Chapter 01
Malamig at banayad ang hangin na nagpapasayaw sa mga sanga ng malalaking puno sa daang tinatahak ng dalaga. Ngunit, habang papalapit siya sa kanyang destinasyon ay unti-unti rin niyang nararamdaman na umiinit na ang kapaligiran. Natatanaw din niya sa 'di kalayuan ang dumaraming mga tao. Isa itong palatandaan na nasa palengke na siya ng kanilang baryo. Mahaba-haba rin ang kanyang nilakad makarating lang dito. Ibang-iba ang tanawing ito kumpara sa mga palayan at malalaking kahoy na nakapalibot sa kanilang tahanan. Tumayo ang dalaga nang matuwid at hinawakan nang mahigpit dala-dalang buslo. Inipon niya ang kanyang lakas nang loob at nagsimulang magbenta.
‘‘Kakanin, kakanin kayo r’yan! Mas masarap pa 'to sa love life n’yo! Kakanin, kakanin kayo r’yan!’’ Masiglang sigaw ng dalaga habang naglalakad sa gilid ng kalsada sa kanilang palengke at nilalako ang kanyang mga panindang kakanin.
Siya si Celeste Makini, Etel ang palayaw sa kanya ng kanyang mga suki sa kakanin. Kasalukuyan siyang nasa labing-pitong taong gulang. Ganito ang araw-araw na pamumuhay niya na siyang ipinagkaloob ng Maykapal sa dalaga. Sa katulad niyang simula bata pa lang na sanay ng magtrabaho, isang biyaya na maituturing ang matamasa ang mga libreng bagay sa mundo. Madalas magbenta si Etel sa mga kalapit lamang na mga bahay-bahay sa kanilang lugar. Ngunit naiiba ang araw na ito dahil naisipan niyang maglako sa palengke. Determinado siyang kumita ngayon nang malaki. Kaya napagpasyahan niya na magpunta sa mainit at maingay na palengke sa kanilang baryo. Habang naglalakad ay abala ang dalaga na ngumingiti sa bawat taong kanyang nakakasalubong. Palinga-linga siya sa paligid at naghahanap ng mga bibili sa kanyang dalang paninda.
Nang sa hindi inaasahan ay napansin niya ang ilang mga taong may dala-dalang mga camera. Naisip niya kaagad na galing ang mga ito sa siyudad at posibleng nag-sho-shooting. Madalas magpunta ang mga taga lungsod sa kanilang bayan dahil sa mga tanawin dito. Kaya ay hindi na nagtataka ang dalaga na makakita ng mga ganitong eksena. Masyadong naging okupado ang kanyang isipan habang nakatitig sa mga naggagandahang kasuotan at magagarang hitsura ng mga taga-syudad. Lalapit pa sana siya upang mas makita ang mga ito sa malapitan nang biglang . . .
‘‘Aray ko po!” napasigaw ang dalaga ng may isang lalaking ubod ng tangkad ang biglaang humatak ng malaki niyang jacket. Walang kahirap-hirap siyang hinila at iniharap ng lalaki.
‘‘Shh! Shut your f*cking mouth. They might find me, idiot!’’ sabi ng lalaki na talagang nagpakulo nang kanyang dugo ‘Siya na nga ang nanghatak at nanguha ng gamit na ’di naman sa kanya ay siya pa ang may ganang magalit!’ Himutok ng dalaga sa kanyang sarili. Kuyom ang kanyang kamay habang galit na tumingala at handang-handa ng sumabog na parang Mayon volcano. Ngunit nang makita niya ang g'wapong mukha ng lalaki ay kaagad siyang nabato sa kanyang kinatatayuan.
‘Oh my goodness!’ Nakaawang ang mga labi ni Etel at titig na titig sa lalaki.
‘‘Z-Zackary . . . D-Devrox?’’
Dilat na dilat ang kanyang mga mata habang nakatitig sa mukha ng pinakamayaman at g'wapong lalaki na matagal na niyang gusto. Nakikita lamang ng dalaga sa mga magazines at d'yaryo ang g'wapo at perpekto mukha ng lalaki. Pero ngayon ay naiiba sapagkat sila ay magkaharap at magkalapit ang katawan. Nakikita niya nang maayos ang matangos na ilong, mala-bakal at matipunong katawan, at higit sa lahat ang sexy skin complexion nito. Idagdag mo pa ang pamatay chicks na height at ang umaapaw na s*x appeal ng lalaking iniidolo. Pakiramdam ni Etel ay maiihi na siya sa sobrang kilig. Para sa kanya na iniidolo ng lubos ang lalaki ay maituturing niyang isang malaking achievement ang insidenteng ito.
‘‘Tsk!’’ Iyan lang ang tanging salita na namutawi mula sa magandang bibig ni Zackary. Nakatingin ang lalaki sa mukha ni Etel na nakabuka ang bibig. Nangunot ang kanyang noo habang nakatitig sa dalagang sumisinghot sa kanya.
‘Bakit parang amoy suka siya? Iyong tipong marinated at amoy Datu Puti. Ito na ba ang bagong pabango ng mga mayayaman ngayon?’ Napapailing na iniisip ni Etel nang masinghot ang maasim na amoy ni Zackary.
‘‘Saan na siya nagpunta?’’ Biglang inagaw ng mga nag-uumpukan na reporters ang atensyon ni Etel. Maykalayuan ang mga ito sa kanila ngunit kahit na paano ay naririnig naman niya dahil sa lakas nang boses ng mga ito.
‘‘Saan na? Nahanap niyo ba?”
Naririnig ng dalaga ang kanilang mga usapan. ‘Si Zack ba ang hinahanap nila?’ Hindi niya mapigilang itanong sa sarili. Habang si Zackary naman ay mas lalong nag sumiksik sa kanya. Kaagad na nilingon ni Etel ang pinanggalingan ng mga boses at sinipat ito nang maigi. Matapos makumpirma ang hinala ay tiningnan naman niya ulit ang mukha ni Zackary na kahit nakakunot-noo ay g'wapo pa rin. Mistula siyang naglalaway sa perpektong mukha na nasa kanyang harapan ngayon. Ang lapit nila sa isa't isa na talagang nagpapakabog nang husto sa kanyang dibdib. Simula nang makita ni Etel ang litrato ni Zackary sa isang magazine ay nagsimula ang tinatago niyang paghanga sa lalaki. Habang sinusubaybayan ang sikat na modelo ay mas lalong lumalalim ang pagka-gusto niya rito.
‘‘Z-Zackary? Omg! Ikaw nga talaga!” sabi ni Etel na halos hindi pa rin ma-i-proseso ang lahat ng nangyayari. Kinusot kusot niya ang kanyang mga mata masigurado lang na hindi siya namamalikmata. Ngunit, napagtanto ni Etel na totoo ang lalaki. Kaya naman ay hindi na niya napigilan ang saya na nadarama. Kaharap niya ngayon ang iniidolo sa totoong buhay. Ito ay talagang nangyayari at 'di na sa sandamakmak na panaginip lang.
‘‘Shh! I said shut up!” pasigaw na bulong ni Zackary sa tainga ni Etel. Ngunit talagang lutang ang dalaga. Nanatiling itong nakatitig sa kanya na tila nawawala sa sarili at panay ang ngiti. Tango lang ito nang tango habang nakangiti na parang baliw.
‘‘P-P'wede bang humingi ng autograph? Kasi alam mo gu—‘’
Halos lumuwa ang mga mata ni Etel sa ginawa ni Zackary na siyang nagpatigil sa kanyang pagsasalita. Itutulak na sana ni Etel palayo si Zackary ngunit hinawakan nito nang mahigpit ang kanyang dalawang mga kamay. Wala ng nagawa ang dalaga nang sakupin ni Zackary ang kanyang mga labi ng walang paalam.
