isang papel na naiwan sa loob.
Kinuha ko iyon at binasa ang kung anong nakasulat dito.
Your phone is too outdated. Use the money to buy a new one. By the way, I like the taste of your lips. I can’t wait to taste it again. – L.
Pagkatapos mabasa iyon ay agad na nag-init ang aking pisngi. Ang magnanakaw na ‘yon ang nagbalik nito? At ano ang pangalan niya? L? Short for L*bog?! Letse!