KABANATA 3
BLAKE
Habang nasa canteen kami ng mga kaibigan ko at patambol-tambol ako sa lamesa gamit and dalawang lapis, rinig na rinig ko ‘yung malakas na tawa nitong si Tina na. Ang sakit niya sa tenga.
“Oo! Nakakatawa talaga ‘yon! Sinusubaybayan ko kaya ‘yon! Oo tama! Oo! ‘Yung scene na ‘yon! Favorite ko ‘yon! Ang kulit kasi ng bestfriend ng bida!” Ang lakas ng boses ni Tina. Kulang na lang malaman ng buong school lahat ng palabas sa TV na pinapanood niya. Kung hampasin pa niya ‘yung kausap niya, parang mapipilasan na ng balikat sa sobrang lakas.
“Hoy Blake, balita ko babae raw ‘yung roommate mo? Maganda ba? Ha? Pre, sexy ba?” Nagulat ako nang magtanong si Justin. Paano niya nalaman na lumipat na ‘ko ng bahay?
“Oo nga pare. Pakilala mo naman kami,” hirit naman nitong si Pete.
“Pupusta ako pare nakuha na ni Blake ‘yon. ‘Tong si Blake pa! Ang bilis pagdating sa babae.” Ano’ng pinagsasasabi nitong si Justin? ‘Di ako mabilis sa babae dahil kahit hindi ako kumilos, babae na ang lumalapit sa akin. At kung alam lang nila, wala akong balak patulan ‘tong si Tina. Wala akong balak na magkaroon ng pangalawang ina. Mas malala pa siyang manermon kaysa kay Mommy. Konti na nga lang papantay na siya kay Dad dahil sa lahat na lang ng bagay may reklamo siya.
“Sino naman nagsabi niyan sa inyo?”
“Si Tommy,” sabay nilang sagot. Loko talagang Tommy ‘yon. Binilin ko sa kanya na ‘wag niyang ipagsasabi, dahil ayokong malaman nitong dalawa kung sino’ng kasama ko dahil matinding pang-aasar ang aabutin ko sa kanila.
“Ang kati talaga ng dila niyang si Tommy. Oo pare, maganda, ang laki pa ng ano…” sumensyas ako sa dibdib, “…matangkad ‘tsaka parang labanos sa puti ng roommate ko, pero sorry mga ‘tol akin na ‘yon, kaya ‘di ko ipapakilala sa inyo.”
Sa gitna ng usapan namin biglang dumating si Tommy at naupo sa harapan ko. “Nandyan lang si Tina, bakit ‘di mo na lang ipakilala sa kanila?”
“Pare, panira ka talaga!” Sinigawan ko si Tommy.
“Bakit ba kasi ayaw mo ipaalam sa kanila? Okay naman si Tina. Maingay lang pero ayos naman.”
“Sino bang Tina ‘yan? Nasaan?” Tumayo pa si Justin at nilibot ang tingin sa loob ng canteen.
Pagkaturo ni Tommy sa kanila kung nasaan si Tina, ito namang si Tina biglang tumawa nang malakas na halos makita ko na ‘yung ngala-ngala.
“Blake iba na ata ibig sabihin ng matangkad at maputi sa ‘yo.” Maliit kasi talaga si Tina ‘tsaka morena. “Sa isa ka lang ata tumama. Malaki nga… malaki ‘yung bibig niya,” sabi ni Pete sabay tawa.
“Huwag kang ganyan Pete. Mukhang masaya naman si Blake sa kanya. Halos perfect na sa paningin niya eh. Blake, in love ka ‘no?” sabi ni Justin habang nakaakbay sa ‘kin.
“Magtigil nga kayo. Pansamantala lang ‘to. Hindi ko pagtyatyagaang makasama nang matagal ‘yang babaeng ‘yan. Umaga pa lang ang ingay-ingay na. Araw-araw ata kaming nagtatalo niyan.”
“Huwag kang magsalita nang tapos Blake. Sabi nga nila, the more you hate, the more you love. Baka malaman na lang namin, kayo na,” gatong pa nitong si Tommy.
“Yan?! ‘Di na.” Pailing-iling kong sagot.
Nagtatawanan sila nang mag-ring ang phone ko.
"Hello. No, I'm not coming back. I can't stay there. No, erase that. I don't wanna stay there. I’m sorry. Don't worry about me. I'm okay. I can take care of myself. Yeah, I love you too.”
"Mommy mo?" Tanong ni Justin pagkatapos naming mag-usap ni Mommy.
“Yeah. Pinababalik na ‘ko sa bahay pero ayoko. ‘Di ko talaga matagalan si Dad. Okay naman ‘yung grades ko last sem. Hindi naman bagsak. Hindi lang talaga siya marunong makuntento, tapos nalaman pa niya ‘yung tungkol sa gigs natin. Ayun, nagalit. Mag-banda na lang daw ako at tingnan ko raw kung kaya akong buhayin ng katiting na kita sa pagtugtog,” inis na sabi ko. Kapag naaalala ko na kinuha niya lahat sa ‘kin; ‘yung condo, kotse, credit card, naiisip ko na gusto niya talagang mahirapan ako. Nag-iisang anak nila ‘ko, at alam kong sobrang taas ng expectations ni Dad sa ‘kin, pero sana maintindihan niya na binibigay ko naman lahat ng kaya ko.