Pilit na sinuway ni Etel ang sarili. Iniisip niyang kahit gaano pa niya kagusto ang lalaki ay hindi pa naman siya ganoon kadesperada. Nagkukumahog siyang itinulak palayo ang lalaki, ngunit mas lalo pa nitong hinigpitan ang kapit sa kanyang dalawang mga kamay. Hindi na niya alam kung ano ang dapat na gagawin.
Naririnig niya rin ang hiyawan ng mga tao sa kanilang paligid. Dahil sa hindi alam ni Etel kung pipikit ba siya o hindi ay nahagip ng kanyang paningin ang mga nang-uuyam na tingin ng mga reporters nang mapadaan na sila malapit sa gawi nila ni Zackary. Tila nandidiri ito sa kanilang mga kasuotan o ’di kaya ay tinitingnan ang likuran ni Zackary.
Hindi rin naglaon ay nawala na ang atensyon ni Etel sa paligid. Matapos ang panandaliang halik ay tanging pagdidikit lamang ng kanilang mga labi ang ginawa ng lalaki. Subalit pakiramdam ni Etel ay halos hindi siya makahinga. Unti-unti ng pumasok sa kanyang sistema ang mga nangyayari. Nanginginig ang kanyang mga kamay nang bitawan ito ng lalaki. Ilang sandali lamang ay natigilan ang dalaga, nagtataka siyang humiwalay sa mga labi ni Zackary. Kunot-noong nakahawak ang dalaga sa kanyang mga labi. Nagtutubig na ang kanyang bibig nang nagsimulang mag-init ang kanyang ilong. Pinilit na ngumiti ni Etel subalit mas nananaig ang hapdi ng kanyang mga labi.
Sinubukan pa niya na 'wag gumawa ng ingay ngunit sadyang nadali siya mismo sa kanyang kahinaan.
‘‘Ahh! Bakit ang anghang? Naman oh! Ang anghang talaga!’’ Umalingawngaw ang mala-baka niyang tinig sa buong palengke na siyang nakakuha ng atensyon ng mga naroon, lalong-lalo na ang mga reporters na naghahanap kay Zackary.
Kaya nang mapagtanto ni Etel ang kanyang nagawa ay unti-unti siyang tumingin kay Zackary. Sa labis na kahihiyan ay tila nais na lamang ng dalaga na lamunin na siya ng lupa. Nang tingnan niya ang mukha ng lalaki ay agad siyang sinalubong ng isang nakamamatay na tingin. Isang makapanindig balahibong death glare na talagang nagpalambot sa kanyang kalamnan. Napalunok ang dalaga at alanganing ngumiti. Napagtanto niya na lang na mukhang magiging katapusan na niya ito. Sadyang lumabas ang kanyang pagiging matatakutin.
‘‘Ahh . . . Pasensya na ho, hehe,’’ saad ni Etel sabay peace sign kay Zackary. Ngunit binigyan lang s'ya nito ng isang nakamamatay na mga titig ulit. Sa sobrang takot ni Etel ay wala na siyang maisip na ibang paraan kung hindi ang tumakbo.
Agad niyang ipinosisyon ang sarili at mabilis na kumilos paalis. Walang kalingon-lingon ang kanyang pagtakbo. Nagpatuloy lang siya sa mabilis na paghakbang ng mga paa niya hanggang sa tuluyan ng maiwan ang mga nagkalat na kakaning paninda sa kalsada. Ngunit bago tuluyang mawala sa paningin ng iba ay nahagip pa nang mga mata ng dalaga ang mga nagkakagulong mga tao roon. Nahahabag siya sa sarili. Siya na nga ang ninakawan ng unang halik, siya pa itong mukhang nahihiya at nagtatago. Habang tumatakbo ay halos mangiyak ngiyak na siya nang maalala ang kanyang mga paninda. Hindi niya alam kung pa'no sasabihin sa ina ang mga nangyari. Hindi na rin niya alam kung saan kukuha ng pera upang ibigay sa mapang-abusong ina.