NAGULANTANG si Fin dahil sa malakas na paghila ng ina sa unan na nasa uluhan nito. Napahawak naman agad ang dalaga sa kanyang ulo na tumama sa foam na hinihigaan. Walang balak bumangon ang dalaga at hindi din nito pinansin ang mataas na sikat ng araw na tumatama sa kanyang balat. Alam niyang oras ng kanyang pahinga at pwede siyang humilata sa kama kahit ilang oras man ang gustuhin niya. "Anak sinabi ko sa'yo free yourself on weekend, hindi matulog ka buong araw." Inis na wika ng ina nito habang yakap ang unan ni Fin. Walang gana naman nitong ibinaling ang paningin sa kanyang ina at napakamot ng ulo. "Ma naman, pagod na pagod po ako sa nangyari kahapon. Antok na antok din po ako dahil sa nanibago akong pumasok sa trabaho." Hindi naman pinansin ng ina nito ang excuse na ibinigay ni Fin.