“Yaan mo pre. Maayos din ‘yan.” Tinapik ako sa balikat ni Pete.
“O saan tayo ngayon?” Ayoko nang pag-usapan pa ‘yung problema ko kaya iniba ko ang usapan.
“Doon na lang sa tambayan. Maaga pa naman. Practice tayo para sa gig mamaya.”
Hilig naming magkakaibigan ang tumugtog, kaya naisipan naming bumuo ng banda. Ako ang lead vocal at guitarist. Si Tommy ang sa drums. Si Pete ang sa bass at Justin sa organ. Isang beses sa isang linggo may regular na gig kami at ‘yon ang kinagagalit ni Dad sa ‘kin. Libangan ko lang naman ang pagtugtog kasama ng mga kaibigan ko. Wala naman akong balak na talikuran ang obligasyon ko sa kumpanya once na maka-graduate ako. Pero iniisip agad ni Dad na napapabayaan ko raw ang pag-aaral ko nang dahil sa pagtugtog. Hindi ko maintindihan kung bakit hindi niya magawang suportahan ang hilig ko? Bakit hindi niya makita na masaya ako sa ginagawa ko? Hindi ko naman pinapabayaan ang pag-aaral ko at siya lang naman ang nag-iisip ng gano’n. Sana minsan suportahan naman niya ako sa gusto ko. Pangarap ko ngang kahit isang beses lang mapanuod niya akong tumugtog. Pero malabo na ata ‘yon at hanggang pangarap na lang.
TINA
Sobrang himbing na ng tulog ko nang marinig kong may kumakatok sa pinto. Halos gibain na niya ‘yung pinto sa lakas ng pagkatok niya. Kinuha ko ‘yung cellphone ko para tingnan kung anong oras na. Alas-tres na pala nang madaling araw.
Isang malakas na katok na naman ang narinig ko. “Teka lang! Sino ba ‘yan?! Anong oras na nambubulahaw pa!” Sino nga kaya ‘tong nanggigimbala ng tulog ko? Hindi ko naisip si Blake dahil alam kong may sarili siyang kopya ng susi nitong apartment.
Bumangon ako at binuksan ang ilaw bago ko binuksan ang pintuan. Laking gulat ko nang pagbukas ko ng pinto, isang Blake na lasing na lasing ang bumungad sa akin.
“Ang tagal mo naman magbukas ng pinto!” Aba at sinigawan pa ako! Tadyakan ko kaya ‘to, at tingnan natin kung makatayo pa siya. Pasalamat nga siya bumangon pa ako para pagbuksan siya, kung hindi, sa labas siya matutulog at ipaghehele ng mga lamok.
“Eh anong oras na po kasi. Malamang tulog na ako. ‘Tsaka bakit ka naglasing? Ang baho mo tuloy, amoy alak ka.” Inalalayan ko na siya para makapasok, kasi halos hindi na siya makalakad sa labis na kalasingan. Palaisipan nga sa akin kung paano pa siya nakauwi rito.
“Di ako lasing! Nakainom lang!” reklamo niya. “Huwag mo na ‘ko alalayan. Kaya ko sarili ko!”
“O sige. Eh ‘di ‘wag!” Ayaw niya magpatulong? Madali ako kausap. Binitawan ko siya kaya bigla siyang napaupo sa sahig. Hindi ko alam kung matatawa ba ako sa itsura niya o maaawa sa kanya. Ang yabang niya kasi eh. Ayaw pa magpatulong, hindi naman niya kaya.
“Bakit mo ‘ko binitawan?!” Aba! Akala ko ba sabi niya huwag ko na siya alalayan? Tapos ngayon galit siya? Kahit lasing pala siya mahirap pa rin siya kausap.
“Sabi mo eh. Masunurin lang naman ako.” Tiningnan ko siya. Mukha talaga siyang kawawa sa ayos niya kaya nahabag naman ako. “Hay, halika na nga. Tumayo ka na d’yan.” Hinawakan ko siya sa braso at hinila ko siya pataas. Buti naman at nagawa niya pang tumayo. Ipinatong ko sa balikat ko ‘yung braso niya, at nahirapan talaga ako sa kanya kasi ang laki niyang tao, at ang laki pa ng katawan niya. Buti na lang malapit sa may pintuan ‘yung kama niya kaya. Dinala ko siya roon para sa kama na siya mahiga.
Ako na rin ang nagtanggal ng sapatos niya para hindi madumihan ang sapin ng kama niya. Hay… First time ko mag-aalaga ng lasing. Kahit ayokong gawin, isa-isa kong tinanggal ‘yung botones ng polo niya. Ang baho kasi. Amoy alak at parang may halong amoy suka pa. Nakakaawa naman kung patutulugin ko siya nang hindi man lang napapalitan ng damit.
Wala naman siyang imik at ‘di nagrereklamo. Siguro nakatulog na. Nang matanggal ko na lahat ng botones ng damit niya, lumantad na naman sa akin ang maganda niyang pangangatawan na ‘di ko maiwasang tingnan. In fairness ang ganda talaga at hindi ko mapigilang humanga. Tiningnan ko siya sa mukha. Ang gwapo pa rin niya kahit tulog. Mukhang mabait. Hay, Tina...Tina...Tina... magtigil ka. Tapusin mo na lang ang mga dapat mong gawin at bumalik ka na sa pagtulog. Nang matanggal ko na ang damit niya na sobra akong nahirapan dahil ang bigat niya, kumuha na ako ng tubig at bimpo para punasan siya. Kumuha na rin ako ng damit na pamalit niya. “Hay, Blake isasama ko sa listahan ng mga utang mo ito ha? Dapat bayaran mo ang labor ko. Mahirap ‘tong ginagawa ko.” Habang idinadampi ko ang bimpo sa katawan niya, naramdaman ko ang init ng katawan niya. Pati tuloy ako nainitan. Napakamot ako sa ulo ko. “Teka hindi naman ako nakainom ah.” Napabuga ako ng hangin “Ako ba ay naiinitan dahil sa mainit talaga o dahil dito sa lalaking nasa harapan ko?” Teka! Ano na naman ba ‘tong pinagsasasabi ko? Napailing ako. “Erase, erase.”
Sinusuotan ko na siya ng t-shirt nang bigla siyang magsalita habang nakapikit pa rin siya. “Nag-sleep walk na nga, nag-sleep talk pa.”
“Bakit ba galit na galit ka sa ‘kin?”
“Ha? Ako? Galit? Well... minsan kasi antipatiko ka.”
“Ginagawa ko naman lahat para mapasaya ka. Sana minsan mapansin mo naman ‘yung mga magandang bagay na ginagawa ko. ‘Di yung puro mali ko.”
“Ha? Naguguluhan ako sa ‘yo. Para mapasaya ako? Nagpapapansin ka ba sa akin? Weh... ‘Di nga?”
“Pangarap ko nga na mapanuod mo akong tumugtog, tapos kakantahin ko ‘yung paborito mong kanta, tapos makikita kong ngingiti ka at magiging proud ka sa ‘kin.”
Totoo ba 'tong mga naririnig ko? Nagtatapat ba siya sa akin ng pag-ibig niya? Sabi pa naman ng iba kapag lasing daw ang tao, malakas ang loob na magsabi ng mga bagay na hindi niya masabi kapag hindi siya lasing. Pero si Blake? Type ako? Ganda ko naman!
Nang tingnan ko ‘yung mukha niya may umagos na luha mula sa mata niya. Umiiyak siya?! Teka! Ganoon niya ba ako kagusto? Ganoon ba niya kagusto na mapansin ko siya? Napaupo ako sa kama ko. Hindi kinaya ng katawang lupa ko ‘yung mga narinig ko. Kailan pa nagsimula ‘to?! Bigla akong napahawak sa dibdib ko. Ang bilis ng t***k ng puso ko. Napatingin uli ako kay Blake. Anong sumpa ‘tong binigay mo sa akin? Bakit nagkakaganito ako?
ANNOUNCEMENT: VOTE FOR MY STORY - LIVING UNDER THE SAME ROOF BOOK 1
PWEDE PO BA AKONG MAG-LAMBING SA INYO? PWEDE N'YO PO BANG I-VOTE ITONG STORY KO. KAPAG NASAMA PO SA TOP 200 NA MAY HIGHEST NUMBER OF VOTES 'YUNG STORY, MAGKAKAROON PO NG MAGANDANG PROMOTION 'YUNG BOOK KO DITO SA DREAME. KAPAG SA TOP 3 NAMAN PO MAY CHANCE NA MA-PUBLISH AS PHYSICAL BOOK.
SA MGA MAGVO-VOTE PO MAY REWARD DIN PO PARA SA INYO. LAHAT PO NG MAG-VO-VOTE MAY CHANCE PO NA MAKATANGGAP NG BONUSES GALING SA DREAME. ^_^ HINDI LANG PO KAMING WRITERS ANG MAY CHANCE NA MAGKA-REWARD, KAYO RIN PO.
ANG GAGAWIN N'YO LANG PO AY I-CLICK ANG GIFT ICON THEN CLICK REWARD PARA MAKA-VOTE. 1 VOTE PER DAY PO AT HANGGANG AUGUST 21 PO ITO.
KUNG WALA PO KAYONG MAKITA NA GIFT ICON, I-UPDATE NYO LANG PO MUNA 'YUNG APP PARA MAKA-VOTE NA KAYO.
THANK YOU SO MUCH PO SA LAHAT NA MAGVO-VOTE!! ^__^