KABANATA 1

1653 Words
KABANATA 1 TINA   Naalimpungatan ako at naramdaman ko na para bang may nakadagan sa akin. Parang ang sikip at halos hindi ako makagalaw, samantalang mag-isa lang naman ako sa kama ko. Pagbaling ng ulo ko sa kaliwa at pagdilat ng mga mata ko napasigaw ako, sabay tulak sa lalaking nakadagan sa akin. Mabilis ko ring hinatak ang kumot pataas hanggang sa leeg ko gamit ang dalawang kamay ko. Pagmulat kasi ng mga mata ko, nakita ko lang naman ang pagmumukha ni Blake ilang inches lang ang layo sa mukha ko. Nakayakap pa siya sa akin at nakadantay ang isang paa, tapos naka-shorts lang siya. Sino ba namang hindi magugulat? ‘Di ba? Kayo man ‘yon, gano’n din ang magiging reaksyon n’yo panigurado. At dahil kalahati lang naman ng katawan niya ang nasa kama ko, dahil pang isahan lang naman ito at medyo napalakas pa ata ‘yung tulak ko, nalaglag siya sa kama. Pasalamat na lang siya at mababa lang itong kama ko kung hindi ang tindi siguro ng lagapak niya sa sahig. “Aray! Ano’ng ginawa mo?! Can’t you see, I’m sleeping?” reklamo niya habang nakaupo siya sa sahig at hinihimas ang balikat niya. ‘Yon siguro ang tumama sa sahig pagkabagsak niya. Hmp! Buti nga sa kanya! “Eh kasi naman, may sarili ka namang kama, bakit dito ka pa sa kama ko sumisiksik? Pinagmamalaki mo pa na bago at mas malambot ‘yang kama mo pero bakit nandito ka?” pasigaw kong sabi sa kanya habang nakaturo ako kung nasaan ang kama niya. Isang studio type na apartment lang kasi ang tinutuluyan namin. Makapal na kurtina lang ang pinakapader sa pagitan naming dalawa, para kahit papaano naman ay may privacy kami. “Sorry, nag-sleepwalk talaga ‘ko. Malay ko bang naglakad ako papunta d’yan sa kama mo. Tulog nga ‘di ba? Kung gising ako, hinding-hindi ako tatabi sa ‘yo. You’re not my type.” Aba at sumasagot pa siya! Ako na nga itong dinaganan niya at pinerwisyo ang tulog, ako pa itong nilalait-lait niya ngayon? “Ang kapal ng mukha mo! Hindi rin naman kita gusto!” Bakit akala ba niya gusto ko rin siyang katabi?! Bakit hindi niya kasi itali o ikadena ‘yung sarili niya sa kama, nang mapirmi siya roon! Hindi ‘yung ganito na bigla na lang akong magigising, may malaking taong nakadagan sa akin! 5 flat lang ang tangkad ko samantalang siya sa tingin ko’y lagpas 6 feet ang height niya. Mas mahaba pa nga ata siya sa kama ko. Hindi ko nga alam kung paano niya naisingit ‘yung sarili niya sa tabi ko. “Shut up! Ang ingay mo. Matutulog na uli ako. Huwag kang istorbo.” Hinawi niya ‘yung kurtina at lumakad papunta sa kama niya. Humiga siya nang padapa at natulog uli. “Tingnan mo itong taong ito hindi man lang inayos ‘yung kurtina. Feeling naman niya gusto ko siyang makita habang natutulog.”  “Ano’ng binubulong-bulong mo d’yan?!” “Wala, sabi ko sweetdreams,” labas sa ilong na sabi ko. “Bangungutin ka sana,” dugtong ko pero pabulong lang para hindi niya marinig. Dahil ‘di na naman ako makakabalik pa sa pagtulog, inayos ko na lang ‘yung kama ko, at pumunta sa banyo para maghilamos at magsipilyo. Pagkatapos nagsuklay ako at itinirintas  ‘tong mahaba kong buhok. Paglabas ko ng banyo diretso na ako sa munting kusina namin. Oo munti, kasi maliit lang ‘tong kwarto, kaya ‘yung mga gamit namin dito kaunti lang. Pang-dalawahang tao lang talaga. Nagpakulo na ako ng tubig sa takure. Hindi kasi kumpleto ang araw ko ‘pag ‘di ako nag-kape sa umaga. Pagkakulo, kumuha ako ng tasa at nilagyan ng mainit na tubig, tapos umupo na ako sa upuan na nasa tabi ng maliit na lamesa, na nakapwesto sa tabi ng pader sa may paanan ng mga kama namin ni Blake. Sa ibabaw ng lamesa nakapatong ‘yung mga lalagyan ng kape, asukal at creamer na dating pinaglagayan ng mga palaman. Alam n’yo na, para tipid. Sayang naman kung bibili pa ako ng bagong lalagyan. Mag-recycle at reuse hanggang maaari. Kawawa naman si mother earth. Nilagyan ko ‘yung tasa ko ng isang kutsaritang kape, dalawang kutsaritang asukal at creamer, at hinalo ito. Hihigop na sana ako ng mainit na kape nang may isang animal na naman ang nanggulo na nananahimik kong mundo. “Uy, uy...” nakangusong sabi ko. Hinawakan kasi ni Blake ‘yung tasa ng kape ko at kinuha sa akin. Hindi ako makapaniwalang napatingin sa kanya. Ay grabe! Napailing ako. Anong klaseng kamay kaya meron siya? ‘Di man lang napaso? Ang init kaya ng tasa. Pagkakuha niya sa akin ng kape ko, sabay inom! “Aba! Nauna ka pa talaga sa akin ‘no?! Try mo kayang magtimpla ng sarili mong kape at saka teka, hindi ba sabi mo matutulog ka uli? Ano’ng ginagawa mo rito sa kusina?" Pasigaw kong sabi sa kanya. Nag-iinit na talaga ang ulo ko sa kanya. Mas mainit pa sa kape kong hawak niya. “Dami mo namang sinasabi. Ano’ng magagawa mo hindi na rin ako makatulog ‘tsaka ang ingay mo kayang maghalo ng kape. Paano ako makakatulog? At ang damot mo rin 'no? Parang kape lang ayaw mong mag-share.” Aba at nangatwiran pa talaga?! Siya pa galit! Siya na nga itong nanguha ng kape ng may kape, siya pa ang may ganang magalit! Kanina mainit lang ang ulo ko ngayon pinakukulo na niya ang dugo ko! “Alam mo ikaw rin eh, ang dami mo ring sinasabi. Ayan na nga o, hawak mo na ‘yung tasa, at naka-inom ka na nga ng KA-PE KO eh…” Pinagkadiinan ko talaga ‘yung pagkakasabi ng kape ko. “Nagrereklamo ka pa? ‘Tsaka masarap naman hindi ba?! Sabi kasi nila kapag hinalo mo raw nang maingay ‘yung kape, mas sasarap daw. O cge inom ka pa uli. Damihan mo ha? Ubusin mo na rin."   “Talaga?!” At naniwala naman siya. Uminom nga ulit ang mokong. “Oo nga ‘no.” Ay ang paniwalain nga naman. Eh kung sabihin ko kaya sa kanya na tatalino siya ‘pag naglagay siya ng brief sa ulo habang natutulog, maniniwala kaya siya? Napangisi ako sa kalokohang naisip ko. Ma-try nga minsan, tapos kukuhanan ko siya ng picture habang natutulog. Malay, baka may mapag-gamitan ako sa future. Pwede kong ipang-blackmail sa kanya sa tuwing may gagawin siyang kalokohan sa akin. Ay kaso wala nga palang camera ‘yung phone ko. Hiramin ko kaya ‘yung camera ni Mia, total hindi naman niya ginagamit? Babalik ko naman kapag na-picture-an ko na ‘tong mokong na ‘to. Tama! Gano’n nga! “Nginingiti-ngiti mo d’yan? Akala mo naman naniwala ako sa ‘yo.” Leche talaga siya! Siya na ngayon ang nakangisi at hindi na ako. Bwisit talaga! Basag trip! Sarap niya buhusan ng mainit na tubig! “Salamat sa kape.” Aba, marunong din naman pala siyang magpasalamat, kaso pagkatapos niyang mag-kape nilagay niya lang ‘yung tasa sa lababo. Aba magaling. Ubod ng galing. So, ano ‘yon, lilinis mag-isa ‘yung tasa? Maglalakad pabalik sa tauban? Kay galing talaga. “Uy, hugasan mo ‘yang pinag-inuman mo!” utos ko sa kanya. “Oo, sige, mamaya. I’ll take a shower first,” sabi niya sabay kuha ng towel at pasok sa banyo. “Naku ganyan ka naman palagi eh, sasabihin mo oo, mamaya na, may gagawin muna ako, pero ang ending hindi mo naman gagawin at ako rin ang gagawa. Hindi mo ako katulong dito ha! Buti pa nga ‘yung katulong may sweldo, ako wala! Swelduhan mo na kaya ako nang matuwa naman ako sa iyo!” Habang naglilitanya ako, bigla kong naalala na maliligo nga pala siya, kaya kinatok ko siya sa banyo. “Uy, huwag mong ubusin ‘yung tubig sa drum ha! Maliligo rin ako! ‘Tsaka pwede pakilinis ‘yung banyo pagkatapos gamitin!” May oras kasi ang tubig dito sa amin, kaya nag-iipon kami. At ugali rin kasi niyang iwan nang madumi ‘yung banyo, syempre ang ending ako na naman ang gagawa. Feeling senyorito! Alam ko anak mayaman siya, at sanay siya na may naglilinis para sa kanya pero ibahin niya rito. Hindi lang dapat kami sa renta magkahati, pati dapat sa gawaing-bahay. Hay, kung hindi lang talaga kulang ‘yung sweldo ko at ‘yung padala nina Itay, hindi ko siya pagtyatyagaan! Diyos ko kahit ata anghel magkakasala at tutubuan ng sungay dahil sa ugali ng lalaking ito! Gusto niyo malaman ang buong kwento kung bakit kasama ko 'tong mokong na ‘to at pinagtyatyagaan ko ang magaspang na pag-uugali niya? Sige ikwekwento ko sa inyo. Ganito kasi ‘yon. ANNOUNCEMENT: VOTE FOR MY STORY - LIVING UNDER THE SAME ROOF BOOK 1 PWEDE PO BA AKONG MAG-LAMBING SA INYO? PWEDE N'YO PO BANG I-VOTE ITONG STORY KO. KAPAG NASAMA PO SA TOP 200 NA MAY HIGHEST NUMBER OF VOTES 'YUNG STORY, MAGKAKAROON PO NG MAGANDANG PROMOTION 'YUNG BOOK KO DITO SA DREAME. KAPAG SA TOP 3 NAMAN PO MAY CHANCE NA MA-PUBLISH AS PHYSICAL BOOK. SA MGA MAGVO-VOTE PO MAY REWARD DIN PO PARA SA INYO. LAHAT PO NG MAG-VO-VOTE MAY CHANCE PO NA MAKATANGGAP NG BONUSES GALING SA DREAME. ^_^ HINDI LANG PO KAMING WRITERS ANG MAY CHANCE NA MAGKA-REWARD, KAYO RIN PO. ANG GAGAWIN N'YO LANG PO AY I-CLICK ANG GIFT ICON THEN CLICK REWARD PARA MAKA-VOTE. 1 VOTE PER DAY PO AT HANGGANG AUGUST 21 PO ITO.  KUNG WALA PO KAYONG MAKITA NA GIFT ICON, I-UPDATE NYO LANG PO MUNA 'YUNG APP PARA MAKA-VOTE NA KAYO. THANK YOU SO MUCH PO SA LAHAT NA MAGVO-VOTE!! ^__^
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD